Tuesday, May 29, 2012

Umiinom ka rin ba sa Coleman noong bata ka pa?

Tubig ang isa sa pinakaimportanteng pangangailangan ng ating katawan. Mawala na ang lahat, huwag lang ang tubig. Kung iisipin, mas mahalaga pa ito kesa sa pagkain. Ayon kasi sa isang pagsusuri (na hindi ko alam kung totoo) ay maaaring tumagal ang isang normal na tao ng tatlong linggo na walang kinakain pero tatlong araw lang ang tinatagal nang walang tubig. Kahit sa pagluluto, kailangan ng tubig.

Hindi ko alam kung anong hiwaga meron ang tubig at kung bakit nakakabusog ito, lalo na kapag nakarami ka ng inom nito at pakiramdam mo ay bumibigat ang tiyan mo. Pero seriously (naks), mahalaga talaga ang papel ng tubig sa ating katawan dahil pinapanatili nitong maayos ang temperatura ng ating katawan at pinaliliit din nito ang tiyansa na magkaroon tayo ng Urinary Tract Infection o UTI. Marami pang benefits ang tubig sa ating katawan kapag binisita mo ang site na ito at hindi ko na babanggitin pa ang lahat ng ‘yan dahil hindi naman talaga tungkol sa kalusugan ang kuwento ko ngayon.

Sa ating pagpasok sa paaralan, lagi tayong nagbabaon ng tubig. Noong nasa kindergarten ako, Wizard Of Oz pa ang disenyo ng baunan ko kahit sa totoo lang eh bihira lang akong magbaon ng tubig at laging ice-cold Milo ang aking panulak. Karaniwan na sa mga mag-aaral sa pre-school ang magkaroon ng ganitong klaseng baunan. Pero pagtungtong ko ng elementary, unti-unti kong napapansin ang isang plastik na water jug na karaniwang dala ng mga kaklase ko. May malaki at may maliit, madalas ay kulay asul, pula at berde ang katawan, kulay puti naman ang takip, merong hawakan, at merong “lawit” sa mismong takip nito na iniaangat kapag gusto nating uminom.

Ikaw? Ano ang kulay ng maalamat mong Coleman?
Marami mang klase nito pero isang brand lang ang tumatak sa ating lahat, at ito ay ang Coleman. Sino nga bang mag-aaral ang hindi gumamit, nagdala at nakiinom dito? Marahil ay isa ako sa mga batang bihirang nagdadala nito dati sa eskwelahan kahit na uhawin pa ako. Ayoko kasi ng masyadong maraming dalahin. Nagdadala lang ako nito kapag Field Trip namin.

Hindi lang naman tubig ang maaaring ilagay sa Coleman. Hindi porke’t tinawag na water jug ay para lang ito sa tubig. Kahit ano ang gusto mong ilagay na panulak, okay lang. Orange juice, Milo, softdrinks. Ang importante ay takpan mo itong mabuti upang hindi tumulo kapag umiinom ka. Kung gusto mong kape ang nasa Coleman mo, ayos lang. Kung pwede nga lang beer eh ‘di marami nang lasenggong estudyante noong elementary. Pero kung tutuusin, maaari naman talaga, huwag ka lang magpapahuli sa magiting na guro (at basta kay ma’am ka bibili ng pulutan. Biro lang).

Grade four ako noon at panghapon ang pasok ko. Umaalis ako sa bahay ng mga alas-onse ng umaga kahit sampung minuto lang naman ang biyahe mula sa amin hanggang sa eskwelahan at alas-dose pa ang first subject ko. Tanghaling tapat kaya naman madalas ay uhaw na uhaw ako. Lagi akong nakikiinom sa kaklase kong tinutukso namin na bading dahil mahilig sumayaw ala-macho dancer kapag naririnig ang awiting “Mr. Boombastic” ni Shaggy. Mabait naman siya dahil lagi niya akong pinapainom sa kanyang Coleman na kulay berde (bagay na bagay ang kulay sa kanya). Walang ibang reaksiyon kundi isang simpleng pa-cute na ngiti lang ang natatanggap ko mula sa kanya kasama ang malamig na tubig na galing sa kanyang Coleman. Kahit alam kong sa loob-loob niya ay gusto niyang sabihin sa akin na “Ang kapal ng mukha mo! Gusto mo bigyan kita ng sariling Coleman? Ikaw kasi ang umuubos ng tubig ko eh! Alam mo, kung hindi ka lang pogi eh matagal na kitang hindi pinainom!”. Pero siyempre, biro lang ‘to.

