Isang ordinaryong araw ng bakasyon noon ng taong 2003. Pinapalipas namin ng kapatid ko ang mainit na hapon na ‘yon sa pamamagitan ng panonood ng telebisyon. Lipat dito, lipat doon, lipat kahit saang channel. Makalipas ang ilang oras, bigla na lamang namin naalala na ngayong araw pala na ‘yon ang simula ng isang drama series sa ABS CBN na nagmula pa sa Taiwan, ang Meteor Garden. Aba, bago ‘yon ah! Noong mga panahon kasing ‘yon, puro mexicanovelas at walang kamatayang teleseryes ang naghahari sa telebisyon ng bawat Pilipino. Kaya maituturing na nagpabago ng TV viewing habit ng mga Pinoy ang “Taiwanovela” na ito (may ganito bang salita?).
Sabi ko pa sa sarili ko, mukhang bagong pauso na naman ito ng ABS CBN, at malamang hindi magpapatalo ang GMA 7. Kaya makalipas ang ilang linggo, pinalabas naman sa Kapuso Network ang “My MVP Valentine” na kinatatampukan naman ng Asian group na 5566. Pero wala silang kinalaman sa kuwento ko.
“Masilip nga ang programang ito nang makita ko kung ano ang itsura ng ganitong klaseng drama series,” ang sabi ko sa sarili ko. Pero anak ng bulalakaw, makalipas ang isang linggo ay nakita na lamang namin ni utol ang mga sarili namin na aliw na aliw at sumusubaybay sa bawat episode ng programang ‘yan! Marahil tama nga yata ‘yung teaser ng ABS CBN na “mahu-hooked ka sa Meteor Garden”. Ayun at kami ni utol ang na-hooked sa mga Taiwanese na ‘yan. Hanep!
Nagsimula bilang isang Japanese manga series na “Boys Over Flowers” na sinulat ni Yoko Kamio ang Meteor Garden na dinub sa wikang Filipino at sinimulang ipalabas sa ABS CBN noong May 5, 2003. Umiikot ang istorya nito sa isang dalagang estudyante na salat sa kahirapan ng buhay na si Shan Cai (Barbie Xu). Kabilang din sa cast siyempre pa, ang F4 o Flower Four na tinaguriang “Mga Hari ng Ying De University” na pinangungunahan nina Dao Ming Si (Jerry Yan), Hua Ze Lei (Vic Chou), Xi Men (Ken Chu), at Mei Zuo (Vanness Wu). Alam kong kilala mo ‘yang mga ‘yan kaya hindi ko na kailangan pang ipaliwanag kung sinu-sino sila. Unless, hindi ka nakapanood noon ng Meteor Garden.
Sino dito sa inyo ang katulad namin na na-“hooked” at sumubaybay sa pakikipagsapalaran ni Shan Cai at ng F4? Aaminin ko, wala akong pinalampas na episode noon ng Meteor Garden. Magmula sa part one hanggang sa part two, pati na rin ‘yung special episode nila na “Meteor Rain” kung saan tinalakay doon ang life story ng F4 maliban kay Hua Ze Lei, maski ‘yung bloopers nila na parang engot lang dahil pati ‘yun eh isinalin ng ABS CBN sa wikang Filipino, lahat ‘yan napanood ko. Hindi halatang Meteor Garden fanatic ako, ‘di ba? Pero sa totoo lang, hindi talaga ako ganoon ka-fanatic. 50-50, ika nga. (50-50 nga ba?)
Noon pa man ay mahilig na akong mag-drawing o mag-sketch ng iba’t ibang klase ng mga logo ng isang programa o produkto. Kaya naman ilang beses kong ini-sketch at nile-lettering sa notebook ko ang sulat-intsik (o kung ano man ang tawag sa ganyang sulat) na ‘yan ng Meteor Garden kahit sa simula pa lang ay hindi ko alam kung ano ang totoong ibig sabihin niyan. Hanep na ‘yan, para lang akong nag-aaral mag-mandarin dahil puro sulat-intsik ‘yung likod na bahagi ng notebook ko!
Sa dinami-dami naman ng mga tauhan sa programang ito, isang karakter lang ang tumatak sa isip (at puso) ko, at ito ay ang bidang babae na si Shan Cai. Grabe, gandang ganda ako sa babaeng ‘yan kahit na lampayatot, at kahit sa teaser pa lang eh naging crush ko na siya. Na-crush at first sight nga yata ako sa kanya. Ang puti-puti niya. Ang haba ng buhok niya. Ang bibilog ng mga mata niya. Ang tangos ng ilong niya. Ang tamis ng mga ngiti niya. Ang kinis ng kutis niya (oo nahawakan ko na siya eh. K). In short, perpekto siyang babae.
