Saturday, June 30, 2012

Naki-"let's volt in!" ka ba sa Voltes V?

Dekada sitenta. Panahon ng malawakang pagpapatupad ng Batas Militar sa Pilipinas. Panahon din kung kailan naglipana ang sangkatutak na hippies. Laganap ang mga welga at kung anu-ano pang demonstrasyon na nauuwi sa marahas na pagwawakas. May ipinatutupad na curfew sa buong bansa. Pero ganoon pa man, hindi pa rin napigilan ang mga kabataan noong 70s na magkaroon ng pansamantalang kasiyahan sa pamamagitan ng iba’t ibang mga pambatang programa sa telebisyon.

Dekada sitenta din nang mauso ang mga cartoons na gawa ng Hapon tulad ng Lupin The IIIRemi: Nobody’s Boy (ginawang Tagalized cartoons ng ABS CBN noong dekada nobenta), Doraemon (oo, dekada sitenta ipinanganak ang henyong alaga ni Nobita, 1979 to be exact), at marami pang iba. Pero masasabi natin na pinakasumikat na sigurong anime hindi lang dito sa Pilipinas ay ang Voltes V noong 1977, kainitan pa rin ng Martial Law ni Macoy dito sa bansa.

“Bo-ru-te-su… Faiiiiii-buh!!!”
Ang Voltes V (o Voltes Five) ay isang anime na gawa ni Tadao Nagahama para sa telebisyon at unang lumabas sa TV Asahi noong April 6, 1977. Naisalin ito sa Ingles at unang naipalabas dito sa Pilipinas noong Hunyo 4, 1977. Pangalawang bahagi ito ng trilogy na “Robot Romance” at nagbigay-buhay muli sa naunang serye ng Japan, ang “Choudenji Robo Combattler V”. (Oh, ‘di ba ang galing kong mag-copy paste ng article mula sa Wikipedia?)

Bagamat ipinagbawal ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang pagpapalabas ng Voltes V dito sa atin noong Martial Law dahil sa iba’t ibang kontrobersiya at intrigang pampolitika na hindi ko alam kung ano at huwag na dapat nating pakialaman pa, muli pa rin itong naisahimpapawid sa telebisyon matapos siyang patalsikin noong 1986 sa pamamagitan ng People Power. Wala nga namang makakapigil sa kasiyahan ng mga bagets noong panahong ‘yon.

Marahil walang nakakaalam sa atin kung paano tinanggap ng publiko ang programang ito dahil hindi pa tayo ipinapanganak noong taong 1977. Subalit nang magkaroon ito ng enggrandeng comeback sa telebisyon noong mga huling taon ng dekada nobenta, mas napalapit ito sa mga batang paslit na mahilig sa anime, na nagsisimula nang makilala noong mga panahong ‘yon. Tuwing Biyernes ng gabi ay nakatutok ang lahat ng mga paslit sa GMA 7 upang panoorin ang higanteng robot na s’yang naghari sa primetime block noon at hindi ‘yung Pinoy superheroes at Pinoy soap operas na nagbubuhat ng mahiwagang barbell, magkapatid na pinaghiwalay ng tadhana, at kung anu-ano pang rekado ng makabagong soap operas. Kung matatandaan ninyo ay ka-back to back ng Voltes V ang Daimos tuwing Biyernes ng gabi sa GMA 7.

Kadikit ng sumikat na programa ay ang theme song nila na naging instant success din dito sa atin. Sino nga ba naman ang hindi nakisabay sa pag-awit ng kantang hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin? Pagandahan pa tayo sa pagkanta nito with feelings habang ipinapalabas ang opening credits ng programa sa GMA 7:

“Tato e arashiga hukou tomo, tato e oonami areru tomo, kogidasou tatakai no umi he, tobikomou tatakai no uzu he…” (fast forward…) “Borutesu Faibu ni, subete wo kakete, yaruzo chikara no, tsukiru made, chikyuu no, yoake wa… Mou chikai!” Pasensiya na at ginanahan akong umawit. Pero alam kong kumanta ka rin ngayon. Aminin!

At dahil ang mga Pilipino ay likas na palabiro mula noon hanggang ngayon, nagkaroon pa ng pagkakataon na niloloko natin ang theme song ng Voltes V at pinapalitan natin ang ilang linya sa lyrics nito:

“Tato ni Ara Mina malaking cobra… Voltes Five, lima sila, bumili ng Pop Cola, dumating si Mazinger Z, nag-away sila, sabay utot, sabay tae… Kontra bulate!” Oh, ‘di ba? Sino ang mag-aakalang mailalapat ng mapaglarong isipan nating mga Pinoy ang theme song ng Voltes V sa isang awitin na tila yata ay sumasalamin sa pananakit ng tiyan nating mga Pilipino? Tayo lang ang makakagawa niyan!

