Paminsan-minsan ay nasisiyahan ako kapag Physical Education (PE) namin lalo na noong nasa mga unang baitang ako sa elementarya. Hindi ito dahil gusto kong magpakapagod sa kakatakbo at magpatagaktak ng pawis sa paglalaro ng basketball at volleyball. Minsan kasi, pinagdadala ng butihing guro ang mga estudyante ng kanya-kanyang laruan. Marahil naranasan n’yo na rin ‘to noon. Ang saya lang, ‘di ba? At ‘yon ang gusto ko! Hindi kasi ako masyadong aktibo sa mga pisikal na laro noon. Kuntento na ako sa mga “boring” na aktibidades sa oras ng PE. Mas pipiliin ko pang umupo sa isang tabi at panoorin ang mga kaklase ko habang naglalaro ng habulan sa playground, magbasa ng Funny Komiks at magsagot ng puzzles, at makinood at makilaro ng Game Boy sa mga kaklase ko.
Mas matabang Game Boy, mas astig! (para sa akin) |
Game Boy. Sino nga bang kabataan ang hindi nahumaling sa video game device na ito? Matapos sumikat ang ilang entertainment system ng Nintendo tulad ng Family Computer at Game And Watch, biglang pumasok sa kukote ni Gunpei Yokoi na bumuo ng panibagong handheld video game device, at ito ay pinangalanan n’yang Nintendo Game Boy. At katulad ng sinaunang handheld video game device na Game And Watch, tinangkilik din ng masa ang Game Boy lalo na ng mga video game addicts. Sa katunayan, nakabenta ang Nintendo ng 118.69 milyong units ng Game Boy sa buong mundo. Ang dami! Ilang daliri kaya ang napudpod sa kapipindot ng mahigit isang milyong piraso ng Game Boy na ‘yon?
Merong iba’t ibang kulay ng Nintendo Game Boy bukod pa sa normal na kulay gray o puti na tulad ng nasa larawan. Kulay itim ‘yung Game Boy ko dati, bagamat mas gusto ko ‘yung transparent, ‘yun bang kita ang pinaka-loob, para bang skeletal type na Game Boy. Kulay itim kasi ‘yung niregalo sa akin ni itay nang minsang mag-birthday ako. Hindi naman ito cellphone na pwedeng palitan ng housing kahit ilang beses mong gustuhin kaya, ayos na rin. At least meron na akong Game Boy na dati ko lang nakikita sa mga kaklase ko. Pero hindi lang ito ang mga kulay ng Game Boy noon. Meron ding neon, silver, gold, maroon, ROYGBIV – lahat na! Kaya ang saya ng merong Game Boy!
Matapos kong magpakalulong sa Family Computer noon, sunod na pinagdiskitahan ng nanggigigil kong mga daliri ang Game Boy. Ang dami kong bala noon, pero ang kauna-unahan kong bala na kasama ng nabiling Game Boy ng tatay ko eh ‘yung Pinocchio’s Adventure. Para s’yang style Super Mario, bagamat iba pa rin ang kamandag ni Mario. Ang laro nito ay base sa mismong cartoons kung saan napunta sa isang carnival si Pinocchio (sa isang level ay sasakay sa roller coaster si Pinnochio), at nang kainin si Lolo Geppetto ng isang higanteng balyena (sa isang level naman ay kailangang hanapin ni Pinocchio ang gasera para masunog ang bituka ng balyena nang makalabas sila mula sa bunganga nito). Kung hindi mo napanood ang animated film na Pinocchio at kung hindi mo alam ang istorya nito eh hindi mo talaga maiintindihan ang sinasabi ko.
Bukod sa Pinocchio, meron din akong bala ng Looney Tunes, Street Fighter, Dr. Mario, at iba pa. Pero karamihan sa mga bala ko ay ‘yung pang-maramihan, ‘yun bang tipong “17,257,494-in-1” na tinatawag. At sa bawat bala kong ‘to, hindi mawawala ang all-time favorite game ko, ang Super Mario. Meron akong isang bala, magsasawa ka sa dami ng Super Mario, iba’t ibang version, may Super Mario 64, Super Mario’s Six Golden Coins, Super Mario Land, Super Mario And Friends, Super Mario To The Infinity, Super Mario Oink Oink, at iba pa. Ito siguro ang pinakapaborito kong bala noon.