Pero dahil 2003 na noon at medyo mulat na ako sa kung anu-anong “kamunduhan”, iba ang pumapasok sa utak ko. Minsan ay nasasabi ko na lang sa sarili ko, “Ang ganda talaga ni Shan Cai! Ano kaya ang amoy ng puke niya?” (Didiretsuhin ko na tutal pare-pareho naman nating alam na bahagi ng katawan ang puke. Maliwanag ba?) Pero dahil wala pang kamuwang-muwang sa mga ganoong bagay ang utol ko noon, iniiba ko ang ilang salita. Minsan ay tinatawag ko siya para sabihing ”Meteor Garden na! Nood na tayo ng ek-eks ni Shan Cai!”. (Iniba ko pa ‘yung salita pero parang ganoon din eh ‘no?)
Kasabay naman ang popularidad ng Asianovela na ito ay ang pagkakaroon din ng interes ng mga tao sa mga awitin ng boyband na F4. Kung matatandaan, naging ganap na grupo ng mang-aawit ang mga singkit na ‘yan kasabay ng paglaganap ng Meteor Garden phenomena sa buong mundo. Kahit hindi ninyo aminin ay alam kong minsan kayong napasabay sa pag-awit ng ilan sa mga pinakasikat nilang kanta tulad ng mga sumusunod:
- Can’t Lose You (“Oh baby baby baby, my baby baby, wo jue bo neng shi chi ni…”)
- Season Of Fireworks (“Qian ni de shou qu gan jue yan huo zui mi ren de ji jie…”)
- Meteor Rain (“Pei ni qu kan liu xing yu luo zai zhe di qiu shang…”)
- Sarili nilang version ng “Can’t Help Fallin’ (In Love)”
- Meteor Garden Theme Song na “Qing Fei De Yi” (“Zhi pa wo zi ji hui ai shang ni, bu gan rang zi ji kao de tai jin…”) na inawit ni Harlem Yu
- Mga pinasikat na awitin ng kani-kanilang solo career gaya ng “I Truly Love You” ni Jerry Yan, “Make A Wish” ni Vic Chou, “Here We Are” ni Ken Chu,“Looking For Juliet” ni Vanness Wu, at “Tingeul-Tingeul” ng U-Kiss. ‘De, biro lang.
Kung hindi ka naging tagasubaybay ng Meteor Garden at ng F4 eh magmumukhang alien ka lang sa kababasa ng mga linyang ‘yan, sinasabi ko sa ‘yo.
Madalas ay nire-reuqest pa ang mga kantang ‘yan sa mga radyo noon lalo na sa WRR 101.9 (For Liiife!). Nagpabili naman sa nanay ko ng cassette tape ng F4 ang kapatid ko, bagamat mas naging tipo niya ang nabili n’ya sa bangketa kinalaunan na pirated CD na naglalaman ng lahat ng mga sikat na kanta ng F4. Dahil usong uso ito noon, wala kang maririnig sa buong bahay namin kundi mga kantang masarap sabayan pero hindi alam kung ano ang ibig sabihin. Taiwaninang 'yan!
Dahil na rin sa sobrang pagkahumaling namin ng kapatid ko sa Meteor Garden noon, meron kaming kanya-kanyang inaabangan na character, siyempre bukod pa doon sa puke ni Shan Cai. Aliw na aliw kami sa pagmumukha ni Vanness Wu noon. Para kasi s’yang bading sa paningin namin. Ang ganda ng buhok, mukha pang ngiti na tinubuan ng mukha, ang puti-puti at ang sabi-sabi pa ng ilan eh inaahit daw o wina-wax ng F4 ang mga kili-kili nila. Ewan ko lang kung totoo ‘yon. Pero kung totoo man, isa lang ang masasabi ko — kayo na ang may makinis na kili-kili!
At dahil na rin sa ligayang dinulot sa amin ng Vanness Wu na ‘yan, minsan kong napagtripan na isulat sa likod ng aking lumang notebook ang ilan sa memorable lines ni Mei Zuo (Vanness Wu) sa Meteor Garden. Narito ang ilan sa mga sinulat ko:
- Nag-joke si Mei Zuo habang nakangisi: “Ano ito?… Nagpu-push up na gagamba sa ibabaw ng salamin.”
- Nagwika ng matalinhaga si Mei Zuo: “Masyadong tahimik ‘yang si Lei, ‘no? Pero agresibo din pala siya pagdating sa pag-ibig.”
- Masayang nagsalita si Mei Zuo: “Si Shan Cai nawawala!” na parang nanggugulat at nakangisi pa.
