Thursday, December 23, 2010

“Tengkyu, tengkyu, ambabait ninyo, tengkyu!”

“Sa may bahay ang aming bati, Meri Krismas wawawalhati!”

Malamang ay pamilyar kayo sa linyang ito. Ito kasi ang madalas na inaawit ng mga bata sa tuwing mangangaroling sila sa mga bahay-bahay tuwing nalalapit ang pagsapit ng Pasko. Isa sa mga nakaugaliang tradisyon dito sa Pilipinas ay ang pangangaroling ng mga bata. Hindi na baleng sintunado kang kumanta o mali-mali ang linya, ang mahalaga ay maabutan ka kahit piso o maski beintesingko sentimos lang noon ang ibigay mo ay ayos na. Ikaw, naranasan mo bang mangaroling kasama ng mga kalaro mo noon?

Pansin n’yo ba? Ganito madalas ‘yung buong lyrics ng medley na kinakanta ng mga bata:

(Bibilang muna ng one, two, three!)… “Sa may bahay ang aming bati. Meri Krismas wawawalhati (na maluwalhati). Ang pag-ibig ‘pag s’yang naghari. Araw-araw ay magiging Pasko lagi. Ang sanhi po ng pamparito (pagparito), hihingi po ng aginaldo. Kung sakaling kami’y perwisyo, pasens’ya na kayo kami’y namamasko (wala nang bwelo-bwelo o hinga-hinga pa, sunod kaagad ‘yung ikalawang kanta!) we wish you a Meri Krismas, we wish you a Meri Krismas (dalawang “we wish you” lang talaga ang madalas na kinakanta imbis na tatlo) and a Happy New Year. (bwelo nang kaunti, inhale-exhale muna) Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kay saya. Nagluto ang ate ng manok na tinola. Sa bahay ng kuya ay merong litsunan pa. Ang bawat tahanan may handang iba’t iba. Tayo na giliw, magsalo na tayo. Meron na tayong tinapay at keso. ‘Di ba Noche Buena sa gabing ito at bukas ay araw ng Pasko. (aawit ng isa pa kapag wala pa ring nag-aabot)
At kapag naabutan na ay ihihirit ang universal song na “tengkyu, tengkyu, ambabait ninyo, tengkyu!”.

Pagdating naman sa mga instrumento, hindi problema ‘yan. Maaari ka kasing maghalungkat ng mga kagamitan sa mga basurahan. Tansan at alambreng kinakalawang, lumang lata ng gatas na iniipis pa, plastik, goma o lubid at stick na medyo mahaba para pwedeng gawing drumstick. Ilan lang ‘yan sa mga maaaring gawing instrumento. Yupiin at butasan lang ang mga tansan at isaksak paikot ang alambre para magmukhang tambourine. Alisin naman ang takip ng lata at ilagay ang binanat o in-istretch na plastik para magmukhang tambol. Presto! Pwede ka nang mambulahaw sa mga bahay-bahay!

Minsan na rin kaming nangaroling ng mga pinsan ko noon pero hindi kami nagpakalayu-layo. Sa mga kalapit-bahay lang nila kami nangaroling dahil hindi kami pinapayagang lumayo at baka daw lamunin kami ng ipu-ipo (Oo, ipu-ipo ang panakot sa aming magpipinsan noon.). At nagkataon namang kamag-anak namin ‘yung mga kalapit-bahay nila kaya lagi kaming merong piso! Ayos, ‘di ba? Parang trip-trip lang ‘yung ginawa namin, masabi lang na nangaroling at naabutan ng piso. Pero okay na rin ‘yun, at least hindi “Patatawarin!” ang sagot na matatanggap namin at wala silang maririnig na “Ambabarat ninyo tengkyu!” mula sa amin.

Friday, December 17, 2010

Luto-lutuan: Paboritong laro ni Nene noon

Isa na siguro ang luto-lutuan sa pinaka-popular na laro ng mga batang babae noon bukod pa sa manika. Simple lang ang kailangan sa larong ito. Kung may pera kayo ay maaaring makabili ng cooking toy set sa mga palengke at malls. Makabibili ng mga laruang kagamitan sa pagluluto na yari sa plastik tulad ng kutsilyo, pinggan, kaldero, kalan, at iba pa. Meron pang plastik na sunny side up na itlog, plastik na hotdog, iba’t ibang uri ng plastik na gulay at kung anu-ano pang plastik na pagkain. Pero maaari ding makapaglaro nito gamit ang ilang plastik na lalagyan na mapupulot sa tabi-tabi tulad ng plastik containers at kung anu-ano pa. Para naman sa sahog o sangkap ng lulutuin “kuno” ay maaaring makakuha ng mga dahon sa tanim na bulaklak ni nanay, basta’t huwag lamang papahuli sa kanya at iligpit lamang ang mga kalat n’yo pagkatapos maglaro.

Kadalasan ay magkaugnay ang larong ito sa isa pang laro, ang bahay-bayahan. Kung may bahay, s’yempre may pamilya (malimit ay tatay-tatayan, nanay-nanayan at anak-anakan ang drama sa laro), at kung may pamilya, s’yempre may kain-kainan at luto-lutuan.

Sa totoo lang ay nakakapaglaro din ako ng luto-lutuan noong bata, lalo na kapag ang kalaro ko ay ‘yung pinsan kong babae na maganda. Madalas kasi ako sa bahay nila noon dahil doon ako iniiwan ng aking mga magulang kapag nagtatrabaho sila (Alangan namang yayain ko s’yang maglaro ng robot-robotan, ‘di ba?). Minsan ay sumasali rin ang iba ko pang mga kalaro at pinsang lalake sa amin. Kalimitan naming sangkap sa luto-lutuan ay mga dahon ng santan, damo sa tabi-tabi, mga bato, lupa, at ‘yung halaman na hindi ko matandaan ang pangalan (Kapag hinila mo ay matitira ‘yung parang tangkay nito at lalabas ‘yung maliliit na butil na kulay green. Ito ang nagsisilbing kanin namin sa laro. Basta. Hehe.) Sinubukan din naming magluto-lutuan to the next level noon. Nagpapakulo kami ng tubig na nakalagay sa lumang lata ng ice cream gamit ang totoong apoy at kunyari ay nilalaga namin ang mga dahon at iba pang sangkap. Bihira lang kaming mag-to the next level dahil pinapagalitan kami kapag naglalaro ng apoy (literally ha, hindi ‘yung paglalaro ng apoy na naiisip n’yo. LOL.)

