Saturday, April 28, 2012

Nagkaroon ba kayo ng mumurahing spaceship noong bata?


Para sa mga kabataang lalake, wala nang mas hihigit pa sa pagkakataong magkaroon ng isang laruang tulad ng robot at spaceship. Ito kasi ang maituturing na pinaka-pangkaraniwang laruan ng mga totoy noon, bukod pa sa bola o basketball, at s’yempre liban na rin ang mga kabataang lalake na may pusong babae pero ibang usapan na ‘yon. Astig pa kung hindi pangkaraniwan ang laki ng robot o spaceship mo. Mas astig kung naigagalaw pa ang mga parte nito tulad ng paa, kamay, at pakpak, at maaari pang i-costumize ito. Pero mas bibida ka sa mga kumpare mong bata kapag ang robot mo ay ‘yung nata-transform na spaceship at vice-versa. At kung sasamahan mo pa ng realistic na sound effects ang paglalaro ng mga robot at spaceship gamit ang mahiwaga mong boses, tipong mapapa-“tugsh! tuugsh!” ka kapag halimbawa’y sumusuntok ang bidang robot at mapapa-“weeeeeng! woosssssh!” kapag lumalanding naman ang spaceship, with matching talsik pa ng laway dahil emote na emote ka sa paglalaro – aba eh ikaw na ang hari ng mga laruan at ng mapaglarong imahinasyon!

"Tuuugsh! Eeeeeyngggsh!! Woossssh!!!"
Ang pagkahumaling ko sa mga laruang spaceship noong bata pa ako ay halos kapantay din ng pagkahilig ko sa mga robot. Ang pinagkaiba lang siguro ay hindi ako mahilig magdrowing ng mga spaceship noon, ‘di tulad ng mga robot na naglaan pa ako ng isang maliit na notebook para lang sa mga drowing ko (nabanggit ko na ito sa Combatron post ko). Hindi man ako mahilig sa mga sasakyang panghimpapawid tulad ng mga spaceship (hindi tulad ng tatay ko na mahilig sa mga eroplano, katunayan ay meron s’yang toy airplane collection na sinimulan n’yang kolektahin noong estudyante pa s’ya, at hanggang ngayon ay nakatago pa rin sa bodega, kinakalawang na ang iba at merong natutuklap na ang pintura sa sobrang kalumaan pero iniingatan pa rin ito ni itay, prized possession ito para sa kanya at akala mong ginto kung ituring), masasabi kong mas nagustuhan ko ang mga laruang spaceship lalo na ‘yung mga binebenta sa mga ukay-ukay, palengke at sa gilid ng simbahan kapag malapit na ang fiesta.

Napaka-imposibleng isipin ang isang palengke, tiangge, at ang mga gilid ng simbahan sa nalalapit na kapistahan na walang tindang laruan. Halos lahat ng mga produkto ay nilalako dito sa bagsak-presyong halaga tulad ng mga pagkain, damit, at kung anu-ano pa, kaya hindi maaaring mawala ang mga laruan dito tulad ng mga mumurahing spaceship. Madalas itong kasamang binebenta ng Water Game ('yung mumurahing laruang may lamang tubig na parang brick game pero imbis na pagpapatung-patungin 'yung bricks eh isu-shoot mo 'yung rings sa stick). At dahil bagsak-presyo nga, mabibili mo ang mumurahing spaceship sa napakamurang halaga (tipong mapapamura ka na lang sa sobrang mura! Biro lang). Sa tantiya ko ay hindi ito lalagpas ng beinte pesos noon. Ito ay bagamat imported ang halos lahat ng laruang spaceship na ito na nagmula pa sa China o Japan. At kahit maliit lang ito ay gumagalaw ang lahat ng parts nito na s’yang naging dahilan kung bakit popular s’ya sa amin noong elementary.

