Tuesday, May 22, 2012

Naki-pindot ka rin ba sa nangangatog na controller ng PlayStation?

Napudpod ang ating mga murang daliri sa kaka-turbo A at turbo B sa joystick ng Family Computer na sinasabayan pa ng ihip kasunod ng pagtaktak sa kanilang bala o game cartridge kapag ayaw nitong gumana. Naka-ilang bagsak din ang ating Game Boy na mukhang adobe sa laki pero subok na ito ng panahon at gumagana pa rin, at nagpabili pa tayo ng ilaw na kinakabit sa tuktok nito para makapaglaro kahit sa madilim na lugar dahil hindi pa uso noon ang backlight sa Game Boy. Ilan lang ‘yan sa mga karaniwang pangyayari bilang musmos sa isang dekadang makulay. Ito ang dekada nobenta, panahon ng paglaganap ng iba’t ibang video game consoles. Sumapit ang mga huling taon ng dekadang ‘yon at nauso ang isang console na pinagkaguluhan ng mga kabataan ng bagong milenyo, ang PlayStation.
Bulky na kung bulky pero wala pa ring tatalo sa unang edisyon ng PlayStation!
Ang PlayStation o mas kilala sa daglat na PS ay isa sa tatlong serye ng video game console ng Sony Computer Entertainment. Nilikha ito noong taong 1994 sa bansang Japan. Ang dalawa pang serye ng PlayStation ay ang PlayStation 2 at ang PlayStation 3, at kasama rin dito ang PlayStation Portable o PSP,PlayStationOne PSOne, at iba pa pero sa totoo lang eh wala silang kinalaman lahat sa kuwento ko ngayon dahil mas pagtutuunan lang natin ng pansin ang kauna-unahang PlayStation tulad ng nasa larawan.
Kung naghahanap kayo ng masisisi sa pagkakaroon ng nakaka-adik na game console na ito, malamang na ang hapones na si Ken Kutaragi ang tinutukoy ninyo. Si Ken Kutaragi kasi ang nakaisip na gumawa ng PlayStation kaya naman s’ya ang tinaguriang “Ama ng PlayStation” (Father of the PlayStation). Kung tutuusin, ito ay isang joint project sa pagitan ng dalawang kompanya, angNintendo at ang Sony, para makabuo ng isang CD-ROM na compatible para saSuper FamiCom noong taong 1986. (Basahin n’yo na lang dito dahil para na akong timang na nagta-translate ng anumang sabihin ng Wikipedia)
Kung dati ay namomroblema ang video gamers sa pagse-save ng password sa isang laro na nais nilang ipagpatuloy, katulad ng PlayStation ay sumikat din ang pagkakaroon ng Memory Card. Kumbaga sa computer, isa itong USB flash drive na nakakapag-save ng files, at sa kaso ng PlayStation, ay nakakapag-save ng game. Nakakainis lang dahil kung gaano kalaki ang itsura ng Memory Card noon eh ganoon naman kaliit ang kapasidad nito. Biruin mo, 15 slots lang ang available sa isang Memory Card? 1 MB lang ang maaari mong i-save na laro. Hanep! Badtrip pa minsan dahil ‘yung ibang mga laro eh kumokonsumo ng hindi lang isang slot. Halimbawa na lang ‘yung isa kong basketball game dati, limang slots ang kailangan sa Memory Card para makapag-save ng isang laro.
Pagdating sa mga laro, marami-rami din kaming naging bala sa lumangPlayStation. Ilan lang sa maituturing na “pioneers” namin dito ang DOA: Dead Or Alive (fighting game), Bloody Roar 2 (fighting game din at kauna-unahan kong nakitang CD na kasabay ng pagkakabili namin sa PlayStationFinal Fantasy Tactics (na hindi ko trip laruin), NBA In The Zone (paborito ko), Colin McRae Rally (racing game na paborito naman ni utol), at iba pa (sa sobrang dami ay nakalimutan ko na). Nakakatuwa lang isipin na noong pinagpaplanuhan pa lang namin na bumili ng PlayStation ay lagi kong inirerekumenda sa utol ko na maganda ‘yung larong Tekken. Si utol naman ay panay ang rekumenda sa akin ng larong Pepsiman. At nang magkaroon na nga kami ng PlayStation eh bumili rin kami ng Tekken at Pepsiman. Pero baliktad ang nangyari dahil mas nagustuhan ko ang Pepsiman at mas naadik naman si utol sa Tekken. Ayos lang naman ‘yun dahil nangangahulugan lang ito na tama ang rekumendasyon namin sa isa’t-isa.
