Circumcision. Binyagan. Pagsusunat. Pagtutuli. Operation Tule. Iba’t-iba man ang tawag, iisa lang ang pangunahing kahulugan nito: Isang ritwal na ginagawa sa mga kabataang lalaki na nagsisilbing daan patungo sa magulong mundo ng pagbibinata. Bukod sa pagtangkad, pagpiyok ng boses at pagtubo ng buhok sa iba’t ibang parte ng katawan, isa rin ang pagpapatuli sa mga pinagdadaanan naming mga lalake bilang parte ng puberty. Sabi nga ng iba, kung ang mga babae ay nagdurusa sa pagbubuntis at pagkakaroon ng buwanang dalaw, ang mga lalake naman ay dumaraan sa pagsubok ng pagbibinyag.
Natanong ninyo siguro kung ano ang ginagawa sa isang ”tulian” session. Dahil sa hindi ko maipaliwanag sa maayos na paraan, sinubukan kong konsultahin ang Wikipedia. At ayon sa kanila, sa pinakapayak na paglalarawan, ang pagtutuli ay ang pagtanggal ng balat sa may dulo ng isang (ehem… Tawagin na lamang natin siya sa pangalang “Sesame Street”), partikular na ang balat na sumasaklob at bumabalot sa pinaka-ulo ng Sesame Street.
Sabi nila, ang pagtutuli ay isang paraan ng paglilinis sa ating Sesame Street. Ang pinakamabisang dahilan ng pagpapatuli ay ang pagbilis ng pagtangkad ng mga lalake. Bagamat sa ibang bansa ay hindi uso o hindi kinakailangan ang pagpapatuli, dito sa Pilipinas ay isang malaking obligasyon para sa aming mga kalalakihan ang magpatuli. Kung hindi nagpatuli ang isang lalake, asahan mo na ang matinding panunukso at kantiyawan ng mga kaibigan mo sa ‘yo. Ang mga lalakeng hindi pa tuli ay tinatawag na “supot”. Ewan ko lang kung sino ang nagpauso ng term na ito bilang paglalarawan sa mga lalaking hindi pa binyagan. Sabi din ng ilan, kung hindi nagpatuli ang isang lalake ay magiging mutain daw ang anak nito paglaki at magiging bulol daw itong magsalita. May nabasa nga akong joke sa isang website tungkol dito:
Lumapit ang labindalawang taong gulang na lalake sa kanyang lola at nagtanong:
“Yoya, batit ato buyoy?”
“Kasi supot ka pa, iho. Kahit itanong mo sa nanay mo.” paliwanag ng lola.
“Nanay, batit ato buyoy?” tanong naman ng anak sa kanyang ina.
“Kasi supot ka pa, anak. Kahit itanong mo sa tatay mo.” sagot ng nanay.
“Tatay, batit ato buyoy?” tanong naman ng anak sa kanyang ama.
Nagbuntong-hininga ang tatay atsaka sumagot: “Kati tupot ka pa.”
Sa paglipas ng panahon ay nagbago na rin ang paraan ng pagtutuli. Ang pinaka-classic na paraan ay ‘yung tinatawag na “Pukpukan Session”, kung saan pupukpukin ni Manong ang iyong Sesame Street na may suot na bestida o ‘yung tinatawag na “baru-baruan” habang ikaw ay ngumangata ng iilang dahon ng bayabas na nagsisilbing anesthesia, suot ang maluwang na shorts ni kuya o kaya ang paldang hiniram kay nanay. Karaniwang nagaganap ang ganitong paraan ng pagtutuli sa mga liblib na lugar gaya ng probinsiya. At ngayon nga ay meron nang makabagong paraan ng pagbibinyag, kung saan isang eksperto o doktor na ang gumagawa ng ritwal, gamit ang makabagong mga kagamitan.
Bakasyon ng grade four ko pa balak magpatuli noon. Nakalimutan ko na kung bakit hindi natuloy. Ilan sa mga kaklase at kaibigan ko noon ang nagpatuli na sa may health center malapit sa amin. ‘Yung iba nga sa kanila, grade two pa lang ay tuli na. (May iba rin naman na sanggol pa lang nang tuliin. Isa nang halimbawa dito ay si Jesus.) Pagdating ng susunod na bakasyon ng grade five, sinama ako ng tatay ko sa isang ospital sa Malanday. “This is it!”, sabi nga nila. Nakapwesto na ako, nakalitaw na ang aking Sesame Street pero hindi pa rin natuloy dahil sabi ng doktor, hindi pa daw nakalabas ang ulo! Mahirap daw kasing tuliin ang Sesame Street kapag hindi pa nakalabas ang ulo. Mapipilitan itong hugutin ng doktor nang bahagya atsaka tahiin, bagay na talaga namang wagas sa sakit at makapag-babaliktad ng iyong sikmura! Biro pa nga sa akin nung isang nurse, kailangan ko daw laruin nang madalas si Sesame Street para lumitaw ‘yung ulo nito. Nahiya tuloy ang loko.
Dumating din ang araw ng paghuhukom. Noong bakasyon ng grade six ay may kaibigang doktor ang tatay ko na naging classmate daw niya noong elementary. Napapayag siya na sa bahay gawin ang “operasyon” ko. Bandang alas dos ng hapon noon nang maganap ang isang operasyon na makapagbabago sa takbo ng aking buhay. “Binata na ako!”, sabi ko sa sarili ko.
Kung inaakala ninyong matatapos na ang tulian session makalipas ang ilang sandali, nagkakamali kayo. Inaabot pa ng ilang linggo bago ito maghilom at kinakailangan pa rin ng matinding paglalanggas sa sugat nito gamit ang pinakuluang dahon ng bayabas. Syempre kasama na d’yan ang pagiging maselan ng Sesame Street sa kaunting bangga. Minsan, magigising ka na lang na puno ng dugo ang suot mong shorts. Pero anupaman ang gawin mong pag-iingat ay hindi pa rin maiiwasan ang isang matinding trahedya at ito ay ang pamamaga ng Sesame Street o mas kilala sa tawag na “pangangamatis”. (Pangangamatis ang tawag dahil makikita talagang parang may kamatis sa tabi ng Sesame Street mo dahil sa pamamaga nito. Normal daw talaga ito sa mga bagong tuli ayon kay itay.)
Noong bata pa ako ay inakala ko talagang ang pagpapatuli ay isang ritwal na kung saan ‘yung buong Sesame Street ko talaga ang puputulin. As in ‘yung para kang naghiwa ng isang buong longganisa at parang berdugo ang doktor na walang itinira sa Sesame Street mo kahit kapiraso! Ang sakit nun!
Ikaw? Tuli ka na ba o supot pa? Aminin. Hehehehe.
(Pagpasensiyahan ninyo na nga pala ang larawang nakuha ko sa Google. Art naman ‘yan eh.)
No comments:
Post a Comment