Thursday, December 23, 2010

“Tengkyu, tengkyu, ambabait ninyo, tengkyu!”

“Sa may bahay ang aming bati, Meri Krismas wawawalhati!”

Malamang ay pamilyar kayo sa linyang ito. Ito kasi ang madalas na inaawit ng mga bata sa tuwing mangangaroling sila sa mga bahay-bahay tuwing nalalapit ang pagsapit ng Pasko. Isa sa mga nakaugaliang tradisyon dito sa Pilipinas ay ang pangangaroling ng mga bata. Hindi na baleng sintunado kang kumanta o mali-mali ang linya, ang mahalaga ay maabutan ka kahit piso o maski beintesingko sentimos lang noon ang ibigay mo ay ayos na. Ikaw, naranasan mo bang mangaroling kasama ng mga kalaro mo noon?

Pansin n’yo ba? Ganito madalas ‘yung buong lyrics ng medley na kinakanta ng mga bata:

(Bibilang muna ng one, two, three!)… “Sa may bahay ang aming bati. Meri Krismas wawawalhati (na maluwalhati). Ang pag-ibig ‘pag s’yang naghari. Araw-araw ay magiging Pasko lagi. Ang sanhi po ng pamparito (pagparito), hihingi po ng aginaldo. Kung sakaling kami’y perwisyo, pasens’ya na kayo kami’y namamasko (wala nang bwelo-bwelo o hinga-hinga pa, sunod kaagad ‘yung ikalawang kanta!) we wish you a Meri Krismas, we wish you a Meri Krismas (dalawang “we wish you” lang talaga ang madalas na kinakanta imbis na tatlo) and a Happy New Year. (bwelo nang kaunti, inhale-exhale muna) Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kay saya. Nagluto ang ate ng manok na tinola. Sa bahay ng kuya ay merong litsunan pa. Ang bawat tahanan may handang iba’t iba. Tayo na giliw, magsalo na tayo. Meron na tayong tinapay at keso. ‘Di ba Noche Buena sa gabing ito at bukas ay araw ng Pasko. (aawit ng isa pa kapag wala pa ring nag-aabot)
At kapag naabutan na ay ihihirit ang universal song na “tengkyu, tengkyu, ambabait ninyo, tengkyu!”.

Pagdating naman sa mga instrumento, hindi problema ‘yan. Maaari ka kasing maghalungkat ng mga kagamitan sa mga basurahan. Tansan at alambreng kinakalawang, lumang lata ng gatas na iniipis pa, plastik, goma o lubid at stick na medyo mahaba para pwedeng gawing drumstick. Ilan lang ‘yan sa mga maaaring gawing instrumento. Yupiin at butasan lang ang mga tansan at isaksak paikot ang alambre para magmukhang tambourine. Alisin naman ang takip ng lata at ilagay ang binanat o in-istretch na plastik para magmukhang tambol. Presto! Pwede ka nang mambulahaw sa mga bahay-bahay!

Minsan na rin kaming nangaroling ng mga pinsan ko noon pero hindi kami nagpakalayu-layo. Sa mga kalapit-bahay lang nila kami nangaroling dahil hindi kami pinapayagang lumayo at baka daw lamunin kami ng ipu-ipo (Oo, ipu-ipo ang panakot sa aming magpipinsan noon.). At nagkataon namang kamag-anak namin ‘yung mga kalapit-bahay nila kaya lagi kaming merong piso! Ayos, ‘di ba? Parang trip-trip lang ‘yung ginawa namin, masabi lang na nangaroling at naabutan ng piso. Pero okay na rin ‘yun, at least hindi “Patatawarin!” ang sagot na matatanggap namin at wala silang maririnig na “Ambabarat ninyo tengkyu!” mula sa amin.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...