Tuesday, May 29, 2012

Umiinom ka rin ba sa Coleman noong bata ka pa?

Tubig ang isa sa pinakaimportanteng pangangailangan ng ating katawan. Mawala na ang lahat, huwag lang ang tubig. Kung iisipin, mas mahalaga pa ito kesa sa pagkain. Ayon kasi sa isang pagsusuri (na hindi ko alam kung totoo) ay maaaring tumagal ang isang normal na tao ng tatlong linggo na walang kinakain pero tatlong araw lang ang tinatagal nang walang tubig. Kahit sa pagluluto, kailangan ng tubig.

Hindi ko alam kung anong hiwaga meron ang tubig at kung bakit nakakabusog ito, lalo na kapag nakarami ka ng inom nito at pakiramdam mo ay bumibigat ang tiyan mo. Pero seriously (naks), mahalaga talaga ang papel ng tubig sa ating katawan dahil pinapanatili nitong maayos ang temperatura ng ating katawan at pinaliliit din nito ang tiyansa na magkaroon tayo ng Urinary Tract Infection o UTI. Marami pang benefits ang tubig sa ating katawan kapag binisita mo ang site na ito at hindi ko na babanggitin pa ang lahat ng ‘yan dahil hindi naman talaga tungkol sa kalusugan ang kuwento ko ngayon.

Sa ating pagpasok sa paaralan, lagi tayong nagbabaon ng tubig. Noong nasa kindergarten ako, Wizard Of Oz pa ang disenyo ng baunan ko kahit sa totoo lang eh bihira lang akong magbaon ng tubig at laging ice-cold Milo ang aking panulak. Karaniwan na sa mga mag-aaral sa pre-school ang magkaroon ng ganitong klaseng baunan. Pero pagtungtong ko ng elementary, unti-unti kong napapansin ang isang plastik na water jug na karaniwang dala ng mga kaklase ko. May malaki at may maliit, madalas ay kulay asul, pula at berde ang katawan, kulay puti naman ang takip, merong hawakan, at merong “lawit” sa mismong takip nito na iniaangat kapag gusto nating uminom.

Ikaw? Ano ang kulay ng maalamat mong Coleman?
Marami mang klase nito pero isang brand lang ang tumatak sa ating lahat, at ito ay ang Coleman. Sino nga bang mag-aaral ang hindi gumamit, nagdala at nakiinom dito? Marahil ay isa ako sa mga batang bihirang nagdadala nito dati sa eskwelahan kahit na uhawin pa ako. Ayoko kasi ng masyadong maraming dalahin. Nagdadala lang ako nito kapag Field Trip namin.

Hindi lang naman tubig ang maaaring ilagay sa Coleman. Hindi porke’t tinawag na water jug ay para lang ito sa tubig. Kahit ano ang gusto mong ilagay na panulak, okay lang. Orange juice, Milo, softdrinks. Ang importante ay takpan mo itong mabuti upang hindi tumulo kapag umiinom ka. Kung gusto mong kape ang nasa Coleman mo, ayos lang. Kung pwede nga lang beer eh ‘di marami nang lasenggong estudyante noong elementary. Pero kung tutuusin, maaari naman talaga, huwag ka lang magpapahuli sa magiting na guro (at basta kay ma’am ka bibili ng pulutan. Biro lang).

Grade four ako noon at panghapon ang pasok ko. Umaalis ako sa bahay ng mga alas-onse ng umaga kahit sampung minuto lang naman ang biyahe mula sa amin hanggang sa eskwelahan at alas-dose pa ang first subject ko. Tanghaling tapat kaya naman madalas ay uhaw na uhaw ako. Lagi akong nakikiinom sa kaklase kong tinutukso namin na bading dahil mahilig sumayaw ala-macho dancer kapag naririnig ang awiting “Mr. Boombastic” ni Shaggy. Mabait naman siya dahil lagi niya akong pinapainom sa kanyang Coleman na kulay berde (bagay na bagay ang kulay sa kanya). Walang ibang reaksiyon kundi isang simpleng pa-cute na ngiti lang ang natatanggap ko mula sa kanya kasama ang malamig na tubig na galing sa kanyang Coleman. Kahit alam kong sa loob-loob niya ay gusto niyang sabihin sa akin na “Ang kapal ng mukha mo! Gusto mo bigyan kita ng sariling Coleman? Ikaw kasi ang umuubos ng tubig ko eh! Alam mo, kung hindi ka lang pogi eh matagal na kitang hindi pinainom!”. Pero siyempre, biro lang ‘to.

