Wednesday, July 20, 2011

Kilala mo ba ang pinaka-sikat na robot sa balat ng Funny Komiks?

Nakuha ko sa deviantART ang larawang ito.
Isa na siguro ang robot sa pinaka-paborito kong laruan noong bata bukod pa sa laruang tren (o mas kilala sa tawag na tren-trenan para sa mga bata). Sigurado akong walang batang lalake ang hindi nagpabili ng laruang robot sa kanilang nanay noon, s’yempre liban na lang kung isinilang kang may pintig ng pagkababae. Tuwang-tuwa ako kapag nireregaluhan ako ng robot noon. Pakiramdam ko, ang robot ko ang pinakamagandang robot sa buong mundo. Naaalala ko pa noong minsang regaluhan ako ng auntie ko ng isang malaking robot na battery operated noong araw ng Pasko. Naglalakad mag-isa, umiilaw ang mata, bumubukas ang dibdib na parang may maliit na refrigerator, at umiikot ang ulo ng 360 degrees na parang sinapian ng masamang espiritu. Kung tutuusin, alam ko nang robot ang ireregalo nila sa akin noong Paskong ‘yon. Panakaw kasi akong sumisilip sa mga panregalo na pinamili nila sa SM na nakalagay sa ilalim ng hagdanan ng kanilang bahay.

Bukod pa sa laruang robot, hindi mawawala sa isang batang tulad ko na mahilig mag-drawing ng kung anu-ano dati ang ano pa nga ba, kundi ang mag-drawing nang mag-drawing ng robot. Meron akong maliit na notebook noon na naglalaman ng drawing ng mga robot gamit ang iba’t ibang kulay ng ballpen. Merong mga robot na hango sa mga palabas sa telebisyon tulad ng MaskmanTransformersVoltronMegazord (Power Rangers) at Challenge Of The Go-Bots. Merong mga robot na kathang-isip ko lang ang anyo at inimbento ko lang ang pangalan. Meron namang robot na nakikita ko sa mga babasahin, tulad nitong Combatron na nilikha ni Berlin Manalaysay.

Alam kong iilan lang sa inyo dito ang nakakaalam ng Combatron. Sumikat kasi s’ya sa Funny Komiks, isang popular na pambatang babasahin noong dekada nobenta, ang dekada kung saan komiks ang nangungunang libangan ng mga kabataan at ang Family Computer ay ang paboritong video game.

Nagsimula ang istorya ng Combatron kay Empoy, isang batang ulila sa magulang. May isang bumagsak na spaceship na malapit sa puntod ng kanyang mga magulang nang minsang dalawin ito ni Empoy. Dito n’ya nakilala ang orihinal na Combatron at ang asong robot na si Askal. Sila ay nagmula pa sa planetang Omnicron. Ayon kay Combatron, hinahabol sila ng mga kalaban n’yang robot (o cyborg) sa kanilang planeta at maaaring masundan s’ya dito sa daigdig ni Empoy. Dahil naghihingalo na noong oras na ‘yon at nakikita n’yang busilak ang puso ni Empoy, minarapat ng original Combatron na isalin ang kanyang kapangyarihan at armor nito kay Empoy kasama ang kanyang kanang-kamay na si Askal. Magmula noon, naging tagapagtanggol na ng planet earth si Empoy alyas Combatron. Sa madaling salita, mukhang napagdiskitahan lang ang nananahimik na si Empoy noong mga oras na ‘yun.

Astig din ang weapons ni Combatron noon. Meron s’yang Combatron Foot BladesCombatron Hip DiscsTeleported PunchOmega LaserSpace Thunder,Nuclear Eye BeamsGalactic Space Sword, at ang pinakamalakas sa lahat, ang Galactic Phoenix. Meron din s’yang Super Dimensional Sword pero kung pamilyar ka sa palabas noon na Fiveman, malalaman mong ginogoyo lang kita sa puntong ito.

Isa ang Combatron sa mga pinaka-inaabangan kong kuwento sa Funny Komiks noon. Kung katulad mo akong laking Funny Komiks, malamang sasang-ayon ka kapag sinabi kong karamihan sa mga batang lalakeng nagbabasa nito ay inaabangan ang kuwento ng Combatron. Madalas akong mag-drawing ng mga Combatron characters noon. Ilang beses din akong nagpadala ng aking mga drawing na Combatron sa This Is Your Page, isang pitak sa Funny Komiks na nagtatampok sa mga drawing ng mga batang nagpapadala nito sa naturang komiks. Ilang beses rin itong na-reject, katulad ng makailang beses na pagkaka-reject sa isang thesis paper. Minsan, sinaniban ako ng ligaw na kaluluwa at naisipan kong iguhit si Pitit (isang kuwento sa Funny Komiks tungkol sa isang batang pilya) at ‘yun ang pinadala ko sa This Is Your Page. Akalain mong ‘yun pa ang napaskil sa pitak na ‘yun? Putik, nagmukha tuloy babae ang gumuhit ng drawing na ‘yun. Umiyak pa nga ako noon dahil tinukso akong bakla ng kaklase ko noong elementary matapos kong ipakita ang napakaganda kong drawing ni Pitit sa Funny Komiks.