Tuesday, December 14, 2010

Aratilis: Nakatikim ka na ba nito?

Aratilis. Aratiles. Alatiris. Mansanitas. Scientific name: Muntingia calabura. (Muntanga lang. LOL.) Ano pa man ang tawag sa kanya, isa lang ang sigurado: Isa ito sa mga naging paboritong meryenda ng mga batang mahilig magsiakyat sa mga punongkahoy. Ang aratilis ay kahawig ng isang cherry ngunit mas maliit pa dito. Ang ubod ng pulang aratilis ay madalas na naglalaman ng malaput-lapot at matamis na buto, at ang hilaw naman na aratilis ay kulay berde at mapakla.

May iba’t ibang paraan sa pagkain ng aratilis. Maaari itong ibabad sa yelo at kainin nang malamig. May mga nagsasabing masarap daw ito kung paisa-isa ang kain dahil kung maramihan ay nakakaumay. ‘Yung pinsan ko nga, hinahalo ang aratilis sa ice candy na Milo.

Gaano man karami ang paraan sa pagkain nito, sa totoo lang, hindi pa ako nakatikim nito. Marami akong napupuntahang lugar noon na may puno ng aratilis (tulad ng sa bakuran ng lola ko at sa may kumbento ng simbahan ng Polo sa Valenzuela) pero hindi ako nag-attempt na tikman ito, at hindi rin kasi ako marunong umakyat ng puno noon.

Ikaw, nakatikim ka na ba ng aratilis? Ano ang lasa?

Saturday, December 11, 2010

Pinapatulog ka ba tuwing hapon noong bata ka?


Normal na sa mga bata ang maglaro nang maglaro nang walang tigil sa buong araw at hindi inaalala ang mga problema sa buhay. Kaya naman isa na siguro sa pinaka-ayaw na gawain ng isang aktibong bata noon ang matulog sa hapon. Sa gitna ba naman ng masarap na paglalaro mo ay bigla kang patutulugin ng iyong nanay o mas nakatatanda. At ang pinaka-popular na dahilan kung bakit tayo pinatutulog ay para daw tayo tumangkad. Naniniwala ka ba dito?


Noong bata pa ako, palaging may kapalit ang pagtulog naming magpipinsan tuwing hapon. Ang sino mang matulog sa hapon ay isasama ng aming auntie sa pamamasyal sa Tawiran (Nakalimutan ko na kung saan banda ito, sa Bulacan ata.). Sa panahong wala pang internet at kung anu-ano pang sikat na game consoles, sino ba naman ang ayaw sumama sa pamamasyal, ‘di ba? Kaya ang ginagawa namin kapag hindi kami nakatulog ng hapon ay gugusutin namin ang aming mga buhok at babasahin ng kaunti ang mata kapag dumating si auntie para kunyari ay kagigising lang namin. Minsan naman ‘yung isa kong pinsan ay kukuha ng kulangot sa ilong n’ya at ilalagay sa gilid ng mata para kunyari ito ay muta. Kung hindi naman gumagala ay nagmemeryenda kami ng Rebisco sandwich at nakaplastik na Sarsi o Pop Cola sa tindahan nina auntie pagkagising.

Dahil sa dami ngayon ng pagkaka-abalahan ng isang bata (OL games, internet, etc.) ewan ko na lang kung may bata pang mangangahas na matulog sa hapon.

Monday, December 6, 2010

Family Kwarta O Kahon: Naaalala mo pa ba ang game show na ito?

Sino nga ba ang hindi makakalimot sa show na Family Kwarta O Kahon na ineere ng RPN 9 ng live tuwing ika-alas dose ng tanghali ng Linggo? Kung trip mo pa silang mapanood ng live, maaari kang pumunta sa may foodcourt ng SM North Edsa noon dahil doon sila mismo nagtatanghal. Ang show na ito ay pinangungunahan ng batikang host noon na si Pepe Pimentel kasama ang anak niyang si Lito Pimentel at sina Pinky Marquez, Encar Benedicto at Marissa Sanchez.

Nakilala ang show na ito dahil sa mga nakakaaliw na pa-contest nila. Isa na rito ang popular na Roleta Ng Kapalaran na sponsored ng Yakult (At sa tuwing umiinom ako ng Yakult ay lagi kong naaalala ang palabas na ito.). Isa pang palaro nila ay ‘yung Kwarta O Kahon mismo kung saan ito ang larong naging basehan ng mga sumunod na noontime shows sa kanila tulad ng Magandang Tanghali Bayan at Eat Bulaga sa paggawa ng kanilang mga segment noon na tulad ng Pera O Bayong at Laban O Bawi, ayon sa pagkakasunod.

At sino nga ba ang hindi makakalimot sa mga popular nilang sponsors noon? Bukod sa inuming Yakult at SM City, nariyan din ang sapatos na Advan, ang Unipak at Orocan na laging pinasasalamatan ng mga hosts sa kalagitnaan ng show.

At ayon sa aking pagsasaliksik, umabot pala ng tatlumpu’t walong taon (38 years) ang show na ito, mula 1962 hanggang 2000.

Thursday, December 2, 2010

Pinangarap mo bang magkaroon ng ganitong pencil case?

Bago sumapit ang pasukan, maraming bata na ang laman ng mga tindahan ng school supplies upang bumili ng kanilang mga gamit sa eskwela. Usong uso pa sa atin ang last minute shopping kaya naman dagsa ang mga batang bumibili ng kanilang mga bagong gamit pang-eskwela na ipagmamayabang nila sa kanilang mga kaklase sa unang araw ng pasukan. Bag, ballpen, gunting, pandikit, notebook, at kung anu-ano pa. Bibilhin ang lahat ng pwedeng bilhin maski hindi naman talaga kailangan sa eskwela. Pero isa sa pinakasikat na gamit pang-eskwela ay ang pencil case. Kadalasan ay mga elementary students ang bumibili ng ganitong klaseng pencil case na may makukulay na designs pa.

