Babad sa init ng araw. Kanya-kanyang dala ng laruan. Merong mura, merong mahal. Hihiramin ng isang bata ang laruan ng isa pang bata dahil naiinggit s’ya at wala s’yang ganoong kagandang laruan. Naging panata na ng bata ang pagiging maramot kaya bukod sa hindi n’ya papahiramin ng laruan ang kalaro, mang-iinggit pa ito lalo. Iiyak ang hindi nakahiram ng laruan. Sumbong sa nanay. Wala muna kunyaring pansinan. Matapos ang ilang segundo ng pakiusap, bati na ulit ang dalawa. Parang nasapian ng ligaw na kaluluwa ang madamot na bata dahil bigla itong bumait sa kalaro, at ang aping bata naman eh sisinghap-singhap pa rin habang nakikilaro sa batang biglang sinapian ng kabaitan. And they live happily ever after kunyari.
Bumabaha ng Pogs!!! |
Normal na ang ganyang pangyayari sa mga bata lalo na kapag mga kagamitan o mga laruan ang pag-uusapan. At kapag sinabing laruan, naglipana ‘yan sa paligid. Iba’t ibang uri. May malaki, may maliit, may marami, may kaunti. Merong gawa sa kahoy, sa plastik, sa karton, sa bakal, sa bato. At normal na rin ang pagkakaroon ng isang laruan na mauuso hindi lang sa mahirap kundi pati na rin sa may kaya. Tulad na lang nitong tinatawag na Pogs. Kung merong nausong Teks at Super Trump, aba eh hindi rin nagpatalo ang Pogs na sumikat noong dekada nobenta hindi lang sa mga soyal at pa-sosyal, kundi pati na rin sa ordinaryong tao saan mang sulok ng mundo (naks). Isa itong pabilog at matigas na karton, mga sinlaki ng biscuit na tulad ng Bingo, Cream-O (basta alam n’yo na kung gaano kalaki ‘yung mga ganoong klase ng biscuit), katamtaman ang kapal, at may makukulay na disenyo.
Ang term na “Pog” ay isang abbreviation na nanggaling sa isang brand ng juice na gawa sa mga prutas na tulad ng passionfruit (na hindi ko alam sa Tagalog), orange at guava (na bayabas sa Tagalog at kung saan pinaglihi ni inay si utol noong pinagbubuntis pa s’ya) o POG. Ang paglalaro ng Pogs ay nagmula sa Hawaii noon pang 1930s. Bumalik lamang ang popularidad nito nang muling ipakilala ng World POG Federation at Canada Games Company ang “card game” na ito sa publiko nito ngang dekada nobenta. Pero huwag mo muna akong hahangaan sa kuwento ko dahil ang lahat ng impormasyong ‘yan ay napulot ko lang sa Wikipedia kaya bigyan natin ng parangal ang website na ‘yun (OA).
Paano nga ba nilalaro ang Pogs? Sa pinaka-simpleng paraan, ang bawat manlalaro ay may pantay na bilang ng Pogs at pagpapatung-patungin nila ito nang nakataob. Salit-salitan ang mga manlalarong tumira gamit ang pamato o tinatawag na “slammer” (astig ka nito kapag meron kang slammer dahil nakakapagpataob ito ng maraming bilang ng Pogs), patatamain nila ito sa magkakapatong na Pogs para kumalat at ang lahat ng tumaob na Pogs ay pag-aari na ng manlalarong ‘yun. Ganyan lang ang sistema. Patong, tira, kuha. Patong, tira, kuha (hindi ito bastos). Kung sino man ang may pinakamaraming Pogs na nakolekta sa katapusan ng laro ay s’yang idedeklarang panalo at magbubunyi kasama ng mga lamang lupa na sumasayaw with flying unicorns and confetti.
Mula noon hanggang ngayon eh wala akong partikular na alam na kompanyang gumagawa ng Pogs. Pero sa palagay ko, sumikat ang Pogs dito sa ating bansa nang minsang magkaroon ang Coca-Cola ng libreng Pogs na makukuha sa pamamagitan ng pagpapalit ng tansan sa mga suking tindahan. Alam ko ito dahil nakiuso din kami ng mga kalaro ko noon dito. Iniipon namin ang mga tansan ng Coke, Sprite at Royal Tru-Orange para magkaroon kami ng Pogs na sa totoo lang ay kinokolekta lang namin at hindi pinanlalaban. Mas maraming tansan, mas maraming Pogs. Nagkaroon din ng raffle promo ito na tinawag na “Coke Pog Panalo!” na sumikat sa isang noontime show, hindi ko lang sigurado kung sa Eat Bulaga ba o sa ‘Sang Linggo nAPO Sila, pero hindi sa Lunch Date at Magandang Tanghali Bayan. Hindi ko alam ang tunay na pangalan ng character sa Pog ng Coke pero tinawag na lang namin itong si “Pog”. Nakarami kami ng Pogs noon pati ang utol ko pero hindi pa rin nito na-beat ang record ng napakaraming teks ko ng Street Fighter, Dragonball, Ghost Fighter at Flame Of Recca, na nakalagay sa isang lumang shoulder bag ni inay na ngayon ay inanod na ng baha.
Matapos pasikatin ng isang kompanya ng softdrinks, lalong nakilala ang Pogs dito sa Pinas. Nagkaroon tuloy ng tindang Pogs sa mga toy store o kahit sa mga palengke ay meron din. Nagpabili pa kami ni utol sa nanay ko ng ibang klase ng Pog, ‘yun bang meron pang parang maliit na uka sa gilid at pwedeng pagkabit-kabitin para maabuo ng isang obra o kaya ay abstract figure na gawa sa ilang piraso ng Pogs.
Meron pa naman akong nakikitang Pogs sa merkado pero katulad ng ilang mga laruan, nalipasan na rin ito ng panahon. Pero kasama nito ay hindi pa rin mawawala ang mga batang paslit na naglalaro, nag-iinggitan ng kani-kanilang mga laruan, nagdadamutan, nag-iiyakan at nagsusumbungan sa kani-kanilang mga nanay.
No comments:
Post a Comment