Bukod-tangi ang naging pasakit sa amin ng pagsusulat sa lyrics nito noong mauso ito sa GMA 7. Minsan naming napag-tripan ng mga kaklase ko na i-record ang theme song nito gamit ang cassette tape recorder. Halos masira na ang tape recorder namin sa kaka-play-pause-sulat-play at play-pause-sulat-play. Mano-mano to the extreme ika nga, makapag-sing along lang sa Voltes V theme song kahit mali-mali ang lyrics na pinagsusulat namin, tutal eh pare-pareho lang naman naming hindi naiintindihan ‘yung mga salitang pinagsasabi ng kumanta ng theme song ng Voltes V. Mabuti na lamang at nag-release ang GMA Records ng album na naglalaman ng iba’t ibang theme songs ng kanilang anime tulad nitong Voltes V, Daimos, Dragonball Z, pati na ang pinakapaborito kong anime na Ghost Fighter.

At kung inaakala ninyo na hanggang doon lang ang kasikatan ng theme song ng Voltes V, nagkakamali kayo! Nang pasikatin ng GMA 7 ang anime na ito ay narinig na rin ito sa mga istasyon ng radyo. Naaalala ko pa noon na naging chart-topper ang Voltes V Theme Song sa programang “Top 20 At 12” ng dating nangungunang pop music radio station sa buong Metro Manila, ang Campus Radio 97.1 WLS FM. Oo, tama ka, si Voltes V, puma-pop! Hanep!

Sinalakay na rin lang ng Voltes V theme song ang ating mga radyo, bakit hindi na lang din salakayin pati ang mundo ng telebisyon? Tumatak din sa isipan ng mga Voltes Fivenatics (okay, ang panget ng naisip ko) ang theme song ng Voltes V nang gawin din itong theme song sa segment na “Ang Dating Doon” nina Brod Pete, Bro. Willy at Bro. Jocel sa longest running gag show sa GMA 7 na “Bubble Gang”. Ito ang spoof ng Kapuso Network sa religious program na “Ang Dating Daan” ni Bro. Eli Soriano. Talaga namang mapapa-“Alien!” at “Raise the roof!” ka kapag napanood mo ang kanilang kuwelang episodes sa gag show na ‘yon. At ibang klase talagang magpasikat ang GMA 7 ng anime noon.

At siyempre naman, paminsan-minsan eh hindi rin maiiwasan ang mga hirit na walang ka-kuwenta kuwenta. Hindi ba’t nauso rin ang gasgas na joke tungkol sa mga ‘di umano’y angkan ni Voltes V sa showbiz? Pati tuloy ako eh napapatanong na sa sarili ko, kaanu-ano nga kaya ni Voltes V sina Michael V, Ate V, Ella V, at Jolli-V? Okay, ang korni!

Bagamat pinaglipasan na ng panahon ang Voltes V, nakakabilib na mainit pa rin itong tinanggap sa kanyang pagbabalik sa telebisyon dito sa Pilipinas. Nagsisilbi pa rin itong “pioneer” ng mga cartoons ng Hapon na tungkol sa mga higanteng robot, bago pa man sumikat ang serye ng Gundam. Gusto ko sanang alamin kung sino ang umawit ng theme song nila pero hindi ko ito mahanap sa internet. Kung gusto n’yong mapanood ang opening at closing theme ng tinaguriang “Tatay ng mga Robot Anime” na Voltes V, pindutin lamang ang link na ito at ang link na ‘yan.

At kahit karamihan sa atin ay hindi pa ipinanganak noong dekada sitenta at kailanman ay hindi nahumaling sa Voltes V, aminin mong kapag nakikita mo ang higanteng robot nina Steve, Mark, Big Bert at Little John, o kahit ano mang may kaugnayan doon, para bang gusto mong makiuso na rin at sumigaw ng…

“Let’s volt in! Bo-ru-te-su… Fai-buh!!!”

Wednesday, June 13, 2012

Naaalala mo pa ba ang matinee idol na si Rico Yan?