Dalawang beses akong nakatanggap ng mumurahing spaceship sa eskwela. ‘Yung isa, kulay blue ang kahon na may stripes ang design at niregalo ng kaklase ko sa Christmas Party noong elementary. ‘Yung isa, kulay maroon ang kahon, kulay itim ang mismong spaceship pero mabilis sumuko sa labanan dahil madaling nasira at niregalo ng kaibigan ko noong Closing Party namin. Elementary talaga ‘yung mga panahong masaya pa kayong nagbibigayan ng mga laruan at regalo para ipagdiwang ang Kapaskuhan. Pati ‘yung guro ay binibigyan natin ng regalo (s’yempre hindi spaceship), pampasipsip para tumaas ang grado kumbaga. S’yempre, tuwang tuwa ako kapag nakakatanggap ako ng mga ganitong klase ng laruang spaceship kahit na alam kong pare-pareho na akong merong ganoon sa bahay.

Dahil sa mga palengke at ukay-ukay lang nabibili ang mga laruang tulad nito at hindi sa mga mamahaling toy stores sa mga mall, madalas ay sira-sira at naliligo sa alikabok ang mga kahon nito. Minsan ay meron pang scotch tape sa ilalim ng kahon para hindi lumusot ang spaceship. Ang dami kong mumurahing spaceship dati, pero lahat eh hindi tumagal sa akin, at mas nauna pa ng ‘di hamak na masira ang mga kahon. At minsan eh pinagkakaguluhan din ang mga ganitong spaceship bilang premyo sa mga palabunutan. Suwertihan lang talaga para makuha mo ang nag-iisang inaalikabok na spaceship na ito.

Ang maganda sa mumurahing spaceship na ito ay napakadali lang buuin dahil merong instructions sa likod ng kahon (minsan nasa loob ng kahon ‘yung panuto. Naks Tagalog na Tagalog) kaya mabubuo ito kahit ng mga bata mismo. Isa pa, meron itong kalakip na stickers. Desisyon mo kung saan mo gustong idikit ang stickers na ito sa alin mang parte ng spaceship. Pero pwede ring huwag mo na lang idikit sa spaceship at sa halip ay lokohin mo na lang ang kalaro mo at dikitan s’ya ng maraming stickers sa buhok!

Meron akong palagay na ginawa ito ng mga Intsik at Hapon upang makahikayat ng mga manonood sa kanilang mga cartoons na may pagka-“robotic” ang theme tulad ng Voltes 5, Daimos, Mazinger Z, Challenge Of The Go-Bots, Transformers, Voltron, at Combatron (biro lang). Dito kasi magaling ang mga Intsik. At isa pa, ito ‘yung mga panahong malaya pang nakakapasok ang mga gawang Intsik dito sa Pilipinas dahil ligtas pa noon ang mga ito, ‘di tulad ngayon na pati ang mga walang kamalay-malay na laruang pambata ay napapabalitang may mga nakalalasong kemikal. O ‘di kaya matagal nang may mga nakalalasong kemikal ang mga laruang ito at ngayon lang natin nadiskubre dahil sa kakulangan ng sapat na kaalaman tungkol dito?

Hanep. Ang dami ko na naman sinabing kabulastugan. Tuuugsh! Woossssh!

Tuesday, April 24, 2012

Kilala mo ba ang mga pinakasikat na Pinoy rappers noong early 90s?


Malaki ang silbi ng musika sa emosyon ng bawat isa sa atin. Ang pakikinig dito ay isang mabisang paraan upang makalimutan ang mga problema, makapag-relax at makapag-unwind, makapaglabas ng sama ng loob, makapagpahayag ng nararamdaman, at masabi ang hindi kayang sabihin sa isang simpleng usapan (at mukhang pare-pareho lang ‘yung huling tatlo). At isa sa mga popular na uri ng musika sa Pilipinas ay ang rap music na unang pinasikat ng mga Amerikano noong 1980s. Kabilang sa mga popular na rappers noong dekada otsenta sina LL Cool JBeastie BoysRun DMC, at iba pa. Si Vanilla Ice na nakilala dahil sa kantang “Ice, Ice, Baby” at si MC Hammer na umawit ng“Pray” ay sumikat noong mga unang taon ng dekada nobenta.


