Sunday, October 31, 2010

Makinilya: Isang dating kaibigan

Naaalala n’yo pa ba ang typewriter o makinilya na minsan ay naging karamay natin sa ating mga school projects? Noong hindi pa uso ang computer, dito tayo kay makinilya umaasa at hindi n’ya tayo binibigong mabigyan ng magandang grado. Natatandaan ko pa ang huli kong gamit ng makinilya. Meron kaming project sa science noon at hindi nga ako nagkamaling dumepende kay makinilya dahil binigyan nga n’ya ako ng mataas na marka.

Napaka-laking tulong ng makinilya noon kahit na sumasakit ang kamay natin kakapindot sa mga letters nito (Minsan kasi ay lumulusot ang mga daliri natin sa pagitan ng mga letra at masakit ‘yon, lalo na kung napaka-bilis mong mag-type.). Ngunit hindi lang ang paglusot ng ating mga daliri ang problema sa isang makinilya. Kapag nagkamali tayo, walang “delete” o “backspace” button dito ’di gaya ng computer at kailangan mong gumamit ng correction fluid/liquid paper (o isnow peyk ayon sa iba) upang maitama ang typographical error mo. Isa pa, hanep sa ingay gamitin ng makinilya. Napaka-iskandalosong “Tak! Tak! Taka-tak!” ang sound na maririnig mo habang ginagamit mo ito. Required kasi dito ang madiin na pagpindot at kung hindi, magiging malabo ang rehistro ng pinindot mong letra (Ano daw?). Wala ring “arrow key” “cursor” si makinilya kaya kailangan mong pihitin paikot ang handle na malapit sa papel upang mapunta s’ya sa gusto mong lugar (Ano daw? ‘Yun na ‘yun. Bahala na kayong umintindi. Hehe.). At ayon sa pagkakaalam ko, tatlong kulay lang ng letra ang pwede mong gamitin dito dahil tatlo lang ang kulay ng ribbon ng makinilya (itim, pula at asul). Hindi ako sure. At naalala ko bigla ‘yung brand ng typewriter namin noon, Olympia. Wala lang.

Kahit may computer na ngayon at lipas na sa uso ang typewriter ay hindi maikakailang minsan ay naging parte ng ating buhay (school life, in particular) at naranasan din nating gumamit ng isang kaibigang katulad ni makinilya.

Friday, October 29, 2010

Naging tagalista ka ba ng maiingay noon sa klase?


Sa isang classroom, laging may inaatasan ang ating mahal na guro na mamumuno ng katahimikan at kaayusan sa klase kapag s’ya ay wala. Kung hindi class officer ay ang pinakatahimik o pinakamatalino sa klase ang kanyang inuutusang maglista ng mga maiingay o Noisy at ng mga tayo ng tayo o Standing sa kanilang mga upuan. Minsan pa nga ay wais ang guro dahil kung sino man ang mapabilang sa listahan ay kinakailangan pang magbayad ng piso na s’yang ilalagay “daw” ng titser sa class fund.

Dahil isa akong tahimik at mahiyaing bata noon, madalas akong naaatasan ng aming adviser na maglista sa pisara ng mga Noisy at Standing. Laging nangunguna sa listahan ng mga maiingay ‘yung mga bully naming classmates at hindi naman mawawala sa listahan ’yung mga estudyanteng hindi mo alam kung may nunal ba sa talampakan dahil kung saan-saang lupalop ng silid aralan nakakarating. Minsan din ay nililista rin namin ang mga nagsasalita ng Tagalog sa oras ng English Class namin at as usual, may pisong multa rin ito na mapupunta sa class fund.

At alam n’yo ba na noong elementary (grade 2 o 3) akala ko ang ibig sabihin ng “Standing” ay tahimik? May time kasi na nilista ko under “standing” ‘yung mga kaklase kong nakaupo lang at nananahimik. Potek, ibig ko atang sabihin “outstanding” o ‘yung namumukod tangi. Ewan ko ba kung bakit. Tanga kasi ako noong elementary. Fail.

Galing nga pala sa Facebook ang larawan.

Wednesday, October 27, 2010

Kilala mo pa ba si Recca Hanabishi?


Ang Flame of Recca ay isang anime na pinalabas noong early 2000. Hango ito sa isang manga series na Rekka no Hono. Ito ang anime na pumalit sa Ghost Fighter nang unang beses itong matapos sa GMA 7. Ito ay istorya ng isang batang lalakeng si Recca Hanabishi na naniniwalang isa siyang ninja.

