Friday, April 6, 2012

Anu-ano ang karaniwang mga pangyayari tuwing sasapit ang Holy Week?

Holy Week. Mahal Na Araw. Semana Santa. Ito ang panahon ng ating pag-aalala sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Panahon din ito ng pagdarasal, pagsasakripisyo at pagbabago. Panahon ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan, at panahon ng pagwawasto sa ating mga pagkakamali.

(Dito ko nga pala nakuha ang larawan)
Tuwing Linggo Ng Palaspas o Palm Sunday ay ginugunita natin ang pagdating ng Panginoon sa Jerusalem. Nagsisimba ang mga tao nang may hawak na palaspas na gawa sa puno ng palma o palm tree na kinakabitan ng mga imahe o litrato ni Jesus o ni Maria. Winawagayway nila ito at binabasbasan naman ito ng pari sa Banal na Misa. Karaniwan nang tanawin sa mga gilid ng simbahan ang mga nagtitinda ng palaspas tuwing panahon ng Semana Santa. Kanya-kanyang puwesto sila habang doon na mismo nila ginagawa ang mga itinitindang produkto.
Madalas naming isinasabit sa harapan ng aming pintuan ang mga palaspas na ginamit namin pagkatapos ng Banal na Misa at nananatili ‘yon doon hanggang sa mabulok ang mga dahon nito. Ewan ko lang kung ano ang sinisimbulo ng pagsasabit ng palaspas sa pinto. Pantaboy siguro sa masasamang espiritu.

Tuwing Huwebes Santo naman o Maundy Thursday ang pag-aalala sa Huling Hapunan ni Jesus kasama ng labindalawang Apostoles. Kung nagsisimba ka sa araw na ito, malalaman mong dito rin inaalala ang paghuhugas at paghahalik ni Jesus sa paa ng Kanyang mga Apostoles. Ginagawa rin mismo ng mga pari sa Banal na Misa ang paghuhugas at paghahalik sa paa.

Pero ang pinakagusto ko na siguro tuwing gabi ng Maundy Thursday ay ‘yung tinatawag na Visita Iglesia o pagbibisita sa mga simbahan. Dito sa ating bansa, nakaugalian na ang pagbi-Visita Iglesia sa pitong (7) simbahan pero may iba naman na ginagawang labing-apat (14) ito, katulad ng bilang ng “Stations of the Cross”, isang istasyon sa bawat isa sa labing-apat na simbahan. Ito ang pinakagusto kong parte sa paminsan-minsan naming pagbi-Visita Iglesia, ang pagpunta sa iba’t-ibang lugar kasama ng mga kamag-anak namin. Noong may sasakyan pa kami, madalas kaming dumayo sa malalayong simbahan. Pero nitong mga huling Holy Week, wala na kaming sasakyan kaya nakikisabit na lang kami sa pagbi-Visita Iglesia ng ibang kamag-anak. Madalas eh sa mga simbahan ng Bulacan at Manila kami nagpupunta. Pero sa tingin ko eh hindi ito matutuloy ngayon, dahil ‘yung kamag-anak namin na merong sasakyan eh nagpunta sa Bataan para magbakasyon. Kung sakaling mag-Visita Iglesia man kami, malamang eh tatlong simbahan lang ang puntahan namin. Tatlong simbahan na tuwing nagbi-Visita Iglesia kami eh hindi naaalis sa mga itenerary namin: Ang simbahan ng Polo, Meycauayan at Obando.

Tuwing Huwebes Santo din nag-uumpisa ang paglalakad ng mga tao, kadalasan eh mga magbabarkada, itsurang maga-outing pero ang totoo, ang kanilang pupuntahan ay ang Our Lady Of Lourdes Grotto sa may Bulacan (hindi ako sigurado kung sa may San Jose, Del Monte ‘yun). Kung nagbi-Visita Iglesia kayo tuwing Huwebes Santo ng gabi eh marami kang makikitang mga naglalakad na grupo lalo na sa Bulacan. Ilang beses kong ginustong maranasan ang paglalakad nang malayo papunta sa Grotto na sinasabi nila pero ang problema, hindi relihiyoso ‘yung mga kaibigan at mga pinsan ko. Ang lungkot naman kung ako lang mag-isa ang maglalakad at baka sabihin pa nila na palaboy ako kaya hindi ko na rin tinuloy.