Marami akong dahilan kung bakit ko nagustuhan ang Combatron. Isa na dito ay ang mga kakaiba at astig na pangalan ng mga robot. Kung nakakabasa ka ng Combatron, marahil pamilyar ka sa kahit isa sa bidang robot tulad nina AxelMetalika at Dobbernaut (upgraded version ni Askal), at kinamuhian mo rin ang mga robot na tulad nina AbodawnAlchitranDiacondaQuitusHelveticaBracagonGenocideCentauricusEvolaArmorgeddonCerebellusRoboCop (biro lang), at iba pa. O, ‘di ba parang pangalan lang ng Pokemon? Hindi ko alam kung bakit pero pinakapaborito kong iguhit noon na kalabang robot ay si Galigun, isang alipores ni Death Metal na may missile na nakakabit sa mga balikat. Nagparang idolo ko na rin ito sa mga kalabang robot dahil madalas akong gumagawa ng improvised missile gamit ang mga lumang cartolina at ididikit ko mismo sa aking mga balikat.

Marami mang kalabang robot, wala na sigurong mas sisikat pa sa pinaka-pangunahing kontrabida sa buhay ni Combatron: Si Mega Death. Naaalala ko pa noong unang lumabas si Mega Death sa istorya, sakop nito ang isang buong pahina ng komiks kaya kinailangang magdagdag pa ng isang pahina ang Combatron para maging four (4) pages ito imbis na tatlo lamang. Wais kasi ‘yung gumuhit ng Combatron, marahil alam n’yang popular na ang Combatron noong mga panahong ‘yon kaya’t para sa ikasasaya kuno ng mga bata ay ginawa itong apat na pahina. At magmula nga noon, naging four pages na ang Combatron kahit wala sa eksena si Mega Death.

Paborito rin ng mga kalaro ko noon si Combatron. Lagi silang nagpapabili ng Funny Komiks at madalas kaming naglalaro ng tinatawag na “Combatron-Combatronan” (at halatang pauso lang namin ang larong ito). ‘Yung pinsan ko pang utal-utal magsalita noon, “Bobarton” ang tawag imbis na “Combatron”. Tuwang-tuwa pa kami nang minsang i-feature si Combatron bilang maskara sa likod na pahina ng Funny Komiks. Sa tulong ni inay ay ginupit n’ya ang maskarang Combatron at binigay sa akin. Instant Combatron ako! Problema nga lang dahil lahat kaming magkakalaro ay idol si Combatron kaya lahat kami ay naging instant Combatron.

Hindi ko na matandaan kung kailan ako natigil sa pagbabasa ng Funny Komiks kaya hindi ko na nasubaybayan ang istorya ng Combatron. Balita ko, pumanget na daw ang Combatron sa mga huling issue nito dahil hindi na si Berlin Manalaysay ang gumagawa. Balita ko rin, namatay dito si Combatron. Meron bang nakakaalam dito sa inyo ng ending ng Combatron? Kung meron, i-text lang ang COMBATRON_REACT at i-send sa… biro lang.

Matindi talaga ang impact ni Combatron sa mga kabataang mahilig magbasa noon ng Funny Komiks. Sigurado akong magpa-hanggang ngayon ay meron pa ring tulad ko na nakakaalala at nakaka-miss sa kanya. Sigurado rin akong may ilan pa rin (lalo na sina lolo at lola) ang napapagkamalang gamot laban sa mga bulate sa tiyan ang pinaka-sikat na robot sa Funny Komiks!

Lola: Apo, pakidala mo nga dine ang aking gamot na Combatron.
Apo: Combantrin po ‘yung gamot n’yo, ‘La.
Lolo: Aba apo, ere ba ‘yung sinasabi mong magaling na robot na si Combantrin?
Apo: Grrr… Combatron po, ‘Lo! Galactic Space Sword!!!!! <*tugish! takish!*>


May suggestion lang ako. Bakit kaya hindi na lang ito ang gawing teleserye ng mga higanteng networks ngayon? Imbis na magpatalbugan sila sa paggawa ng mga revivals ng mga ek-ek serye na nalimot na ng panahon at Pinoy adaptation ng kung anu-anong foreign drama series, Combatron na lang ang ipalabas nila, hindi ba? Pinoy na Pinoy pa! At isa pa, hindi na sila mamomroblema sa casting. Ako na mismo ang magbibigay sa kanila ng mga pangunahing magsisiganap (dahil kunyari ay ka-close ko ang big bosses ngABS CBNGMA 7 at TV 5).
  • Nash Aguas/Maliksi Morales/Bugoy Cariño/Zijian Jaranilla as Empoy/Combatron
  • Nash Aguas/Maliksi Morales/Bugoy Cariño/Zijian Jaranilla as Axel
  • Sharlene San Pedro/Xyrel Manabat as Metalika
  • Garry Lim as Askal’s/Dobberanaut’s voice-over
  • Jake Cuenca/Coco Martin as Death Metal
  • Benjie Paras/Bonnel Balingit (in his very promising role) as Mega Death
Halatang "Kapamilya" ako. O kaya kung kulang sa budget, pwede rin sina:
  • Dagul as Empoy/Combatron
  • Mura as Axel
  • Mahal as Metalika
  • isang-talent-na-marunong-mag-iba-iba-ng-boses as Askal’s/Dobbernaut’s voice-over
  • Bentong as Death Metal
  • Owen (sidekick ni Willie Revillame sa walang kamatayang Wil Time Bigtime) as Mega Death
Okay, titigil na ako dahil OA na.

Samantala, tulad ko ay maaari ninyong bisitahin ang website na ito para sa mga lumang episodes ng Combatron. Natapos ko nang basahin lahat  'yan at nag-enjoy ako sa pagbabasa. Pakiramdam ko eh bumabalik ako sa dekada nobenta!

1 comment:

  1. ang galing! hehehe gusto kong robot si voltes 5 (pag binabanggit na yung name na "voltes 5", kelangan may word na matigas na "AH" sa dulo. hehehe

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...