Dahil sa bagong estilo ng awitin na ito na pinasikat ng mga Kano at Afro-Americans, naimpluwensyahan nito ang mga Pinoy. Kung ang mga Kanong rapper ay walastik sa pag-iisip ng kung anu-anong bagay o salita na maaaring isingit sa kanilang nickname o rapper name tulad na lamang ng halimaw (Beastie Boys), pagtakbo (Run DMC), martilyo (MC Hammer), yelo (Ice T), malamig na yelo (LL Cool  J), at yelong may flavor (Vanilla Ice), at kahit ‘yung mga rappers ng bagong milenyo ay ganoon din dahil meron sa kanilang barya-barya lang ang puhunan (50 Cent), merong mahilig sa gisantes (Black Eyed Peas), merong doktor (Dr. Dre), at meron ding mahilig sa tsokolate (“Eminem” milk chocolate. Melts in your mouth, not in your hands. Biro lang), aba siyempre hindi magpapatalo ang lahing palaban. Dito naman sa atin eh nauso noon ang “one-letter surname” o ‘yung pagso-shortcut ng apelyido ng rapper gamit lamang ang isang letra. At huwag ninyo silang babalewalain dahil kahit sila ang nagmamay-ari ng pinakamaikling apelyido sa Pinas, sila pa rin ang maituturing na haligi ng rap music dito sa ating bansa.

Noong pumasok ang dekada nobenta, tatlong rapper ang sumikat dito sa Pilipinas. Kilala mo pa ba sila?

Kiko!
“Mga kababayan ko, dapat na malaman n’yo, bilib ako sa kulay ko, ako ay Pilipino. Kung may itim o may puti, meron naming kayumanggi. Isipin mo na kaya mong abutin ang ‘yong minimithi.”

Hindi ko na kailangan pang makipagtalo kapag sinabi kong walang hindi nakakakilala sa kanya. Siya si Francis Magalona. Francis Michael Durango Magalona ang tunay na pangalan pero mas nakilala bilang si Francis M (eto na ‘yung sinasabi ko kanina. Sa unang letra: letrang M!). Nagsimula s’ya bilang isang breakdancer noong 1980 at nakasama rin sa ilang pelikula tulad ng “Bagets 2” at “Iputok Mo, Dadapa Ako” with Bossing Vic Sotto (na super payatot at makapal pa noon ang buhok) noong 1990. Noong taon din na ‘yun (1990) ni-release ang kanyang kauna-unahang album na “Yo!”. Kabilang sa album na ito ang mga awiting tulad ng “Man From Manila,” “Gotta Let ‘Cha Know,” “Cold Summer Nights,” at ang “Mga Kababayan” na talaga naming nagpakilala sa kanya bilang hari ng Pinoy rap. Dahil din sa kantang ito kaya nakilala ang isang uri ng rap na tinatawag na “nationalistic rap,” o mga awiting rap na nagpapahayag ng pagiging makabayan.

Sa pagkakaalam ko ay si Francis M din ang nagpauso ng “gupit-rapper” noong 90s. Ito ‘yung hairstyle na halos isang dangkal na ‘yung taas ng ahit sa gilid at kung minsan ay inuukitan pa ng kung anu-ano (tulad ng “peace sign” at salitang “Yo!” na makikita mismo sa buhok ni Francis M kung napanood mo ang pelikula n’ya noong 90s). Ang tuktok na bahagi naman ng buhok ay parang sinagasaan ng pison sa sobrang flat. Hindi lang ako sigurado kung sino sa kanilang dalawa ni MC Hammer ang unang nagpauso ng mala-puruntong na pantalon o baggy pants o super duper luwang na elephant pants (super duper kasi sobrang luwang talaga, siguro kasya ang binti ng sampung katao), o kung ano man ang tawag sa fashion na ‘yun. Maaari ding baka nag-usap silang dalawa at napagkasunduang pareho na lang nilang pausuhin ang ganoong estilo ng pananamit kaya huwag na natin silang pakialaman.