Ang Flame of Recca ay isa sa pinaka-paborito kong anime noong panahong ‘yon. Katulad ng walang kamatayang Ghost Fighter, ilang beses ko na ring napanood ng buo ito sa GMA 7. Nagkaroon pa nga ito ng english version noon sa AXN (Sinundan ito ng anime na Ninku sa AXN. Nanonood din ako ng Ninku pero bihira lang.). Kabisado ko rin dati ang pangalan ng mga characters dito noon pati ‘yung mga flame dragons ni Recca. At lagi kaming bumibili ng mga kaklase ko ng isang banig ng teks nito sa tindahan pagkatapos ng eskwela.

Alam n’yo ba kung ano ang pinaka-paborito kong episode ng Flame of Recca noon? Ito ay walang iba kundi ‘yung laban ni Aira Kirisawa at ng isang halimaw (nakalimutan ko ang pangalan) at nahubaran si Aira sa episode na ‘yun. (Hindi naman hubo’t hubad, naka-bra at panty kasi. Amfs. Ang manyak ko na noong bata.)

Tuesday, October 26, 2010

Mga simpleng bagay mula sa simpleng papel


Noong mga panahong hindi pa uso ang online games at kung anu-ano pang gadgets, sa lansangan madalas nagpupunta ang mga bata upang maglaro at makipaglaro sa mga kapwa n’ya bata. At kahanga-hanga na sa isang simpleng materyales lamang ay nakakagawa sila ng laruan na kanilang mapaglilibangan, tulad na lamang ng simpleng makukulay na papel na nasa larawan. Sa ngayon, ang simpleng papel ay sinusulatan na lamang, hindi tulad dati na sa isang simpleng pagtupi-tupi at dagdagan pa ng kaunting creativity ay makakabuo ka ng mga bagay na nakakatuwa. Ganyan ang klase ng mga laruan ng mga bata noon. Aminin natin, wala nang batang naglalaro ng mga bangkang papel at bangkang eroplano.

‘Yung tita kong kamag-anak ni Don Tiborcio (Gets n’yo ba? NVM.) ang nagturo sa akin kung paano gumawa ng eroplano at bangka sa papel. At simula nun ay inubos ko na ang mga lumang MOD Magazine at Women’s Today Magazine sa kanila sa kakabuo ng mga ito. Sa totoo lang, itong bangka at eroplano lang ang natutunan kong buuin sa papel. Nakaya kong gumawa ng polo shirt sa papel noon pero nakalimutan ko na. Pero ang gusto ko talagang matutunan ay ‘yung bolang papel na tinuro at binuo noon nina Kuya Bodjie at Kiko Matsing sa programang Batibot. (Opo, natatandaan ko pa ‘yung episode na ‘yun. At dahil hindi makayang gumawa ni Kiko Matsing ng bola, nilamukos na lamang n’ya ang papel at binilug-bilog para maging bola. Ano daw?)

Kung tutuusin, kahit anong uri ng papel ay maaaring gamitin sa paggawa ng mga obra maestra. Lumang dyaryo o kahit ‘yung mga makikintab o glossy na magazines ay maaaring gamitin (katulad ng eroplanong papel na nasa larawan), basta’t paganahin lamang ang inyong, sabi nga ng cute na cute na si Spongebob, “imaginaaation!”.

Monday, October 25, 2010

SOS: Pinoy Tic Tac Toe

Sino nga ba ang hindi makakalimot at hindi nakakaalam sa larong ito? Ang SOS ay isang strategy game na hango sa Tic Tac Toe. Katulad ng Tic Tac Toe, kailangang makabuo ka ng mga letrang S-O-S in order, horizantally, diagonally, at vertically. Kailangan mo lang ng simpleng panulat at graphing paper o kung walang graphing paper ay kahit sa isang sumpleng papel ay makakalaro ka na nito, basta’t guhitan lamang ang papel ng mga grids.

Usong pampalipas oras ang SOS sa amin noong elementary days lalo na kapag breaktime. At noong minsang bored talaga kami, gumawa pa kami ng design sa isang graphing paper at nagustuhan naman ng aming guro. Parang baliw lang.

Bakit nga kaya SOS ang tawag sa larong ito? Ang dami namang pwedeng letra, ‘di ba?