Nakakabilib dahil sa totoo lang eh hindi lang pang-inuminan ang silbi ng Coleman noon. Maaari mo itong ipang-hampas sa mga makukulit mong kaklase. ‘Yung mga bully kong kaklase noon, meron pang tinatawag na “Coleman Wars”. Hampasan dito, hampasan doon. Kapag napuruhan ang isa ay iiyak at magsusumbong. Minsan naman, kapag desperado na eh bubuhusan ng tubig na galing sa Coleman ‘yung katunggali. Trip-trip lang. Alam mo naman ang bullies, nakakadagdag-atraksiyon kapag wala pang guro sa loob ng silid-aralan.

Natatawa naman ako sa kapatid ko noon. Noong nasa kindergarten kasi siya eh inis na inis siya sa kanilang adviser. Paano ba naman, tuwing oras ng recess eh lagi itong nakikiinom sa kanyang Coleman na kulay asul. Magtatanong pa daw ‘yun with matching malambing na boses: “Okay class, sino sa inyo ang merong wateeer? Taas ang kamay!” Ito namang si utol eh laging nagtataas ng kamay na may kasamang sigaw na “Ako po!”, pa-good shot kumbaga. Ayun, ubos ang baon n’yang tubig sa Coleman. Sabi ko nga sa kanya, palitan na lang n’ya ng tubig galing sa baha ‘yung laman ng Coleman, pero siyempre hindi niya tinuloy dahil bukod sa masama ‘yun eh hindi ko naman talaga sinabi ‘yun sa kanya dahil biro lang ulit ‘yun.

Nabasa ko sa isang forum na hindi lang pala mga water jug ang ginagawa ng Coleman. Gumagawa rin sila ng tents, mga kalan, at kung anu-ano pang camping gadgets at paraphernalia. Hindi ko lang sigurado kung meron talaga nun dahil hindi pa ako nakakakita ng mga ‘yon at nabasa ko lang naman ‘yon sa isang forum (inulit ko lang baka kasi hindi mo narinig). Natawa naman ako sa nabasa kong post ng isang estudyante sa isa pang forum dahil nilalagyan daw niya ng kulangot dati ‘yung “lawit” na iniinuman ng Coleman niya para wala daw makikiinom sa kanya. Matalinong bata.

Nakakatuwa na naging magkaugnay na ang water jug sa Coleman, para bang Colgate o Close-Up imbis na toothpaste. Nagtataka lang ako kung bakit ba natin nakasanayang magdala ng malalaking inuminan sa klase noon? Ilang buwan ba tayong mawawala sa loob ng bahay? Kung iisipin eh parang takot na takot tayong mauhaw. Kung tutuusin eh maski ang laway ay maaaring lunukin para iwas-uhaw (biro lang na naman ang sinabi kong ‘to na nakakadiri). Pero ganoon pa man, pasalamat tayo at naimbento ang Coleman dahil naging malaking tulong ito para sa pagpapalaganap ng ating malusog na pangangatawan.

Ewan ko lang kung may mga nagdadala pa nito ngayon, at kung meron man, isa kang malaking alamat! Painumin mo ako sa Coleman mo kapag nagkita tayo ha?

1 comment:

  1. terima kasih informasi nya semoga bermanfaat untuk untuk semuanya gaes
    https://batubatajepara.com

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...