Si itay ang kauna-unahan kong guro. Siya ang nagturo sa akin kung paano bumilang, sumulat, at bumasa noong bata pa ako. Marami din siyang aral na naituro sa akin na naging gabay ko habang ako ay lumalaki. Dalawa sa lessons na hindi ko makalimutan ay ‘yung tungkol sa kung paano magbilang ng pera (may lesson naman talagang ganito, ‘di ba?) at kung paano tumingin ng oras. Hirap na hirap akong bumilang o magkuwenta ng pera noon. Lagi kong nakakalimutan na kapag pinagsama ang dalawang singkuwenta sentimos ay magiging piso, imbis na isandaang sentimos. Maski ang oras ay hirap na hirap kong malaman noon. Dahil dito, tinuruan ako ni itay na bumilang ng lima-lima — 5, 10, 15, 20, 25… At ang oras na 5:05 ay hindi ko makalimutan dahil ito ang unang beses na tumama ako noon sa pagtingin ng oras. Wala lang, sinabi ko lang.
Isa ang pagbibilang sa mga importanteng malaman ng lahat ng tao sa mundo. Kung tutuusin, kung hindi ka marunong bumilang o bumasa ay hindi mo matututunan kung paano magkuwenta ng pera at tumingin ng oras. Ang simpleng kaalaman hindi lang sa pagbibilang kundi pati na rin sa pagbabasa at pagsusulat ay isang daan patungo sa tagumpay. Paano mo pipirmahan ang mga naglalakihang kontrata kung hindi ka marunong sumulat at bumasa? Paano mo malalaman kung gaano ka na kayaman (o kahirap) kung hindi mo kayang bilangin ang iyong salapi?
Ang panonood ng mga programang pang-edukasyon o educational programs sa telebisyon ay nakakatulong para pagyamanin ang isipan ng mga bata kahit sila ay wala sa paaralan. Ilang episode nga ba ang pinalabas ng ganyang klaseng mga programa na nagbibilang halimbawa ng mga kabibe sa beach o ng mga kuto sa buhok, nagbabasa at kumakanta ng alphabet song, at kung anik-anik?
Tara na't mag-Batibot tayong lahat! <*ngisi!*> |
“Pagmulat ng mata, langit nakatawa sa Batibot, sa Batibot. Tayo nang magpunta. Tuklasin sa Batibot ang tuwa, ang saya. Doon sa Batibot, tayo na, tayo na. Mga bata sa Batibot, maliksi, masigla!”
Maituturing na isa sa pinakamatagumpay na educational program ang Batibot na nagsimulang mapanood sa ere noong May 14, 1984 sa RPN 9. Ito ay nilikha ng Philippine Children’s Television Foundation (PCTF) sa pakikipagtulungan ng Children’s Television Workshop (CTW) na siya ring lumikha sa US children’s program na Sesame Street.
Isa ka bang “Batang Batibot”? Marahil kung kilala mo sina Pong Pagong, Kiko Matsing, Irma Daldal, Manang Bola, Ningning at Gingging, Kapitan Basa, Koko Kwik Kwak, at iba pa, isa kang certified “Batang Batibot”. Hindi rin mawawala diyan ang mga tunay na tao sa mundo ng Batibot tulad nina Kuya Bodjie (Bodjie Pascua), Ate Isay (Isay Alvarez), Ate Sienna (Sienna Olaso), Kuya Ching (Ching Arellano na sumakabilang buhay na), at marami pang iba.
Pinoy version ng Sesame Street. ‘Yan ang turing ng karamihan sa Batibot. Ang original title pa nito noon ay “Sesame!” na katulad ng Sesame Street ay nasa wikang Ingles. Ngunit nang maglaon, tinagalog ito at naging Batibot. Marami ding pagkakahalintulad ang mga tauhan ng Batibot at ng Sesame Street. Parehong mukhang higanteng bakla sina Pong Pagong at Big Bird dahil parehong pa-cute ang mga mata nila. Parehong mukhang gusgusin sina Kiko Matsing at Oscar The Grouch, mahilig pang kumain itong si Kiko Matsing ng saging na ang balat ay karaniwang tinatapon sa basurahan na tirahan naman ni Oscar The Grouch. Magkapatid sina Ningning at Gingging, gayundin sina Ernie at Bert. Hanep, ‘di ba?
Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang “batibot”? Noon, kapag sinabing “batibot”, ito ay tumutukoy sa batang maliit pero malakas at masigasig. Pero pagkalipas ng maraming panahon, nagkaroon ng panibagong kahulugan ang salitang ito dahil na rin sa mapaglarong isipan nating mga Pilipino. Kapag nagsabi ka dati ng “Tara, mag-batibot tayo!”, ibig sabihin ay manonood kayo ng programang Batibot sa telebisyon. Subalit kung ngayon mo sinabi ‘yan, may kakaibang kulay na ‘yan lalo na sa mga kalalakihan dahil diumano, ang “batibot” ay hango sa root word na “bati” o pagja-jakol (o kung hindi mo alam ‘yan eh ‘di pagma-masturbate, pagpa-fap o pagja-jakol). Ibang klase talaga tayong mag-isip, ano?
Bukod sa theme song ng Batibot (na mababasa ang ilang linya sa lyrics pagkatapos ng larawan sa taas) na sinulat ni Rene Villanueva na hindi ko kilala kung sino, ilan pang mga awitin na tatak-Batibot ang ating sinabayan sa pagpapayaman ng ating kaalaman. Kinakanta sa programa ang “Alin, alin, alin ang naiba? Isipin kung alin ang naiba?…” at ang “Pagsama-samahin ang pare-pareho. Ang pare-pareho, pagsamahin natin…” na susubok sa talas ng pag-iisip at pakiramdam ng isang bata sa mga bagay-bagay sa kanyang paligid.
Ang paglabas ng mga aklat ng Batibot sa merkado na nilikha rin ng PCTF ay nakatulong din sa wastong pagbabasa ng mga bata. Sa sobrang fanatic ko noon sa Batibot ay nagpabili rin ako ng mga “Aklat ng Batibot” na tulad ng “Sina Elephas At Estegodon Noong Unang Panahon”, “Ang Pamilya Ismid”, “Si Inggolok At Ang Planeta Pakaskas”, “Ang Alamat Ng Araw At Gabi”, at “Sina Linggit Laban Kay Barakuda”, lahat ‘yan ay nakalimutan ko na ang mga istorya. Minsan ay kinukuwento ni Kuya Bodjie ang istorya nito noon sa Batibot.
Napakaraming hindi malilimutang mga eksena sa bawat episode ng Batibot. Sa sobrang dami at tagal na ng show na ito ay wala na akong maalala, maliban sa iilan. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang eksena kung saan gumawa sina Kuya Bodjie at ang mga bata, kasama si Kiko Matsing, ng bola na yari sa papel, origami kumbaga. Matapos tiklop-tiklupin ay nakabuo sila ng bola, maliban kay Kiko Matsing na hindi sanay gumawa. Kaya ang ginawa niya, nilamukos na lang niya ang papel, at ta-daaah! Instant bolang papel in three seconds. Ewan ko ba kung bakit napaka-unforgettable ng eksenang ‘yon para sa akin.
Hindi ko rin makakalimutan ang Christmas episode ng Batibot noon. Napaiyak kasi ako nito. Oo, tama ang dinig mo, lumuha ako sa isang pambatang programa noon! Kung gusto mong malaman ang istorya, basahin ang ilang excerpt sa blog post ko tatlong taon na ang nakakaraan. Nagsisimula pa lang akong magseryoso sa pagba-blog noong mga panahong 'yan kaya pasensiya na (ano daw?).
Ahaha. Isang episode lang naman ito. Naalala ko noong kainitan pa ng children’s show na Batibot. Alam naman natin na ang Batibot ay isang educational show para sa mga bata. Tinuturuan nila ang mga batang bumilang, bumasa at kung anu-ano pang kagandahang asal. Pero hindi ko matandaan na tinuruan nila ang mga bata kung paano umiyak. Haha. Christmas special ata ng Batibot ang napanood ko noon. Tinuturo ni Kuya Bodjie sa mga bata ang ibig sabihin ng “X” sa X-mas. Noong una ay wala akong nararamdamang lungkot noon. Pero nang matapos ang Batibot at nagtanong ang nanay ko sa akin, doon ako naiyak. Tinanong niya ako kung matutulog na ako. Syempre sabi ko oo. Gabi na kasi noon. (Gabi nga pala ipinalabas ang Batibot na ito dahil isa itong Christmas special, medyo mahaba ang airtime.) Pero hindi ko napansin na tumutulo na pala ang luha ko noon. Tinanong ako ng nanay ko kung bakit ako umiiyak. Hindi ko matandaan kung ano ang response ko noon sa kanya. Hanggang ngayon hindi ko pa din lubos maisip kung bakit ako umiyak noong time na ‘yon. Hindi naman nakakaiyak ang tanong sa akin ng nanay ko. Ahaha. Hindi kaya siguro dahil sa ganda ng mensaheng ipinaabot ng Christmas special na ‘yon ng Batibot? Hindi naman nakakaiyak ang mga itsura nina Pong Pagong, Kiko Matsing at Manang Bola hindi ba?
