Paunawa: Bago ka magpatuloy sa pagbabasa, siguraduhin lamang na tapos ka nang kumain ng hapunan o kaya naman eh hindi ka madidirihin. Basta. Hehe. Maliwanag ba?
Alam n’yo ba kung ano ang pinaka-ayokong nilalang? Palaka? Hindi. Buwaya? Hindi rin. Ipis? Nope. Daga? Na-ah (arte). Walang iba kundi ang uod. Oo, tama ang dinig mo. Uod, as in worm! Ewan ko ba kung ano ang istorya sa likod ng pagkakasuklam ko sa mga uod at kung bakit diring-diri ako sa mga nilalang na ‘yan. Kapag nakakakita ako ng uod kahit sa litrato lang eh kinikilabutan talaga ako. Sa totoo lang, kahit anong nilalang na gumagapang eh ayoko. Ahas, bulate, higad, and the likes — lahat sila ay isang malaking YUCK sa buhay ko! Putaragis, sino ang mag-aakalang sa laki kong ito, kakapiranggot na nilalang ang magpapaatras sa akin?
Kung sabagay, lahat naman tayo ay may kanya-kanyang takot. Ang nakakatakot para sa ‘yo ay maaaring hindi nakakatakot para sa iba, at vice-versa. Kahit ‘yung siga sa kanto eh may kinatatakutan din. Maaaring hindi hayop kundi isang bagay ang o kaya naman ay pangyayari ang nagpapakilabot sa kanya. Maaari din na hindi pa niya nadidiskubre ang kanyang takot. Kaya huwag kang maniniwala kapag may taong magsasabi sa ‘yo na wala s’yang kinatatakutan. Walang taong walang kinatatakutan, maniwala ka. (Okay, imbento ko lang naman ‘yan.)
Lahat tayo ay meron din kanya-kanyang paraan para mapagtagumpayan ang takot. Meron ding nagtatapang-tapangan lang at baka sakaling mawala ang kanilang takot at kahit tigas na sa pagtanggi ang utak mo ay sige pa rin. Nakakabilib naman na merong mga taong matapang talaga at nilalabanan ang kanilang takot. Sila ‘yung mga tao na handang magsakripisyo at humaharap sa iba’t ibang hamon ng buhay. Nagkaroon pa nga ng isang reality show na susubok sa tapang ng bawat isa, ang Fear Factor.
Ang Fear Factor ay isang reality game show na sumusubok sa tapang ng mga manlalaro sa pakikipaglaban nila sa kani-kanilang mga takot (parang paulit-ulit na lang ako ah?). Pinalabas dito sa Pilipinas ang ating bersiyon ng Fear Factor na pinamagatang Pinoy Fear Factor (Argentina, South America) sa ABS CBN noong November 10, 2008, hosted by Ryan “Mr. Swish” Agoncillo. Ito ay nilikha ng Endemol, na nagmamay-ari din ng franchise shows na tulad ng Big Brother (Pinoy Big Brother sa atin) at Operation Triumph (Pinoy Dream Academy sa atin). Alam kong tulad ko ay meron din sa inyong sumubaybay sa programang ito. Paborito ko itong panoorin kahit madalas eh nakakadiri ang kanilang stunts.
Kung maituturing man na educational ang programang ito, malamang isa sa pinakaunang leksiyon na matututunan dito ay ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga salitang banyaga, lalo na ng Spanish. Nagkaroon ako ng kaalaman sa iba’t ibang salitang Espanyol dahil ito ang gamit na lengguwahe ng bansa kung saan ginanap ang programang ito. Hindi mo na kailangan pang gumamit ng translator para lang malaman mo kung ano ang ibig sabihin ng “ronda de eliminacion”, “campo”, “participantes”, “una, segunda, tersera, cuarta, etc.”, at iba pa. Tama nga siguro ang sabi ng kabarkada ko dati, madali lang matutunan ang pagsasalita ng Spanish.
"Vamos!" |
Ang daming mga hindi malilimutang eksena sa Pinoy Fear Factor noon. Aabutin tayo ng siyam-siyam kung ikukuwento ko lahat ‘yon, pero paabutin na rin natin ng sampu-sampu dahil gusto kong ikuwento ‘yung mga natatandaan ko.
Isa sa mga aksidente ng show na ito ay noong nakagat ng ahas ang contestant na si Jose Sarasola sa “Tanque con Serpientes” (Tank with Snakes). Bukod sa nangyaring ito kay Jose ay nakaapekto pa ang sobrang lamig na klima noon sa Argentina kaya ‘yung iba eh umatras sa hamon na ito, tulad ni Phoemela Barranda. Kung gusto ninyong sariwain (naks) ang kagatan moments ng mga ahas kay Jose, pindutin lamang ang link na ito. Putaragis, kitang kita sa video na solid na solid ‘yung sakmal ng ahas sa may tagiliran at sa likod ni Jose!
“Super Manuel”. ‘Yan naman ang naging bansag kay Manuel Chua dahil sa husay n’ya sa halos lahat ng stunts sa Pinoy Fear Factor. Makailang beses rin s’yang nakagawa ng record sa programang ito. Kaya naman madalas na maririnig sa kapwa niya participante na si Jommy (na tinanghal na “El Ultimo Participante”) ang mga pang-aasar niya na “Manuel, you’re going down!”. Dahil nararamdaman na rin ng mga kapwa niya manlalaro ang tindi ni Super Manuel ay parang naging ito na rin ang kanilang battlecry sa tuwing nagpe-perform siya ng stunts, panggulo sa kanya kumbaga. Marami kasing naniniwala na dahil sa mga ipinapakita ni Manuel ay hindi malayong siya ang hiranging “El Ultimo Participante”.