Maraming klase ng pencil case ang maaaring mabili. Pero isa sa pinakagusto ng mga bata ang pencil case na maraming compartments o ‘yung maraming pwedeng paglagyan ng kung anu-anong bagay. Bukod sa lapis at panulat, ang “hi-tech” pencil case na ito ay merong built-in sharpener sa gilid, may mini calendar na nakadikit sa pintuan ng case, may mini-maze game at kung anu-ano pang maisip na compartment. Meron pa ngang magnifying glass at thermometer ang iba nito.

Una kong nakita ang ganitong pencil case sa mayaman kong classmate noong grade 2. Nainggit ako sa ganda ng kanyang “Honey & Amy” Pencil Case (tatak ng pencil case) dahil bukod sa marami itong compartments ay meron pang mala-kutson na pintuan ito. (Malambot kasi s’ya. Hehe.) Dahil dito ay nagpabili rin ako ng napakagandang pencil case na ito sa nanay ko, at binilhan naman n’ya ako. ‘Yun nga lang, sa buong grade 2 ko lang ito napakinabangan dahil nasira kaagad ito at isa pa, nagsawa na ako dahil sa bigat ng pencil case na ito. (Eh kasi, bata. LOL.)

Wednesday, November 17, 2010

Naliligo ka rin ba sa batya noong bata?


Naaalala mo pa ba ang mga panahon ng iyong kamusmusan kung saan pinapayagan tayo ng ating mga magulang na magbabad sa isang malaking batyang may tubig nang buong maghapon? Ang sarap ‘di ba? Hindi nila inaaalala ang dami ng naaaksaya nating tubig tuwing tayo ay masayang nagtatampisaw dito. Isa na siguro ito sa mga patok na gawain bilang bata noon, ang paliligo sa batya. Ang sarap nga namang magbabad nang maghapon sa isang batya na para bang ikaw ay nasa bath tub. Minsan ay may dala-dala ka pang props sa paliligo (laruang bangka at kung anu-ano pa) para mas exciting ang pagbabad sa batya. Kung pwede nga lang mag-backstroke sa batya ay paniguradong ginawa na natin ito sa sobrang tuwa natin sa paliligo.

Ako mismo noong bata ay madalas maligo at magbabad sa batya. Naaalala ko pa noon, sa may lumang garden namin nilalagay ang isang malaking batya at maghapon akong nagbababad doon hanggang sa mangulubot ang mga balat sa aking daliri dahil sa sobrang tagal ko sa pagkakababad sa tubig. Maski ang kapatid ko ay nakaranas maligo sa batya noong bata. Sa katunayan, meron pa kaming litrato habang kami ay nakahubo’t hubad na naliligo sa batya. (At hindi ko na ipapaskil dito. Ahehe :p) Grade four siguro ang huli kong paliligo sa batya. (Ang laki ko na nang huli akong maligo sa batya, ‘no?)

Friday, November 12, 2010

Nakapag-collect din ba kayo ng Colgate Alphabet Robots?


Isa siguro sa mga dahilan kung bakit nakaugaliang term na ng Pinoy ang “Colgate” imbis na “toothpaste” ay dahil sa sumikat nilang free robot toy na katulad ng nasa litrato. Ang Colgate Alphabet Robots ay isang plastik na laruang may disenyong mga letra at maaaring ma-transform na robot. Sumikat ito noong 90s pero I’m not sure kung matagal nang meron nito.

Napaka-henyo ng nakaimbento nito. Nagkaroon tuloy tayo ng dahilan upang magsipilyo araw-araw nang sa gayon ay mabilis makabili ng panibagong Colgate para makolekta ang lahat ng alphabet robots na kalakip nito. Pero sa totoo lang, sadyang napakahirap kolektahin lahat ng letra nito. Maraming rare na letra na hindi available sa tindahan. Sa pagkakatanda ko ay apat lang ‘yung nakolekta kong ganito at ‘yung dalawa ay galing pa sa lola ko. At kung meron mang naka-kumpleto ng koleksyon nito ay binabati ko s’ya dahil isa s’yang dakilang kolektor. (Amps. Wala lang.)

Sa kabilang banda, kaya n’yo bang hulaan kung ano ang letra nung nasa ikalawang litrato? Sa tingin ko ay letter “K” ‘yung isa at ‘yung nasa kaliwa naman ay “H” o “U”. (Wala lang. Kinausap ko lang ang sarili ko. Hehe.)

Wednesday, November 10, 2010

Mr. Cupido: Tinamaan ba nito ang puso mo tuwing hapon?

Natatandaan mo pa ba ang programang ito noong dekada nobenta? Ang Mr. Cupido ay isang daily romance/drama show sa ABS CBN na pinapalabas tuwing hapon, usually pagkatapos ng mga panghapong soap opera nila tulad ng Mara Clara at Valiente. Ang show na ito ay tumatalakay sa kwentong pag-ibig ng mga letter senders. Every week ay may featured romantic story narrated by Mr. Cupido himself, Buboy Garovillo (Isa sa mga member ng famous APO Hiking Society), na ginaganapan ng mga piling artista.
Dahil laking TV ako noong 90s, isa ang Mr. Cupido sa mga pinapanood namin ng tita ko tuwing hapon, bago ako makipaglaro sa mga pinsan ko sa labas. Kahit hindi ko maintindihan ang istorya ay nakatutok pa rin ako dito. Paborito ko lang siguro ang theme song nito na inawit ni Rachel Alejandro. (Mr. Cupido, ako nama’y tulungan mo… Huwag mo nang tagalan ang paghihirap ng puso kooo… K.) Pero sa dinami-dami ng mga artistang gumanap sa show na ito, tanging ang dating teen star na si Chucky Dreyfuss lang ang natandaan ko. Ewan ko ba kung bakit s’ya ang tumatak sa isip ko kapag nababanggit ang programang ito. Ni hindi ko naman s’ya paboritong artista.

Ikaw? Tinamaan ba ng pana ni Cupido ang nagsi-siyesta mong puso tuwing hapon?

Friday, November 5, 2010

Nakatikim ka na ba ng Choyo Choyo chocolate?


