Kadalasang sinasabi ng matatanda, maswerte daw ang mga bata dahil kahit ano ay pwede nilang kainin. Kahit walang sustansiya, kain pa rin. Hindi sila magkakaroon ng kung anu-anong sakit sa pagkain ng chichiryang lasang asin sa sobrang alat at candy na halos langgamin ka na dahil sa sobrang tamis. Pinakamatindi na sigurong kalaban ng mga bata ay ‘yung sakit ng ngipin. Normal na ‘to, lalo na kapag kina-aadikan mo ang matatamis na pagkain. At normal rin na pakainin ang mga bata ng kung anu-ano habang maaga, kesa naman kung kailan uugud-ugod na ay tsaka pa kinailangang kumain ng chichirya at candy.
Napag-uusapan na rin lang ang mga pagkain, ilan sa mga hindi makakalimutang laman-tiyan para sa mga bata noon ay Iced Gem Biscuits, Orange Swits, Pritos Ring, Haw Flakes, at Pee Wee, bagamat ewan ko lang kung may sustansiyang nakukuha sa ibang pagkain tulad ng Bazooka, Tarzan, White Rabbit at Tootsie Roll. (Basahin ang link na ito para sa iba pang detalye. Naks!)
Kung tutuusin, marami pang kulang sa link na ‘yan ng mga paboritong pagkain noon ng mga bata. Kung ako ang tatanungin, narito ang ilan pa sa mga pagkaing masasabi kong naging parte ng aking kamusmusan:
MikMik |
Sino nga bang bata ang hindi nakakaalam sa pagkaing ito? Dahil siguro sa hilig nating magpapak ng gatas kaya nagkaroon ng MikMik. Isa itong sweetened powdered milk na nasa foil. May kasama itong straw na kulay berde. (Halos green lagi ang kulay ng straw nito. Siguro may pabrika silang gumagawa ng berdeng straw.) Ano ang silbi ng straw? Ito ang gagamitin mo sa paghigop ng MikMik kapag itinimpla na. ‘De, biro lang. Hindi tinitimpla ang MikMik. Kung kinain mo ang powdered milk na ito nang walang straw, para ka lang nagpapak ng isang kutsara ng Nido na may halong asukal. Kaya naman hindi kumpleto ang “MikMik experience”mo kung walang straw. Pero s’yempre, dapat ay lagi ka ring handa sa anumang pagsubok sa pag-hitit ng gatas na ito dahil may pagkakataong mauubo ka kung sobrang gigil sa higop. Minsan pa nga pumapasok pa sa ilong ‘yung gatas!
Pero kung ikaw ‘yung tipo ng batang kinasusuklaman ang gatas, merong mabibiling chocolate flavored MikMik sa suking tindahan. Hindi ako sigurado pero parang lasang Sustagen ‘yun. Nakakasuya talaga! Kaya mas naging popular ang original flavored na MikMik.
Kapag kumakain kami ng MikMik ng mga kalaro ko noon, minsan ay ginagawa namin itong yosi. Naglalagay kami ng small amount sa bandang dulo ng straw sabay ibubuga na parang usok ng yosi, sabay banat ng “Pareee… Kamusta na?”, siga-sigaan habang naka-akbay sa balikat ng mabantot na kalaro!
Naglalaro noon ang presyo ng isang piraso ng MikMik sa singkwenta sentimos hanggang dalawang piso. Matagal na akong hindi nakakabili nito kaya’t hindi ko na alam kung magkano na ngayon ‘to.
Marie Biscuits |
Sigurado akong meron sa inyong nakakaalam ng bilog na biscuit na ‘to. Marie Biscuits. Isang biscuit, literally. Walang palaman, walang kaartehan. Sa murang halaga ay may instant meal na ang mga bata noon, bagamat hindi mo iisiping naging childhood favortie ang Marie Biscuits dahil wala itong palaman. Kumbaga sa panahon ngayon, Sky Flakes noon ang Marie. May imported na Marie, pero nakagawa rin noon ng Marie ang Rebisco.
