Huwag mong sabihing hindi mo naaalala ‘to dahil kailan lang ito nangyari. Matatanggap ko pa kung isa kang apat na taong gulang pa lamang na nilalang dahil hindi mo talaga maaabutan ‘to, o kung naabutan mo man eh marahil hindi pa hinog ang pag-iisip mo tungkol sa mga ganitong klase ng pagpapahayag ng nararamdaman.
"Happy Balentayms! Mwah mwah tsup tsup!" |
Lovapalooza ang tawag dito. Isa itong pagdiriwang kung saan nagkakaroon ng pagkakataon ang mga magsing-irog, magkakapareha, magkakaibigan, nagliligawan, mag-asawa, at kung sinu-sino pa, na magpahayag ng damdamin sa pamamagitan ng paglapat ng kani-kanilang mga labi na tumatagal ng ilang segundo hanggang sa maramdaman mo na lang na kayo na lang ng kapareha mo ang tao sa lugar na ‘yon at wala nang iba, habang tila umaangat ang inyong mga paa sa sobrang “magical” oink oink ng moment na ito (okay ang drama ko). Karaniwang ginaganap ang Lovapalooza tuwing sasapit ang Araw ng mga Puso at ito ay sponsored ng Close-Up, isang kilalang brand ng toothpaste. Sa pagdiriwang ding ito masasaksihan ang pag-attempt ng Pilipinas na ma-break ang Guiness world record bilang pinakamaraming magkakaparehang naghahalikan nang sabay-sabay, na dati ay record na hawak ng bansang Chile. O, ‘di ba? Nakahalik ka na, magiging parte ka pa ng kasaysayan. Hanep!
Kung ako ang tinatanong ng titulo ng post na ito, ang sagot ko ay hindi. Hindi ako naging parte ng Lovapalooza noon bagamat ilang beses naming pinlano ng magiting kong previous ex-girlfriend ang pagpunta dito, at habambuhay na naging plano ang lahat ng ‘yon.
Taong 2004 nang magsimula ang paanyaya ng Close-Up para sa Lovapalooza. Noong taong din na ‘yon ay single (and ready to mingle) pa kami, tipong nasa “getting to know each other” chuchu pa kami ng ex ko. Sa madaling salita, “strangers” pa ang mga puso naming noon.
Taong 2005 naman nang maganap ang pagdiriwang ng Lovapalooza hindi lang sa buong Kamaynilaan kundi sa buong bansa na pinagtibay ng magkakasabay na halikan o “kissfest” sa mga lugar tulad ng Maynila, Angeles City, Cebu, at Davao. Nitong taon namang ‘to bagamat kami na ay hindi pa rin natuloy dahil nagpasama ang tito n’ya noon (Ang uncle n’ya ang nag-aalaga sa kanya dahil hiwalay ang kanyang mga magulang, na pinalala pa ng pagpanaw ng kanyang nanay), nakalimutan ko lang kung saan sila nagpunta pero parang sa Laguna ata. Pasens’ya na, memory gap.
Taong 2006 naman nang maganap ang “Lovapalooza 3” kung saan bukod sa “halikan party”, nagkaroon pa ng mini concert na kinatampukan ng mga bigating mang-aawit at mga banda. Nagkaroon din ng nakakakilig na proposal of love oink oink sa pagitan ng ilang magkakapareha na nasaksihan ng buong bayan on national television. As usual, hindi ulit natuloy ang balak naming maging parte ng kasaysayan. May duty kasi s’ya noon. Better luck next time ulit ang drama namin. Kung may next time pa.
Eh nagkaroon nga ng next time. Pagpatak ng taong 2007, nakuha muli ng Pilipinas ang Guiness world record na ito na dinaluhan ng mahigit anim na libong magsing-irog sa Lovapalooza Year 4. Pero alam n’yo na siguro kung natuloy ba o hindi ang plano naming ito. Busy na naman kami noon. May duty (o retreat/recollection?) siya noon sa Batangas na tumagal ng ilang araw. Okay, tsaka na lang ulit.
Taong 2008. Ang Lovapalooza ay nakilala na sa tawag na “Lovapalooza Frost Fest” kung saan bukod sa usual na halikan ay namudmod pa ang Close-Up ng diyamanteng kuwintas na tinatawag na “Crystal Frost” sa isandaang masusuwerteng magsyota. Hindi namin habol ang kuwintas na ‘yun, bagkus ang romantic experience na makasama ang isa’t isa habang nagiging parte kami ng kasaysayan. Pero ang taong ito ang pinaka-masaklap na Lovapalooza para sa akin dahil hiwalay na kami noon bagamat parang kami pa rin. Alam n’yo siguro ‘yung pakiramdam na hindi na kayo pero hindi n’yo pa rin matiis ang isa’t isa kaya lumalabas, nagkikita, at nagmamahalan na parang kayo pa rin. Ah basta. Hanep! Landi.
Bukod sa nakasanayang pakikipag-halikan, nagustuhan ko rin ang isang commercial ng Close-Up para sa Lovapalooza noon. Ang eksena: May isang babae at lalake na nakasakay sa tren sa isang malamig na gabi habang sa background naman ay tumutugtog ang awiting “What The World Needs Now Is Love” (What the world, needs now, is love, sweet love, it’s the only thing, that there’s just, too little of…) na orihinal na inawit ng The Carpenters (hindi ko alam kung sino ang babaeng kumanta sa patalastas na ‘yun). Ewan ko ba pero kapag naririnig ko ang awitin na ‘to, original man o revived, eh naiinggit ako at naaalala ko lang ‘yung maka-ilang beses naming pag-attempt na maki-Lovapalooza na nauuwi sa napakaganda at tumataginting na drawing ang lahat.
Bagamat makasaysayan ay naging kontrobersiyal din ang pagdiriwang na ito lalo na sa simbahang katoliko. Hindi daw kasi boto sa ganitong uri ng pagdiriwang si dating Archbishop Teodoro Bacani.
Sa ngayon, wala nang Lovapalooza. Wala nang mapapanood na makasaysayang laplapan ng mga uhaw sa halik. Pero ang pagdiriwang na ito ay nagpapatunay lamang na minsan ay nagkaisa tayo para sa isang hangarin na magpakita ng pagmamahal sa ating kapareha.
Sa kabilang banda, nagpunta ba kayo noon ditto? Baka nasa litrato kayo, hanapin n’yo ang sarili n’yo. Ang daming snails!
Sa kabilang banda (ulit), sino ang uhaw sa halik dito na tulad ko? Pa-kiss naman, tutal Balentaymis naman ngayon. Hihihi. <*nguso!*>
ayun, nahanap din kita! biglang nawala ang rotaire.
ReplyDeletedehins ako nakapunta dyan. mas pangarap kong puntahan ang lollapalooza. \m/
Ay sorry pre hindi pala kita na-inform na nagpalit ako ng URL. Feel ko lang magpalit. Hahaha!
DeleteLollapalooza. Rakenrol \m/\m/