Ang Choyo Choyo ay isang brand ng tsokolate na gawa sa Japan (sa pagkakaalam ko). Madalas itong mabibili noon sa mga palengke at ewan ko lang kung may ganito pa rin ngayon. Para sa mga hindi pamilyar dito, ito ‘yung tsokolateng nakalagay sa maliliit na lalagyang plastik na kahawig ng lalagyan ng Jellyace. May kasama itong sobrang liit na kutsarang plastik na para bang kutsara sa isang lutu-lutuan, na ginagamit upang makuha at makain ang kakarampot na tsokolate sa loob ng mala-Jellyace na cups. Ang ibang version ng Choyo Choyo ay nakalagay sa isang pahabang plastik. (Pasens’ya na at walang litrato. Use your imagination na lang. LOL.) At ngayon ay meron nang wafer stick ang Choyo Choyo na katulad ng nasa pangalawang larawan. Maaari mo itong mabili ng tingi-tingi o isang banig. Natatandaan mo ba ito?

Nauso ang Choyo Choyo sa amin noong elementary nang minsang magbenta ‘yung kaklase kong may maliit na tindahan ng mga pagkain sa palengke. Nang amin itong matikman ay hindi na namin tinigilan pa dahil sa sobrang sarap kahit na nakakabitin dahil sobrang konti ng laman sa bawat lalagyan.

Maaaring ipalaman ang Choyo Choyo sa tinapay (Nakita ko ito sa isang commercial. Hindi ko pa nasusubukang ipalaman ito dahil parang hindi bagay ipalaman ito para sa akin). Pero wala nang tatalo pa sa pagkain nito sa pinaka-simpleng paraan.

Tuesday, November 2, 2010

Labanan ng "Pop Icons"

Hindi ko alam kung may ganito rin sa klase ninyo noon. Sa amin kasi noong elementary/high school ay usong uso ang mga kanta nila. Sa bawat sulok ng aming silid ay makikita mong nagpapatugtog ang mga kaklase ko ng kanilang favorite pop music, mapa-lalake man o babae.

Pinaka-sikat sa amin ‘yung labanan ng Hanson fans at ng Moffatts fans. Apat sa mga kabarkada kong lalake ang mahilig sa Hanson. (Err, ang mga kanta ng Hanson ang tinutukoy ko.) Apat din naman sa mga kaklase kong babae ang Moffatts fans. At kung makaangkin sila sa bawat myembro ng Moffatts ay akala mong pag-aari talaga nila ang mga ‘yun. “Akin si Clint!”, “Akin si Papa Dave ha!”, “Basta walang aagaw kay Scott Moffatt ko!”. ‘Yan ang mga linyang maririnig mo sa kanila. Araw-araw pa silang bumibili ng songhits at kapag may Moffatts sa cover page nito ay kulang na lang ang ipalaminate ang buong songhits dahil sa sobrang pag-iingat nito. May time pang umiyak ang isa kong kaklase dahil nalukot ng kabarkada ko ang songhits na naglalaman ng feature tungkol sa Moffatts. Kung gaano nila kamahal ang Moffatts ay ganoon naman nilang ka-hate ang Hanson. Ayaw na ayaw nila sa mga kanta ng bandang ito. (Actually, ayaw din nila sa itsura ng Hanson na mukhang mga kabayo daw, ayon sa kanila.) Kaya’t kapag nagkasabay ng soundtrip ang Moffatts at Hanson fans sa aming klase ay asahan mo nang umaatikabong kantiyawan at pasikatan ng mga idolo nilang pop bands ang maririnig mo. (Sa totoo lang, mas gusto ko ang mga kanta noon ng Hanson kaya nga may cassette ako nila.)

Isa pang sikat na labanan sa aming klase ay ang pasikatan ng Britney Spears fans at ng Christina Aguilera fans. ‘Yung mga kabarkada kong lalake na mahilig sa Hanson ay mga Christina Aguilera fans din. (Sa totoo lang ay mga tunay na lalake po ang aking mga kabarkadang ito. Hehe.) May mga kabarkada din akong babae na mahilig naman sa Britney Spears songs. Sa palagay ko naman, itsura ang pinaglalabanan nila kina Britney at Christina dahil pareho namang maganda at nakaka-LSS ang kani-kanilang mga awitin. (Oo, inaamin kong paminsan-minsan ay nakikinig ako noon ng kanilang mga kanta. Sino ba naman ang hindi mae-LSS sa mga kanta nila, hindi ba? Lalo na sa All I Want Is You ni Christina. Amps. Hehe.)

Kung ikaw ang tatanungin, are you a Moffatts fan or a Hanson fan? Pro-Britney ka ba o Pro-Christina? :D

Sunday, October 31, 2010

Makinilya: Isang dating kaibigan

Naaalala n’yo pa ba ang typewriter o makinilya na minsan ay naging karamay natin sa ating mga school projects? Noong hindi pa uso ang computer, dito tayo kay makinilya umaasa at hindi n’ya tayo binibigong mabigyan ng magandang grado. Natatandaan ko pa ang huli kong gamit ng makinilya. Meron kaming project sa science noon at hindi nga ako nagkamaling dumepende kay makinilya dahil binigyan nga n’ya ako ng mataas na marka.

Napaka-laking tulong ng makinilya noon kahit na sumasakit ang kamay natin kakapindot sa mga letters nito (Minsan kasi ay lumulusot ang mga daliri natin sa pagitan ng mga letra at masakit ‘yon, lalo na kung napaka-bilis mong mag-type.). Ngunit hindi lang ang paglusot ng ating mga daliri ang problema sa isang makinilya. Kapag nagkamali tayo, walang “delete” o “backspace” button dito ’di gaya ng computer at kailangan mong gumamit ng correction fluid/liquid paper (o isnow peyk ayon sa iba) upang maitama ang typographical error mo. Isa pa, hanep sa ingay gamitin ng makinilya. Napaka-iskandalosong “Tak! Tak! Taka-tak!” ang sound na maririnig mo habang ginagamit mo ito. Required kasi dito ang madiin na pagpindot at kung hindi, magiging malabo ang rehistro ng pinindot mong letra (Ano daw?). Wala ring “arrow key” “cursor” si makinilya kaya kailangan mong pihitin paikot ang handle na malapit sa papel upang mapunta s’ya sa gusto mong lugar (Ano daw? ‘Yun na ‘yun. Bahala na kayong umintindi. Hehe.). At ayon sa pagkakaalam ko, tatlong kulay lang ng letra ang pwede mong gamitin dito dahil tatlo lang ang kulay ng ribbon ng makinilya (itim, pula at asul). Hindi ako sure. At naalala ko bigla ‘yung brand ng typewriter namin noon, Olympia. Wala lang.