Masasabi kong si Francis M ang pinakauna kong inidolong mang-aawit. Ang album n’yang “Yo!”  ang pinakauna kong naging cassette tape noon. Paborito ko ang “Mga Kababayan” at lagi ko itong pinapatugtog sa aming lumang stereo. Kung tutuusin, pakiramdam ko eh “Mga Kababayan” lang ang track sa tape na ‘yun. Kung sabagay, halos kapapanganak pa lang sa akin noong mahiligan ko ito kaya wala akong paki sa ibang kanta noon, basta sikat, nagustuhan ko na. Pero nakakatuwang isipin na nakabisado ko ang lyrics ng kantang ito kahit na sinliit pa lang ako ng fetus noon, liban lang doon sa part na mabilis ang pagra-rap ni Francis M.

Hindi naman lingid sa atin na sumakabilang buhay na ang hari ng Pinoy rap noong taong 2009 dahil sa sakit na leukemia. Pero magpahanggang ngayon ay nananatili pa ring buhay ang kanyang mga iniwang alaala at habambuhay s’yang magiging Master Rapper na iniidolo ng mga kabataan at maipagmamalaki ng bansang Pilipinas.

Gamol!
“O ano, ayan kasi ang hihilig n’yo kasi sa magagandang babae, ang hihilig n’yo ksi sa magagandang lalake. O ano ang napala n’yo, eh ‘di wala. Kung ako sa inyo, makinig na lang kayo sa sasabihin ko. Humanap ka ng panget at ibigin mong tunay. ‘Yan ang dapat mong gawin kaya makinig ka sa akin and it goes a little something like this… Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, humanap ka ng panget at ibigin mong tunay. Isang panget na talagang ‘di mo matanggap at huwag ang babae na iyong pangarap. Ngunit kung bakit ko sinabi ‘to’y simple lang ‘pagka’t magagandang babae ay naglalaro lang ng ‘yong oras, pagod, hirap at salapi ngunit handang-handang iwanan ka naman sa sandali kapag ikaw ay wala nang mabigay ‘di ba? Kaya panget na babae ang hanapin mo ‘day. At kung hindi, sige ka, puso mo’y mabibiyak. Mawalay man ang panget, hindi ka iiyak!”

Hanep. Kabisado ko pa rin pala ang ilang parte ng kantang “Humanap Ka Ng Panget”. Oo, ipinagmamalaki kong walang kopyahan ‘yan kaya baka merong mali. Pero hindi na importante ‘yun.

Nakilala ang kantang “Humanap Ka Ng Panget” noon ding taong 1990 at ang nagpasikat nito ay walang iba kundi si Andrew Espiritu o kilala sa pangalang Andrew E (ikalawang letra: letrang E!). Bago pa man naging tanyag ay una siyang nakilala bilang isang disc jockey (DJ) sa Euphoria, isang popular na club noon. Matapos i-release ang kanyang single ay lalo pa siyang sumikat at nagkaroon ng iba’t ibang pelikulang komedya na kanyang pinagbidahan tulad ng “Manchichiritchit,” “Pitong Gamol,” “Alabang Girls,” “Megamol,” “Row 4: Ang Baliktorians,” “Mahirap Maging Pogi,” “Burlesk King Daw O!,” at marami pang iba, na halos lahat gawa sa Viva Films at tumabo pa sa takilya.

Kung si Francis M ay sumikat dahil sa pagiging nationalistic ng kanyang mga kanta, si Andrew E naman ay nakilala dahil sa dirty rap o wholesome rap o mga kantang merong ibang kahulugan o double meaning. Isipin mo na lang kung ano ang pumasok sa utak ni Andrew E at gumawa s’ya ng mga awiting tulad ng “Bini B. Rocha,” “Pink Palaka,” “Banyo Queen,” “Jinompet,” at “Sinabmarin”. Isama mo pa d’yan ang nakakakiliting lyrics ng awiting “Andrew Ford Medina” at “Alabang Girls”  (pindutin na lang ang mga titulo nang makita ang lyrics sa kantang ‘yan).