Nakakabilib dahil sa totoo lang eh hindi lang pang-inuminan ang silbi ng Coleman noon. Maaari mo itong ipang-hampas sa mga makukulit mong kaklase. ‘Yung mga bully kong kaklase noon, meron pang tinatawag na “Coleman Wars”. Hampasan dito, hampasan doon. Kapag napuruhan ang isa ay iiyak at magsusumbong. Minsan naman, kapag desperado na eh bubuhusan ng tubig na galing sa Coleman ‘yung katunggali. Trip-trip lang. Alam mo naman ang bullies, nakakadagdag-atraksiyon kapag wala pang guro sa loob ng silid-aralan.

Natatawa naman ako sa kapatid ko noon. Noong nasa kindergarten kasi siya eh inis na inis siya sa kanilang adviser. Paano ba naman, tuwing oras ng recess eh lagi itong nakikiinom sa kanyang Coleman na kulay asul. Magtatanong pa daw ‘yun with matching malambing na boses: “Okay class, sino sa inyo ang merong wateeer? Taas ang kamay!” Ito namang si utol eh laging nagtataas ng kamay na may kasamang sigaw na “Ako po!”, pa-good shot kumbaga. Ayun, ubos ang baon n’yang tubig sa Coleman. Sabi ko nga sa kanya, palitan na lang n’ya ng tubig galing sa baha ‘yung laman ng Coleman, pero siyempre hindi niya tinuloy dahil bukod sa masama ‘yun eh hindi ko naman talaga sinabi ‘yun sa kanya dahil biro lang ulit ‘yun.

Nabasa ko sa isang forum na hindi lang pala mga water jug ang ginagawa ng Coleman. Gumagawa rin sila ng tents, mga kalan, at kung anu-ano pang camping gadgets at paraphernalia. Hindi ko lang sigurado kung meron talaga nun dahil hindi pa ako nakakakita ng mga ‘yon at nabasa ko lang naman ‘yon sa isang forum (inulit ko lang baka kasi hindi mo narinig). Natawa naman ako sa nabasa kong post ng isang estudyante sa isa pang forum dahil nilalagyan daw niya ng kulangot dati ‘yung “lawit” na iniinuman ng Coleman niya para wala daw makikiinom sa kanya. Matalinong bata.

Nakakatuwa na naging magkaugnay na ang water jug sa Coleman, para bang Colgate o Close-Up imbis na toothpaste. Nagtataka lang ako kung bakit ba natin nakasanayang magdala ng malalaking inuminan sa klase noon? Ilang buwan ba tayong mawawala sa loob ng bahay? Kung iisipin eh parang takot na takot tayong mauhaw. Kung tutuusin eh maski ang laway ay maaaring lunukin para iwas-uhaw (biro lang na naman ang sinabi kong ‘to na nakakadiri). Pero ganoon pa man, pasalamat tayo at naimbento ang Coleman dahil naging malaking tulong ito para sa pagpapalaganap ng ating malusog na pangangatawan.

Ewan ko lang kung may mga nagdadala pa nito ngayon, at kung meron man, isa kang malaking alamat! Painumin mo ako sa Coleman mo kapag nagkita tayo ha?

Tuesday, May 22, 2012

Naki-pindot ka rin ba sa nangangatog na controller ng PlayStation?