Saturday, October 23, 2010

Rubber Band: Isang elastikong libangan ng mga bata noon


Sino nga ba ang mag-aakalang ang rubber band o goma ay naging paboritong libangan ng mga bata noon? Sa panahong hindi pa uso ang magagarbong teknolohiya, ang simpleng piraso ng goma ang siyang bida sa mga batang naglalaro sa lansangan noon dahil sa dami ng pwedeng gawin sa isang elastikong bagay na ito.

Una na sa listahan ng maaaring gawin sa goma ay ang paglalaro ng dampa kung saan inilalapag ang goma at pinapagalaw ito sa pamamagitan ng hangin gamit lamang ng inyong mga kamay na karaniwang nilalaro ng mga batang lalake (Potek. Nanakit lang ‘yung kamay ko noon pero hindi ko pa rin mailakas-lakas ‘yung paggalaw ng goma.). Isa pang pwedeng gawin sa goma ay ang pagkabit-kabitin ito hanggang sa makabuo ka ng isang mahabang rubber band chain na gagamitin sa paglalaro ng Chinese Garter. Patok naman ito sa mga batang babae.

Maaari ding gumawa ng kung anu-anong bagay sa goma gamit lamang ang malilikot na isipan. Noon ay masaya ka kapag nagagawa mo sa goma ang star, double star, triple star, philippine flag, bahay ni Tarzan at kung anu-ano pa at ipinagyayabang mo pa ang mga ito sa mga kalaro mo. (Nagawa ko noon ‘yung star, double star at bahay ni Tarzan pero ‘yung isang star lang talaga ang na-master ko.)


Sa ngayon, base sa aking napapansin, ginagamit na lang ang goma sa pagtali ng buhok para sa mga babae at may mahahabang buhok at sa pagtali ng ilang piraso ng binilot na papel. (Ano daw?)

O, Chickadees. Bakit mo kami iniwan?

I’m sure kahit isa man lang sa inyo ay may nakakaalala ng popular na chichiryang ito.

Ang Chickadees ay isang junk food na nakilala at paborito ng mga bata noon dahil sa kanilang mga maliliit na free toys na kalakip ng bawat pack nito. Ilan lang sa mga libreng laruan ay mga stickers, mga maliliit na pambura, rounded stretchable something na elastic at idinidikit sa pader, ‘yung gummy bear look-alike na toy pero hindi kinakain, ‘yung dinosaur something na kapag ibinabad sa tubig ay lumalaki ang hugis, at kung anu-ano pang weird na mga laruang sa kinalaunan ay malamang na magiging kalat lang ng mga bata sa bahay. Marami pang kabulastugang kalakip ang chichiryang ito subalit hindi ko na matandaan ‘yung iba dahil sobrang tagal na nito. Ito na siguro ang pinakapaborito kong junk food noong bata at kasama ng Pretzels ay lagi ko silang binibili sa canteen o kung hindi man ay nagpapabili ako sa lola ko nito araw-araw. My gulay, miss ko na talaga ang chichiryang ito. O, Chickadees. Bakit mo nga ba kami iniwan nang walang kagatul-gatol? Marami pa rin ang nangungulila sa ‘yo at sa free toys mo. (OA na.)

Nga pala, ‘yung larawan, sa totoo lang, hindi ganito ‘yung packaging ng Chickadees na nakagisnan ko. Kulay berde rin s’ya pero bilug-bilog ang laman na parang Pom Poms. Siguro Chickadees ng ibang bansa ito. Wala kasi akong mahanap na litrato nung original na Chickadees.

Friday, October 22, 2010

Paano ka pinaparusahan ng mga magulang mo noong bata?


Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata. Likas na sa ating mga bata ang pagiging makulit at pasaway. Walang pinipiling lugar ang kakulitan ng isang bata, mapa-bahay man, eskwela o kahit saang lugar pa ito. Kaya naman madalas tayong napaparusahan ng ating mga magulang o ng mas nakatatanda sa atin. Ikaw? Alin sa mga sumusunod ang madalas na parusang natitikman mo noong bata?


Palo sa pwet. Ito na siguro ang pinaka-tipikal na parusa na ating natikman noon. Kapag tayo ay nakagawa ng kasalanan, asahan mong kasunod nang aalingasaw ang mga linyang tulad ng: “Dapa! Hindi ka na nagtanda! Umm! (pak!)”. Hindi lang simpleng palo ito dahil madalas pang gumamit ng iba’t ibang devices ang ating mga magulang tulad ng patpat, walis tingting, hanger, at syempre, ang walang kamatayang sinturon. (Madalas gamitin sa akin noon ni itay ang sinturon at hanger.) Pero minsan ay wala nang tatalo pa sa natural na palo na dampi ng kamay ni inay. Pagkatapos ng paluan session, makikita mo na lang ang pwet mong markang pahaba at namumula sa latay.