Kung si Francis M ang pinakapaborito kong mang-aawit noon, masasdabi kong ang awiting “Humanap Ka Ng Panget” naman ang naging paborito kong dance step noon. Hindi ko alam kung ganoon talaga ang dance step o baka pauso lang namin ng mga kalaro ko ‘yung dance step nito na madalas naming sayawin kapag merong children’s party o kaya kapag magpapasikat kami sa mga uncle at auntie namin para mabigyan kami ng Juicy Fruit Gum o Bazooka Bubble Gum. Ang dance step na nakasanayan namin ay ‘yung parang “Running Man” at sasamahan mo ng galaw ng dalawang kamay na nakasarado ang kamao at parang sumusuntok ka sa lupa (basta intindihin n’yo na lang).

Ayon sa aking masusing pananaliksik (naks) sa Wikipedia (laging doon naman), napag-alaman kong nagwagi pala si Andrew E ng “Rap Album Of The Year” nito lang 2010 para sa kanyang latest album na “Clubzilla.” Kung ako ang inyong tatanungin eh wala akong alam na kanta doon kaya mabuti pang magsaliksik na lang din kayo sa internet (kung gusto n’yo).

Bitoy!
Maaaring mabigla kayo dahil sinama ko ang artistang si Michael V (ikatlong letra: letrang V!) na nakilala bilang isang mahusay na komedyante. Pero para sa mga hindi nakakaalam, una s’yang sumikat bilang isang kompositor at mang-aawit. Siya si Beethoven Del Valle Bunagan sa tunay na buhay (kaano-ano kaya n’ya ang pamilya Del Valle sa “Mara Clara”? Biro lang).

Noong sumikat ang awiting “Humanap Ka Ng Panget” ni Andrew E, naisipan ni Michael V na gumawa ng kantang kokontra sa awiting ‘yun kaya nabuo ang “Maganda Ang Piliin (Ayoko Ng Panget)” ka-duet ng kaibigan at rapping partner na si Dianne. At tulad ng inaasahan, sumikat hindi lamang ang awiting ‘yun kundi pati na rin si Michael V at nakasama pa siya sa ilang mga pelikulang komedya tulad ng “Mama’s Boys,” “Rubberman,” “Anting-Anting,” “Sinaktan Mo Ang Puso Ko,” “Si Ayala At Si Zobel,” “Bitoy Ang Itawag Mo Sa Akin,” at marami pang iba.

Naaalala ko noong kasikatan ni Michael V bilang isang rapper, ‘yung pinsan kong utal-utal magsalita noon (kung nagbabasa kayo ng mga kuwento ko ay marahil alam n’yong nababanggit ko na ang pinsan kong ito) ay tinutukso naming Michael B. Hindi naman s’ya magaling magpatawa at lalong hindi magaling mag-rap o kumanta. Binansagan lang naming s’yang Michael B dahil mahilig s’yang magpalipad noon ng saranggola o burador sa bukid kaya tinawag s’yang Michael B as in “burador”. Michael Burador na taga bukid. Ayos!

+++++++

Sila ang mga sikat na Pinoy rappers noong dekada nobenta. Mga mang-aawit na walang ibang hangarin kundi magpahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng isang makapangyarihang sandata ng pakikipag-usap, ang musika.

Eto naisip ko lang: Ano nga kaya kung nagkaroon noon ng batas na nagsasabing isang Pinoy rapper lamang ang allowed sa bawat isang letra? Kung 26 lahat ng letra sa English alphabet (hindi kasama ang “ñ” at “ng”), bale 26 rappers lang ang mapo-produce ng Pilipinas. Hanep! Okay, sabaw ito kaya huwag na lang pansinin.

Siya nga pala, tawagin ninyo na lang akong Alden F. Break it down, y’all!!!

Yikes. \m/\m/

Friday, April 6, 2012

Anu-ano ang karaniwang mga pangyayari tuwing sasapit ang Holy Week?

Holy Week. Mahal Na Araw. Semana Santa. Ito ang panahon ng ating pag-aalala sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Panahon din ito ng pagdarasal, pagsasakripisyo at pagbabago. Panahon ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan, at panahon ng pagwawasto sa ating mga pagkakamali.