Kapag Biyernes Santo o Good Friday naman ay inaalala ang pagkamatay ni Jesus. Dito rin kadalasang makakakita ng mga namamanata at nagpepenitensiya, hinahampas at pinapahampas ang mga likod hanggang sa magmukha na itong mga hilaw na tocino na nakababad sa sikat ng araw. ‘Yung iba naman eh nagpapapako sa krus. Karaniwan itong makikita sa mga probinsiya, lalo na sa Bulacan at Pampanga. Wala din ibang programa sa telebisyon kundi ang Siete Palabras o Seven Last Words.

Para sa pamilya namin, tuwing Biyernes Santo lang kami hindi kumakain ng karne bilang pakikiisa sa Mahal Na Araw. Subalit minsan eh hindi talaga maiiwasan ang kumain ng karne lalo na kung walang pagpipilian at gutom na gutom na kami. Mas mahirap kasing mag-fasting kung kalusugan mo naman ang nakataya. Meron namang iba na kahit sa Sabado De Gloria o Black Saturday eh nagpa-fasting. Pero wala na akong reklamo doon dahil kanya-kanya namang interpretasyon ‘yan sa pagsasakripisyo.

Sa Easter Sunday naman ginugunita ang muling pagkabuhay ni Jesus. Pasko ng Muling Pagkabuhay kung ito ay tawagin at panahon din ng bagong simula. Pero para sa mga bata, panahon ito ng madugong paghahanapan sa mga itlog o Easter eggs. Tuwing nagbabakasyon dito ‘yung mga kamag-anak namin na balik-bayan eh nagi-Easter Egg Hunting kami. Sa loob ng mga plastik na lalagyan na hugis itlog at may iba’t-ibang kulay ay naglalagay kami ng candies at chocolates. Dahil sponsored ito ng tita ko na balik-bayan, minsan eh naglalagay sila ng dolyares sa loob ng itlog. S’yempre, mga bata lang ang kasali. Pero minsan talaga eh hindi maiiwasang makisali ang mga “isip bata”, lalo na kapag ‘yung mga anak nila eh malapit nang umiyak dahil walang mahanap na itlog, kaya pati sila eh makiki-hanap na din.

Ang maganda dito sa ginagawa naming Easter Egg Hunting at least sa parte ko eh kahit hindi ako kasali sa paghahanap, ako naman ‘yung taga-tago ng mga itlog. Minsan tinatago ko ito sa mga pinakamahirap hanapin. Kung medyo mabait ako, tinatago ko lang ‘yung mga itlog sa mga suluk-sulok ng bahay, sa upuan ng bisikleta, sa ilalim ng lamesa. Pero kapag tinotopak ako, ibinabaon ko minsan ‘yung mga itlog sa lupa ng mga paso, sa kailaliman ng mga basurahan, sa ilalim ng mabantot na kanal, at sa mga lugar na hindi pa nararating ng mga batang makukulit na kasali sa Easter Egg Hunting na ‘yun. <*ngisi!*>

Bukod pa sa mga nabanggit na ‘yan, napakarami pang mga kaganapan na tuwing Holy Week lang nangyayari. Noong bata pa ako, takot na takot kami ng mga kalaro ko at ingat na ingat kami sa paglalaro tuwing Mahal Na Araw dahil tinatakot kami ng mga nakatatanda na kapag nadapa daw kami at nagkasugat eh hindi ito gagaling dahil walang magpapagaling nito. Patay kasi si Jesus. Ayun, simula nga noon eh kapag ganitong Holy Week, ang mga laro lang namin eh iskul-iskulan, drowing-drowingan, nood-noodan ng cartoons sa VHS, at iba pang mga tahimik at iwas-dapa na laro imbis na ‘yung mga habulan, takbuhan, at iba pang hardcore na laro na nakakapagod. Ewan ko ba kung bakit kami nagpauto noon.