Luhod. Para sa akin, isa ito sa pinaka-classic na parusa sa mga bata. Ang pagluhod sa asin o sa munggo ay ginagawa na noon pang panahong bata pa ang ating mga magulang. (Ito kasi ang parusa kina inay at itay noong bata pa sila.) Sa pagluhod sa mga ito makikita ang katatagan at tibay ng ating mga binti at tuhod. Minsan ay lume-level up pa ang style na ito. Naglalagay pa ng pabigat sa magkabilang dulo ng ating mga kamay, na kadalasan ay mga mabibigat na libro, to test your skills in balancing (Ano daw?).

Grounded. Ito naman siguro ang parusa ng mga sosyal na bata. Kapag nakagawa ng kasalanan? Goodbye TV, goodbye toys, at goodbye “gala sa labas” muna. Hindi tayo pinapalabas ng bahay hangga’t hindi tayo natututo sa ating mga pagkakamali. Naisip ko lang, sa panahon ngayon, ang hirap sigurong maparusahan ano? “Walang computer! Walang mall! Walang allowance!” Ouch. Ang saklap.

Kulong. Medyo may pagkakahawig ng kaunti ang pagiging grounded dito. Noong bata pa kami ng utol ko ay ito rin ang madalas na parusa sa amin. Kinukulong kami ng ilang minuto sa loob ng CR nang walang ilaw (Hindi pa namin abot ang switch ng ilaw noon. Hehe.). Natatawa lang ako kapag naaalala ko ‘yung “kulong” moments namin nung bata. Nasira ko kasi ‘yung pambomba namin ng inodoro noon dahil hinataw ko ‘yung pinto ng CR namin. Nagbuhos naman ang kapatid ko ng isang timbang tubig nang nakadamit nang makulong s’ya sa CR.

Hubo. Pamilyar ba kayo sa kahiya-hiyang parusang ito? Madalas ginagawa sa mga batang lalake ang parusang ito sa eskwela. Kapag nakagawa ng kasalanan (Gaya ng hindi paggawa ng takdang aralin) ay patatayuin tayo ng mahal nating mga guro sa harapan ng klase habang nakababa ang ating mga damit pang-ibaba at brief na lang ang makita sa atin. Good luck na lang sa iyong dignidad pagkatapos mong maparusahan ng ganito. (Buti na lang at hindi ko naranasan ito. Haha.)

At sa mga bawat parusang ito ay tiyak na may kasunod na words of wisdom at moral lessons mula sa ating mga magulang. At ang klasik na linya na ating maririnig ay: “Kaya ka namin pinaparusahan ay dahil mahal ka namin.” Tama, hindi ba?

Thursday, October 21, 2010

3 O'clock Habit: Ang dasal na pamilyar sa mga batang 90s

Sino nga ba ang hindi makakalimot sa classic 3 O’clock Habit na laging pinapalabas pagkatapos ng mga panghapong soap opera tulad ng Agila, Valiente at Mara Clara? Dahil lumaki ako sa mga lola ko na mahilig manood ng mga programang iyon, lagi ko itong napapanood. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay halos kabisado ko pa ang old English version nito, pati ‘yung announcement ng voice-over after the prayer na mala-Kuya Cesar ang boses. It goes like this:

“We have just as one nation started the beautiful 3 o’clock habit. We hope that this becomes a daily habit with you… For a free booklet on the devotion to the Divine Mercy, write or call Divine Mercy Say a Little Prayer Movement. 803 Aurora Boulevard, Cubao, or 19 Spencer St. Cubao, Quezon City. Telephone nos. 7218324, or 7214350. Help build the Divine Mercy charity hospital and information center. When I was sick, did You comfort me? Words our our Lord to Blessed Sister Faustina… Souls who spread the honor of My mercy, I shield through their entire lives as a tender mother her infant, and at the hour of death, I will not be a Judge for them, but the Merciful Savior.”

Ang dasal rin na ito ang nagsisilbing hudyat para itigil ko na ang kunya-kunyarian kong pagtulog sa hapon. (Dati kasi, pinapatulog kaming magpipinsan ng tita ko tuwing hapon at kung sino man ang natulog sa hapon ay isasama sa pamamasyal sa may Tawiran sa Bulacan.) Ito rin ang hudyat para malamang oras na ng meryenda ko ng masarap na chocolate sandwich ng Rebisco at Sarsi na nakalagay pa sa plastik.

