Thursday, June 16, 2011

Nakatikim na ba kayo ng tsokolateng hugis gintong barya?

Kung mag-aala Pulse Asia o SWS Survey ako para sa mga bata at tatanungin kung ano ang pinaka-paborito nilang pagkain noon, malamang karamihan sa isasagot nila ay tsokolate, walang duda. Matamis, masarap tunawin sa dila, at sabi pa ng ilan, ang pagkain nito ay nakapagpapatanggal ng stress at nagbibigay ng saya. Hanep, ‘di ba? Siguro eh tama naman ‘yun dahil ayon sa isang pagsusuri, ang pagkain ng tsokolate ay nakapagpapalabas ngendorphins, isang kemikal na nagbibigay ng masaya at “good vibes” na pakiramdam, at isang salitang hindi ko kayang i-translate sa Tagalog. At sino ba namang bata ang hindi nanakit ang ipin dahil sa kakakain ng tone-toneladang tsokolate? Idagdag pa d’yan ang misteryo ng hindi pag-sepilyo ng ngipin pagkatapos kumain nito.
Maraming klase ng tsokolate. Mula sa mga mumurahin at lokal na tsokolate na nabibili sa sari-sari store gaya ng La LaChoc NutChocomani, hanggang sa mga mamahalin at imported na tsokolate gaya ng M & MsHershey’sCadbury, lahat ‘yan ay nagsisilbing anti-stress at kabilang sa mga pagkaing ang plataporma sa ating katawan bukod sa pasakitin ang ating tiyan ay magbigay ng kakaibang pakiramdam sa ating mga emosyon. Pero kung merong pang-masa at pang-sossy, s’yempre hindi rin mawawala ang tsokolateng para sa taong nasa pagitan ng dalawa. Ilan sa mga halimbawa n’yan ay ang Cloud 9,Choco Mucho, at Goya chocolates.
Goya Chocolates. Isa itong sikat na brand ng tsokolate, at magpa-hanggang ngayon ay binebenta pa rin sa merkado. May iba’t ibang klase at hugis ng Goya chocolates. May pahaba, pabilog, parisukat, malaki, maliit, may matabang, may sobrang tamis, may kasamang mani, kasoy o pasas. Pero noong bata ako, ang pinaka-popular na Goya chocolates ay ‘yung tinatawag na Goya Chocolate Coins. Isa ito sa mga hindi mawawalang pasalubong sa akin ng nanay ko pagkagaling n’ya sa trabaho. (Isa pang laging pasalubong ni inay sa akin noon ay ‘yung napakaliliit na piraso ng chewing gum na orange flavor at nakalagay sa isang maliit na kahon at may drowing na orange na may mukha. Ilang beses ko nang binalak ikuwento ang tungkol sa chewing gum na ‘yun pero hindi ko masimulan dahil hindi ko matandaan ang pangalan kaya hindi ko mahanap sa internet. At isa pa, wala itong kinalaman sa kwento ko.) Sa opisina ng Colgate at Palmolive nagtatrabaho ang nanay ko. Pero kahit hindi s’ya nagtatrabaho sa isang chocolate factory, walang araw na hindi ako nakakakain ng Goya Chocolate Coins, pati na rin ng orange flavored “itsi-bitsi-tini-wini” chewing gum.
Kung tutuusin, hindi naman espesyal ang lasa ng chocolate coins na ito. Ordinaryong milk chocolate lang ito na singnipis ng dalawa o tatlong patong na sampung pisong barya na pinalaki, mga sinlaki ng Pog, hinulma na parang isang barya at nakabalot sa isang foil o palarang kulay ginto na may trademark na logo ng Goya tulad ng nasa larawan, para magmukhang coins talaga na kumikinang pa. Pero amoy pa lang ng palara nito eh tiyak na mahuhumaling ka na sa tsokolateng ito. May kakaibang aroma kasi sa akin ang mga pagkaing nakabalot sa isang palara, hindi lang ang mga tsokolate. Ilan sa mga halimbawa ay cake. Ang sarap para sa akin ng cake na nakabalot sa aluminum foil. Pero wala rin itong kinalaman sa kwento ko.
Ayon sa aking memorya, naaalala kong nakalagay ang ilang piraso ng Goya Chocolate Coins, mga anim o pito ata, sa isang pahabang plastik na transparent. Weird mang aminin pero hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak ko at napagdiskitahan kong ipunin minsan ang mga kulay gintong palara na ‘to na wrapper ng chocolates. Hindi ko naman paboritong kulay ang gold. Siguro ay dahil madalas akong mangolekta ng mga wrapper ng pagkain noong bata ako gaya ng mga kahon ng Chocolate Pretzels, supot ng chichirya (madalas ay Jack N Jill at Granny Goose snacks), at kung anu-ano pa, pagkatapos kapag nilanggam eh ipapatapon na lang ni inay sa akin hanggang sa makalimutan ko nang nangolekta pala ako ng mga basurang ‘yon. Isa pa, naglabas din ang Goya ng iba’t ibang kulay ng wrapper ng chocolate coins, may berde, asul, pula, at silver, kaya masarap talagang kolektahin ito para sa akin. Ibang klaseng trip, hindi ba?
Kung hindi ako nagkakamali ay meron pa itong commercial noong 90s. Goya Fun Factory. Nakasakay ang ilang bata at isang clown sa isang train na parang laruan st sumuot sa kuwebang puno ng chocolates at may chocolate river pa. Madalas itong makikita sa programang Batibot at sa mga Tagalized cartoons ngABS CBN dati. Napapanaginipan ko pa ang patalastas na ‘yun dahil sa sobrang pagkahilig ko sa chocolate coins. Ewan ko lang pero mukhang ako lang ang nakakaalala ng hanep na commercial na ‘yun.
Sa ngayon eh hindi ko na alam kung meron pang nabibiling Goya Chocolate Coins sa supermarkets, o kung meron man eh baka iba na ang itsura o hindi na Goya ang gumagawa, baka mukha nang perang papel o kaya naman ehNokia na ang bagong manufacturer ng chocolate coins. Hindi na kasi ako nagagawi ng supermarket. Wala namang ganito sa mga suking tindahan noon pa man. Kung makakita ako nito, malamang hindi na ako magpapapigil na bumili ng ilang piraso nito dahil nami-miss ko nang kumain, hindi lang nitong“gintong barya”, kundi pati na rin noong “itsi-bitsi-tini-wini” chewing gum, o kung merong orange flavored chocolate coins o kaya naman eh chocolate na may “itsi-bitsi-tini-wini” chewing gum sa loob, mas ayos! Ang sarap nun!