Pangkaraniwan na ang pagpepenitensya tuwing sasapit ang Semana Santa. Pangkaraniwan na rin ang mga penitensyang nabanggit ko kanina. Pero noong bata pa ako, meron din akong nakatutuwang nakaugaliang penitensya o sakripisyo. Mahilig akong maglaro ng basketball noon sa labas at tuwing Semana Santa ay tatlong araw akong hindi naglalaro ng basketball (mula Maundy Thursday hanggang Black Saturday). Maliit na sakripisyo lamang ito na bukal sa aking puso (naks). Malaking sakripisyo sa akin ang hindi paglalaro ng basketball noon. Kasama na kasi sa routine ko ang pagba-basketball dati pero ngayon, alam n’yo na siguro kung ano na ang routine ko. At nakakalungkot lang na bagamat nais kong gawing sakripisyo ang hindi pag-iinternet sa loob ng tatlong araw eh hindi ko ito magawa. Naks plastik.

Magmula Huwebes Santo hanggang Sabado De Gloria eh wala kang mapapanood na ibang palabas noon sa telebisyon kundi mga religious movies tulad ng The Ten Commandments, Jesus Of Nazareth, Noah’s Ark, at iba pa. Pero ngayon, nagpapalabas na ng mga pelikula sa ABS CBN at GMA na wala namang kinalaman sa Mahal Na Araw. Minsan nga eh tuloy pa rin ang kanilang mga programa, special episodes at kung anik-anik. At sa mga panahon ngayon eh uso na ang cable TV at internet kaya hindi na ramdam ang katahimikan na dulot ng Semana Santa.

Naging sakristan ako noong grade six hanggang fourth year high school. Kapag ganitong Holy Week, babad kaming mga sakristan sa simbahan. Bukod kasi sa dami ng mga misa, doon kasi sa simbahan na pinagsisilbihan ko eh kakaunti lang kaming mga sakristan na merong abito (o ‘yung tinatawag namin na “sutana” na sinusuot ng mga sakristan) na kulay itim at pula. Kapag karaniwang araw kasi ay puti ang kulay o ang “liturgical color” na sinusuot, at kapag ganitong Semana Santa eh itim o violet at pula. Sa mga ganitong panahon din eh nararanasan kong magsilbi sa limang beses na sunud-sunod na misa sa umaga, magmula alas singko ng umaga hanggang sa huling misa ng alas nuebe ng umaga. Pagkatapos ay babalik pa ulit kami para magsilbi sa tatlo pang misa sa hapon. But wait, there’s more! Isama pa d’yan ang pagsisilbi sa prusisyon tuwing Mahal Na Araw pagkatapos ng misa na ‘yon. Kaya hindi kataka-taka kung magmukha na kaming mga anghel na tinubuan ng halo sa aming mga bumbunan dahil sa dami ng mga misa na pinagsilbihan namin.

Napag-uusapan na rin lang ang prusisyon, noong bata pa ako eh takot na takot ako sa karwahe ni Jesus na nakahiga at nakaburol. Lalo pa akong natatakot kapag naaamoy ko ‘yung insenso nila. Lagi ko itong naiisip noon sa aking pagtulog. Nawala na siguro ang phobia ko dito noong maging sakristan na ako. Pati ang pagpapa-insenso kasi sa karwahe ng nakahimlay na si Jesus ay kaming mga sakristan na ang gumagawa.

Tuwing Huwebes at Biyernes Santo eh merong prusisyon na dumadaan sa tapat ng bahay ng mga lola ko (bihirang dumaan ang mga prusisyon sa bahay namin dahil malayo). Minsan nga eh nakakabisado na namin ng kapatid ko ‘yung pagkakasunud-sunod ng mga poon sa karwahe. Ang malala pa, naglalaro kami dati ng “prusisyon-prusisyunan”, ‘yun bang kunyari eh mga poon kami na nasa karwahe, with matching props pa ‘yun (halimbawa, magtatalukbong ng kumot ang gaganap na Mama Mary). At ang pinakamalala, bumubuo din kami noon ng mga maliliit na karwahe na yari sa Lego! Ang galing, ‘di ba? Hanep. Ibang klase pala ‘yung mga laro namin noon. Napaka-relihiyoso.

Marami pang mga pangyayari tuwing Semana Santa ang hindi ko nabanggit dito. ‘Yung iba, nakalimutan ko na. Pero iisa lang siguro ang dapat nating tandaan: Ang Semana Santa ay hindi lang panahon ng pamamasyal sa beach at paghahanap sa mga nakatagong itlog kundi paggunita at pagninilay-nilay din sa mga sakripisyo ni Jesus upang tayo ay mailigtas sa mga kasalanan. At ito ang tunay na diwa ng Semana Santa na sana ay ating isapuso.


No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...