Noong mga panahong hindi pa uso ang online games at kung anu-ano pang gadgets, sa lansangan madalas nagpupunta ang mga bata upang maglaro at makipaglaro sa mga kapwa n’ya bata. At kahanga-hanga na sa isang simpleng materyales lamang ay nakakagawa sila ng laruan na kanilang mapaglilibangan, tulad na lamang ng simpleng makukulay na papel na nasa larawan. Sa ngayon, ang simpleng papel ay sinusulatan na lamang, hindi tulad dati na sa isang simpleng pagtupi-tupi at dagdagan pa ng kaunting creativity ay makakabuo ka ng mga bagay na nakakatuwa. Ganyan ang klase ng mga laruan ng mga bata noon. Aminin natin, wala nang batang naglalaro ng mga bangkang papel at bangkang eroplano.
‘Yung tita kong kamag-anak ni Don Tiborcio (Gets n’yo ba? NVM.) ang nagturo sa akin kung paano gumawa ng eroplano at bangka sa papel. At simula nun ay inubos ko na ang mga lumang MOD Magazine at Women’s Today Magazine sa kanila sa kakabuo ng mga ito. Sa totoo lang, itong bangka at eroplano lang ang natutunan kong buuin sa papel. Nakaya kong gumawa ng polo shirt sa papel noon pero nakalimutan ko na. Pero ang gusto ko talagang matutunan ay ‘yung bolang papel na tinuro at binuo noon nina Kuya Bodjie at Kiko Matsing sa programang Batibot. (Opo, natatandaan ko pa ‘yung episode na ‘yun. At dahil hindi makayang gumawa ni Kiko Matsing ng bola, nilamukos na lamang n’ya ang papel at binilug-bilog para maging bola. Ano daw?)
Kung tutuusin, kahit anong uri ng papel ay maaaring gamitin sa paggawa ng mga obra maestra. Lumang dyaryo o kahit ‘yung mga makikintab o glossy na magazines ay maaaring gamitin (katulad ng eroplanong papel na nasa larawan), basta’t paganahin lamang ang inyong, sabi nga ng cute na cute na si Spongebob, “imaginaaation!”.
No comments:
Post a Comment