Kahit may computer na ngayon at lipas na sa uso ang typewriter ay hindi maikakailang minsan ay naging parte ng ating buhay (school life, in particular) at naranasan din nating gumamit ng isang kaibigang katulad ni makinilya.

Friday, October 29, 2010

Naging tagalista ka ba ng maiingay noon sa klase?


Sa isang classroom, laging may inaatasan ang ating mahal na guro na mamumuno ng katahimikan at kaayusan sa klase kapag s’ya ay wala. Kung hindi class officer ay ang pinakatahimik o pinakamatalino sa klase ang kanyang inuutusang maglista ng mga maiingay o Noisy at ng mga tayo ng tayo o Standing sa kanilang mga upuan. Minsan pa nga ay wais ang guro dahil kung sino man ang mapabilang sa listahan ay kinakailangan pang magbayad ng piso na s’yang ilalagay “daw” ng titser sa class fund.

Dahil isa akong tahimik at mahiyaing bata noon, madalas akong naaatasan ng aming adviser na maglista sa pisara ng mga Noisy at Standing. Laging nangunguna sa listahan ng mga maiingay ‘yung mga bully naming classmates at hindi naman mawawala sa listahan ’yung mga estudyanteng hindi mo alam kung may nunal ba sa talampakan dahil kung saan-saang lupalop ng silid aralan nakakarating. Minsan din ay nililista rin namin ang mga nagsasalita ng Tagalog sa oras ng English Class namin at as usual, may pisong multa rin ito na mapupunta sa class fund.

At alam n’yo ba na noong elementary (grade 2 o 3) akala ko ang ibig sabihin ng “Standing” ay tahimik? May time kasi na nilista ko under “standing” ‘yung mga kaklase kong nakaupo lang at nananahimik. Potek, ibig ko atang sabihin “outstanding” o ‘yung namumukod tangi. Ewan ko ba kung bakit. Tanga kasi ako noong elementary. Fail.

Galing nga pala sa Facebook ang larawan.

Wednesday, October 27, 2010

Kilala mo pa ba si Recca Hanabishi?


Ang Flame of Recca ay isang anime na pinalabas noong early 2000. Hango ito sa isang manga series na Rekka no Hono. Ito ang anime na pumalit sa Ghost Fighter nang unang beses itong matapos sa GMA 7. Ito ay istorya ng isang batang lalakeng si Recca Hanabishi na naniniwalang isa siyang ninja.

Ang Flame of Recca ay isa sa pinaka-paborito kong anime noong panahong ‘yon. Katulad ng walang kamatayang Ghost Fighter, ilang beses ko na ring napanood ng buo ito sa GMA 7. Nagkaroon pa nga ito ng english version noon sa AXN (Sinundan ito ng anime na Ninku sa AXN. Nanonood din ako ng Ninku pero bihira lang.). Kabisado ko rin dati ang pangalan ng mga characters dito noon pati ‘yung mga flame dragons ni Recca. At lagi kaming bumibili ng mga kaklase ko ng isang banig ng teks nito sa tindahan pagkatapos ng eskwela.

Alam n’yo ba kung ano ang pinaka-paborito kong episode ng Flame of Recca noon? Ito ay walang iba kundi ‘yung laban ni Aira Kirisawa at ng isang halimaw (nakalimutan ko ang pangalan) at nahubaran si Aira sa episode na ‘yun. (Hindi naman hubo’t hubad, naka-bra at panty kasi. Amfs. Ang manyak ko na noong bata.)

Tuesday, October 26, 2010

Mga simpleng bagay mula sa simpleng papel


Noong mga panahong hindi pa uso ang online games at kung anu-ano pang gadgets, sa lansangan madalas nagpupunta ang mga bata upang maglaro at makipaglaro sa mga kapwa n’ya bata. At kahanga-hanga na sa isang simpleng materyales lamang ay nakakagawa sila ng laruan na kanilang mapaglilibangan, tulad na lamang ng simpleng makukulay na papel na nasa larawan. Sa ngayon, ang simpleng papel ay sinusulatan na lamang, hindi tulad dati na sa isang simpleng pagtupi-tupi at dagdagan pa ng kaunting creativity ay makakabuo ka ng mga bagay na nakakatuwa. Ganyan ang klase ng mga laruan ng mga bata noon. Aminin natin, wala nang batang naglalaro ng mga bangkang papel at bangkang eroplano.

‘Yung tita kong kamag-anak ni Don Tiborcio (Gets n’yo ba? NVM.) ang nagturo sa akin kung paano gumawa ng eroplano at bangka sa papel. At simula nun ay inubos ko na ang mga lumang MOD Magazine at Women’s Today Magazine sa kanila sa kakabuo ng mga ito. Sa totoo lang, itong bangka at eroplano lang ang natutunan kong buuin sa papel. Nakaya kong gumawa ng polo shirt sa papel noon pero nakalimutan ko na. Pero ang gusto ko talagang matutunan ay ‘yung bolang papel na tinuro at binuo noon nina Kuya Bodjie at Kiko Matsing sa programang Batibot. (Opo, natatandaan ko pa ‘yung episode na ‘yun. At dahil hindi makayang gumawa ni Kiko Matsing ng bola, nilamukos na lamang n’ya ang papel at binilug-bilog para maging bola. Ano daw?)

Kung tutuusin, kahit anong uri ng papel ay maaaring gamitin sa paggawa ng mga obra maestra. Lumang dyaryo o kahit ‘yung mga makikintab o glossy na magazines ay maaaring gamitin (katulad ng eroplanong papel na nasa larawan), basta’t paganahin lamang ang inyong, sabi nga ng cute na cute na si Spongebob, “imaginaaation!”.