Sa ngayon, ang dasal na ito ay meron nang Tagalog version na exclusively sa ABS CBN.

Pindutin ito upang mapanood ang video ng lumang 3 O’clock Habit.

Backmasking controversy: Naniniwala ba kayo dito?

Ang backmasking ay isang paraan ng pagpapatugtog sa isang kanta nang pabaliktad. Popular ito sa mga cassette tapes noong 90s pero ngayon, ayon sa aking napag-alaman, maaari nang mag-backmask gamit ang computer, kailangan mo lamang ng music program na nakakapagpatugtog ng pabaliktad. Noong 90s, pumutok ang balitang ito sa pamamagitan ng programang Magandang Gabi Bayan ni Noli de Castro. Kasabay din nito ang pag-usbong ng kontrobersiya sa pagba-backmask. Maririnig daw diumano ang mga Satanic messages o ‘yung mga lyrics na may sa-demonyo kapag binackmask mo ang mga awitin ng Eraserheads, Yano, at iba pang mga bandang sumikat noong dekada 90.

Ilan sa mga lumabas na mensahe ay narito: (1, 2, 3). Hindi ko alam kung totoo ngang ito ang lumabas sa mga backmasked songs nila. Hindi ko na ipo-post sa dash at kayo na ang bahalang humusga. Mabait kasi ako. Joke lang.

Noong bata ako ay gustung-gusto kong subukang i-backmask ang mga cassette tapes ko ng Eraserheads pati na rin ng Rivermaya para malaman kung totoo nga ang tsismis sa backmasking controversy. Hindi ko lang kasi alam kung paano mag-backmask at isa pa, natatakot ako sa maaari kong madiskubre. Hanggang ngayon, kinikilabutan pa rin ako sa tuwing binabasa ko ang mga lyrics na binackmask. Ikaw? Naniniwala ka ba dito?

Tuesday, October 19, 2010

Cowabunga!

Isa ang Teenage Mutant Ninja Turtles sa mga naging childhood favorite ko pagdating sa cartoons noon. Lagi akong nanonood nito kasama ng aking mga pinsan tuwing Biyernes ng gabi sa ABS CBN at pagkatapos naming manood ay magdo-drowing agad kami ng mga Ninja Turtles. Kinabukasan naman ay maglalaro kami ng portrayals nito (Gumaganap kami na isa sa mga Ninja Turtles.)

Narito ang ilan sa mga characters na aming pino-portray:
  • LEONARDO. Ito ‘yung pinaka-leader ng TMNT na ang dalang armas ay ‘yung katana o mahabang espada. Ang pinakamatanda sa aming magpipinsan ang gumaganap sa papel na ito at ang kanyang armas ay ang laruang espada. (Siya lang ata ang may pinakamatinong armas sa amin. Malalaman ninyo kung bakit as we go along. LOL.)
  • MICHELANGELO. Ito ang joker o komikero ng TMNT na ang dalang armas ay ‘yung nunchaku o mas kilala sa tawag na chako. Ang gumaganap naman nito sa aming magpipinsan ay ‘yung pinsan kong may pagka-utal pa rin kung magsalita noon kahit na nasa tamang edad na at ang kanyang armas ay improvised chako gamit ang dalawang tsinelas na may tali (Ano daw? Basta ‘yun na ‘yun. Ang armas naman n’ya ang pinaka-kakaiba.)
  • DONATELLO. Ito naman ang henyo ng TMNT na ang dalang armas ay ‘yung tinatawag na bo (na ayon sa Wikipedia ay isang Japanese long staff weapon na ginagamit sa martial arts). Ang gumaganap naman nito ay walang iba kundi ang inyong lingkod at ang nagsisilbing bo ko ay isang mahabang patpat na yari sa kawayan na napulot ko lang sa kung saan. (Pero sa tunay na buhay ay hindi ako henyo. Paborito ko kasi ang kulay na purple/violet noon at ito ang kulay ng takip sa mata ni Donatello.)
  • RAPHAEL. Ito naman ang tinaguriang bad boy ng TMNT na ang dalang armas ay dalawang sai (Ito ‘yung mala-tinidor ang itsura na maliit na panaksak.). Ang gumaganap nito ay ‘yung pinsan kong mestiso na medyo may pagka-bad boy na ngayon dahil minsan na siyang nag-adik at ang kanyang armas ay ano pa nga ba, kundi dalawang tinidor. (Ang kanyang armas ang pinaka-kengkoy sa lahat. Walang duda.)
  • APRIL O’NEIL. Ito ‘yung babaeng kaibigan ng Ninja Turtles na laging kulay dilaw ang suot. Ang gumaganap nito ay ‘yung pinsan naming maganda.
At ‘yan ang ilan lamang sa aming pinoportray na character sa TMNT. Pero hindi pa d’yan natatapos ang pagkahumaling namin sa cartoons na ito dahil meron kami noong tig-iisang malaking puzzle ng Ninja Turtle na paulit-ulit naming binubuo kahit na namaster na talaga namin kung paano ‘yun binubuo. Meron din kaming Ninja Turtle rubber shoes noon na hindi tumagal para sa akin dahil nasira kaagad kaya pinalitan ko ‘yun ng sapatos na may design na dinosaur.