Muling nagbabalik ang Batibot ngayon sa telebisyon at ito ay kasalukuyang napapanood sa TV 5. Pero sabi nga nila, iba na ang original. Hindi ko ma-feel ang bagong Batibot ngayon. Pero kung sabagay, malamang eh hindi ko na talaga mae-enjoy ang panonood ng ganitong klaseng mga pambatang programa dahil dumaan na ako sa stage of learning things, ika nga (ba’t napa-Ingles ako?).
Masasabing second coming naman ng Batibot ang ATBP. Nang pansamantalang mawala sa ere (o hindi man nawala kundi para bang nalaos), pumalit ang programang Awit, Titik, At Bilang Na Pambata. Mas kilala sa pangalang ATBP. o At Iba Pa, ito ay pinalabas sa ABS CBN mula taong 1994 hanggang 1998, bago mag-tanghalian.
"Awit-titik-bilang-at iba pa... At iba paaa!!!" |
Tulad ng Batibot ay marami din tayong nakilalang kaibigan dito. Sino ang nakakaalala kay Ate Remy (o si Isay Alvarez na dating nasa Batibot) na mukhang guro ng isang art class dahil sa pagtuturo niya ng iba’t ibang art projects tuwing Biyernes? Uumpisahan ang programa sa pamamagitan ng pag-awit ng “Kumusta na, mga bata? Kumusta na, mga bata? May natutunan ba kayo?…” (sabay pabirong sigaw namin ng mga kalaro ko ng “wa-la!”) Kung pamilyar naman kayo sa mga news program ng TV 5 ay merong reporter doon na Trish Roque ang pangalan. Siya si Patricia Ann Roque sa ATBP., ang batang laging kasama ng matabang si Carl. Nabasa ko rin sa Wikipedia na kasama pala sa cast ng ATBP. si Piolo Pascual. Ewan ko lang kung ‘yung Piolo Pascual na kilala natin ngayon ang Piolo Pascual na ‘yon.
Kung merong Pong Pagong at Kiko Matsing ang Batibot, siyempre meron namang Pipo (isang aso) at Tingting (isang pusa) ang ATBP., at kung may superhero sa Batibot na nagtuturo kung paano bumasa sa katauhan ni Kapitan Basa, ang ATBP. naman ay may superhero na nagtuturo kung paano bumilang — si Kapitan Sulat. ‘De, biro lang, si Kapitan Bilang, sino pa nga ba.
Sumikat ang ATBP. dahil sa mga nakakaaliw na awitin nito na tumatak sa isipan ng mga batang manonood. Paborito naming kantahin ni utol noon ang “Isa… Dalawa tatlo… Apat lima… Anim pito walo… (hanggang dalawampu) Magbilang mula sa umpisa… Sige na, ulit-ulitin pa!” Ewan ko ba kung bakit hanggang dalawampu lang ang naituro ng programang ‘yon. Mga daliri lang siguro sa kamay at paa ang kanilang tanging gabay. At siyempre, huwag nating kalimutan ang makabagong bersiyon nila ng “Alphabet Song” — “AB… CD… EFG… HI… JK… LMNÑ…” Dahil sa mga kantang ito, minsan ay naiisip ko na mas naging permanente ang naituro ng ATBP. sa mga bata kesa sa Batibot.
Sa simpleng paliwanag, siguro ay mas nakilala ang Batibot dahil sa kanilang mga tauhan na tumatak sa mga bata, at naging popular naman ang ATBP. dahil sa mga awiting nakaka-LSS para sa mga bata. Subalit hindi tamang pagkumparahin ang dalawang programa dahil kahit magkaiba sila ng atake, pareho naman sila ng layunin — ang turuan ang mga bata ng tamang pagbilang, pagsulat, pagbasa, at ng mga kagandahang asal.
Ang haba ng kuwento ko. Makapag-batibot nga muna sandali. Biro lang.
No comments:
Post a Comment