Meron siyang pares ng dimples na hanep sa lalim. Simple lang kung pumorma. Pinagpapantasyahan ng mga kababaihan, tinutularan ng mga kalalakihan, at iniidolo ng mga kabataan. Nagtataglay ng matatamis na ngiti na malamang kahit ang mga lola ay mahuhumaling (at maaaring iwanan ang kanilang sinasambang si Willie Revillame). At itsura na lumalamang lang ng mga tatlong paligo sa akin, at siyempre nagbibiro lang ako. Ilan lamang ‘yan sa mga katangian ng sikat na artista ng kanyang henerasyon na si Rico Yan.

Siya si Ricardo Carlos Castro Yan na nakilala sa mundo ng showbiz bilang si Rico Yan. Ipinanganak noong March 14, 1975 sa Maynila, itinuring siyang isa sa matinee idols ng Star Magic (na kilala pa noon bilang “Talent Center”) noong kalagitnaan ng dekada nobenta. Isa rin siyang matagumpay na negosyante dahil sa kanyang mga negosyong tulad ng Orbitz Pearl ShakeJava Hut, at iba pa, at endorser ng iba’t ibang mga produkto tulad ng Greenwich PizzaTalk ‘N TextMaster Facial CleanserEggnog Cookies, at iba pa.

Ricardo Carlos Castro Yan
(March 14, 1975 - March 29, 2002)
Nakita rin ang pagka-versatile ni Rico Yan dahil sa paglabas niya sa iba’t ibang mga programa ng ABS CBN. Umusbong ang angking talento niya sa acting sa mga programang tulad ng Mara Clara (original), GimikMula Sa Puso (original), Saan Ka Man Naroroon, at mangilan-ngilang pagganap sa Maalaala Mo Kaya. Kinakitaan din siya ng talento sa pagpapatawa dahil sa programang Whattamen, at nagkaroon ng potensiyal bilang isang magaling na host sa programang Magandang Tanghali Bayan (MTB).

Nakasama din siya sa mga pelikulang pinagtambalan nila ni Claudine Barretto tulad ng Dahil Mahal Na Mahal KitaMula Sa Puso The Movie, at Got 2 Believe, at sa mga pelikulang pinagsamahan nila ni Judy Ann Santos (na monay ang mga pisngi noon) tulad ng Paano Ang Puso KoFlames The MovieKay Tagal Kang Hinintay, at Gimik The Reunion.

Isang nakakatuwang eksena sa pelikulang Kay Tagal Kang Hinintay ang tumatak sa isip ko at nais kong ikuwento sa blog na ito. Pinakapaborito ko kasi itong eksena sa lahat ng mga naging pelikula ni Rico Yan. (Sa puntong ito, pinapayuhan kitang i-skip ang mga susunod na talata kung inaantok ka na, pero kung nais mong makisabay sa kasabawan at kababawan ng aking kaligayahan, ituloy mo lang ang pagbabasa hanggang sa himatayin ka sa kakornihan.)
Isang gabi, nagbabasa ng diyaryo si Alex (Rico Yan) sa kusina ng isang hotel sa Ilocos nang biglang pumasok sa eksena si Anna (Judy Ann Santos) na that time ay asar kay Alex. Dumampot ng diyaryo si Anna, naupo at nagbasa din pero malayo sa kinauupuan ni Alex. Ang suot ni Anna ay isang bulaklakin at mahabang bestida na lampas tuhod, si Alex naman ay naka-puting t-shirt at pajama, nakasalamin at mukhang bao ang style ng buhok na wet look, nerd na nerd ang dating. Narito ang usapan nila (hindi ito ‘yung eksaktong dialogue nila dahil hindi naman ako ‘yung gumawa ng script nila):

Alex: Miss… Ano’ng pangalan mo?

Anna: (Tumingin kay Alex, pagkatapos ay umirap at nagpatuloy sa pagbabasa)
Alex: Miss… May pangalan ka ba?
Anna: (Nagpipigil)
Alex: Ang pangalan mo ba ay Liiiiiii… Yona? (Leona)
Anna: (Hindi nakatiis, humarap kay Alex at sinigawan siya) Nang-iinsulto ka ba?!
Alex: (Walang reaction ang mukha, nakatingin lang kay Anna, sabay sagot ng…) Oo!
Anna: (Nanggigil ulit at umirap, itinuloy ang pagbabasa)


Maya-maya pa ay biglang may umalulong na aso. Awooooooo!!!

Alex: Miss… Natatakot ka ba? Sabi kasi ng mga matatanda dito, kapag meron daw umaalulong na aso kung dis oras ng gabi, meron daw itong nakikitang… Multo.