Pero bukod sa sangkatutak na Super Mario, paborito ko rin ‘yung bala ko na may tatlong version ng Yu Yu Hakusho (Ghost Fighter) na laro. Ganda di ba? Kaya gustung-gusto ko ‘yung bala kong ‘yun. Kaso putik noong humiram ‘yung kabarkada ko eh. Nagtaka ako kung bakit mag-iisang buwan na eh hindi pa rin n’ya sinosoli gayong ang paalam n’ya sa akin eh two weeks lang n’ya hihiramin. ‘Yun pala naiwala na n’ya! Kung hindi pa kami pumunta sa bahay nila para gumawa ng isang project eh hindi pa n’ya sasabihin na nawawala. Ang cute pa naman noon kasi may maliit na reset button sa mismong bala ‘yun. Minsan eh naaninag ko ‘yung sampayan nila ng damit na may nakasampay na bala ng Yu Yu Hakusho, pero pinapatuyong rubber shoes lang pala. Ganyan ko minahal ang balang ‘yun, umabot pa sa puntong nag-hahalucinate ek-ek ako. Punyemas! Kainitan pa noon ng Ghost Fighter sa GMA 7 at ako lang ‘yung bukod tanging may ganoong bala sa klase namin kaya ang daming humihiram noon. Ako naman itong mabait na utu-uto at nagpapahiram sa kanila. Pati nga ‘yung scientific calculator ko eh pinahiram ko sa isang estudyante noong high school, at hindi na rin nakabalik sa akin. Sinabon tuloy ako ng tatay ko noon. (Napapalayo na ata ang kwento ko.)
Mahal na mahal ko ang Game Boy ko dati. Lagi ko itong dinadala kapag nagta-travel kami ng pamilya noon lalo na sa Baguio, Corregidor at Sagada. Hinding hindi rin ito mawawala sa mga bagahe ko kapag Field Trip namin. (At sa puntong ito, bigla kong naalala ‘yung kaklase kong payatot noong elementary na pinsan ko rin. Damang dama n’ya kasi ang paglalaro ng Game Boy, umaangat angat pa ang kanyang matulis na pwet kung nakaupo na para bang nagmamaniobra ng sasakyan kapag pumipindot. Tawa kami nang tawa sa kanya!)
Nagpabili pa ako ng ilaw na ikinakabit sa tuktok ng Game Boy para maging maayos ang paglalaro nito kahit sa madilim na lugar (wala kasing backlights noon ang ganitong klase ng Game Boy). Inaaway ko pa ang kapatid ko noon kasi madamot ako at ayokong magpahiram nito noong bago pa lang. Nagpabili din tuloy s’ya ng Game Boy sa nanay ko, Colored pa!
Nagkaroon pa ng maraming version ang Nintendo Game Boy. May Nintendo Game Boy Color na ni-released noong 1995, Nintendo Game Boy Pocket noong 1996, Nintendo Game Boy Light noong 1998, at Nintendo Game Boy Advance SP noong 2003.
Bagamat sa palagay ko eh mas aksaya sa battery ang classic na Game Boy dahil hindi pa sikat ang rechargeable battery noon, wala pa ring papalit sa sinauna at classic kong Game Boy na kahit mahirap dalhin dahil sa sobrang bigat, masaya naman paglaruan dahil sa dami ng bala nito, kahit ‘yung iba eh paulit-ulit lang at sa pangalan lang nagkaiba. (Halimbawa: “Super Mario” na naging “Ultra Mario”, “Street Fighter” na naging “Super Fighter”, “Bomber Man’s Adventures” na naging “Bomber Boy’s Adventures”, at iba pang trademark ng pamimirata ng mga Hapon.)
At na-miss ko tuloy ang yumao kong Game Boy. <*sniff!*>
No comments:
Post a Comment