Napudpod ang ating mga murang daliri sa kaka-turbo A at turbo B sa joystick ng Family Computer na sinasabayan pa ng ihip kasunod ng pagtaktak sa kanilang bala o game cartridge kapag ayaw nitong gumana. Naka-ilang bagsak din ang ating Game Boy na mukhang adobe sa laki pero subok na ito ng panahon at gumagana pa rin, at nagpabili pa tayo ng ilaw na kinakabit sa tuktok nito para makapaglaro kahit sa madilim na lugar dahil hindi pa uso noon ang backlight sa Game Boy. Ilan lang ‘yan sa mga karaniwang pangyayari bilang musmos sa isang dekadang makulay. Ito ang dekada nobenta, panahon ng paglaganap ng iba’t ibang video game consoles. Sumapit ang mga huling taon ng dekadang ‘yon at nauso ang isang console na pinagkaguluhan ng mga kabataan ng bagong milenyo, ang PlayStation.
Bulky na kung bulky pero wala pa ring tatalo sa unang edisyon ng PlayStation!
Ang PlayStation o mas kilala sa daglat na PS ay isa sa tatlong serye ng video game console ng Sony Computer Entertainment. Nilikha ito noong taong 1994 sa bansang Japan. Ang dalawa pang serye ng PlayStation ay ang PlayStation 2 at ang PlayStation 3, at kasama rin dito ang PlayStation Portable o PSP,PlayStationOne PSOne, at iba pa pero sa totoo lang eh wala silang kinalaman lahat sa kuwento ko ngayon dahil mas pagtutuunan lang natin ng pansin ang kauna-unahang PlayStation tulad ng nasa larawan.
Kung naghahanap kayo ng masisisi sa pagkakaroon ng nakaka-adik na game console na ito, malamang na ang hapones na si Ken Kutaragi ang tinutukoy ninyo. Si Ken Kutaragi kasi ang nakaisip na gumawa ng PlayStation kaya naman s’ya ang tinaguriang “Ama ng PlayStation” (Father of the PlayStation). Kung tutuusin, ito ay isang joint project sa pagitan ng dalawang kompanya, angNintendo at ang Sony, para makabuo ng isang CD-ROM na compatible para saSuper FamiCom noong taong 1986. (Basahin n’yo na lang dito dahil para na akong timang na nagta-translate ng anumang sabihin ng Wikipedia)
Kung dati ay namomroblema ang video gamers sa pagse-save ng password sa isang laro na nais nilang ipagpatuloy, katulad ng PlayStation ay sumikat din ang pagkakaroon ng Memory Card. Kumbaga sa computer, isa itong USB flash drive na nakakapag-save ng files, at sa kaso ng PlayStation, ay nakakapag-save ng game. Nakakainis lang dahil kung gaano kalaki ang itsura ng Memory Card noon eh ganoon naman kaliit ang kapasidad nito. Biruin mo, 15 slots lang ang available sa isang Memory Card? 1 MB lang ang maaari mong i-save na laro. Hanep! Badtrip pa minsan dahil ‘yung ibang mga laro eh kumokonsumo ng hindi lang isang slot. Halimbawa na lang ‘yung isa kong basketball game dati, limang slots ang kailangan sa Memory Card para makapag-save ng isang laro.
Pagdating sa mga laro, marami-rami din kaming naging bala sa lumangPlayStation. Ilan lang sa maituturing na “pioneers” namin dito ang DOA: Dead Or Alive (fighting game), Bloody Roar 2 (fighting game din at kauna-unahan kong nakitang CD na kasabay ng pagkakabili namin sa PlayStationFinal Fantasy Tactics (na hindi ko trip laruin), NBA In The Zone (paborito ko), Colin McRae Rally (racing game na paborito naman ni utol), at iba pa (sa sobrang dami ay nakalimutan ko na). Nakakatuwa lang isipin na noong pinagpaplanuhan pa lang namin na bumili ng PlayStation ay lagi kong inirerekumenda sa utol ko na maganda ‘yung larong Tekken. Si utol naman ay panay ang rekumenda sa akin ng larong Pepsiman. At nang magkaroon na nga kami ng PlayStation eh bumili rin kami ng Tekken at Pepsiman. Pero baliktad ang nangyari dahil mas nagustuhan ko ang Pepsiman at mas naadik naman si utol sa Tekken. Ayos lang naman ‘yun dahil nangangahulugan lang ito na tama ang rekumendasyon namin sa isa’t-isa.