(Dito ko nga pala nakuha ang larawan)
Tuwing Linggo Ng Palaspas o Palm Sunday ay ginugunita natin ang pagdating ng Panginoon sa Jerusalem. Nagsisimba ang mga tao nang may hawak na palaspas na gawa sa puno ng palma o palm tree na kinakabitan ng mga imahe o litrato ni Jesus o ni Maria. Winawagayway nila ito at binabasbasan naman ito ng pari sa Banal na Misa. Karaniwan nang tanawin sa mga gilid ng simbahan ang mga nagtitinda ng palaspas tuwing panahon ng Semana Santa. Kanya-kanyang puwesto sila habang doon na mismo nila ginagawa ang mga itinitindang produkto.
Madalas naming isinasabit sa harapan ng aming pintuan ang mga palaspas na ginamit namin pagkatapos ng Banal na Misa at nananatili ‘yon doon hanggang sa mabulok ang mga dahon nito. Ewan ko lang kung ano ang sinisimbulo ng pagsasabit ng palaspas sa pinto. Pantaboy siguro sa masasamang espiritu.

Tuwing Huwebes Santo naman o Maundy Thursday ang pag-aalala sa Huling Hapunan ni Jesus kasama ng labindalawang Apostoles. Kung nagsisimba ka sa araw na ito, malalaman mong dito rin inaalala ang paghuhugas at paghahalik ni Jesus sa paa ng Kanyang mga Apostoles. Ginagawa rin mismo ng mga pari sa Banal na Misa ang paghuhugas at paghahalik sa paa.

Pero ang pinakagusto ko na siguro tuwing gabi ng Maundy Thursday ay ‘yung tinatawag na Visita Iglesia o pagbibisita sa mga simbahan. Dito sa ating bansa, nakaugalian na ang pagbi-Visita Iglesia sa pitong (7) simbahan pero may iba naman na ginagawang labing-apat (14) ito, katulad ng bilang ng “Stations of the Cross”, isang istasyon sa bawat isa sa labing-apat na simbahan. Ito ang pinakagusto kong parte sa paminsan-minsan naming pagbi-Visita Iglesia, ang pagpunta sa iba’t-ibang lugar kasama ng mga kamag-anak namin. Noong may sasakyan pa kami, madalas kaming dumayo sa malalayong simbahan. Pero nitong mga huling Holy Week, wala na kaming sasakyan kaya nakikisabit na lang kami sa pagbi-Visita Iglesia ng ibang kamag-anak. Madalas eh sa mga simbahan ng Bulacan at Manila kami nagpupunta. Pero sa tingin ko eh hindi ito matutuloy ngayon, dahil ‘yung kamag-anak namin na merong sasakyan eh nagpunta sa Bataan para magbakasyon. Kung sakaling mag-Visita Iglesia man kami, malamang eh tatlong simbahan lang ang puntahan namin. Tatlong simbahan na tuwing nagbi-Visita Iglesia kami eh hindi naaalis sa mga itenerary namin: Ang simbahan ng Polo, Meycauayan at Obando.

Tuwing Huwebes Santo din nag-uumpisa ang paglalakad ng mga tao, kadalasan eh mga magbabarkada, itsurang maga-outing pero ang totoo, ang kanilang pupuntahan ay ang Our Lady Of Lourdes Grotto sa may Bulacan (hindi ako sigurado kung sa may San Jose, Del Monte ‘yun). Kung nagbi-Visita Iglesia kayo tuwing Huwebes Santo ng gabi eh marami kang makikitang mga naglalakad na grupo lalo na sa Bulacan. Ilang beses kong ginustong maranasan ang paglalakad nang malayo papunta sa Grotto na sinasabi nila pero ang problema, hindi relihiyoso ‘yung mga kaibigan at mga pinsan ko. Ang lungkot naman kung ako lang mag-isa ang maglalakad at baka sabihin pa nila na palaboy ako kaya hindi ko na rin tinuloy.

Kapag Biyernes Santo o Good Friday naman ay inaalala ang pagkamatay ni Jesus. Dito rin kadalasang makakakita ng mga namamanata at nagpepenitensiya, hinahampas at pinapahampas ang mga likod hanggang sa magmukha na itong mga hilaw na tocino na nakababad sa sikat ng araw. ‘Yung iba naman eh nagpapapako sa krus. Karaniwan itong makikita sa mga probinsiya, lalo na sa Bulacan at Pampanga. Wala din ibang programa sa telebisyon kundi ang Siete Palabras o Seven Last Words.

