Hindi ko alam kung may ganito rin sa klase ninyo noon. Sa amin kasi noong elementary/high school ay usong uso ang mga kanta nila. Sa bawat sulok ng aming silid ay makikita mong nagpapatugtog ang mga kaklase ko ng kanilang favorite pop music, mapa-lalake man o babae.
Pinaka-sikat sa amin ‘yung labanan ng Hanson fans at ng Moffatts fans. Apat sa mga kabarkada kong lalake ang mahilig sa Hanson. (Err, ang mga kanta ng Hanson ang tinutukoy ko.) Apat din naman sa mga kaklase kong babae ang Moffatts fans. At kung makaangkin sila sa bawat myembro ng Moffatts ay akala mong pag-aari talaga nila ang mga ‘yun. “Akin si Clint!”, “Akin si Papa Dave ha!”, “Basta walang aagaw kay Scott Moffatt ko!”. ‘Yan ang mga linyang maririnig mo sa kanila. Araw-araw pa silang bumibili ng songhits at kapag may Moffatts sa cover page nito ay kulang na lang ang ipalaminate ang buong songhits dahil sa sobrang pag-iingat nito. May time pang umiyak ang isa kong kaklase dahil nalukot ng kabarkada ko ang songhits na naglalaman ng feature tungkol sa Moffatts. Kung gaano nila kamahal ang Moffatts ay ganoon naman nilang ka-hate ang Hanson. Ayaw na ayaw nila sa mga kanta ng bandang ito. (Actually, ayaw din nila sa itsura ng Hanson na mukhang mga kabayo daw, ayon sa kanila.) Kaya’t kapag nagkasabay ng soundtrip ang Moffatts at Hanson fans sa aming klase ay asahan mo nang umaatikabong kantiyawan at pasikatan ng mga idolo nilang pop bands ang maririnig mo. (Sa totoo lang, mas gusto ko ang mga kanta noon ng Hanson kaya nga may cassette ako nila.)
Isa pang sikat na labanan sa aming klase ay ang pasikatan ng Britney Spears fans at ng Christina Aguilera fans. ‘Yung mga kabarkada kong lalake na mahilig sa Hanson ay mga Christina Aguilera fans din. (Sa totoo lang ay mga tunay na lalake po ang aking mga kabarkadang ito. Hehe.) May mga kabarkada din akong babae na mahilig naman sa Britney Spears songs. Sa palagay ko naman, itsura ang pinaglalabanan nila kina Britney at Christina dahil pareho namang maganda at nakaka-LSS ang kani-kanilang mga awitin. (Oo, inaamin kong paminsan-minsan ay nakikinig ako noon ng kanilang mga kanta. Sino ba naman ang hindi mae-LSS sa mga kanta nila, hindi ba? Lalo na sa All I Want Is You ni Christina. Amps. Hehe.)
No comments:
Post a Comment