Naaalala ko pa ‘yung unang beses na maglaro si utol ng Colin McRae Rally na isang racing game. Tawa ako nang tawa noong nakita kong umuuga ‘yung controller niya! Tinanong ko sa kanya kung bakit siya nanginginig, kinakabahan ba siya sa race? Ang buong akala ko kasi eh talagang kinakabahan siya dahil nangangatog ‘yung kamay niya! Doon ko unang nalaman na meron palang vibration function ang controller ng PlayStation. Putaragis, ang lakas talaga ng ngatog ng kamay niya eh! Hindi ko talaga makalimutan ‘yun dahil wagas na wagas ang tawa ko nun, siguro mga 34,956,163 beses akong tumawa!
Mahal na mahal namin ang PlayStation namin dati. Noong mga unang buwan nito sa amin eh para siyang Mercury Drug: Laging gising 24 oras. Salit-salitan pa kami ni utol sa paglalaro. Isang oras ako, isang oras siya, tapos ako ulit, tapos siya (repeat until fade). Pero kailangan eh naka-line-up na agad ‘yung games na balak mong laruin para hindi mo na kailangan pang mag-isip kung anu-ano ang lalaruin mo dahil konsumo sa oras mo ‘yun. Adik, ‘di ba? Masyado kasi kaming na-hook sa paglalaro nito lalo na noong sumapit ang bakasyon. Aba eh pwede ka nang mag-prito ng itlog sa ibabaw ng telebisyon namin dahil sa sobrang init nito!
Noong kainitan ng PlayStation eh usong uso rin ito sa eskwelahan. Halos lahat ng mga estudyante eh merong sariling PlayStation. Kung hindi ako nagkakamali eh dadalawa na lang kami sa barkada na wala pang PlayStation(walo kaming lahat, pero sa totoo lang eh apat lang talaga sa amin ang merong PS). Kaya naman noong magkaroon ako ng PlayStation eh tuwang tuwa ‘yung mga kabarkada ko. Kailangan daw namin i-celebrate ang pagkakaroon ko ngPlayStation at araw-araw na daw silang makakapunta sa bahay namin. At magmula nga noon eh madalas na kaming naghihiraman ng mga bala ngPlayStation, exchange CDs kumbaga. Minsan naman kapag shortened period sa eskwela eh sa bahay namin ang hang-out ng tropa para maglaro nang walang humpay.
Sa tinagal-tagal kong hindi nakakalaro ng PlayStation (PS2 na ang meron kami dito sa bahay dahil binenta na namin sa mga pinsan namin ‘yung PS atPSOne), hindi ko pa rin makalimutan ang isang cheat code sa isa sa pinakapaborito kong laro, ang Twisted Metal 2: Hold L1-R1-L2-R2 simultaneously then press up, down, left, right, right, left, down, up, pagkatapos ay sabay-sabay na bitiwan ang pagkaka-“hold” sa L1-R1-L2-R2. Voila! Meron nang “God Mode” ang character mo sa Twisted Metal 2. Sa puntong ito eh magiging unlimited ang powers at life ng character mo at hindi ka mage-game over magpakailanman (huwag ka lang mahuhulog sa bangin)! Sa dinami-dami ng nilaro at kinahumalingan kong video game sa PlayStation, ito lang talaga ang cheat na naisapuso ko at nakabisado ko magpahanggang ngayon. Baka sabihin niyo eh ginogoyo ko kayo ha. Subukan n’yo ‘yan sa Twisted Metal 2 saPlayStation at gagana ‘yan!
Ang dami pang masasayang alaala ng PlayStation namin noon. Nakaka-miss naman kasing maglaro nito, hindi ba? Minsan nga eh hinahanap-hanap na ng mga payat kong daliri ang pagpindot sa trayanggulo, ekis, bilog, at parisukat na buton, ang pag-pirmis nila sa L1-L2 at R1-R2 na buton, ang pangangailangan sa tinaguriang tagapagligtas ng PlayStation games na tinatawag na Memory Card, at ang pangangatog ng inosenteng mga kamay dahil sa vibration function ng controller nito.