Monday, October 25, 2010

SOS: Pinoy Tic Tac Toe

Sino nga ba ang hindi makakalimot at hindi nakakaalam sa larong ito? Ang SOS ay isang strategy game na hango sa Tic Tac Toe. Katulad ng Tic Tac Toe, kailangang makabuo ka ng mga letrang S-O-S in order, horizantally, diagonally, at vertically. Kailangan mo lang ng simpleng panulat at graphing paper o kung walang graphing paper ay kahit sa isang sumpleng papel ay makakalaro ka na nito, basta’t guhitan lamang ang papel ng mga grids.

Usong pampalipas oras ang SOS sa amin noong elementary days lalo na kapag breaktime. At noong minsang bored talaga kami, gumawa pa kami ng design sa isang graphing paper at nagustuhan naman ng aming guro. Parang baliw lang.

Bakit nga kaya SOS ang tawag sa larong ito? Ang dami namang pwedeng letra, ‘di ba?

Saturday, October 23, 2010

Rubber Band: Isang elastikong libangan ng mga bata noon


Sino nga ba ang mag-aakalang ang rubber band o goma ay naging paboritong libangan ng mga bata noon? Sa panahong hindi pa uso ang magagarbong teknolohiya, ang simpleng piraso ng goma ang siyang bida sa mga batang naglalaro sa lansangan noon dahil sa dami ng pwedeng gawin sa isang elastikong bagay na ito.

Una na sa listahan ng maaaring gawin sa goma ay ang paglalaro ng dampa kung saan inilalapag ang goma at pinapagalaw ito sa pamamagitan ng hangin gamit lamang ng inyong mga kamay na karaniwang nilalaro ng mga batang lalake (Potek. Nanakit lang ‘yung kamay ko noon pero hindi ko pa rin mailakas-lakas ‘yung paggalaw ng goma.). Isa pang pwedeng gawin sa goma ay ang pagkabit-kabitin ito hanggang sa makabuo ka ng isang mahabang rubber band chain na gagamitin sa paglalaro ng Chinese Garter. Patok naman ito sa mga batang babae.

Maaari ding gumawa ng kung anu-anong bagay sa goma gamit lamang ang malilikot na isipan. Noon ay masaya ka kapag nagagawa mo sa goma ang star, double star, triple star, philippine flag, bahay ni Tarzan at kung anu-ano pa at ipinagyayabang mo pa ang mga ito sa mga kalaro mo. (Nagawa ko noon ‘yung star, double star at bahay ni Tarzan pero ‘yung isang star lang talaga ang na-master ko.)


Sa ngayon, base sa aking napapansin, ginagamit na lang ang goma sa pagtali ng buhok para sa mga babae at may mahahabang buhok at sa pagtali ng ilang piraso ng binilot na papel. (Ano daw?)

O, Chickadees. Bakit mo kami iniwan?

I’m sure kahit isa man lang sa inyo ay may nakakaalala ng popular na chichiryang ito.

Ang Chickadees ay isang junk food na nakilala at paborito ng mga bata noon dahil sa kanilang mga maliliit na free toys na kalakip ng bawat pack nito. Ilan lang sa mga libreng laruan ay mga stickers, mga maliliit na pambura, rounded stretchable something na elastic at idinidikit sa pader, ‘yung gummy bear look-alike na toy pero hindi kinakain, ‘yung dinosaur something na kapag ibinabad sa tubig ay lumalaki ang hugis, at kung anu-ano pang weird na mga laruang sa kinalaunan ay malamang na magiging kalat lang ng mga bata sa bahay. Marami pang kabulastugang kalakip ang chichiryang ito subalit hindi ko na matandaan ‘yung iba dahil sobrang tagal na nito. Ito na siguro ang pinakapaborito kong junk food noong bata at kasama ng Pretzels ay lagi ko silang binibili sa canteen o kung hindi man ay nagpapabili ako sa lola ko nito araw-araw. My gulay, miss ko na talaga ang chichiryang ito. O, Chickadees. Bakit mo nga ba kami iniwan nang walang kagatul-gatol? Marami pa rin ang nangungulila sa ‘yo at sa free toys mo. (OA na.)

Nga pala, ‘yung larawan, sa totoo lang, hindi ganito ‘yung packaging ng Chickadees na nakagisnan ko. Kulay berde rin s’ya pero bilug-bilog ang laman na parang Pom Poms. Siguro Chickadees ng ibang bansa ito. Wala kasi akong mahanap na litrato nung original na Chickadees.

Friday, October 22, 2010

Paano ka pinaparusahan ng mga magulang mo noong bata?


Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata. Likas na sa ating mga bata ang pagiging makulit at pasaway. Walang pinipiling lugar ang kakulitan ng isang bata, mapa-bahay man, eskwela o kahit saang lugar pa ito. Kaya naman madalas tayong napaparusahan ng ating mga magulang o ng mas nakatatanda sa atin. Ikaw? Alin sa mga sumusunod ang madalas na parusang natitikman mo noong bata?


Palo sa pwet. Ito na siguro ang pinaka-tipikal na parusa na ating natikman noon. Kapag tayo ay nakagawa ng kasalanan, asahan mong kasunod nang aalingasaw ang mga linyang tulad ng: “Dapa! Hindi ka na nagtanda! Umm! (pak!)”. Hindi lang simpleng palo ito dahil madalas pang gumamit ng iba’t ibang devices ang ating mga magulang tulad ng patpat, walis tingting, hanger, at syempre, ang walang kamatayang sinturon. (Madalas gamitin sa akin noon ni itay ang sinturon at hanger.) Pero minsan ay wala nang tatalo pa sa natural na palo na dampi ng kamay ni inay. Pagkatapos ng paluan session, makikita mo na lang ang pwet mong markang pahaba at namumula sa latay.

Luhod. Para sa akin, isa ito sa pinaka-classic na parusa sa mga bata. Ang pagluhod sa asin o sa munggo ay ginagawa na noon pang panahong bata pa ang ating mga magulang. (Ito kasi ang parusa kina inay at itay noong bata pa sila.) Sa pagluhod sa mga ito makikita ang katatagan at tibay ng ating mga binti at tuhod. Minsan ay lume-level up pa ang style na ito. Naglalagay pa ng pabigat sa magkabilang dulo ng ating mga kamay, na kadalasan ay mga mabibigat na libro, to test your skills in balancing (Ano daw?).

