Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata. Likas na sa ating mga bata ang pagiging makulit at pasaway. Walang pinipiling lugar ang kakulitan ng isang bata, mapa-bahay man, eskwela o kahit saang lugar pa ito. Kaya naman madalas tayong napaparusahan ng ating mga magulang o ng mas nakatatanda sa atin. Ikaw? Alin sa mga sumusunod ang madalas na parusang natitikman mo noong bata?
Palo sa pwet. Ito na siguro ang pinaka-tipikal na parusa na ating natikman noon. Kapag tayo ay nakagawa ng kasalanan, asahan mong kasunod nang aalingasaw ang mga linyang tulad ng: “Dapa! Hindi ka na nagtanda! Umm! (pak!)”. Hindi lang simpleng palo ito dahil madalas pang gumamit ng iba’t ibang devices ang ating mga magulang tulad ng patpat, walis tingting, hanger, at syempre, ang walang kamatayang sinturon. (Madalas gamitin sa akin noon ni itay ang sinturon at hanger.) Pero minsan ay wala nang tatalo pa sa natural na palo na dampi ng kamay ni inay. Pagkatapos ng paluan session, makikita mo na lang ang pwet mong markang pahaba at namumula sa latay.
Luhod. Para sa akin, isa ito sa pinaka-classic na parusa sa mga bata. Ang pagluhod sa asin o sa munggo ay ginagawa na noon pang panahong bata pa ang ating mga magulang. (Ito kasi ang parusa kina inay at itay noong bata pa sila.) Sa pagluhod sa mga ito makikita ang katatagan at tibay ng ating mga binti at tuhod. Minsan ay lume-level up pa ang style na ito. Naglalagay pa ng pabigat sa magkabilang dulo ng ating mga kamay, na kadalasan ay mga mabibigat na libro, to test your skills in balancing (Ano daw?).
Grounded. Ito naman siguro ang parusa ng mga sosyal na bata. Kapag nakagawa ng kasalanan? Goodbye TV, goodbye toys, at goodbye “gala sa labas” muna. Hindi tayo pinapalabas ng bahay hangga’t hindi tayo natututo sa ating mga pagkakamali. Naisip ko lang, sa panahon ngayon, ang hirap sigurong maparusahan ano? “Walang computer! Walang mall! Walang allowance!” Ouch. Ang saklap.
Kulong. Medyo may pagkakahawig ng kaunti ang pagiging grounded dito. Noong bata pa kami ng utol ko ay ito rin ang madalas na parusa sa amin. Kinukulong kami ng ilang minuto sa loob ng CR nang walang ilaw (Hindi pa namin abot ang switch ng ilaw noon. Hehe.). Natatawa lang ako kapag naaalala ko ‘yung “kulong” moments namin nung bata. Nasira ko kasi ‘yung pambomba namin ng inodoro noon dahil hinataw ko ‘yung pinto ng CR namin. Nagbuhos naman ang kapatid ko ng isang timbang tubig nang nakadamit nang makulong s’ya sa CR.
Hubo. Pamilyar ba kayo sa kahiya-hiyang parusang ito? Madalas ginagawa sa mga batang lalake ang parusang ito sa eskwela. Kapag nakagawa ng kasalanan (Gaya ng hindi paggawa ng takdang aralin) ay patatayuin tayo ng mahal nating mga guro sa harapan ng klase habang nakababa ang ating mga damit pang-ibaba at brief na lang ang makita sa atin. Good luck na lang sa iyong dignidad pagkatapos mong maparusahan ng ganito. (Buti na lang at hindi ko naranasan ito. Haha.)
At sa mga bawat parusang ito ay tiyak na may kasunod na words of wisdom at moral lessons mula sa ating mga magulang. At ang klasik na linya na ating maririnig ay: “Kaya ka namin pinaparusahan ay dahil mahal ka namin.” Tama, hindi ba?
Meron akong kaklase dati na nahubuan (actually binubuksan lang ang zipper ng shorts) ang kaso wala siyang brief kaya kita pututoy niya. Hindi namin makalimutan pangalan niya - HERMINIGILDO TONIO (mahanap nga sa fesbuk)
ReplyDelete