Tuesday, May 8, 2012

Game KNB? Game na!


Sa dinami-dami ng mga programa sa telebisyon, isa na siguro ang game shows sa pinaka-nakakaaliw at masasabing total entertainment. Mantakin mo, saang programa sa telebisyon ka makakapanood ng tawanan (kapag laugh trip ang sagot ng contestant), iyakan (tears of joy kapag nanalo), suspense (isang tamang sagot na lang, panalo na), action (napapasuntok sa hangin ang contestant kapag tama ang sagot), informative (dahil kung walang knowledge, walang power), all in one show? Sa game shows lang, wala nang iba.
"May tama ka!!!" <*sabay tawa ala-Kris Aquino*>

Battle Of The BrainsGame Na Game Na!Family Kuwarta O Kahon. Ilan lamang ‘yan sa mga patok na game shows noong dekada nobenta. Pagpasok ng bagong milenyo, muling nagbalik ang sigla ng game shows sa telebisyon sa pamamagitan ng Philippine versions ng “Who Wants To Be A Millionaire?” hosted by Christopher De Leon at “The Weakest Link” ni Edu Manzano na kapwa napanood sa IBC 13. Dahil kinagat ng mga manonood ang patanung-tanong ni Boyet ng “Is that your final answer?” at ang pang-aasar na “goodbye! <*irap*>” ni Doods, naisipan ng ABS CBN na bumuo rin ng isang informative na game show na tatapat sa dalawang ito.

Kaunting history ek-ek sa game shows ng bagong milenyo: Noong taong 2001, isinilang ng ABS CBN ang isang bagong sanggol ng game shows, ang Game KNB? hosted by the queen of all media na si Kris Aquino. Matapos isilang, naulinigan ng GMA 7 ang bagong silang na game show na ito kaya naman naisipan din nilang gumawa ng isang game show sa primetime katulad ng “Game KNB?”“Who Wants To Be A Millionaire?”, at “The Weakest Link”. Ginawa nilang isang full-length game show ang isang portion sa Eat Bulaga na “Korek Na Korek Ka D’yan!”. Hindi pa nakuntento, nagsilang din sila ng isa pang bagong concept na game show, ang “Ready Txt Go” hosted by Michael V. Para sa mga hindi nakakaalam o nakakaalala, ito ‘yung game show kung saan may higanteng cellphone na may higanteng keypads sa studio. Ang mga sagot sa tanong ay ite-text gamit ang pag-tapak sa mga keypads. Meron din itong “send” button kaya naman parang nagte-text ka talaga, gamit nga lang ang paa. Hindi nga lang kinagat ng manonood ang game shows na ito kaya tinigok din sila kaagad sa ere. Pati ‘yung dalawang pioneer na game shows ng IBC 13 ay minalas (nasunog ang studio ng IBC 13 kaya nawala ang kanilang game shows). Kaya naman natirang matatag ang Game KNB?, na pagtutuunan natin ngayon ng pansin.

Isang uri ng “question and answer” game show ang Game KNB?. Subalit bagamat nakilala sila sa pagiging entertaining at informative, nagkaroon din sila ng iba’t ibang bersiyon nito. Merong “Game KNB?”“Milyun-Milyon Na, Game KNB?”“Pasko Na! Game KNB?”“Pilipinas Game KNB?”, at “Kung-ano-pang-maisip-na-bonggang-tagline-para-mas-kagatin-ng-publiko-dahil-sawa-na-sila-sa-lumang-version-nito, Game KNB?”. Pero ang pinaka-paborito kong bersiyon ay ‘yung “Next Level Na! Game KNB?”. Taliwas sa nakasanayang informative at question and answer na game show, ang bersiyon na ito ay dinagdagan ng physical at minsan ay nakakadiring challenges (halimbawa, hanapin ang karayom sa isang dram na puno ng kaning baboy gamit lamang ang bibig, kuhanin ang kapirasong papel na nakatali sa buntot ng isang nagme-menopause na dragon, at iba pang anik-anik). Katapat nitong bersiyon na ito sa primetime ang programang “Extra Challenge” dati nina Paolo Bediones at Miriam Quiambao. Sa palagay ko, kaya siguro gumaya at naki-challenge ang Game KNB? ay para makapag-compete sila nang patas sa GMA 7. Kumbaga, labanan ng dalawang reality show/game show. Pero hindi pa rin nila natinag ang Extra Challenge sa primetime, na kinalaunan ay lumipat sa panghapong timeslot, na kinalaunan (ulit) ay pinabagsak ng pasimuno ng Asianovela craze na “Meteor Garden” noong 2003. Pero walang kinalaman ang mga bulalakaw at hardin sa kuwento ko, pati na sina Shan CaiDao Ming SiHua Ze LeiMei Zuo at Xi Men (hanep kabisado ko! Hindi halatang nanonood ako ng Meteor Garden).