Pero ‘yon ang akala nila. Nasubukan ang tibay ni Super Manuel sa stunt na “Enterado Vivo” (Buried Alive) nang ma-trap ang binti nito sa buhangin, dahilan para magrehistro siya ng may pinakamatagal na oras ng pag-ahon mula sa pagkakabaon. Umiyak pa siya noon pagkatapos ng stunt na ‘yon. Pero may mga nagsabing dinaya daw si Manuel. (Para sa karagdagang impormasyon, pindutin lang ito at basahin ang comments sa ilalim ng video.)
Isa naman sa mga nakakatuwang isyu sa Pinoy Fear Factor ay ‘yung pagkuwestiyon sa kasarian ni Marion Dela Cruz. Ewan ko ba kung bading ba talaga ‘yung taong ‘yon o hindi. Siguro ay dahil lang sa lambot ng kanyang pananalita kaya siya napagkakamalang miyembro ng federasyon. Pero dahil sa loveteam kuno nila ni Janna Dominguez ay nagkaroon ng kaunting linaw ang lahat. O ‘di kaya isa lamang itong uri ng publicity para matigil na ang ispekulasyon hinggil sa kanyang kasarian? (Punyemas, para akong writer ng tabloid.)
Sigurado naman ako na ang lahat ng avid viewers ng Pinoy Fear Factor na tulad ko ay may kanya-kanyang pambato at mga hinahangaan. Inaamin ko na ang crush ko sa kanilang lahat ay ang kauna-unahang natanggal sa programa na si Gail Nicolas. Pero ang saklap lang dahil naging crush ko lang siya noong ma-eliminate na siya. Naging crush ko din noong una si Janna. Pero nagsawa na rin ako kinalaunan at bigla na akong nakornihan sa kanyang trademark na “power!”. Ewan ko ba kung kili-kili power, knowledge power, o kung ano pa mang klase ng mahika meron ang power niya na ‘yon. Pero kung tutuusin, masuwerte siya at nakaabot siya hanggang sa huling laban dahil sa kung anong “power!” na ‘yan.
Kung paboritong episode naman ang pag-uusapan, pinakagusto ko na siguro ‘yung finale nila. Bagamat walang kuwenta ang naging stunt (pagta-tamblingin lang ‘yung kotse), okay naman ‘yung naging celebration nina Ryan Agoncillo at ng “El Ultimo Participante” na si Jommy. Naaalala ko, may hawak pa siyang champaigne ata ‘yun habang nilalasap n’ya ang winning moment n’ya sa hood ng kotse, habang patuloy sa pagpulandit ang fireworks sa buong kalawakan. Ayos!
Kapag nanonood naman nito si inay eh isa lang ‘yung inaabangan n’ya, at ‘yon ay ‘yung mga kili-kili nina LJ Moreno at Savannah Lamsen. Ang iitim daw kasi. Nakakatawa talaga si inay kapag nakakakita ng maitim na kili-kili. Ang dami pa n’yang term sa ganoong klase ng kili-kili — bitak-bitak, tiklup-tiklop, tupi-tupi, nilulumot, may buhok, batik-batik, uling. Putaragis, laugh trip talaga!
Bukod sa mismong programa, nagustuhan ko rin ang theme song ng Pinoy Fear Factor na may pamagat na “Tagumpay”, na inawit ng isa sa mga scholar ng Pinoy Dream Academy Season 1 na si Chivas Malunda. Ma-download nga ‘yon mamaya:
“‘Di umuurong. Sa hamon, ‘di sumusuko. ‘Di aatras, ‘di kakalas. Ipapakita ang lakas. Ang tapang ko’y ilalabas. Kakayanin ang lahat. Nasa aking mga kamay ang pag-abot sa tagumpay.”
Nga pala, napag-uusapan na rin lang ang takot, nasa link na ito ang iba’t ibang klase ng phobia. Dahil dito ay nalaman kong ako pala ay merong scoleciphobia. Ikaw, ano ang phobia mo?
Pagkatapos ng Pinoy Fear Factor ay umasa ako na meron pa itong kasunod. Subalit hanggang ngayon ay wala pa rin itong pagpaparamdam ng ikalawang season mula sa ABS CBN. Sayang, sa lahat ng reality shows nila eh ito pa naman ang pinaka-paborito ko.
Ibang iba ang Pinoy Fear Factor kesa sa Fear Factor sa ibang bansa. Nakapanood ako ng original nito dati sa AXN at wala silang pakiyeme-kiyeme. Isandaang porsiyentong puro stunt lang talaga sa loob ng trenta minutos. Dito sa atin, nagmukhang teleserye ang Pinoy Fear Factor. May love team, may kunyari eh namumuong tensiyon, may mga iyakan at kung anu-ano pang kaartehan. Aabutin pa ng isang linggo para matapos lang ang isang stunt samantalang sa ibang bansa, tatlong stunt ang natatapos nila sa isang episode lang.
Pero patunay lang siguro ang show na ito na ang Pinoy ay nagtataglay ng malakas na imahinasyon, mahilig maki-usyoso sa mga drama ng buhay, at higit sa lahat ay mahilig sa soap operas. Pero ganoon pa man, patunay din ito na tayong mga Pilipino ay likas na matatapang, hindi sumusuko sa mga hamon ng buhay, at “La Raza Valiente” na maipagmamalaki sa buong mundo. Vamos, Filipinas! Y hablo de EspaƱol! (Pagmasdan ninyo, umi-Espanyol ako! Yikes.)
No comments:
Post a Comment