Natatandaan mo pa ba ‘yung kagila-gilalas na pangyayaring minsan isang araw eh bigla ka na lamang nagkaroon ng kakayahang magpalobo sa nginunguya mong bubble gum na dati eh halos maubusan ka na ng hininga sa kakaihip sa bubble gum mong wala nang tamis pero hindi ka pa rin nakakabuo kahit maliit na lobo? Ang sarap sa pakiramdam ‘di ba? Lalo na kapag bata kang natutong magpalobo sa bubble gum. Pakiramdam mo, superhero ang pinalobo mong bubble gum na maaaring magligtas sa lahat ng problema ng buong daigdig. Sa pananaw mo, ikaw na ang pinakamagaling na bata sa lugar n’yo. Kasunod nito ang pagmamalaki sa ibang mga kalaro sa nagawa mong achievement sa buhay bata.
Malaki ang pasasalamat ko sa tita kong tibo dahil bukod-tanging s’ya lang ang nagtitiyaga sa aking magturo kung paano magpalobo sa bubble gum. At medyo pareho kasi kami ng takbo ng utak, magkasundo sa mga trip, at parehong mainitin ang ulo. Natatandaan ko pa noong umiyak ako dahil tumama sa ulo ko ‘yung plastik na lalagyan ng sabon na ibinato n’ya dahil sobrang badtrip si tita tibo noong mga oras na ‘yun. Nambabalibag pa naman ng mga kagamitan ‘yun kapag naha-high blood, kung ano ang mahawakan ay gagawing frisbee at ibabato. Pero tulad ng nakagawian, walang kinalaman si tita tibo sa kuwento ko. Sa halip, malaki rin ang pasasalamat ko sa isang partikular na brand ng bubble gum, ang Bazooka Bubble Gum, dahil dito ako natutong magpalobo. Paulit-ulit na hinipan ang nginuyang bubble gum na nakalapat nang tama sa dila hanggang sa makamit ko na ang pinapangarap kong lobo.
Alam kong alam na ng lahat ang sikat na bubble gum na ito. Pero para sa kapakanan ng mga nakalimot at para na rin sa mga nagpapanggap na kahapon lang pinanganak, ang Bazooka Bubble Gum ay isang sikat na bubble gum na gawa ng kompanyang Topps sa New York noon pang taong 1953. Ayon pa sa aking masusing pananaliksik (naks) sa magulong mundo ng Wikipedia, nagkaroon pa pala ng iba’t ibang flavors ang Bazooka Bubble Gum noon. Meron silang Strawberry Shake, Cherry Berry, Watermelon Whirl, Grape Rage, Gulaman Superman (biro lang), at Burlesk Bangus (biro lang ulit, oo trying hard ako). Hindi ako nakatikim ng flavored Bazooka dahil sa palagay ko eh hindi naging available ang mga ‘yan dito sa Pilipinas.
Marahil sasang-ayon kayo sa akin kung sasabihin kong nakilala ang Bazooka Bubble Gum hindi dahil sa mismong bubble gum nito, kundi dahil sa comic strip na nakapaloob sa bawat wrapper nito (50 pieces lahat ang comic strip nito), kasama na ang sikat na character na si Bazooka Joe, isang batang nakasuot ng asul na cap at nagpi-feeling pirata dahil merong patch sa mata. Kung bata ka pa nung mga panahong nag-adik ka sa pagpapabili ng Bazooka Bubble Gum, malamang ay madalas ring kumunot ang noo mo sa mga istorya ng comic strips dito. Mukhang kakailanganin mo pa kasi ng isang mahusay na storyteller o kaya interpreter para lang maintindihan ang kuwento, kasama na ‘yung buwakanang epal na “Fortune” ek-ek sa gilid na hinahayaang dumugo ang ilong mo sa pag-iintindi ng ibig sabihin nito. Sa katunayan, pati si itay eh hindi naiintindihan ang “Fortune” na ‘yun minsan kapag pinapakuwento ko sa kanya ‘yun. Maski ‘yung epal na kung ano sa kanang bahagi ng strip, bomalabs din sa amin. Kaya hindi ko talaga alam kung bakit ako nahumaling sa bubble gum na ito.
Makikita nga pala sa ikalawang larawan ‘yung isang halimbawa ng comic strip ng Bazooka, may makabagbag-damdaming pamagat na “Bazooka Joe And His Gang”, na sa totoo lang eh hindi ko nakilala ‘yung sinasabing “gang” ni Bazooka Joe at kung ano ang papel nila sa buhay ng batang ‘to. Mabuti naman at kahit paano’y naintindihan ko na ‘yung istorya sa comic strip. Ang ipinagtataka ko lang eh kung ano ‘yung “Erector Set” na ‘yun. Erector Set. Erector. From the root word “erect”. Naiisip n’yo ba ang naiisip ko o sadyang bastos lang talaga ako? Kahit may description na nakalagay eh hindi ko pa rin mawari kung ano ang nais nilang ipahiwatig d’yan at kung ano ang plano nilang palabasin sa pagkakaroon ng isang “Erector Set” kit. Nakakatawa lang isipin na mula noon hanggang ngayon, hindi ko pa rin maintindihan ang comic strip ng Bazooka Bubble Gum.
Sa sobrang popularidad ng Bazooka Bubble Gum dito sa Pilipinas, nagkaroon din sa merkado ng mga bagong bubble gum na hawig sa Bazooka. Ang Bolero Bubble Gum ay mas pinaliit na bersiyon ng Bazooka. Ewan ko kung bakit tinawag na Bolero ang bubble gum na ‘yun, malamang bolero ‘yung nakaisip ng pangalan nun. Pero pinakamasarap na sigurong bubble gum na nanggaya ay ‘yung tinatawag na Big Boy Bubble Gum (may patalastas pa ito na may tagline na “Big big bubble, big big fun!”). Taliwas sa nakasanayang lasa at tekstura ng Bazooka, ang Big Boy ay kulay pink pa rin subalit kapansin-pansin ang pagiging mas matamis at malambot nito kesa sa Bazooka at Bolero.
Sumagi rin sa isip ko na mangolekta ng comic strips ng Bazooka dahil isa akong dakilang kolektor ng mga kung anu-anong abubot noong bata (Maniniwala ba kayong pati ‘yung karton na may larawan ng legs ng babae na nakasuot ng stockings na kasama sa mga nabibiling stockings ni inay ay iniipon ko noong bata? Wala lang, iniipon ko lang. Buti na lang naalala kong lalake nga pala ako). Nagka-interes pa nga akong gawing bracelet, singsing o kuwintas ang comic strips na ito. Pero hindi ko na itinuloy bdahil muli kong naalala na lalake nga pala ako.
Masarap isipin na ang isang simpleng matigas na bubble gum at ang isang komplikadong comic strip sa loob ng balot nito ay nagkaroon ng pagkakataong magsanib-puwersa para sa maliit na ikasasaya ng mga kabataan noon. Sa simpleng pagnguya, pagpapalobo, at pagbabasa (ng comic strip), nagkaroon ng kasiyahan at libangan ang mga musmos. Patunay lamang ito na ang buhay ay parang Bazooka Bubble Gum. Sa una ay matamis, pero habang tumatagal ay tumatabang na at nawawalan na ng lasa, pero sa bandang huli ay bigla mo na lang mapapansin na patuloy ka pa rin sa pagnguya nito. (Isipin n’yo na lang na may koneksyon ‘yan sa kuwento ko at kunyari ay importanteng pagkumparahin ang Bazooka Bubble Gum at ang buhay.)
No comments:
Post a Comment