Anna: (Kinakabahan pero hindi pinahahalata)
Alex: Sige. Una na ako. (Sabay tayo at alis sa kusina, wala pa ring reaction ang mukha)
Anna: (Pagkaalis ni Alex, dahan-dahang tumayo, pasimpleng tinitiklop ang diyaryo) Hmm… Hmm… Hmm… Dam-didam didam didam didam…….


Muling umalulong ang aso. Awooooooo!!!

Anna: (Biglang kumaripas ng takbo paakyat sa kuwarto n’ya, nagsisigaw ng…) Nyaaaaaaay! Nyaaay!!!

Halos himatayin na lamang sa gulat si Anna pagpanhik sa hagdanan nang makita n’yang nakatayo at nakatingin lamang sa kanya si Alex, then sabay lumayo rin sa kanya, um-exit ng eksena, wala pa ring reaksiyon ang mukha. (Insert piano background music here, ‘yung parang pang-comedy ang tunog)

Tawang-tawa ako sa eksenang ito. Pasensiya na pero alam kong mahirap talagang intindihin kapag nababasa lang. Panoorin n’yo na lang ang pelikulang ‘yun. Kung hindi ninyo napanood o kung nakalimutan n’yo na ang eksenang ‘yun, eh problema n’yo na ‘yun. Biro lang.

(Okay, maaari ka nang magbasa ulit kung nais mo…)

Dumating ang hindi inaasahang pangyayari noong March 29, 2002. Nagulat ang buong bayan sa balitang sumakabilang-buhay na si Rico Yan labinlimang araw matapos ang kanyang ika-27 taong kaarawan dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis. Ewan ko kung ito ba ‘yung bangungot. Ang sabi kasi ng ilan, binangungot daw si Rico Yan habang natutulog sa kanilang pagbabakasyon sa Dos Palmas Resort sa PalawanBiyernes Santo o Good Friday nang bawian siya ng buhay, kasabay ng paggunita sa pagkamatay ni Jesus. Hinding hindi ko makakalimutan ‘yun dahil nagbabakasyon kami sa Tagaytay noon at may trangkaso pa ako. Nagtext ang kakilala ni inay na namatay na nga daw ang artistang si Rico Yan, at siyempre ay nabigla kami.

Hindi inaasahan ng kanyang mga nakatrabaho at ng mga taong nagmamahal sa kanya ang maagang pagpanaw ni Rico Yan. Binigyan pa siya noon one week special tribute sa Magandang Tanghali Bayan (MTB), maging sa sitcom n’ya na Whattamen eh nagkaroon ng special tribute episode. Meron ding special coverage ang libing n’ya sa ABS CBN noon. Ibinalita nila ang lahat ng mga nangyari kay Rico Yan. Naikuwento pa doon na noong time na dinala sa ospital si Rico Yan sakay ng ambulansiya, hindi daw ito iniwanan ng kapatid niyang si Bobby Yan na tahimik lang noong mga oras na ‘yon, hindi umiiyak. Waring pinapatatag ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kapatid niyang si Rico Yan. Pero huli na ang lahat.

Naaalala ko rin noon (ang dami ko talagang naaalala hanep) doon sa special tribute nila sa MTB, napag-usapan nila ‘yung mga huling araw na nakatrabaho nila si Rico Yan. Meron daw eksena noong isang linggo kung saan nagsasalita ang host na sina Dominic Ochoa at Rico Yan sa isang game portion ng MTB. Karaniwang spiel o dialogue ng host kapag magko-commercial break o kapag matatapos na ang isang programa ay “Magbabalik po ang <titulo ng programa> after some reminders!” o kaya “See you tomorrow! Thanks for watching <titulo ng programa>!” Pero ayon sa kanila, ang binanggit daw ni Rico Yan ay “Magpapaalam na po kami! Thanks for watching MTB!” Hindi nila akalaing namamaalam na pala noon si Rico Yan sa kanila. Literal siyang nagpaalam. Ang sakit!

Isa lamang si Rico Yan sa mga biglaang pumanaw na teen stars. Bukod sa kanya ay kasama din sa listahan sina Marky Cielo (namatay noong December 7, 2008 sa edad na 20, hanggang ngayon ay nananatiling misteryo ang kanyang pagkamatay), Julie Vega (namatay noong May 6, 1985 sa edad na 16 dahil sa cardiac arrest, pinalabas pa ang life story n’ya noon sa Maalaala Mo Kaya na pinamagatang “Unan” at si Angelica Panganiban ang gumanap na hawig na hawig ni Julie Vega), Miko Sotto (namatay noong December 29, 2003 sa edad na 21 dahil sa pagkakahulog n’ya mula sa ika-siyam na palapag ng isang condominium building), at noong isang taon lamang ay ginimbal tayo ng masamang balita tungkol sa pagkamatay ng Kapamilya star na si AJ Perez sa edad na 18 dahil sa isang car accident.

