Sa dinami-dami ng mga programa sa telebisyon, isa na siguro ang game shows sa pinaka-nakakaaliw at masasabing total entertainment. Mantakin mo, saang programa sa telebisyon ka makakapanood ng tawanan (kapag laugh trip ang sagot ng contestant), iyakan (tears of joy kapag nanalo), suspense (isang tamang sagot na lang, panalo na), action (napapasuntok sa hangin ang contestant kapag tama ang sagot), informative (dahil kung walang knowledge, walang power), all in one show? Sa game shows lang, wala nang iba.
"May tama ka!!!" <*sabay tawa ala-Kris Aquino*> |
Battle Of The Brains, Game Na Game Na!, Family Kuwarta O Kahon. Ilan lamang ‘yan sa mga patok na game shows noong dekada nobenta. Pagpasok ng bagong milenyo, muling nagbalik ang sigla ng game shows sa telebisyon sa pamamagitan ng Philippine versions ng “Who Wants To Be A Millionaire?” hosted by Christopher De Leon at “The Weakest Link” ni Edu Manzano na kapwa napanood sa IBC 13. Dahil kinagat ng mga manonood ang patanung-tanong ni Boyet ng “Is that your final answer?” at ang pang-aasar na “goodbye! <*irap*>” ni Doods, naisipan ng ABS CBN na bumuo rin ng isang informative na game show na tatapat sa dalawang ito.
Kaunting history ek-ek sa game shows ng bagong milenyo: Noong taong 2001, isinilang ng ABS CBN ang isang bagong sanggol ng game shows, ang Game KNB? hosted by the queen of all media na si Kris Aquino. Matapos isilang, naulinigan ng GMA 7 ang bagong silang na game show na ito kaya naman naisipan din nilang gumawa ng isang game show sa primetime katulad ng “Game KNB?”, “Who Wants To Be A Millionaire?”, at “The Weakest Link”. Ginawa nilang isang full-length game show ang isang portion sa Eat Bulaga na “Korek Na Korek Ka D’yan!”. Hindi pa nakuntento, nagsilang din sila ng isa pang bagong concept na game show, ang “Ready Txt Go” hosted by Michael V. Para sa mga hindi nakakaalam o nakakaalala, ito ‘yung game show kung saan may higanteng cellphone na may higanteng keypads sa studio. Ang mga sagot sa tanong ay ite-text gamit ang pag-tapak sa mga keypads. Meron din itong “send” button kaya naman parang nagte-text ka talaga, gamit nga lang ang paa. Hindi nga lang kinagat ng manonood ang game shows na ito kaya tinigok din sila kaagad sa ere. Pati ‘yung dalawang pioneer na game shows ng IBC 13 ay minalas (nasunog ang studio ng IBC 13 kaya nawala ang kanilang game shows). Kaya naman natirang matatag ang Game KNB?, na pagtutuunan natin ngayon ng pansin.
Isang uri ng “question and answer” game show ang Game KNB?. Subalit bagamat nakilala sila sa pagiging entertaining at informative, nagkaroon din sila ng iba’t ibang bersiyon nito. Merong “Game KNB?”, “Milyun-Milyon Na, Game KNB?”, “Pasko Na! Game KNB?”, “Pilipinas Game KNB?”, at “Kung-ano-pang-maisip-na-bonggang-tagline-para-mas-kagatin-ng-publiko-dahil-sawa-na-sila-sa-lumang-version-nito, Game KNB?”. Pero ang pinaka-paborito kong bersiyon ay ‘yung “Next Level Na! Game KNB?”. Taliwas sa nakasanayang informative at question and answer na game show, ang bersiyon na ito ay dinagdagan ng physical at minsan ay nakakadiring challenges (halimbawa, hanapin ang karayom sa isang dram na puno ng kaning baboy gamit lamang ang bibig, kuhanin ang kapirasong papel na nakatali sa buntot ng isang nagme-menopause na dragon, at iba pang anik-anik). Katapat nitong bersiyon na ito sa primetime ang programang “Extra Challenge” dati nina Paolo Bediones at Miriam Quiambao. Sa palagay ko, kaya siguro gumaya at naki-challenge ang Game KNB? ay para makapag-compete sila nang patas sa GMA 7. Kumbaga, labanan ng dalawang reality show/game show. Pero hindi pa rin nila natinag ang Extra Challenge sa primetime, na kinalaunan ay lumipat sa panghapong timeslot, na kinalaunan (ulit) ay pinabagsak ng pasimuno ng Asianovela craze na “Meteor Garden” noong 2003. Pero walang kinalaman ang mga bulalakaw at hardin sa kuwento ko, pati na sina Shan Cai, Dao Ming Si, Hua Ze Lei, Mei Zuo at Xi Men (hanep kabisado ko! Hindi halatang nanonood ako ng Meteor Garden).
