Salapi. Kwarta. Datung. Pera. Sabi nila, ito raw ang ugat ng lahat ng kasamaan sa mundo. Dito sa Pilipinas, maraming naghahangad ng pera pero mas marami ang wala. Hindi rin maikakailang bumababa na ang halaga ng salapi ng ating bansa. ‘Yung mabibili mo ngayon sa halagang beinte pesos, mabibili mo ng napakarami gamit ang limang piso noon. At kung dati ay malaking bagay na ang limang pisong papel, ngayon ay barya na lang kung ituring ang beinte pesos.
Pero kung tutuusin, swerte na ring maituturing ‘to dahil ngayon, ang dami nang libangan d’yan tulad ng online games at kung anu-ano pa. Dati kasi, kailangan talagang dumugo ang utak ng mga bata para lang makapag-isip ng mga gawaing tinatawag na pamatay inip. Kahit ang walang kamalay-malay at nananahimik na bagay sa isang tabi ay nagagawang laruan at ang simpleng kagamitan ay nagkakaroon ng kakaibang pakinabang.
Isa nga sa mga biktima nating mga kabataan noon ay ang perang papel. Oo, hindi lang ginagasta ang pera noon. Napag-uusapan na rin lang ang mga pamatay inip, bukod sa paggasta, anu-ano pang kalokohan ang madalas n’yong ginagawa ng mga kalaro mo noon sa pera? Sa amin, narito ang ilan:
- Medyo nauso noon ang paghahanap ng mga kakaibang bagay na nakatago sa larawan sa likod ng pera. Sino nga ba ang hindi naloko, nagpaloko, at nabaliw sa kakahanap ng pusa sa simbahan ng Barasoainsa sampung piso, sa sikyu ng Bangko Sentral sa isandaang piso, sa unggoy na may hawak na pera sa singkwenta pesos, sa higanteng kamay ng unano sa limang pisong papel, at sa kung anu-ano pang pwedeng ipahanap na panay kalokohan lang naman talaga? Hahangaan kita kung makikita mo pa ang mga Igorot na nagsasayaw sa Banaue Rice Terraces sa isanlibong piso. Pero huwag mo nang hanapin dahil binibiro lang naman kita.
- Pinagana nating mga bata ang ating angking talento sa pagtupi ng perang papel upang makabuo ng kakaibang bagay tulad ng eroplano, bangka, bibig na puppet (na parang kahawig ng bunganga ni Kermit The Frog), damit, parisukat, bituin, double star na kahawig ng armas ng mga ninja na hindi ko alam kung ano ang partikular na tawag, at kung anu-ano pa. Mas malutong ang pera, mas mainam! Minsan napag-titripan pa ng kalaro ko na perang papel na naka-hugis bangka ang ibayad sa tindahan. Kanya-kanyang trip.
- Alam ba ninyo ‘yung embedded security threads ng mga perang papel natin? Ito ‘yung parang isang pirasong hibla ng sako na patayong nakalagay sa harapan ng pera. Pinagdidiskitahan naming alisin ‘yung“sako” na ‘yun gamit ang aming mga kamay. ‘Yung pinsan kong adik ang nagpauso ng kalokohang ‘to, hanga naman kaming lahat nang malaman naming may sako pala sa loob ng pera kaya ang resulta, panay punit ‘yung itaas na bahagi ng mga perang papel. ‘Yun nga lang, hindi na namin naulit ‘yun kasi pinagagalitan kami.
