Wednesday, June 13, 2012

Naaalala mo pa ba ang matinee idol na si Rico Yan?

Meron siyang pares ng dimples na hanep sa lalim. Simple lang kung pumorma. Pinagpapantasyahan ng mga kababaihan, tinutularan ng mga kalalakihan, at iniidolo ng mga kabataan. Nagtataglay ng matatamis na ngiti na malamang kahit ang mga lola ay mahuhumaling (at maaaring iwanan ang kanilang sinasambang si Willie Revillame). At itsura na lumalamang lang ng mga tatlong paligo sa akin, at siyempre nagbibiro lang ako. Ilan lamang ‘yan sa mga katangian ng sikat na artista ng kanyang henerasyon na si Rico Yan.

Siya si Ricardo Carlos Castro Yan na nakilala sa mundo ng showbiz bilang si Rico Yan. Ipinanganak noong March 14, 1975 sa Maynila, itinuring siyang isa sa matinee idols ng Star Magic (na kilala pa noon bilang “Talent Center”) noong kalagitnaan ng dekada nobenta. Isa rin siyang matagumpay na negosyante dahil sa kanyang mga negosyong tulad ng Orbitz Pearl ShakeJava Hut, at iba pa, at endorser ng iba’t ibang mga produkto tulad ng Greenwich PizzaTalk ‘N TextMaster Facial CleanserEggnog Cookies, at iba pa.

Ricardo Carlos Castro Yan
(March 14, 1975 - March 29, 2002)
Nakita rin ang pagka-versatile ni Rico Yan dahil sa paglabas niya sa iba’t ibang mga programa ng ABS CBN. Umusbong ang angking talento niya sa acting sa mga programang tulad ng Mara Clara (original), GimikMula Sa Puso (original), Saan Ka Man Naroroon, at mangilan-ngilang pagganap sa Maalaala Mo Kaya. Kinakitaan din siya ng talento sa pagpapatawa dahil sa programang Whattamen, at nagkaroon ng potensiyal bilang isang magaling na host sa programang Magandang Tanghali Bayan (MTB).

Nakasama din siya sa mga pelikulang pinagtambalan nila ni Claudine Barretto tulad ng Dahil Mahal Na Mahal KitaMula Sa Puso The Movie, at Got 2 Believe, at sa mga pelikulang pinagsamahan nila ni Judy Ann Santos (na monay ang mga pisngi noon) tulad ng Paano Ang Puso KoFlames The MovieKay Tagal Kang Hinintay, at Gimik The Reunion.

Isang nakakatuwang eksena sa pelikulang Kay Tagal Kang Hinintay ang tumatak sa isip ko at nais kong ikuwento sa blog na ito. Pinakapaborito ko kasi itong eksena sa lahat ng mga naging pelikula ni Rico Yan. (Sa puntong ito, pinapayuhan kitang i-skip ang mga susunod na talata kung inaantok ka na, pero kung nais mong makisabay sa kasabawan at kababawan ng aking kaligayahan, ituloy mo lang ang pagbabasa hanggang sa himatayin ka sa kakornihan.)
Isang gabi, nagbabasa ng diyaryo si Alex (Rico Yan) sa kusina ng isang hotel sa Ilocos nang biglang pumasok sa eksena si Anna (Judy Ann Santos) na that time ay asar kay Alex. Dumampot ng diyaryo si Anna, naupo at nagbasa din pero malayo sa kinauupuan ni Alex. Ang suot ni Anna ay isang bulaklakin at mahabang bestida na lampas tuhod, si Alex naman ay naka-puting t-shirt at pajama, nakasalamin at mukhang bao ang style ng buhok na wet look, nerd na nerd ang dating. Narito ang usapan nila (hindi ito ‘yung eksaktong dialogue nila dahil hindi naman ako ‘yung gumawa ng script nila):

Alex: Miss… Ano’ng pangalan mo?

Anna: (Tumingin kay Alex, pagkatapos ay umirap at nagpatuloy sa pagbabasa)
Alex: Miss… May pangalan ka ba?
Anna: (Nagpipigil)
Alex: Ang pangalan mo ba ay Liiiiiii… Yona? (Leona)
Anna: (Hindi nakatiis, humarap kay Alex at sinigawan siya) Nang-iinsulto ka ba?!
Alex: (Walang reaction ang mukha, nakatingin lang kay Anna, sabay sagot ng…) Oo!
Anna: (Nanggigil ulit at umirap, itinuloy ang pagbabasa)


Maya-maya pa ay biglang may umalulong na aso. Awooooooo!!!

Alex: Miss… Natatakot ka ba? Sabi kasi ng mga matatanda dito, kapag meron daw umaalulong na aso kung dis oras ng gabi, meron daw itong nakikitang… Multo.

Anna: (Kinakabahan pero hindi pinahahalata)
Alex: Sige. Una na ako. (Sabay tayo at alis sa kusina, wala pa ring reaction ang mukha)
Anna: (Pagkaalis ni Alex, dahan-dahang tumayo, pasimpleng tinitiklop ang diyaryo) Hmm… Hmm… Hmm… Dam-didam didam didam didam…….


Muling umalulong ang aso. Awooooooo!!!

Anna: (Biglang kumaripas ng takbo paakyat sa kuwarto n’ya, nagsisigaw ng…) Nyaaaaaaay! Nyaaay!!!

