Dekada sitenta din nang mauso ang mga cartoons na gawa ng Hapon tulad ng Lupin The III, Remi: Nobody’s Boy (ginawang Tagalized cartoons ng ABS CBN noong dekada nobenta), Doraemon (oo, dekada sitenta ipinanganak ang henyong alaga ni Nobita, 1979 to be exact), at marami pang iba. Pero masasabi natin na pinakasumikat na sigurong anime hindi lang dito sa Pilipinas ay ang Voltes V noong 1977, kainitan pa rin ng Martial Law ni Macoy dito sa bansa.
“Bo-ru-te-su… Faiiiiii-buh!!!” |
Ang Voltes V (o Voltes Five) ay isang anime na gawa ni Tadao Nagahama para sa telebisyon at unang lumabas sa TV Asahi noong April 6, 1977. Naisalin ito sa Ingles at unang naipalabas dito sa Pilipinas noong Hunyo 4, 1977. Pangalawang bahagi ito ng trilogy na “Robot Romance” at nagbigay-buhay muli sa naunang serye ng Japan, ang “Choudenji Robo Combattler V”. (Oh, ‘di ba ang galing kong mag-copy paste ng article mula sa Wikipedia?)
Bagamat ipinagbawal ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang pagpapalabas ng Voltes V dito sa atin noong Martial Law dahil sa iba’t ibang kontrobersiya at intrigang pampolitika na hindi ko alam kung ano at huwag na dapat nating pakialaman pa, muli pa rin itong naisahimpapawid sa telebisyon matapos siyang patalsikin noong 1986 sa pamamagitan ng People Power. Wala nga namang makakapigil sa kasiyahan ng mga bagets noong panahong ‘yon.
Marahil walang nakakaalam sa atin kung paano tinanggap ng publiko ang programang ito dahil hindi pa tayo ipinapanganak noong taong 1977. Subalit nang magkaroon ito ng enggrandeng comeback sa telebisyon noong mga huling taon ng dekada nobenta, mas napalapit ito sa mga batang paslit na mahilig sa anime, na nagsisimula nang makilala noong mga panahong ‘yon. Tuwing Biyernes ng gabi ay nakatutok ang lahat ng mga paslit sa GMA 7 upang panoorin ang higanteng robot na s’yang naghari sa primetime block noon at hindi ‘yung Pinoy superheroes at Pinoy soap operas na nagbubuhat ng mahiwagang barbell, magkapatid na pinaghiwalay ng tadhana, at kung anu-ano pang rekado ng makabagong soap operas. Kung matatandaan ninyo ay ka-back to back ng Voltes V ang Daimos tuwing Biyernes ng gabi sa GMA 7.
Kadikit ng sumikat na programa ay ang theme song nila na naging instant success din dito sa atin. Sino nga ba naman ang hindi nakisabay sa pag-awit ng kantang hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin? Pagandahan pa tayo sa pagkanta nito with feelings habang ipinapalabas ang opening credits ng programa sa GMA 7:
“Tato e arashiga hukou tomo, tato e oonami areru tomo, kogidasou tatakai no umi he, tobikomou tatakai no uzu he…” (fast forward…) “Borutesu Faibu ni, subete wo kakete, yaruzo chikara no, tsukiru made, chikyuu no, yoake wa… Mou chikai!” Pasensiya na at ginanahan akong umawit. Pero alam kong kumanta ka rin ngayon. Aminin!
At dahil ang mga Pilipino ay likas na palabiro mula noon hanggang ngayon, nagkaroon pa ng pagkakataon na niloloko natin ang theme song ng Voltes V at pinapalitan natin ang ilang linya sa lyrics nito:
“Tato ni Ara Mina malaking cobra… Voltes Five, lima sila, bumili ng Pop Cola, dumating si Mazinger Z, nag-away sila, sabay utot, sabay tae… Kontra bulate!” Oh, ‘di ba? Sino ang mag-aakalang mailalapat ng mapaglarong isipan nating mga Pinoy ang theme song ng Voltes V sa isang awitin na tila yata ay sumasalamin sa pananakit ng tiyan nating mga Pilipino? Tayo lang ang makakagawa niyan!
