Sunday, January 9, 2011

Magandang Tanghali Bayan: Minsan nating naging kasalo sa pananghalian

“Naughty at kalog, sexy at bilog. Pilyo at pasok, kontra sa antok. Hayop sa papremyo, apaw sa gulo. Puro makulit, todo ang kilig. Dito sa MTB, magkita-kits tayo. Dito sa MTB, isang barkada tayo. Dito sa MTB, sakyan mo lang pare ko. Dito sa MTB, pamilya lahat tayo!”

“Huwag kang kukurap, bogchi’y kay sarap. Tawang ‘di bitin, laging in na in. Tanghaling tapat, game na game lahat. Pag pumapalpak, lublob ang katapat. Dito sa MTB, magkita-kits tayo. Dito sa MTB, isang barkada tayo. Dito sa MTB, sakyan mo lang pare ko. Dito sa MTB, pamilya lahat tayo!”


Pamilyar ka ba sa mga linyang nabasa mo? Meron pa nga ‘yang isang malakas at makabasag-pinggang tili ng “Magandang Tanghali Bayaaaaaaaan!!!!!” ni Garry Lim sa bandang huli. Ang mga ito ay ang dalawang version ng theme song ng Magandang Tanghali Bayan o MTB.

Ang Magandang Tanghali Bayan ay isang sikat na noontime show sa ABS CBN hosted by Randy Santiago, John Estrada at ang bilyonaryo na ngayong si Willie Revillame, kasama pa ang ibang hosts at naging parte ng show na sina Roderick Paulate, Amy Perez, Christine Jacob, Vanessa del Bianco, Edu Manzano, Ai-Ai De Las Alas, Bayani Agbayani, Bentong, at marami pang iba. Tumagal ang pang-tanghaling programa na ito sa dos ng anim na taon, magmula 1998 hanggang 2004. Nakilala ang noontime show na ito dahil sa tatlong beses nitong pagre-reformat, magmula Magandang Tanghali Bayan, hanggang Masayang Tanghali Bayan, hanggang sa MTB: Ang Saya Saya, hanggang sa maging MTB: Ang Lungkot Lungkot (dahil doon na sa puntong ‘yon nag-take over ang phenomenal at kontrobersyal na Wowowee).

Minsan ding sumikat ang Magandang Tanghali Bayan dahil sa kanilang mga palaro. Sino nga ba ang hindi makakalimot sa Ano Ka, Hilo? kung saan paiikutin ang contestant hanggang sa mahilo at patatawirin sa isang makitid na tawiran papunta sa pinaglalagyan ng jackpot money nang hindi bumabagsak? Isa pang pa-contest ay ‘yung Sa Pula, Sa Puti, Tanggal Ang Mali kung saan kinakailangan lang pumili ng mga manlalaro kung sa pula ba sila o sa puti at pa-swertihan kung saang kulay matatapat ang mahiwagang roleta. Ang Winner Take All na parang isang quiz show hosted by the unbeatable tandem (naks) of Kuya Dick at Amy Perez. Ang MTBGO na sabi ng ilan ay ginaya sa game show ng GMA 7 na Gobingo. Ang Munting Miss U at Japorms na photocopy ng Little Miss Philippines at That’s My Boy! ng Eat Bulaga. Ang Wansa Funny Taym na isang nakatutuwang weekly skit ng MTB barkada. At syempre, nariyan din ang Hulabira na paunahang makahula ng mystery word at kapag hindi nahulaan ay may “pieshot” on the face na matatanggap ang talunang team (hango naman ito sa Bulagaan segment ng EB). At marami pang iba.

Bagamat marami nang nagdaang pa-contest at segments sa show na ito, wala pa rin sigurong makakatalo pa sa segment nila na Pera O Bayong. Sa sobrang popular nito, naisapelikula pa ito noon. At kahit matagal nang wala sa ere ang MTB ay nagpatuloy pa rin ang Pera O Bayong sa pumalit na noontime show na Wowowee. Naging mas kontrobersyal pa nga ang “Pera O Bayong Wowowee edition” dahil sa dayaan issue diumano! (Bagamat naging usap-usapan rin noon na ang segment na ito ay ginaya sa classic na programa ni Pepe Pimentel na Family Kuarta O Kahon.)

Umabot ang kasikatan ng MTB hanggang sa aming klase. Merong tatlong magkakaibigan sa section namin noon na binansagang BBG o short for Bayani (Agbayani), Bentong at Garry (Lim) dahil sa pagiging kengkoy at islapstik (putek islapstik daw oh) nito sa oras ng biruan. Meron pang magkakaibigan sa amin na tinawag namang Randy, John at Willie dahil sa pagiging malibog ng mga ito. Matatandaang isa sa “memorable moments” ng show na ito ay ang ilang beses na pagkakasuspinde ng tatlo lalo na ni Willie dahil sa mga pilyong jokes na may double meaning. Naalala ko tuloy ‘yung kanta ni Willie dati na “Ang Cute ng Pokemon”. Minsan ring umiyak at nagdrama si Willie sa harap ng camera nang suspindihin silang tatlo dahil sa pambabastos daw nila diumano kay Mahal. Live pang nangyari ito at hindi taped! Pansamantala rin noong pinalitan ang MTB ng Esep-Esep, hango sa popular na bukambibig ni Amy Perez sa segment na Pera O Bayong. Hindi na nag-Esep-Esep pa ang staff, matapos ang ilang araw na pagkakasuspinde ng MTB ay ibinalik sila kaagad sa ere. Hindi kinagat ng mga manonood ang kanilang pag-e-Esep-Esep.

Taliwas sa mahinang suportang natanggap mula sa taumbayan ng kanilang sinundang noontime show na ‘Sang Linggo nAPO Sila, kinagat ng madla ang MTB. Sa katunayan, ilang beses silang naghari sa noontime slot. Marami tuloy noon ang nagsabi na ito na ang katapusan ng karibal nilang programa na Eat Bulaga. Pero sabi nga ni Joey de Leon sa isang Star Awards for TV noong kasikatan ng segment na Ano Ka, Hilo?: “Pwede ninyong gayahin ang mga palaro ng Eat Bulaga. Pero ‘yung papalitan ninyo ang isang institusyon na tulad ng Eat Bulaga… Ano kayo, hilo?!” <*sabay applause at hiyaw ng audience*>

3 comments:

  1. tnk u for joining BNP! ur blog has been posted! u can also vote for ur fave blogs! d top 5 highest rated will be displayed n d Hall of Fame ;)

    you can also follow BNP at twitter.com/blogsngpinoy and facebook.com/blogsngpinoy

    ReplyDelete
  2. Ok ito. sa trabaho namin lahat kami nasa karenderia para manood nito. dito sumikat ng husto si bayani.

    ReplyDelete
  3. i miss a lot... but i always support to kuya randy, kuya john, ate amy, kuya roderick and the rest (except the one main who had cause of the MTB lost)for their plans and decisions. i had nothing i can help but the best thing is to pray. i always love them as my own 'dabarkads' in my life. but for me, i happy for them but i'll see them soon.

    god bless, the long-lost sister of MTB
    jennyred ^_^

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...