Napakarami pang iniwang magagandang alaala si Rico Yan, sindami ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanya. Alam kong meron dito sa inyo na paboritong artista si Rico Yan. At sa mga alaalang ito ay nagkaroon tayo ng pagkakataong sariwain ang kanyang mga kontribusyon sa showbiz. Nakakalungkot subalit talagang ganyan ang buhay. At ang lahat ng ito ay mananatiling alaala na lamang ng masayang kahapon. Sabi nga sa isang kanta ni Piolo Pascual na pinamagatang “Sana Ikaw” na tiyempong sumikat noong mamatay si Rico Yan:

“Kaya’t ikaw ay mananatili na lang sa damdamin at aking isipan. Iguguhit kita sa alaala… Pagka’t tayo ay hanggang panaginip lamang.”

Pasensiya na at bigla akong napaawit. Paborito ko kasi dati ang kantang ‘to eh. Ni-record ko pa nga sa cassette tape ko ‘to.

Thursday, June 7, 2012

Napudpod ba ang mga daliri mo sa kakalaro ng Brick Game?

Unang Eksena: May isang lalake (Dolphy) nagtungo sa police station upang i-report sa pulis (Babalu) ang isang insidente.


Lalake: Mamang pulis, may ire-report po ako!
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Ano kamo? <*twok! twok! twok!*>
Lalake: Kuwan ho, magre-report ho ako tungkol sa isang patayan.
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Ha? Patayan? <*twok! twok! twok!*>
Lalake: Opo. Tungkol ho sa ninakaw na tape.
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Patayan tapos tape? Ah baka maingay ‘yung tape kaya pinatay ‘yung radyo? <*twok! twok! twok!*>
Lalake: Eh, k-kuwan ho kasi…
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Sige mag-report ka. <*twok! twok! twok!*>
Lalake: H-ho?
Pulis: <*twok! twok! twok!*> Mag-report ka! Magsalita ka… Huwag kang maingay! <*twok! twok! twok!*>
Lalake: G-ganito ho kasi ‘yon…
Pulis: <*twok! twok! twok!*> O ano… Huwag ka sabing maingay eh! <*twok!* “Game Over!”> Ayan na-dead tuloy!



Ikalawang Eksena: Habang naglalaro si Tomas ng Brick Game ay ginugulo siya ni Ka Noli sa likod.


Ka Noli: Uy, nakiloko ka na rin pala sa larong ‘yan, ha? Teka…

Tomas: <*twok! twok! twok!*>
Ka Noli: (kiniliti si Tomas) Kootshi-kootshi-koo! Pitshi-pitshi-poo! Pa-pitshi-pitshi-pitshi! Hatsha-pitshi-patshapoo!
Tomas: <*twok! twok!* “Pause”> Ka Noli, kapag ako na-Game Over dito eh ngayon ka lang makakakita ng kumpareng binaril dahil sa Brick Game. <”Resume” *twok! twok!*>



Hango sa pelikulang Home Along Da Riles The Movie at sa comic strip na Pugad Baboy ang mga dialogue na ‘yan. Bagamat walang kinalaman ang pelikula at babasahing ‘yan sa kuwento ko eh isiningit ko na rin (magkaroon lang ng kakaibang panimula). Ganoon naman talaga kasi ang isang tao na naglalaro ng Brick Game o kahit na anong game console, ayaw magpaistorbo lalo na kapag nasa kasarapan o climax na ng paglalaro. Kapag nahawakan na eh parang ayaw mo na itong bitawan. Sino man ang may hawak sa console na ‘yon eh para bang nagte-teleport ang imahinasyon doon sa mismong nilalaro niya at ang mga kalaban n’ya ay ‘yung mga sagabal na tao sa paligid n’ya. Isa pa, nakakaaliw marinig ang “twok! twok! twok!” na sound effect ng bawat pagpindot mo sa button ng Brick Game.

*Twok! Twok! Twok!*
Pinagsanib na Game And Watch at Game Boy ang itsura. Malaki ang katawan pero may screen na sinliit lang ng screen ng isang Nokia 6600. Pahaba na may kurba sa gitna na tulad ng nasa larawan. Ganyan ang itsura ng Brick Game, maituturing na isa sa pinakaunang video game console matapos yanigin ng Game And Watch ang mga kabataan noong dekada otsenta.