Halos himatayin na lamang sa gulat si Anna pagpanhik sa hagdanan nang makita n’yang nakatayo at nakatingin lamang sa kanya si Alex, then sabay lumayo rin sa kanya, um-exit ng eksena, wala pa ring reaksiyon ang mukha. (Insert piano background music here, ‘yung parang pang-comedy ang tunog)

Tawang-tawa ako sa eksenang ito. Pasensiya na pero alam kong mahirap talagang intindihin kapag nababasa lang. Panoorin n’yo na lang ang pelikulang ‘yun. Kung hindi ninyo napanood o kung nakalimutan n’yo na ang eksenang ‘yun, eh problema n’yo na ‘yun. Biro lang.

(Okay, maaari ka nang magbasa ulit kung nais mo…)

Dumating ang hindi inaasahang pangyayari noong March 29, 2002. Nagulat ang buong bayan sa balitang sumakabilang-buhay na si Rico Yan labinlimang araw matapos ang kanyang ika-27 taong kaarawan dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis. Ewan ko kung ito ba ‘yung bangungot. Ang sabi kasi ng ilan, binangungot daw si Rico Yan habang natutulog sa kanilang pagbabakasyon sa Dos Palmas Resort sa PalawanBiyernes Santo o Good Friday nang bawian siya ng buhay, kasabay ng paggunita sa pagkamatay ni Jesus. Hinding hindi ko makakalimutan ‘yun dahil nagbabakasyon kami sa Tagaytay noon at may trangkaso pa ako. Nagtext ang kakilala ni inay na namatay na nga daw ang artistang si Rico Yan, at siyempre ay nabigla kami.

Hindi inaasahan ng kanyang mga nakatrabaho at ng mga taong nagmamahal sa kanya ang maagang pagpanaw ni Rico Yan. Binigyan pa siya noon one week special tribute sa Magandang Tanghali Bayan (MTB), maging sa sitcom n’ya na Whattamen eh nagkaroon ng special tribute episode. Meron ding special coverage ang libing n’ya sa ABS CBN noon. Ibinalita nila ang lahat ng mga nangyari kay Rico Yan. Naikuwento pa doon na noong time na dinala sa ospital si Rico Yan sakay ng ambulansiya, hindi daw ito iniwanan ng kapatid niyang si Bobby Yan na tahimik lang noong mga oras na ‘yon, hindi umiiyak. Waring pinapatatag ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kapatid niyang si Rico Yan. Pero huli na ang lahat.

Naaalala ko rin noon (ang dami ko talagang naaalala hanep) doon sa special tribute nila sa MTB, napag-usapan nila ‘yung mga huling araw na nakatrabaho nila si Rico Yan. Meron daw eksena noong isang linggo kung saan nagsasalita ang host na sina Dominic Ochoa at Rico Yan sa isang game portion ng MTB. Karaniwang spiel o dialogue ng host kapag magko-commercial break o kapag matatapos na ang isang programa ay “Magbabalik po ang <titulo ng programa> after some reminders!” o kaya “See you tomorrow! Thanks for watching <titulo ng programa>!” Pero ayon sa kanila, ang binanggit daw ni Rico Yan ay “Magpapaalam na po kami! Thanks for watching MTB!” Hindi nila akalaing namamaalam na pala noon si Rico Yan sa kanila. Literal siyang nagpaalam. Ang sakit!

Isa lamang si Rico Yan sa mga biglaang pumanaw na teen stars. Bukod sa kanya ay kasama din sa listahan sina Marky Cielo (namatay noong December 7, 2008 sa edad na 20, hanggang ngayon ay nananatiling misteryo ang kanyang pagkamatay), Julie Vega (namatay noong May 6, 1985 sa edad na 16 dahil sa cardiac arrest, pinalabas pa ang life story n’ya noon sa Maalaala Mo Kaya na pinamagatang “Unan” at si Angelica Panganiban ang gumanap na hawig na hawig ni Julie Vega), Miko Sotto (namatay noong December 29, 2003 sa edad na 21 dahil sa pagkakahulog n’ya mula sa ika-siyam na palapag ng isang condominium building), at noong isang taon lamang ay ginimbal tayo ng masamang balita tungkol sa pagkamatay ng Kapamilya star na si AJ Perez sa edad na 18 dahil sa isang car accident.

Napakarami pang iniwang magagandang alaala si Rico Yan, sindami ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanya. Alam kong meron dito sa inyo na paboritong artista si Rico Yan. At sa mga alaalang ito ay nagkaroon tayo ng pagkakataong sariwain ang kanyang mga kontribusyon sa showbiz. Nakakalungkot subalit talagang ganyan ang buhay. At ang lahat ng ito ay mananatiling alaala na lamang ng masayang kahapon. Sabi nga sa isang kanta ni Piolo Pascual na pinamagatang “Sana Ikaw” na tiyempong sumikat noong mamatay si Rico Yan:

“Kaya’t ikaw ay mananatili na lang sa damdamin at aking isipan. Iguguhit kita sa alaala… Pagka’t tayo ay hanggang panaginip lamang.”

Pasensiya na at bigla akong napaawit. Paborito ko kasi dati ang kantang ‘to eh. Ni-record ko pa nga sa cassette tape ko ‘to.

1 comment:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...