Saturday, December 11, 2010

Pinapatulog ka ba tuwing hapon noong bata ka?


Normal na sa mga bata ang maglaro nang maglaro nang walang tigil sa buong araw at hindi inaalala ang mga problema sa buhay. Kaya naman isa na siguro sa pinaka-ayaw na gawain ng isang aktibong bata noon ang matulog sa hapon. Sa gitna ba naman ng masarap na paglalaro mo ay bigla kang patutulugin ng iyong nanay o mas nakatatanda. At ang pinaka-popular na dahilan kung bakit tayo pinatutulog ay para daw tayo tumangkad. Naniniwala ka ba dito?


Noong bata pa ako, palaging may kapalit ang pagtulog naming magpipinsan tuwing hapon. Ang sino mang matulog sa hapon ay isasama ng aming auntie sa pamamasyal sa Tawiran (Nakalimutan ko na kung saan banda ito, sa Bulacan ata.). Sa panahong wala pang internet at kung anu-ano pang sikat na game consoles, sino ba naman ang ayaw sumama sa pamamasyal, ‘di ba? Kaya ang ginagawa namin kapag hindi kami nakatulog ng hapon ay gugusutin namin ang aming mga buhok at babasahin ng kaunti ang mata kapag dumating si auntie para kunyari ay kagigising lang namin. Minsan naman ‘yung isa kong pinsan ay kukuha ng kulangot sa ilong n’ya at ilalagay sa gilid ng mata para kunyari ito ay muta. Kung hindi naman gumagala ay nagmemeryenda kami ng Rebisco sandwich at nakaplastik na Sarsi o Pop Cola sa tindahan nina auntie pagkagising.

Dahil sa dami ngayon ng pagkaka-abalahan ng isang bata (OL games, internet, etc.) ewan ko na lang kung may bata pang mangangahas na matulog sa hapon.

1 comment:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...