- Nang magbati-bati ang F4 matapos magkatampuhan, nagsalita si Mei Zuo: “Buo na ulit ang F4… Tara na, may klase pa tayo.” serious mode pero nakangisi naman.
- Naglalasing sina Mei Zuo, Xi Men, at Hua Ze Lei sa bahay ni Dao Ming Si. Biglang dumating si Dao Ming Si. Sabi sa kanya ni Mei Zuo, “Oh baby baby baby baby baby… Hey, Asi! Come on!” at siyempre nakangisi ulit.
Marami-rami pa akong naisulat na sabaw moments ni Mei Zuo pero hindi ko na ilalagay pa lahat dahil bukod sa walang makaka-relate at wala namang kuwenta eh 100% sabaw goodness lang talaga ang mga ‘yon. Pero kapansin-pansin na ang “killer smile” ni Vanness Wu ang kanyang naging puhunan upang sumikat sa Meteor Garden at sa kanyang career.
Meron naman akong nabasa sa isang libro (joke book) na tungkol sa mga senyales na ikaw ay isang die hard Meteor Garden fan. Hindi ko na matandaan lahat ‘yon sa sobrang dami (mga 30+ yata) pero ikukuwento ko ‘yung iba (at walang makaka-relate dito panigurado):
- Binagsak ka ng prof mo nang minsang magsiga-sigaan ka na ala-Dao Ming Si sa harapan niya matapos niyang maapakan nang ‘di sinasadya ang sapatos mo.
- Napapadalas ang pagse-senti mo sa rooftop na parang si Hua Ze Lei.
- Pilit mong pinapagaya sa nanay mo ang cute na hairstyle ng nanay ni Shan Cai.
- Ang encyclopedia ninyo na dati ay inaalikabok sa estante, ngayon ay nakatupi sa mga pahina na tungkol sa Taiwan o sa Asia.
- Nagpapabitin ka nang patiwarik kapag malapit ka nang maiyak para umurong ang luha, tulad ng style ni Hua Ze Lei.
- Umaga pa lang ay nakatutok ka na sa telebisyon (partikular na sa “Alas Singko Y Medya”, isang lumang morning show ng ABS CBN) dahil baka meron kang ma-miss na update tungkol sa Meteor Garden at sa F4.
- Bigla mo na lang kinainisan sina Paolo Bediones at Miriam Quiambao!
- Lagi kang gumagamit ng chopsticks at mangkok sa pagkain.
- Naglalagay ka ng red tag o kaya naman eh love letter sa locker room ng crush mo.
- Namakyaw ka ng mga paputok sa Bulacan at sinindihan ito pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi para “mapansin ka ng mga anghel sa langit”.
- Higit sa lahat (at ang pinaka-korni sa lahat), frustrated ka dahil kailanman eh hinding hindi magkakaroon ng meteor sa hardin ninyo!
Bagamat ilang beses pang naulit ang pagpapalabas ng Meteor Garden sa mga sumunod na taon, nagkaroon pa ng Anime series nito na “Hana Yori Dango”, at nalipat pa ng ibang istasyon (GMA 7 at QTV 11), hindi ko na ulit pinanood pa ito noon pagkatapos ng part two sa ABS CBN. Ewan ko lang, sadya sigurong wala talaga ang puso ko sa mga ganitong uri ng palabas. Tama na nga siguro ‘yung hindi ako bumitiw magmula sa umpisa hanggang sa huling kabanata ng kuwento, at hindi na dumating sa puntong naging ultraelectromagnetic die hard fan ako ng F4 at nanoood ng kanilang concert nang minsang magtungo sila dito sa Pilipinas.
Ngunit ano’t ano pa man, sadyang nakakaaliw ang programang ito. Pasalamat tayo (lalo na ang mga K-Pop fanatic) sa ABS CBN dahil kumbaga ay sila ang nagsimula ng “bandwagon” na ito. Siguro kung hindi nila pinalabas ang Meteor Garden eh malamang iilan lang sa atin ang may alam sa mga programang tulad ng “City Hunter”, “My Girlfriend Is A Gumiho”, “Moon Embracing The Sun”, at kung anu-ano pang teledramas at singkitseryes na pinagbibidahan ng mga singkit nating kapatid sa Asya.
At aminin mo, minsan ay pinilit mong gayahin ang walang kamatayang hairstyle at fashion ng F4. Putaragis na ‘yan, hindi ko magawa sa buhok ko ‘yung fly-away hairstyle ni Hua Ze Lei, hinahangin lang at nagiging parang nakuryente ang dating ng buhok ko! Buti pa sa tatay ko umubra nang hindi sinasadya eh. Bwisit talagang suklay ‘yan!
No comments:
Post a Comment