Simple lang naman laruin ang Brick Game. Ang pinaka-payak na uri ng laro nito ay isang puzzle video game na kilala rin sa tawag na Tetris (na nilikha ni Alexey Pajitnov ng Soviet Union noong taong 1984 at hango sa pinagsamang “tennis” at “tetramino”, isang salita na ipaliliwanag ng link na ito dahil hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin, pwede naman sigurong tawaging “bricks” na lang ‘yun) kung saan kinokontrol ng manlalaro ang mga bumabagsak na brick na hugis letrang I, J, L, O, S, T, at Z sa pamamagitan ng pagpihit nito pakaliwa, pakanan, at pag-ikot nito ng ibang puwesto upang makabuo ng horizontal lines na walang gaps bago ito lumanding sa ibaba ng screen. Kapag may nabuong linya, mawawala ito at ang blocks na nasa ibabaw ng nawalang linya ay mahuhulog at makakabuo ulit ng panibagong itsura ang blocks na ito. Siguro naman lahat tayo eh nakapaglaro na nito.

Makikita din sa larawan ang isang tipikal na Brick Game na merong nakasulat na 9999-in-1. Ibig lang sabihin nito, napakarami kang pagpipiliang laro sa Brick Game na ‘yon. Pero sa totoo lang eh paulit-ulit lang naman ang lahat ng ‘yon at iniba lang ang mga titulo ng laro tulad ng mga ganitong klaseng bala sa Family Computer upang makahikayat sa video gamers.

Hindi ko naranasang magkaroon ng brand new na Brick Game noong bata pa ako. Ang Brick Game ko eh ‘yung second hand Brick Game na pamana ng paborito kong auntie (halatang spoiled ako sa tita ko noon dahil ilang beses ko na itong binabanggit sa balik-tanaw posts ko). 4-in-1 lang ‘yung Brick Game na ‘yun pero iba-iba. Sa unang laro, ordinaryong Tetris. Sa ikalawa, nagpapalit-palit ng puwesto ang mga nahulog na bricks at nadagdagan ng ibang klaseng bricks. Sa ikatlo, normal na larong Snake, ang larong nauso sa mga cellphone noon. At sa ika-apat, ibang klaseng Snake dahil humahaba ito sa pamamagitan ng pagtigil ng buntot nito kaya hahaba nang kusa kahit wala itong kinakain na kung anong tuldok (ano ba ang tawag doon sa pagkain ng ahas na ‘yun?).

Bagamat hindi masyadong pamilyar si inay sa mga video game, naibigan naman niya ang larong Tetris magpahanggang-ngayon Meron kasi nito sa Game Boy ko dati at meron pa itong background music na mala-Arabian Nights ang dating kaya’t gaganahan ka talaga sa paglalaro at meron pang fireworks display special ek-ek kapag nakaka-top score ka.

Isa lang naman ang ipinagtataka ko na alam kong nahihiwagaan din kayo. Bakit kaya bihirang magpakita ang brick na hugis “I”? Alam kong dahil ito ang pinaka-importanteng piyesa na panghakot ng malaking puntos sa laro. Pero sa mga oras na hinahanap natin si “I”, saan kaya siya naroroon? Saan ba s’ya nagpupunta? Saan ba siya nakatira at bakit ang tagal niya bago sumipot? Paimportante ba siyang tao? Baka naman nahihirapan lang siyang pumili ng kulay ng damit na isusuot niya? Gaano ako kakorni?

Napakasaya ang magkaroon ng Brick Game. Napapagana nito ang bilis ng ating pag-iisip (kapag nasa level 9 ka na), tatag ng muscles sa daliri (ang unang magka-kalyo sa daliri ay talo), at haba ng ating pasensiya (lalo na kapag may makulit na tao sa likuran mo na gustong makilaro at minsan ay parang backseat driver na dinidiktahan ka kung ano ang dapat mong gawin). Kahanga-hanga din ang nakaimbento ng Brick Game. Biro mo, para kang nag-aral ng mahika sa Hogwarts at nag-construction worker all in one dahil kinokontrol mo ang mala-adobeng tetramicons upang makabuo ng isang palapag na linya dito. At kapag nakabuo ka na ng linya ay biglang… Poof! Naglalaho ito!
At titigil na ako sa pagdadaldal dahil para na akong barberong nagkukuwento.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...