Aaminin ko, hindi ko gaanong paborito ang Marie noon, pero isa ito sa mga pagkaing hindi ko malilimutan. Meron kasi akong kaklase noong elementary na magmula grade one ay laging ito ang baon tuwing recess. Hindi ko babanggitin ang kanyang pangalan, sa halip ay tatawagin natin s’yang “Damulag”, dahil malaking bulas ang taong ‘yun, parang smaller version ni Jimmy Santos. Walang mintis ‘yun, araw-araw laging Marie ang baon! At noong mga unang araw namin bilang grade six, habang isa-isa kaming nagpapakilala sa harapan ng klase gamit ang“name/age/location/tell-me-something-about-yourself/signature” na pattern, nang oras na ni “Damulag” para magpakilala, nagwika s’ya: “I’m Damulag, <age> years old, from <location>, may hobby is… (nag-iisip pa ng hobby)”. Ewan ko kung ano ang pumasok sa utak ko pero bigla kong nasabing “My hobby is eating Marie”. Narinig ng mga kaklase ko ‘yun at nagtawanan sila. Ang sama ko daw, alaskador daw ako. Pumalakpak naman ang tenga ko dahil bihira lang akong humirit at mang-alaska sa klase, at natuwa naman ako dahil kahit paano ay bumenta sa kanila ‘yung hirit ko. Ewan ko lang kung narinig ni Damulag ‘yung sinabi ko. Malamang hindi.
Hanggang ngayon ay natatawa pa rin ako kapag naaalala ko si Damulag. Ang mas nakakatawa pa, laging isang piraso lang ng Marie ang baon n’ya, Marie Singles! Iispin mo talagang nagdi-dyeta s’ya. Tapos pagkaliit-liit pa ng baunan n’ya kaya’t tampulan s’ya lagi ng tukso sa klase. Ang laki-laking tao tapos ang baon, isang maliit na Marie na nasa maliit na baunan? Laughtrip talaga!
Ri-Chee |
Kapag sinabing pagkaing parte ng pagkabata, hindi mawawala sa listahan ang chichirya. At bilang bata, naging paborito kong chichirya ang Ri-Chee. Isang milk flavor na chichirya ang Ri-Chee na gawa ng Nutri Snack, ang kompanyang gumawa rin ng ilang masasarap na chichiryang tulad ng Nutri-Star (barbeque flavored snack na korteng bituin) at Moby (chocolate flavored snack). Noong bata pa ako, bihira lang ang chichiryang gatas ang flavor kaya naman numero uno ito sa lagi kong binibili sa tindahan na malapit sa amin.
Pero masasabi kong pinaka-adik sa Ri-Chee ay ‘yung kapatid ko. Nagbabaon pa kasi s’ya noon nito sa klase, ‘di tulad ko na ang baon ay laging walang kamatayang Chicken Nuggets at Jack ‘N Jill Chocolate Pretzels na may cut-out toys sa likod ng kahon!
Isa rin ang Ri-Chee sa mga naunang pinagkalooban ng Department Of Health ngSangkap Pinoy Seal. Ibig sabihin, garantisadong may bitaminang makukuha sa chichiryang ito. Kaya hindi basta-basta ang Ri-Chee, masustansiya ‘to!
Mighty Mouse |
Sa palagay ko’y may ilan sa inyong pamilyar sa cartoon character na si Mighty Mouse na may pamosong tagline na “Here I come to save the daaay!”. Pero meron bang nakakaalam o nakakaalala sa inyo ng Mighty Mouse Candies? Isa itong maliliit na piraso ng candy na may iba’t ibang flavor at nakalagay sa makukulay na foil. Alam n’yo ‘yung Ovaltinees? Paliitin mo lang at medyo palambutin mo ng kaunti, ganoon ang itsura ng Mighty Mouse Candies na ‘to. Para rin itong sinlaki ngFlinstone Vitamins. Kadalasang flavor nito ay chocolate, milk, strawberry, at ang paborito kong cola flavor. Bukod pa rito, nakakaaliw rin ang mga hugis ng candies nito. May hugis ice cream na nasa apa, bilug-bilog, mukha ni Mighty Mouse, bulaklak, at iba pa. Isa ito sa pinakapaborito kong candy noon. Nagkaroon din ng ganitong klaseng candy ang iba pang cartoon character na sina Mickey Mouse atDonald Duck pero mas nakilala si Mighty Mouse. Iba na ang orig, ika nga.
Kung tutuusin, parang ganito ‘yung nabibiling candy na may kasamang teks noon,Mr. Fruit ang pangalan. Pero napakalaki ng pagkakaiba nila sa lasa. Lasang gamot ang Mr. Fruit at matigas pa, ‘di tulad ng Mighty Mouse Candies na bukod sa masarap na, may iba’t iba pang flavor at kayang kaya pang nguyain.
Wala nga pala akong nahanap na litrato ng Mighty Mouse Candies kaya pagtiyagaan n’yo na lang ang larawang ‘yan ng cute na cute na si Mighty Mouse.
Alam kong napakarami pang pagkain na wala sa mga nabanggit na listahan. Sa ngayon, ilan lang sila sa mga pumasok sa isip ko. Susubukan kong i-update ang mga ito kapag meron na ulit akong naisip, o kaya naman pagkatapos kong humitit ngMikMik at ngumuya ng Mighty Mouse Candy sa aking panaginip!
No comments:
Post a Comment