2 comments:

  1. nice entry parekoy! masyado kong na-enjoy ang kuwento mo. parang magkapatid tayo sa ibang dimension dahil halos pareho tayo ng karanasan sa goya. paborito ko ring pasalubong ito ng ermats ko at tama ka, nakaplastic ito ng pahaba with 6pcs. inipon ko rin dati ang balat nito kaso tinapon ni mama dahil nilalanggam. gusto ko rin ng pretzels lalo na yung carton niya. yung knick knacks na chocolate flavor, dabest din. eh 'yung football chocolate (serg's ata yun)?

    napapanood ko rin dati yung commercial ng goya na may ilog ng tsokolate. taena, pangarap kong maligo doon kahit na malunod na ako. napanaginipan ko rin siya dati at minsan ko ring dini-daydream.

    maraming choco coins dito sa china. inalay yata nila sa diyos nila yun o pampasuwerte. tinikman ko pero mas masarap pa rin ang goya.

    tama ka, chocolates give you endorphins and endorphins make you happy. kaya nga kumakain ako nito pag medyo emo mode ako. o kaya sobrang stressed.

    pag namatay ako, ayoko ng iyakan. nagbilin ako sa mga kakilala ko na dapat ay walang i-seserve na butong pakwan dahil ayoko rin ng makalat. sabi ko, dapat maraming chocolates para ang lahat ay masaya.

    yun lang! blogenroll! \m/

    ReplyDelete
  2. Yeah! Parang pinagtagpo tayo ng landas. Bwahaha :)) well masarap naman talaga ang chocolates, mapa-local man o imported :)) naalala ko din 'yung Knick Knacks! Matagal na akong 'di nakakatikim nun, hanep \:D/

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...