Para sa pamilya namin, tuwing Biyernes Santo lang kami hindi kumakain ng karne bilang pakikiisa sa Mahal Na Araw. Subalit minsan eh hindi talaga maiiwasan ang kumain ng karne lalo na kung walang pagpipilian at gutom na gutom na kami. Mas mahirap kasing mag-fasting kung kalusugan mo naman ang nakataya. Meron namang iba na kahit sa Sabado De Gloria o Black Saturday eh nagpa-fasting. Pero wala na akong reklamo doon dahil kanya-kanya namang interpretasyon ‘yan sa pagsasakripisyo.

Sa Easter Sunday naman ginugunita ang muling pagkabuhay ni Jesus. Pasko ng Muling Pagkabuhay kung ito ay tawagin at panahon din ng bagong simula. Pero para sa mga bata, panahon ito ng madugong paghahanapan sa mga itlog o Easter eggs. Tuwing nagbabakasyon dito ‘yung mga kamag-anak namin na balik-bayan eh nagi-Easter Egg Hunting kami. Sa loob ng mga plastik na lalagyan na hugis itlog at may iba’t-ibang kulay ay naglalagay kami ng candies at chocolates. Dahil sponsored ito ng tita ko na balik-bayan, minsan eh naglalagay sila ng dolyares sa loob ng itlog. S’yempre, mga bata lang ang kasali. Pero minsan talaga eh hindi maiiwasang makisali ang mga “isip bata”, lalo na kapag ‘yung mga anak nila eh malapit nang umiyak dahil walang mahanap na itlog, kaya pati sila eh makiki-hanap na din.

Ang maganda dito sa ginagawa naming Easter Egg Hunting at least sa parte ko eh kahit hindi ako kasali sa paghahanap, ako naman ‘yung taga-tago ng mga itlog. Minsan tinatago ko ito sa mga pinakamahirap hanapin. Kung medyo mabait ako, tinatago ko lang ‘yung mga itlog sa mga suluk-sulok ng bahay, sa upuan ng bisikleta, sa ilalim ng lamesa. Pero kapag tinotopak ako, ibinabaon ko minsan ‘yung mga itlog sa lupa ng mga paso, sa kailaliman ng mga basurahan, sa ilalim ng mabantot na kanal, at sa mga lugar na hindi pa nararating ng mga batang makukulit na kasali sa Easter Egg Hunting na ‘yun. <*ngisi!*>

Bukod pa sa mga nabanggit na ‘yan, napakarami pang mga kaganapan na tuwing Holy Week lang nangyayari. Noong bata pa ako, takot na takot kami ng mga kalaro ko at ingat na ingat kami sa paglalaro tuwing Mahal Na Araw dahil tinatakot kami ng mga nakatatanda na kapag nadapa daw kami at nagkasugat eh hindi ito gagaling dahil walang magpapagaling nito. Patay kasi si Jesus. Ayun, simula nga noon eh kapag ganitong Holy Week, ang mga laro lang namin eh iskul-iskulan, drowing-drowingan, nood-noodan ng cartoons sa VHS, at iba pang mga tahimik at iwas-dapa na laro imbis na ‘yung mga habulan, takbuhan, at iba pang hardcore na laro na nakakapagod. Ewan ko ba kung bakit kami nagpauto noon.

Pangkaraniwan na ang pagpepenitensya tuwing sasapit ang Semana Santa. Pangkaraniwan na rin ang mga penitensyang nabanggit ko kanina. Pero noong bata pa ako, meron din akong nakatutuwang nakaugaliang penitensya o sakripisyo. Mahilig akong maglaro ng basketball noon sa labas at tuwing Semana Santa ay tatlong araw akong hindi naglalaro ng basketball (mula Maundy Thursday hanggang Black Saturday). Maliit na sakripisyo lamang ito na bukal sa aking puso (naks). Malaking sakripisyo sa akin ang hindi paglalaro ng basketball noon. Kasama na kasi sa routine ko ang pagba-basketball dati pero ngayon, alam n’yo na siguro kung ano na ang routine ko. At nakakalungkot lang na bagamat nais kong gawing sakripisyo ang hindi pag-iinternet sa loob ng tatlong araw eh hindi ko ito magawa. Naks plastik.