Bukod-tangi ang naging pasakit sa amin ng pagsusulat sa lyrics nito noong mauso ito sa GMA 7. Minsan naming napag-tripan ng mga kaklase ko na i-record ang theme song nito gamit ang cassette tape recorder. Halos masira na ang tape recorder namin sa kaka-play-pause-sulat-play at play-pause-sulat-play. Mano-mano to the extreme ika nga, makapag-sing along lang sa Voltes V theme song kahit mali-mali ang lyrics na pinagsusulat namin, tutal eh pare-pareho lang naman naming hindi naiintindihan ‘yung mga salitang pinagsasabi ng kumanta ng theme song ng Voltes V. Mabuti na lamang at nag-release ang GMA Records ng album na naglalaman ng iba’t ibang theme songs ng kanilang anime tulad nitong Voltes V, Daimos, Dragonball Z, pati na ang pinakapaborito kong anime na Ghost Fighter.
At kung inaakala ninyo na hanggang doon lang ang kasikatan ng theme song ng Voltes V, nagkakamali kayo! Nang pasikatin ng GMA 7 ang anime na ito ay narinig na rin ito sa mga istasyon ng radyo. Naaalala ko pa noon na naging chart-topper ang Voltes V Theme Song sa programang “Top 20 At 12” ng dating nangungunang pop music radio station sa buong Metro Manila, ang Campus Radio 97.1 WLS FM. Oo, tama ka, si Voltes V, puma-pop! Hanep!
Sinalakay na rin lang ng Voltes V theme song ang ating mga radyo, bakit hindi na lang din salakayin pati ang mundo ng telebisyon? Tumatak din sa isipan ng mga Voltes Fivenatics (okay, ang panget ng naisip ko) ang theme song ng Voltes V nang gawin din itong theme song sa segment na “Ang Dating Doon” nina Brod Pete, Bro. Willy at Bro. Jocel sa longest running gag show sa GMA 7 na “Bubble Gang”. Ito ang spoof ng Kapuso Network sa religious program na “Ang Dating Daan” ni Bro. Eli Soriano. Talaga namang mapapa-“Alien!” at “Raise the roof!” ka kapag napanood mo ang kanilang kuwelang episodes sa gag show na ‘yon. At ibang klase talagang magpasikat ang GMA 7 ng anime noon.
At siyempre naman, paminsan-minsan eh hindi rin maiiwasan ang mga hirit na walang ka-kuwenta kuwenta. Hindi ba’t nauso rin ang gasgas na joke tungkol sa mga ‘di umano’y angkan ni Voltes V sa showbiz? Pati tuloy ako eh napapatanong na sa sarili ko, kaanu-ano nga kaya ni Voltes V sina Michael V, Ate V, Ella V, at Jolli-V? Okay, ang korni!
Bagamat pinaglipasan na ng panahon ang Voltes V, nakakabilib na mainit pa rin itong tinanggap sa kanyang pagbabalik sa telebisyon dito sa Pilipinas. Nagsisilbi pa rin itong “pioneer” ng mga cartoons ng Hapon na tungkol sa mga higanteng robot, bago pa man sumikat ang serye ng Gundam. Gusto ko sanang alamin kung sino ang umawit ng theme song nila pero hindi ko ito mahanap sa internet. Kung gusto n’yong mapanood ang opening at closing theme ng tinaguriang “Tatay ng mga Robot Anime” na Voltes V, pindutin lamang ang link na ito at ang link na ‘yan.
At kahit karamihan sa atin ay hindi pa ipinanganak noong dekada sitenta at kailanman ay hindi nahumaling sa Voltes V, aminin mong kapag nakikita mo ang higanteng robot nina Steve, Mark, Big Bert at Little John, o kahit ano mang may kaugnayan doon, para bang gusto mong makiuso na rin at sumigaw ng…
“Let’s volt in! Bo-ru-te-su… Fai-buh!!!”
No comments:
Post a Comment