- Naniniwala ba kayo sa “kapangyarihan ng mga salita”? Kami, oo. Pero mas naniniwala kami sa “kapangyarihan ng pagtupi upang makita ang kakaibang salita”. Ganito kasi ‘yun: Ipapahanap mo sa kalaro mo ‘yung nakasulat sa pera na “Ang salaping ito ay bayag ko” at ‘yung “Bili ka ng Pilip” (Phillips, ewan ko kung brand ba ng yosi, bumbilya o ng sausage ‘yung Pilip na ‘yun). Kung tititigan mo lang ‘yung pera maghapon ay hindi mo talaga mababasa ‘yang mga salitang ‘yan. Kailangan mo munang tiklop-tiklupin ‘yan hanggang sa ma-“unlock” ‘yang mga pangungusap na“Ang salaping ito ay bayag ko” na galing sa “Ang salaping ito ay bayarin ng Bangko Sentral at pananagutan ng Republika ng Pilipinas” at ‘yung “Blika ng Pilip” (Bili ka ng Phillip) na galing naman sa “Republika ng Pilipinas”. Sa oras na mahanap na ang mga pangungusap na ‘yan, pwede mong biruin ang kalaro mo at sabihing “Ay, mukhang pera pala ‘yung bayag mo? Yak!”o kaya naman “Sige, bumili ka na sa tindahan. Ba-bye!”. O, ‘di ba hanep sa trip, parang mga siraulo lang.
- Alam n’yo ‘yung show ni Michael V noon sa GMA 7 na Bitoy’s World? Sa isang episode kasi ay may “experiment” si Bitoy at nagtanong s’ya kung paano pagkakabitin ang dalawang paper clip na hindi ginagamitan ng mga kamay. Ang sagot ay sa pamamagitan ng perang papel. Ititiklop mo muna ‘yung pera tapos ikakabit mo ‘yung paper clip sa taas. Kapag nakakabit na ay tsaka mo hihilahin ang magkabilang dulo ng pera. Tatalsik ngayon ang dalawang paper clip na nakakabit na! Magic ‘no? Pasens’ya na pero dahil sa sobrang tagal nito ay nakalimutan ko na ‘yung tamang posisyon ng paper clip pati ‘yung tamang pagkakatiklop ng pera. Kaya bale hindi lang ang perang papel ang bida sa kabulastugang ‘to, co-stars sila ni paper clip.
- Sa eskwela naman noong elementary ako at noong mga unang taon ko ng high school eh nauso rin ‘yung sugal sa pera. Ito ‘yung may kinalaman sa serial numbers na nakalagay doon. Gusto kong sabihing ito ‘yung cara y cruz na tinatawag pero sa totoo lang, hindi ako sigurado dahil wala akong ka-ide-idea sa iba’t ibang uri ng sugal. Basta ‘yung nilalaro ng mga kaklase ko noon eh ‘yung parang pataasan sila ng serial number sa pera. Wala akong interes sa mga sugal kaya’y pasens’ya na kung hindi masyadong maganda ang paliwanag ko tungkol dito.
- Sa eskwelahan pa rin, minsan kapag bored kami habang nagle-lecture ang aming guro ay magdo-drowing kami sa notebook namin ng kung anu-ano. Minsan pa nga ginagaya namin ‘yung pirma ng presidente sa pera, pati na ‘yung tagapangasiwa ng Bangko Sentral. Meron kaming scratch notebook ng kaklase ko na puro pirma lang naman ang laman. Walang kwenta ang gawaing ito at hindi rin ganoon ka-involved ang pera kaya hindi ko na itutuloy ang kwento tungkol dito.
Sobrang dami pa ng magagawa natin noon sa perang papel at ang mga nabanggit ay ilan lang sa madalas naming pinagtitripan. Kung buhay pa ang ating mga bayani doon, malamang babatukan nila tayong mga kabataan dahil kung anu-anong kabulastugan ang ginagawa natin sa pera. At ngayong bago na ang disenyo ng pera natin, wala sanang gumamit at bumaboy nito, na pakiramdam ko naman ay wala na dahil hindi naman kinakailangang magbayad ng limandaang piso sa paglalaro ng “CityVille”, hindi rin kinakailangang itapal ang pagmumukha ni Quezon sa harap ng mga ibon sa “Angry Birds”, at lalong hindi kailangang magbayad ng perang may drowing ng sumasayaw na Igorotsa Banaue Rice Terraces kapag “bumili ng Pilip”. <*bow!*>
No comments:
Post a Comment