Unang Eksena: May isang lalake (Dolphy) nagtungo sa police station upang i-report sa pulis (Babalu) ang isang insidente.
Lalake: Mamang pulis, may ire-report po ako!
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Ano kamo? <*twok! twok! twok!*>
Lalake: Kuwan ho, magre-report ho ako tungkol sa isang patayan.
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Ha? Patayan? <*twok! twok! twok!*>
Lalake: Opo. Tungkol ho sa ninakaw na tape.
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Patayan tapos tape? Ah baka maingay ‘yung tape kaya pinatay ‘yung radyo? <*twok! twok! twok!*>
Lalake: Eh, k-kuwan ho kasi…
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Sige mag-report ka. <*twok! twok! twok!*>
Lalake: H-ho?
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Mag-report ka! Magsalita ka… Huwag kang maingay! <*twok! twok! twok!*>
Lalake: G-ganito ho kasi ‘yon…
Pulis: <*twok! twok! twok!*> O ano… Huwag ka sabing maingay eh! <*twok!* “Game Over!”> Ayan na-dead tuloy!
Ikalawang Eksena: Habang naglalaro si Tomas ng Brick Game ay ginugulo siya ni Ka Noli sa likod.
Ka Noli: Uy, nakiloko ka na rin pala sa larong ‘yan, ha? Teka…
Tomas: <*twok! twok! twok!*>
Ka Noli: (kiniliti si Tomas) Kootshi-kootshi-koo! Pitshi-pitshi-poo! Pa-pitshi-pitshi-pitshi! Hatsha-pitshi-patshapoo!
Tomas: <*twok! twok!* “Pause”> Ka Noli, kapag ako na-Game Over dito eh ngayon ka lang makakakita ng kumpareng binaril dahil sa Brick Game. <”Resume” *twok! twok!*>
Hango sa pelikulang Home Along Da Riles The Movie at sa comic strip na Pugad Baboy ang mga dialogue na ‘yan. Bagamat walang kinalaman ang pelikula at babasahing ‘yan sa kuwento ko eh isiningit ko na rin (magkaroon lang ng kakaibang panimula). Ganoon naman talaga kasi ang isang tao na naglalaro ng Brick Game o kahit na anong game console, ayaw magpaistorbo lalo na kapag nasa kasarapan o climax na ng paglalaro. Kapag nahawakan na eh parang ayaw mo na itong bitawan. Sino man ang may hawak sa console na ‘yon eh para bang nagte-teleport ang imahinasyon doon sa mismong nilalaro niya at ang mga kalaban n’ya ay ‘yung mga sagabal na tao sa paligid n’ya. Isa pa, nakakaaliw marinig ang “twok! twok! twok!” na sound effect ng bawat pagpindot mo sa button ng Brick Game.
*Twok! Twok! Twok!* |
Pinagsanib na Game And Watch at Game Boy ang itsura. Malaki ang katawan pero may screen na sinliit lang ng screen ng isang Nokia 6600. Pahaba na may kurba sa gitna na tulad ng nasa larawan. Ganyan ang itsura ng Brick Game, maituturing na isa sa pinakaunang video game console matapos yanigin ng Game And Watch ang mga kabataan noong dekada otsenta.
Simple lang naman laruin ang Brick Game. Ang pinaka-payak na uri ng laro nito ay isang puzzle video game na kilala rin sa tawag na Tetris (na nilikha ni Alexey Pajitnov ng Soviet Union noong taong 1984 at hango sa pinagsamang “tennis” at “tetramino”, isang salita na ipaliliwanag ng link na ito dahil hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin, pwede naman sigurong tawaging “bricks” na lang ‘yun) kung saan kinokontrol ng manlalaro ang mga bumabagsak na brick na hugis letrang I, J, L, O, S, T, at Z sa pamamagitan ng pagpihit nito pakaliwa, pakanan, at pag-ikot nito ng ibang puwesto upang makabuo ng horizontal lines na walang gaps bago ito lumanding sa ibaba ng screen. Kapag may nabuong linya, mawawala ito at ang blocks na nasa ibabaw ng nawalang linya ay mahuhulog at makakabuo ulit ng panibagong itsura ang blocks na ito. Siguro naman lahat tayo eh nakapaglaro na nito.
Makikita din sa larawan ang isang tipikal na Brick Game na merong nakasulat na 9999-in-1. Ibig lang sabihin nito, napakarami kang pagpipiliang laro sa Brick Game na ‘yon. Pero sa totoo lang eh paulit-ulit lang naman ang lahat ng ‘yon at iniba lang ang mga titulo ng laro tulad ng mga ganitong klaseng bala sa Family Computer upang makahikayat sa video gamers.
Hindi ko naranasang magkaroon ng brand new na Brick Game noong bata pa ako. Ang Brick Game ko eh ‘yung second hand Brick Game na pamana ng paborito kong auntie (halatang spoiled ako sa tita ko noon dahil ilang beses ko na itong binabanggit sa balik-tanaw posts ko). 4-in-1 lang ‘yung Brick Game na ‘yun pero iba-iba. Sa unang laro, ordinaryong Tetris. Sa ikalawa, nagpapalit-palit ng puwesto ang mga nahulog na bricks at nadagdagan ng ibang klaseng bricks. Sa ikatlo, normal na larong Snake, ang larong nauso sa mga cellphone noon. At sa ika-apat, ibang klaseng Snake dahil humahaba ito sa pamamagitan ng pagtigil ng buntot nito kaya hahaba nang kusa kahit wala itong kinakain na kung anong tuldok (ano ba ang tawag doon sa pagkain ng ahas na ‘yun?).
Bagamat hindi masyadong pamilyar si inay sa mga video game, naibigan naman niya ang larong Tetris magpahanggang-ngayon Meron kasi nito sa Game Boy ko dati at meron pa itong background music na mala-Arabian Nights ang dating kaya’t gaganahan ka talaga sa paglalaro at meron pang fireworks display special ek-ek kapag nakaka-top score ka.
Isa lang naman ang ipinagtataka ko na alam kong nahihiwagaan din kayo. Bakit kaya bihirang magpakita ang brick na hugis “I”? Alam kong dahil ito ang pinaka-importanteng piyesa na panghakot ng malaking puntos sa laro. Pero sa mga oras na hinahanap natin si “I”, saan kaya siya naroroon? Saan ba s’ya nagpupunta? Saan ba siya nakatira at bakit ang tagal niya bago sumipot? Paimportante ba siyang tao? Baka naman nahihirapan lang siyang pumili ng kulay ng damit na isusuot niya? Gaano ako kakorni?
Napakasaya ang magkaroon ng Brick Game. Napapagana nito ang bilis ng ating pag-iisip (kapag nasa level 9 ka na), tatag ng muscles sa daliri (ang unang magka-kalyo sa daliri ay talo), at haba ng ating pasensiya (lalo na kapag may makulit na tao sa likuran mo na gustong makilaro at minsan ay parang backseat driver na dinidiktahan ka kung ano ang dapat mong gawin). Kahanga-hanga din ang nakaimbento ng Brick Game. Biro mo, para kang nag-aral ng mahika sa Hogwarts at nag-construction worker all in one dahil kinokontrol mo ang mala-adobeng tetramicons upang makabuo ng isang palapag na linya dito. At kapag nakabuo ka na ng linya ay biglang… Poof! Naglalaho ito!
At titigil na ako sa pagdadaldal dahil para na akong barberong nagkukuwento.
No comments:
Post a Comment