Halos umuga na ang buong kabahayan sa panggigising sa estudyanteng naghihilik pa rin ang kili-kili sa sarap ng tulog pero mistulang mantika pa rin ito na himbing na himbing. “Five minutes pa, five minutes,” pupungas-pungas na wika nito. Matapos makasingit ang ilang masasayang panaginip sa loob ng inaakala mong limang minutong palugit na idlip, nagulat ka na lamang nang biglang dumagundong ang iyong pintuan. “Tok-tok-tok!”, muli kang ginigising ng iyong kapaligiran. Gising na ang buong bahay subalit ang antuking estudyante ay ngayon pa lamang pinipilit na ihiwalay ang katawan mula sa kama. Tulad ng nakagawian, sumulyap siya sa cellphone, tiningnan kung may nagtext. Biglang nagising ang diwa nito. “Putaragis! Late na ako sa Flag Ceremony!”
Ah! Flag Ceremony. Ang dakilang seremonyas ng ating watawat. Ginagawa ito bilang paggalang at pagbibigay-pugay sa ating watawat bilang simbolo ng ating pagiging makabayan. Kahit saang dako ng mundo ka mapadpad, hindi mawawala ang Flag Ceremony sa lahat ng pagtitipon. Ang sabay-sabay na pagkanta ng pambansang awit o national anthem ang karaniwang ginagawa dito. Nakaugnay rin dito ang flag raising o ang pagwawagayway ng bandila.
"Bayang magiliw... Handa, awit!" |
Paggising ng maaga. Isa lang naman ‘yan sa mga kalbaryo sa Flag Ceremony lalo na para sa mga estudyante. Magmula Lunes hanggang Biyernes ay obligado kang gumising ng maaga para lamang sa seremonyas na ito. Hindi ako sigurado kung may ibang eskwelahan na nagdaraos ng Flag Ceremony nang hindi masyadong maaga, halimbawa tuwing tanghali. Pero wala na akong pakialam doon.
Kung iniisip mong huwag na lamang um-attend ng Flag Ceremony, isa itong malaking pagkakamali, at least sa eskwelahan na pinapasukan ko dati. Minsan kasi eh merong minus mula sa butihing adviser kapag hindi ka nakadalo sa seremonyas. Kapag na-late ka naman ng dating, kasama ng mga kapwa mo latecomers ay kinakailangan ninyong mag-Flag Ceremony sa gitna ng field. Bahala na kayong mag-usap-usap kung sino ang tatayong mga leader. Malas mo lang kung ikaw lang sa buong campus ang bukod-tanging na-late sa araw na ‘yon. Ikaw na nga ang leader, magmumukhang baliw ka pa sa pagkakaroon ng sariling Flag Ceremony sa gitna ng field. Parang may sarili kang mundo. Hanep!
Loyal ako sa paaralan ko magmula kindergarten hanggang fourth year high school. At dahil matagal akong nanatili sa iisang eskwelahan, maraming beses na rin akong nakadalo at nakaranas ng seremonyas ng watawat. Dalawang beses akong naging panghapon, noong kinder at grade four ako, kaya ito lang ang panahon kung saan wala kaming Flag Ceremony (bagamat sa palagay ko eh hindi pa naman talaga kasali noon ang pre-school students sa seremonyas).
Ang Flag Ceremony sa aming eskwelahan noong elementary at high school ay nahahati sa apat na bahagi. Ang unang bahagi ay ang Morning Prayer na nakalimutan ko na ang pamagat, “Come Holy Spirit” yata. Dahil ako ay nag-aral sa isang private catholic school, hinding-hindi mawawala ang Morning Prayer hindi lang sa Flag Ceremony kundi pati na rin sa bawat umpisa ng klase. Ang ikalawang bahagi naman ay ang tinatawag na “main attraction” kumbaga, ang pag-awit ng “Lupang Hinirang” (o “Bayang Magiliw” para sa iilan). Kasunod na bahagi nito ay ang “Panatang Makabayan” at ang “Panunumpa sa Saligang Batas” (hindi pa “Panunumpa sa Watawat” noon) na binibigkas habang nakataas ang kanang kamay na para bang nagsasabi ng “peksman, mamatay ka man!”.
Optional naman ang huling bahagi dahil nag-iiba kasi ito sa paglipas ng mga taon. Noong mga unang bahagi ko sa buhay elementarya, kumakanta kami ng awiting “Ako Ay Pilipino” bilang pangwakas na bahagi. ‘Di naglaon, ang pagkanta ay napalitan ng pag-eehersisyo. Oo, page-exercise! Sinasabayan namin ng bilang ang drums at ang lyre sa saliw minsan ng “This Is The Day” (at huwag n’yo nang alamin pa ang tono nito dahil kalimot-limot talaga ang eksenang ‘yon). Putaragis. “Let’s get physical” ang drama naming mga estudyante noon! Sumapit naman ang grade six ata o first year high school nang muling gawing awitin ang huling bahagi ng Flag Ceremony, isang religious na awitin noon na akmang-akma para sa isang pribadong katolikong paaralan. O ‘di ba, physical na, spiritual pa! Sana pinakanta na rin kami ng love songs na pam-brokenhearted para bukod sa physical at spiritual ay meron ding emotional aspect ang seremonyas ng watawat. Biro lang.