Naaalala ko pa ‘yung unang beses na maglaro si utol ng Colin McRae Rally na isang racing game. Tawa ako nang tawa noong nakita kong umuuga ‘yung controller niya! Tinanong ko sa kanya kung bakit siya nanginginig, kinakabahan ba siya sa race? Ang buong akala ko kasi eh talagang kinakabahan siya dahil nangangatog ‘yung kamay niya! Doon ko unang nalaman na meron palang vibration function ang controller ng PlayStation. Putaragis, ang lakas talaga ng ngatog ng kamay niya eh! Hindi ko talaga makalimutan ‘yun dahil wagas na wagas ang tawa ko nun, siguro mga 34,956,163 beses akong tumawa!
Mahal na mahal namin ang PlayStation namin dati. Noong mga unang buwan nito sa amin eh para siyang Mercury Drug: Laging gising 24 oras. Salit-salitan pa kami ni utol sa paglalaro. Isang oras ako, isang oras siya, tapos ako ulit, tapos siya (repeat until fade). Pero kailangan eh naka-line-up na agad ‘yung games na balak mong laruin para hindi mo na kailangan pang mag-isip kung anu-ano ang lalaruin mo dahil konsumo sa oras mo ‘yun. Adik, ‘di ba? Masyado kasi kaming na-hook sa paglalaro nito lalo na noong sumapit ang bakasyon. Aba eh pwede ka nang mag-prito ng itlog sa ibabaw ng telebisyon namin dahil sa sobrang init nito!
Noong kainitan ng PlayStation eh usong uso rin ito sa eskwelahan. Halos lahat ng mga estudyante eh merong sariling PlayStation. Kung hindi ako nagkakamali eh dadalawa na lang kami sa barkada na wala pang PlayStation(walo kaming lahat, pero sa totoo lang eh apat lang talaga sa amin ang merong PS). Kaya naman noong magkaroon ako ng PlayStation eh tuwang tuwa ‘yung mga kabarkada ko. Kailangan daw namin i-celebrate ang pagkakaroon ko ngPlayStation at araw-araw na daw silang makakapunta sa bahay namin. At magmula nga noon eh madalas na kaming naghihiraman ng mga bala ngPlayStation, exchange CDs kumbaga. Minsan naman kapag shortened period sa eskwela eh sa bahay namin ang hang-out ng tropa para maglaro nang walang humpay.
Sa tinagal-tagal kong hindi nakakalaro ng PlayStation (PS2 na ang meron kami dito sa bahay dahil binenta na namin sa mga pinsan namin ‘yung PS atPSOne), hindi ko pa rin makalimutan ang isang cheat code sa isa sa pinakapaborito kong laro, ang Twisted Metal 2: Hold L1-R1-L2-R2 simultaneously then press up, down, left, right, right, left, down, up, pagkatapos ay sabay-sabay na bitiwan ang pagkaka-“hold” sa L1-R1-L2-R2. Voila! Meron nang “God Mode” ang character mo sa Twisted Metal 2. Sa puntong ito eh magiging unlimited ang powers at life ng character mo at hindi ka mage-game over magpakailanman (huwag ka lang mahuhulog sa bangin)! Sa dinami-dami ng nilaro at kinahumalingan kong video game sa PlayStation, ito lang talaga ang cheat na naisapuso ko at nakabisado ko magpahanggang ngayon. Baka sabihin niyo eh ginogoyo ko kayo ha. Subukan n’yo ‘yan sa Twisted Metal 2 saPlayStation at gagana ‘yan!
Ang dami pang masasayang alaala ng PlayStation namin noon. Nakaka-miss naman kasing maglaro nito, hindi ba? Minsan nga eh hinahanap-hanap na ng mga payat kong daliri ang pagpindot sa trayanggulo, ekis, bilog, at parisukat na buton, ang pag-pirmis nila sa L1-L2 at R1-R2 na buton, ang pangangailangan sa tinaguriang tagapagligtas ng PlayStation games na tinatawag na Memory Card, at ang pangangatog ng inosenteng mga kamay dahil sa vibration function ng controller nito.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...