Sa Game KNB? rin makikita ang pag-evolve hindi lang ng hosts (bagamat dalawa lang naman talaga ang naging main hosts nito na sina Kris at Edu Manzano. ‘Yung iba ay guest hosts lang tulad nina Toni Gonzaga, Vhong Navarro at Korina Sanchez) kundi pati na rin ng pananamit ni Kris. Sino dito sa inyo ang nakapanood ng unang episode ng Game KNB? noong October 1, 2001? Naaalala ko ‘yung unang sabak ni Kris dito, hanep ang suot n’ya, mala-kapote sa haba at ang tingkad pa ng kulay! (Pasensiya na at hindi ko alam ang tawag sa ganoong damit ng babae.) Sa loob ng isang linggo ay puro ganoon lang ang costume n’ya, nag-iiba lang ng kulay gabi-gabi. Red, blue, yellow, pink, yellow-green. Hanep!
Bukod sa mismong programa, sumikat din ang Game KNB? dahil sa opening theme nito. Matapos sumigaw ni Kris Aquino with matching turo sa camera ng “Pilipinas! Game ka na ba?” ay sasagot ang audience ng isang malakas na “Game na!” na may kasamang suntok ng kamao sa ere. Susundan kaagad ito ng isang nakakaaliw na background music: Toot-tutetutetutetutetutet-tenun! At nauso rin ang tunog na ito bilang ringtone sa ating mga 3210 at 3310 cellphones noon. Naaalala ko pa, ibang klase ‘yung Game KNB? ringtone na pinasa sa akin ng kaeskwela ko. Mantakin mo, “GKNB” at “London Bridge (is falling down)”, in one! Magulo? Bale pagkatapos ng “toot-tutetutetutetutetutet-tenun”, kasunod kaagad ‘yung tono ng “London bridge is falling down, falling down, falling down, my fair lady.” Parang adik lang talaga ang ringtone na ‘yun kung tutuusin!
Lalo pang sumikat ang Game KNB? nang maging host nito si Edu Manzano kapalit ni Kristeta. Ito ay dahil sa kuwelang pagho-host ni Edu na nagkaroon pa ng pagkakataon na mag-coreograph ng isang dance craze na pinamagatang “Papaya Dance” (aminin mo, sumayaw ka din nito!) na umabot pa hanggang sa ibang panig ng mundo. Sa pagkakaalam ko eh sinayaw din kasi ito sa isang programa sa US na “Good Morning America”. Hindi nagpatalo at sinayaw din ito ng dating US Ambassador na si Christie Kenny sa show na “Umagang Kay Ganda”. Worldwide dance craze! Nakanantutsa!
Parang kailan lang ay kasa-kasama natin ang Game KNB? sa primetime matapos ng mga programang kadramahan at biglang nailipat sa tanghaling tapat para sa “Noontime Bigtime”. Pero alam naman nating lahat na wala na sa ngayon ang Game KNB?. Hindi na rin aktibo sa game shows ngayon ang kuwelang si Edu Manzano dahil bigla na lamang naglaho sa ere na parang bula ‘yung game show n’ya sa GMA 7 na “Asar-Talo”. Sa palagay ko’y asar-talo sa ratings kaya tinigbak kaagad sa ere (“Meron palang ganoong game show?!”). At bagamat muling nagbalik si Kris Aquino sa isang game show na “The Price Is Right” na hindi rin umalagwa sa ratings, hinding hindi pa rin maikakaila na iba pa rin ang Game KNB? at mas malakas pa rin ang impact sa mga Pilipino ng original na game show na ito, magpalit man sila ng format o mag-iba man sila ng host. Isa lang ang tanong ko sa iyo:
Game ka na ba?! Game na!
Slots and Casinos - DrMCD
ReplyDeleteSlot machines are the most popular in 여주 출장안마 America and have 양주 출장샵 become a worldwide trend 광주광역 출장샵 in recent times. 공주 출장안마 In 2020, the United States of America (US) surpassed North 통영 출장마사지