Ang tatayong mga leader sa apat na bahagi ng Flag Ceremony na ‘yan ay pinipili ng adviser namin. Kung halimbawa sa araw na ‘yon ay first year high school ang taya, lahat ng leader ay first year high school students. May estudyanteng mamumuno sa dasal, magkukumpas o magbi-beat sa “Lupang Hinirang”, at mamumuno sa “Panatang Makabayan” at “Panunumpa Sa Saligang Batas”. Hindi pinagsasama sa eskwelahan namin ang Flag Ceremony ng elementary at high school campus bagamat magkapareho lang sila ng simula. Kakaunti lang ang populasyon namin sa high school department kaya naman lahat kami noong high school ay nakaranas maging leader.
Nasubukan kong mamuno sa dasal at sa “Panata/Panunumpa” pero hindi sa pagkumpas sa “Lupang Hinirang”, bagamat tinuruan kami ng tamang pagkumpas noon sa subject na MAPE (Music, Arts, PE o MAPE pa ang tawag dahil bukod pa ‘yung Health subject o MAPEH). Hindi ko na matandaan kung paano kumumpas, basta may bilang pa ‘yon na parang one half (1-2), one-third (1-3), at ang one-fourth (1-4) na karaniwang kumpas sa ating pambansang awit. Okay, nagmumukha na akong music teacher nito.
Masasabi kong napakalaking parusa talaga sa amin noon ang Flag Ceremony dahil ito ay nagsisimula ng 6:10 AM. Oo, alas sais diyes ng malamig na umaga ay kailangang nakapila ka na! Wala nang breakfast-breakfast! Ganyan kaaga ang seremonyas ng watawat sa paaralan namin noon. Kapag na-late ka ng kahit isang minuto ay hindi ka na muna papapasukin dahil isasara pansamantala ang gate at kung gusto mong makalusot ay kailangan mo munang mambola at makisama sa masungit na guwardiya na may motto na “trabaho lang, walang personalan” dahil sa totoo lang ay mababait naman sila. At siyempre, huwag kalimutang i-pin ang ID nang makalagpas!
Hindi rin maiiwasan ang katatawanan o bloopers sa Flag Ceremony namin noon. Noong high school ako, madalas ay bigla na lamang natatanggal sa pagkakatali ang watawat na hinihila para tumaas at umakyat sa flagpole. Grabe, ewan ko ba kung bakit tawa kami ng tawa kapag nangyayari ‘yon. Akalain mo ba namang kumawala pa ang bandila sa tali. Minsan naman ay laugh trip din kapag ang kaklase ay nagkamali sa pamumuno (nabulol sa dasal o kaya nakalimutan ang linya). Nako, madalas mangyari sa akin ‘to dati. Name-mental block kuno ako lalo na kapag marami akong iniisip (na puro basketball lang naman at kung anik-anik). Nandiyan naman ‘yung pagtatawanan ka ng mga kaklase mo kapag nagre-recite ka ng “Panatang Makabayan” pero nasa dibdib pa rin ‘yung kanang kamay mo, tipong wala ka pa sa wisyo at hindi ka pa nag-aalmusal sa mga oras na ‘yon. Kakantiyawin kang “loner” o kaya naman eh “tulog pa”.
Minsan naman ay naranasan kong maging sentro ng atensiyon sa buong Flag Ceremony. Grade three ata ako noon. Kaunti na lang at male-late na ako sa seremonyas pero nakaabot pa rin naman. Eh birthday ko pa noong araw na ‘yon, kaya pagpila ko sa linya eh palakpakan ang mga kumag kong kaklase! Birthday Boy daw ako. Putaragis na ‘yan, buti na lang at hindi pa nagsisimula ang Flag Ceremony.
Pero minsan ay nagiging epal na lang ang Flag Ceremony sa amin dahil merong epal na inspection. Magsisimula ito sa uniporme. Kailangan ay naka-proper uniform ka — para sa boys ay kailangang naka-tucked in ang undershirt, black shoes at white socks (for the girls din) at s’yempre pa, ang walang kamatayang proper haircut na 2 x 3 o 3 x 4, at kung hindi eh ihanda mo na ang buhok mo para sa isang umaatikabong ukaan ng buhok na magaganap sa hair inspection! Kaya mainam na meron kang baon na sumbrero o cap para maitago ang uka sa buhok mo (pero bawal nga pala ang nakasuot ng cap sa loob ng campus namin. Life is so ampeyr talaga). Para sa mga girls naman ay kailangang below the knees ang haba ng blouse nila, at iba pa (pasensiya na at hindi ko matandaan ang policies para sa mga babae).
Nakakamiss um-attend ng Flag Ceremony. Nitong college kasi eh halos wala na. Naisip ko lang, meron pa din kayang college school o unibersidad na nagpa-Flag Ceremony pa ang mga estudyante? Kung meron man, tiyak na malaking kalbaryo ‘yon lalo na sa mga estudyanteng manggagaling pa sa malayong lugar.
Nakakamiss um-attend ng Flag Ceremony. Nitong college kasi eh halos wala na. Naisip ko lang, meron pa din kayang college school o unibersidad na nagpa-Flag Ceremony pa ang mga estudyante? Kung meron man, tiyak na malaking kalbaryo ‘yon lalo na sa mga estudyanteng manggagaling pa sa malayong lugar.
Hindi lang sa eskwelahan nagaganap ang Flag Ceremony. Meron din nito sa mga opisina at sa kahit anong establishments. Ang paggalang sa watawat ay pangkahalatan at hindi naikakahon sa loob lamang ng apat na sulok ng school campus.
“Bayang Magiliw… Handa, awit!” <*yikes.*>
No comments:
Post a Comment