Grounded. Ito naman siguro ang parusa ng mga sosyal na bata. Kapag nakagawa ng kasalanan? Goodbye TV, goodbye toys, at goodbye “gala sa labas” muna. Hindi tayo pinapalabas ng bahay hangga’t hindi tayo natututo sa ating mga pagkakamali. Naisip ko lang, sa panahon ngayon, ang hirap sigurong maparusahan ano? “Walang computer! Walang mall! Walang allowance!” Ouch. Ang saklap.

Kulong. Medyo may pagkakahawig ng kaunti ang pagiging grounded dito. Noong bata pa kami ng utol ko ay ito rin ang madalas na parusa sa amin. Kinukulong kami ng ilang minuto sa loob ng CR nang walang ilaw (Hindi pa namin abot ang switch ng ilaw noon. Hehe.). Natatawa lang ako kapag naaalala ko ‘yung “kulong” moments namin nung bata. Nasira ko kasi ‘yung pambomba namin ng inodoro noon dahil hinataw ko ‘yung pinto ng CR namin. Nagbuhos naman ang kapatid ko ng isang timbang tubig nang nakadamit nang makulong s’ya sa CR.

Hubo. Pamilyar ba kayo sa kahiya-hiyang parusang ito? Madalas ginagawa sa mga batang lalake ang parusang ito sa eskwela. Kapag nakagawa ng kasalanan (Gaya ng hindi paggawa ng takdang aralin) ay patatayuin tayo ng mahal nating mga guro sa harapan ng klase habang nakababa ang ating mga damit pang-ibaba at brief na lang ang makita sa atin. Good luck na lang sa iyong dignidad pagkatapos mong maparusahan ng ganito. (Buti na lang at hindi ko naranasan ito. Haha.)

At sa mga bawat parusang ito ay tiyak na may kasunod na words of wisdom at moral lessons mula sa ating mga magulang. At ang klasik na linya na ating maririnig ay: “Kaya ka namin pinaparusahan ay dahil mahal ka namin.” Tama, hindi ba?

Thursday, October 21, 2010

3 O'clock Habit: Ang dasal na pamilyar sa mga batang 90s

Sino nga ba ang hindi makakalimot sa classic 3 O’clock Habit na laging pinapalabas pagkatapos ng mga panghapong soap opera tulad ng Agila, Valiente at Mara Clara? Dahil lumaki ako sa mga lola ko na mahilig manood ng mga programang iyon, lagi ko itong napapanood. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay halos kabisado ko pa ang old English version nito, pati ‘yung announcement ng voice-over after the prayer na mala-Kuya Cesar ang boses. It goes like this:

“We have just as one nation started the beautiful 3 o’clock habit. We hope that this becomes a daily habit with you… For a free booklet on the devotion to the Divine Mercy, write or call Divine Mercy Say a Little Prayer Movement. 803 Aurora Boulevard, Cubao, or 19 Spencer St. Cubao, Quezon City. Telephone nos. 7218324, or 7214350. Help build the Divine Mercy charity hospital and information center. When I was sick, did You comfort me? Words our our Lord to Blessed Sister Faustina… Souls who spread the honor of My mercy, I shield through their entire lives as a tender mother her infant, and at the hour of death, I will not be a Judge for them, but the Merciful Savior.”

Ang dasal rin na ito ang nagsisilbing hudyat para itigil ko na ang kunya-kunyarian kong pagtulog sa hapon. (Dati kasi, pinapatulog kaming magpipinsan ng tita ko tuwing hapon at kung sino man ang natulog sa hapon ay isasama sa pamamasyal sa may Tawiran sa Bulacan.) Ito rin ang hudyat para malamang oras na ng meryenda ko ng masarap na chocolate sandwich ng Rebisco at Sarsi na nakalagay pa sa plastik.

Sa ngayon, ang dasal na ito ay meron nang Tagalog version na exclusively sa ABS CBN.

Pindutin ito upang mapanood ang video ng lumang 3 O’clock Habit.

Backmasking controversy: Naniniwala ba kayo dito?

Ang backmasking ay isang paraan ng pagpapatugtog sa isang kanta nang pabaliktad. Popular ito sa mga cassette tapes noong 90s pero ngayon, ayon sa aking napag-alaman, maaari nang mag-backmask gamit ang computer, kailangan mo lamang ng music program na nakakapagpatugtog ng pabaliktad. Noong 90s, pumutok ang balitang ito sa pamamagitan ng programang Magandang Gabi Bayan ni Noli de Castro. Kasabay din nito ang pag-usbong ng kontrobersiya sa pagba-backmask. Maririnig daw diumano ang mga Satanic messages o ‘yung mga lyrics na may sa-demonyo kapag binackmask mo ang mga awitin ng Eraserheads, Yano, at iba pang mga bandang sumikat noong dekada 90.

Ilan sa mga lumabas na mensahe ay narito: (1, 2, 3). Hindi ko alam kung totoo ngang ito ang lumabas sa mga backmasked songs nila. Hindi ko na ipo-post sa dash at kayo na ang bahalang humusga. Mabait kasi ako. Joke lang.

Noong bata ako ay gustung-gusto kong subukang i-backmask ang mga cassette tapes ko ng Eraserheads pati na rin ng Rivermaya para malaman kung totoo nga ang tsismis sa backmasking controversy. Hindi ko lang kasi alam kung paano mag-backmask at isa pa, natatakot ako sa maaari kong madiskubre. Hanggang ngayon, kinikilabutan pa rin ako sa tuwing binabasa ko ang mga lyrics na binackmask. Ikaw? Naniniwala ka ba dito?

Tuesday, October 19, 2010

Cowabunga!

Isa ang Teenage Mutant Ninja Turtles sa mga naging childhood favorite ko pagdating sa cartoons noon. Lagi akong nanonood nito kasama ng aking mga pinsan tuwing Biyernes ng gabi sa ABS CBN at pagkatapos naming manood ay magdo-drowing agad kami ng mga Ninja Turtles. Kinabukasan naman ay maglalaro kami ng portrayals nito (Gumaganap kami na isa sa mga Ninja Turtles.)