At ‘yan ang istorya sa likod naming mga batang yagit noon na avid fan ng Teenage Mutant Ninja Turtles.

Monday, October 18, 2010

Mga bubble gums na naging paborito ko noong mid 90s


 Ang Ouch! Bubble Gum ay isang bubble gum na kahawig ng isang bandaid ang pinaka-wrapper. Meron pang isang version nito, ang “Beeper” version kung saan korteng beeper o telepeno ang case nito at ang wrapper naman ay merong mga nakalagay na mensahe na pawang mga conversations sa telepono tulad ng “Sorry, I’m busy”, “Who’s calling?” at kung anu-ano pang kabulastugan.

Ang Bubble Tape naman ay obviously, bubble gum na kahawig ng isang rolyo ng tape. Minsan ay nagpapaligsahan kami ng utol ko noon kung sino ang makakakuha ng mas mahabang Bubble Tape nang hindi napuputol at kung sino man ang manalo ay sa kanya na ‘yung kapirasong bubble tape na ‘yun. (Hindi n’yo gets? Bahala kayo. LOLJK.)

And finally, ang Bubble Jug. Ito na siguro ‘yung pinaka-weird sa lahat ng bubble gum noon. Naaalala ko noong una kaming bumili nito, hindi namin malaman kung paano kakainin kaya nilagyan pa namin ng kaunting tubig ‘to atsaka inalog. At si utol ang unang nakatikim ng bubble gum na may tubig. Nakakatawa dahil pagkatapos nun, nilagnat si utol at nagsuka. Haha.
At ‘yan ang ilan sa mga bubble gums na nakahiligan namin noon, bukod sa Bazooka at Juicy Fruit Gum.

Palibhasa Lalake: Ingatan ang inyong katawan!

Ang Palibhasa Lalake ay isang sitcom na pinalabas sa ABS CBN noong late 80s hanggang mid 90s. Kabilang sa mga cast nito ay sina Richard Gomez, Joey Marquez, John Estrada, Anjo Yllana, Amy Perez, Carmina Villaroel, Cynthia Patag at Ms. Gloria Romero. Naabutan mo ba ang kwelang programang ito ng channel 2 na kadalasang pinapalabas tuwing Martes ng gabi pagkatapos ng TV Patrol?

Isa ito sa pinaka-paborito kong sitcom noon. Lagi akong nanonood nito kahit minsan ay hindi ko maintindihan ang istorya ng ilang episode dahil bata pa ako noon. Tumatak sa akin lahat ng mga characters nila sa sitcom na ito tulad ng pagiging babaero nina Ricardo/Ricky (Gomez) at Joselito/Joey (Marquez), ang mga palpak na imbensyon ni Juanito/Johnny (Estrada), ang isip bata at ang “Banana Man” at “Power Ranger Six” ni Tikboy (Yllana), ang tomboyish na si Amelia (Perez), ang babaeng mukhang may topak at laging may hawak na stuffed toy na si Cynthia (Patag), at si Lola Minerva (Romero) na mahilig tumoma.

Pinaka-memorable siguro sa sitcom na ito ‘yung pagbabasaan ng mga casts sa pagtatapos ng programa (o kahit sa kalagitnaan ng show). Kasunod na nito ang pagpapatugtog nila ng theme song na “Katawan” ng Hagibis. Sa palagay ko ay ang Palibhasa Lalake ang nagsimula ng ganitong istilo ng pagpapatawa, na may kasamang basaan sa set.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...