Naaalala mo pa ba ang mga panahon ng iyong kamusmusan kung saan pinapayagan tayo ng ating mga magulang na magbabad sa isang malaking batyang may tubig nang buong maghapon? Ang sarap ‘di ba? Hindi nila inaaalala ang dami ng naaaksaya nating tubig tuwing tayo ay masayang nagtatampisaw dito. Isa na siguro ito sa mga patok na gawain bilang bata noon, ang paliligo sa batya. Ang sarap nga namang magbabad nang maghapon sa isang batya na para bang ikaw ay nasa bath tub. Minsan ay may dala-dala ka pang props sa paliligo (laruang bangka at kung anu-ano pa) para mas exciting ang pagbabad sa batya. Kung pwede nga lang mag-backstroke sa batya ay paniguradong ginawa na natin ito sa sobrang tuwa natin sa paliligo.
Ako mismo noong bata ay madalas maligo at magbabad sa batya. Naaalala ko pa noon, sa may lumang garden namin nilalagay ang isang malaking batya at maghapon akong nagbababad doon hanggang sa mangulubot ang mga balat sa aking daliri dahil sa sobrang tagal ko sa pagkakababad sa tubig. Maski ang kapatid ko ay nakaranas maligo sa batya noong bata. Sa katunayan, meron pa kaming litrato habang kami ay nakahubo’t hubad na naliligo sa batya. (At hindi ko na ipapaskil dito. Ahehe :p) Grade four siguro ang huli kong paliligo sa batya. (Ang laki ko na nang huli akong maligo sa batya, ‘no?)
No comments:
Post a Comment