Narito ang ilan sa mga characters na aming pino-portray:
  • LEONARDO. Ito ‘yung pinaka-leader ng TMNT na ang dalang armas ay ‘yung katana o mahabang espada. Ang pinakamatanda sa aming magpipinsan ang gumaganap sa papel na ito at ang kanyang armas ay ang laruang espada. (Siya lang ata ang may pinakamatinong armas sa amin. Malalaman ninyo kung bakit as we go along. LOL.)
  • MICHELANGELO. Ito ang joker o komikero ng TMNT na ang dalang armas ay ‘yung nunchaku o mas kilala sa tawag na chako. Ang gumaganap naman nito sa aming magpipinsan ay ‘yung pinsan kong may pagka-utal pa rin kung magsalita noon kahit na nasa tamang edad na at ang kanyang armas ay improvised chako gamit ang dalawang tsinelas na may tali (Ano daw? Basta ‘yun na ‘yun. Ang armas naman n’ya ang pinaka-kakaiba.)
  • DONATELLO. Ito naman ang henyo ng TMNT na ang dalang armas ay ‘yung tinatawag na bo (na ayon sa Wikipedia ay isang Japanese long staff weapon na ginagamit sa martial arts). Ang gumaganap naman nito ay walang iba kundi ang inyong lingkod at ang nagsisilbing bo ko ay isang mahabang patpat na yari sa kawayan na napulot ko lang sa kung saan. (Pero sa tunay na buhay ay hindi ako henyo. Paborito ko kasi ang kulay na purple/violet noon at ito ang kulay ng takip sa mata ni Donatello.)
  • RAPHAEL. Ito naman ang tinaguriang bad boy ng TMNT na ang dalang armas ay dalawang sai (Ito ‘yung mala-tinidor ang itsura na maliit na panaksak.). Ang gumaganap nito ay ‘yung pinsan kong mestiso na medyo may pagka-bad boy na ngayon dahil minsan na siyang nag-adik at ang kanyang armas ay ano pa nga ba, kundi dalawang tinidor. (Ang kanyang armas ang pinaka-kengkoy sa lahat. Walang duda.)
  • APRIL O’NEIL. Ito ‘yung babaeng kaibigan ng Ninja Turtles na laging kulay dilaw ang suot. Ang gumaganap nito ay ‘yung pinsan naming maganda.
At ‘yan ang ilan lamang sa aming pinoportray na character sa TMNT. Pero hindi pa d’yan natatapos ang pagkahumaling namin sa cartoons na ito dahil meron kami noong tig-iisang malaking puzzle ng Ninja Turtle na paulit-ulit naming binubuo kahit na namaster na talaga namin kung paano ‘yun binubuo. Meron din kaming Ninja Turtle rubber shoes noon na hindi tumagal para sa akin dahil nasira kaagad kaya pinalitan ko ‘yun ng sapatos na may design na dinosaur.

At ‘yan ang istorya sa likod naming mga batang yagit noon na avid fan ng Teenage Mutant Ninja Turtles.

Monday, October 18, 2010

Mga bubble gums na naging paborito ko noong mid 90s


 Ang Ouch! Bubble Gum ay isang bubble gum na kahawig ng isang bandaid ang pinaka-wrapper. Meron pang isang version nito, ang “Beeper” version kung saan korteng beeper o telepeno ang case nito at ang wrapper naman ay merong mga nakalagay na mensahe na pawang mga conversations sa telepono tulad ng “Sorry, I’m busy”, “Who’s calling?” at kung anu-ano pang kabulastugan.

Ang Bubble Tape naman ay obviously, bubble gum na kahawig ng isang rolyo ng tape. Minsan ay nagpapaligsahan kami ng utol ko noon kung sino ang makakakuha ng mas mahabang Bubble Tape nang hindi napuputol at kung sino man ang manalo ay sa kanya na ‘yung kapirasong bubble tape na ‘yun. (Hindi n’yo gets? Bahala kayo. LOLJK.)

And finally, ang Bubble Jug. Ito na siguro ‘yung pinaka-weird sa lahat ng bubble gum noon. Naaalala ko noong una kaming bumili nito, hindi namin malaman kung paano kakainin kaya nilagyan pa namin ng kaunting tubig ‘to atsaka inalog. At si utol ang unang nakatikim ng bubble gum na may tubig. Nakakatawa dahil pagkatapos nun, nilagnat si utol at nagsuka. Haha.
At ‘yan ang ilan sa mga bubble gums na nakahiligan namin noon, bukod sa Bazooka at Juicy Fruit Gum.

Palibhasa Lalake: Ingatan ang inyong katawan!

Ang Palibhasa Lalake ay isang sitcom na pinalabas sa ABS CBN noong late 80s hanggang mid 90s. Kabilang sa mga cast nito ay sina Richard Gomez, Joey Marquez, John Estrada, Anjo Yllana, Amy Perez, Carmina Villaroel, Cynthia Patag at Ms. Gloria Romero. Naabutan mo ba ang kwelang programang ito ng channel 2 na kadalasang pinapalabas tuwing Martes ng gabi pagkatapos ng TV Patrol?

Isa ito sa pinaka-paborito kong sitcom noon. Lagi akong nanonood nito kahit minsan ay hindi ko maintindihan ang istorya ng ilang episode dahil bata pa ako noon. Tumatak sa akin lahat ng mga characters nila sa sitcom na ito tulad ng pagiging babaero nina Ricardo/Ricky (Gomez) at Joselito/Joey (Marquez), ang mga palpak na imbensyon ni Juanito/Johnny (Estrada), ang isip bata at ang “Banana Man” at “Power Ranger Six” ni Tikboy (Yllana), ang tomboyish na si Amelia (Perez), ang babaeng mukhang may topak at laging may hawak na stuffed toy na si Cynthia (Patag), at si Lola Minerva (Romero) na mahilig tumoma.

Pinaka-memorable siguro sa sitcom na ito ‘yung pagbabasaan ng mga casts sa pagtatapos ng programa (o kahit sa kalagitnaan ng show). Kasunod na nito ang pagpapatugtog nila ng theme song na “Katawan” ng Hagibis. Sa palagay ko ay ang Palibhasa Lalake ang nagsimula ng ganitong istilo ng pagpapatawa, na may kasamang basaan sa set.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...