Magmula Huwebes Santo hanggang Sabado De Gloria eh wala kang mapapanood na ibang palabas noon sa telebisyon kundi mga religious movies tulad ng The Ten Commandments, Jesus Of Nazareth, Noah’s Ark, at iba pa. Pero ngayon, nagpapalabas na ng mga pelikula sa ABS CBN at GMA na wala namang kinalaman sa Mahal Na Araw. Minsan nga eh tuloy pa rin ang kanilang mga programa, special episodes at kung anik-anik. At sa mga panahon ngayon eh uso na ang cable TV at internet kaya hindi na ramdam ang katahimikan na dulot ng Semana Santa.

Naging sakristan ako noong grade six hanggang fourth year high school. Kapag ganitong Holy Week, babad kaming mga sakristan sa simbahan. Bukod kasi sa dami ng mga misa, doon kasi sa simbahan na pinagsisilbihan ko eh kakaunti lang kaming mga sakristan na merong abito (o ‘yung tinatawag namin na “sutana” na sinusuot ng mga sakristan) na kulay itim at pula. Kapag karaniwang araw kasi ay puti ang kulay o ang “liturgical color” na sinusuot, at kapag ganitong Semana Santa eh itim o violet at pula. Sa mga ganitong panahon din eh nararanasan kong magsilbi sa limang beses na sunud-sunod na misa sa umaga, magmula alas singko ng umaga hanggang sa huling misa ng alas nuebe ng umaga. Pagkatapos ay babalik pa ulit kami para magsilbi sa tatlo pang misa sa hapon. But wait, there’s more! Isama pa d’yan ang pagsisilbi sa prusisyon tuwing Mahal Na Araw pagkatapos ng misa na ‘yon. Kaya hindi kataka-taka kung magmukha na kaming mga anghel na tinubuan ng halo sa aming mga bumbunan dahil sa dami ng mga misa na pinagsilbihan namin.

Napag-uusapan na rin lang ang prusisyon, noong bata pa ako eh takot na takot ako sa karwahe ni Jesus na nakahiga at nakaburol. Lalo pa akong natatakot kapag naaamoy ko ‘yung insenso nila. Lagi ko itong naiisip noon sa aking pagtulog. Nawala na siguro ang phobia ko dito noong maging sakristan na ako. Pati ang pagpapa-insenso kasi sa karwahe ng nakahimlay na si Jesus ay kaming mga sakristan na ang gumagawa.

Tuwing Huwebes at Biyernes Santo eh merong prusisyon na dumadaan sa tapat ng bahay ng mga lola ko (bihirang dumaan ang mga prusisyon sa bahay namin dahil malayo). Minsan nga eh nakakabisado na namin ng kapatid ko ‘yung pagkakasunud-sunod ng mga poon sa karwahe. Ang malala pa, naglalaro kami dati ng “prusisyon-prusisyunan”, ‘yun bang kunyari eh mga poon kami na nasa karwahe, with matching props pa ‘yun (halimbawa, magtatalukbong ng kumot ang gaganap na Mama Mary). At ang pinakamalala, bumubuo din kami noon ng mga maliliit na karwahe na yari sa Lego! Ang galing, ‘di ba? Hanep. Ibang klase pala ‘yung mga laro namin noon. Napaka-relihiyoso.

Marami pang mga pangyayari tuwing Semana Santa ang hindi ko nabanggit dito. ‘Yung iba, nakalimutan ko na. Pero iisa lang siguro ang dapat nating tandaan: Ang Semana Santa ay hindi lang panahon ng pamamasyal sa beach at paghahanap sa mga nakatagong itlog kundi paggunita at pagninilay-nilay din sa mga sakripisyo ni Jesus upang tayo ay mailigtas sa mga kasalanan. At ito ang tunay na diwa ng Semana Santa na sana ay ating isapuso.


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...