Sa Game KNB? rin makikita ang pag-evolve hindi lang ng hosts (bagamat dalawa lang naman talaga ang naging main hosts nito na sina Kris at Edu Manzano. ‘Yung iba ay guest hosts lang tulad nina Toni GonzagaVhong Navarro at Korina Sanchez) kundi pati na rin ng pananamit ni Kris. Sino dito sa inyo ang nakapanood ng unang episode ng Game KNB? noong October 1, 2001? Naaalala ko ‘yung unang sabak ni Kris dito, hanep ang suot n’ya, mala-kapote sa haba at ang tingkad pa ng kulay! (Pasensiya na at hindi ko alam ang tawag sa ganoong damit ng babae.) Sa loob ng isang linggo ay puro ganoon lang ang costume n’ya, nag-iiba lang ng kulay gabi-gabi. Red, blue, yellow, pink, yellow-green. Hanep!

Bukod sa mismong programa, sumikat din ang Game KNB? dahil sa opening theme nito. Matapos sumigaw ni Kris Aquino with matching turo sa camera ng “Pilipinas! Game ka na ba?” ay sasagot ang audience ng isang malakas na “Game na!” na may kasamang suntok ng kamao sa ere. Susundan kaagad ito ng isang nakakaaliw na background music: Toot-tutetutetutetutetutet-tenun! At nauso rin ang tunog na ito bilang ringtone sa ating mga 3210 at 3310 cellphones noon. Naaalala ko pa, ibang klase ‘yung Game KNB? ringtone na pinasa sa akin ng kaeskwela ko. Mantakin mo, “GKNB” at “London Bridge (is falling down)”, in one! Magulo? Bale pagkatapos ng “toot-tutetutetutetutetutet-tenun”, kasunod kaagad ‘yung tono ng “London bridge is falling down, falling down, falling down, my fair lady.” Parang adik lang talaga ang ringtone na ‘yun kung tutuusin!

Lalo pang sumikat ang Game KNB? nang maging host nito si Edu Manzano kapalit ni Kristeta. Ito ay dahil sa kuwelang pagho-host ni Edu na nagkaroon pa ng pagkakataon na mag-coreograph ng isang dance craze na pinamagatang “Papaya Dance” (aminin mo, sumayaw ka din nito!) na umabot pa hanggang sa ibang panig ng mundo. Sa pagkakaalam ko eh sinayaw din kasi ito sa isang programa sa US na “Good Morning America”. Hindi nagpatalo at sinayaw din ito ng dating US Ambassador na si Christie Kenny sa show na “Umagang Kay Ganda”. Worldwide dance craze! Nakanantutsa!

Parang kailan lang ay kasa-kasama natin ang Game KNB? sa primetime matapos ng mga programang kadramahan at biglang nailipat sa tanghaling tapat para sa “Noontime Bigtime”. Pero alam naman nating lahat na wala na sa ngayon ang Game KNB?. Hindi na rin aktibo sa game shows ngayon ang kuwelang si Edu Manzano dahil bigla na lamang naglaho sa ere na parang bula ‘yung game show n’ya sa GMA 7 na “Asar-Talo”. Sa palagay ko’y asar-talo sa ratings kaya tinigbak kaagad sa ere (“Meron palang ganoong game show?!”). At bagamat muling nagbalik si Kris Aquino sa isang game show na “The Price Is Right” na hindi rin umalagwa sa ratings, hinding hindi pa rin maikakaila na iba pa rin ang Game KNB? at mas malakas pa rin ang impact sa mga Pilipino ng original na game show na ito, magpalit man sila ng format o mag-iba man sila ng host. Isa lang ang tanong ko sa iyo:

Game ka na ba?! Game na!
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...