Masarap magluto. Mas masarap kumain. Pinakamasarap kung marunong kang magluto ng gusto mong kainin. May mga taong nasasarapan sa sarili n’yang luto. May mga taong kuntento nang pinagsisilbihan ang mga mahal n’ya sa buhay ng kanyang pinagpagurang putahe. May masarap kumain. May masarap kasabay habang kumakain. Meron ding nagluluto sa loob o labas ng bahay, sa garden, sa parke, sa mall, at syempre, sa eskwelahan. Isa kasi sa requirements lalo na sa Home Economics o Technology And Livelihood Education (TLE) class ay ang pagluluto ng isang putahe base sa iniutos ng guro o kung ano man ang paksa sa subject na ito. Hindi mahalaga kung sanay kang magluto o hindi, kailangan mo lang gampanan ang tungkulin ng isang mabuting estudyante at pag-aralan ang mga bagay na kahit labag sa kalooban mo eh dapat pag-aralan.
Ikaw ang nagluto, iba ang kumain! Naranasan n'yo ba ito minsan sa Home Economics class? (Obviously, walang kinalaman ang litrato sa caption na ito.) |
Una kong naranasan ang pagluluto sa eskwela noong ako ay nasa mga huling taon na sa elementarya, grade five o six. As usual, ginrupo kami ng aming guro, halu-halo ang mga lalake at babae. Kinakailangang magluto ang bawat grupo ng ulam na Pinoy katulad ng menudo, tinola, at iba pa. Hindi ko matandaan kung kami ang mag-iisip ng lulutuin naming putahe o kung magkakaroon ng palabunutan ng putahe. Pero malamang eh palabunutan dahil kung sa amin manggagaling ang kailangang lutuin eh nagprito na lang kami ng galunggong o ng bangus (o ‘di ba Pinoy na Pinoy ang ulam na ‘yan) imbis na sinigang na baboy. Tama ang dinig mo, sinigang na baboy! Elementary pa lang kami at unang beses pa lamang namin na sumabak sa giyera ng kusina pero sinigang na baboy na ang pinaluto sa amin. Pero sabagay, sa tingin ko naman eh madali lang lutuin ang sinigang, sadyang mahirap lang sa mga “virgin” sa pagluluto na tulad namin. At s’yempre toka-toka kami ng mga dadalhing sangkap at kagamitan sa pagluluto. Dahil sa memory gap eh hindi ko na matandaan kung sibuyas ba o chopping board ang dinala ko noon. (At minsan eh hindi ko mapigilang maalala na nagdala ako ng patatas noon kahit alam ko naman dati pa na hindi nilalagyan ng patatas ang sinigang na baboy, ayon sa pagkakaalam ko. Pero s’yempre depende na rin sa panlasa mo kung gusto mong may sahog na patatas ang sinigang na baboy, katulad din ng pagkakaroon ng kalayaang lagyan ng kangkong ang menudo at ng carrots ang tinolang manok.) Nga pala, dito ko rin nalaman na ito palang sinigang ang pinaka-paboritong ulam ng matalik kong kaibigan. Pero s’yempre, wala s’yang kinalaman sa kuwento ko.
Nang makatungtong naman ako ng first year high school, pinagluto naman kami ng mga paboritong panghimagas o desserts. Isang masarap at nakaka-tulo ng laway na Crema de Fruta ang niluto ng grupo namin. Sarap! Pero kung tutuusin eh ito ang pinaka-nakakapagod na putaheng niluto namin sa eskwela. Shortened period kasi kami noon at saktong naabutan na ng uwian ang pagluluto namin kaya sabi ng butihing guro eh ipagpabukas na lang namin ‘yun kaya umuwi na rin kami. Ayos lang naman sa akin ‘yun dahil hindi naman talaga ako ang nagluluto mismo. Pero ‘yung matalinong leader ng grupo namin eh nagpumilit na noong araw rin na ‘yun tapusin ang pagluluto tutal matatapos na daw (kahit hindi pa talaga) kaya naman pinabalik kami sa eskwela. Alam mo ‘yung nasa bahay ka na eh pababalikin ka pa para lang mapa-tsekan sa guro ang niluluto namin? Putik, ang sarap-sarap na ng pagkakaupo ko sa bahay noon habang naglalaro ng Nintendo tapos biglang punta ulit kami ng eskwelahan? Pagkatapos naging mas masaklap pa dahil isang kutsaritang Crema De Fruta lang ang natikman ko! Hindi makatarungan! Pagod na, ampeyr pa!
Pero pinakamasarap na niluto namin eh noong third year high school. Brownies at siopao! Putik ang sarap talaga! Sa totoo lang, ‘yung brownies eh niluto ng kagrupo ng matalik kong kaibigan pero dahil ang dami nilang ginawa na para bang balak nilang pakainin ang buong high school department eh namigay sila sa buong klase. Ang saya ng tanghalian namin noon, may dessert pang brownies! Nang sumunod na araw eh kami naman ang nagluto. Siopao na masarap! Magmula sa dough o tinapay hanggang sa filling o palaman nito, wala kang itatapon sa siopao na ‘to. Kung tutuusin, mas masarap pa nga ‘yung dough kesa dun sa palaman. Dinamihan na din namin ang gawa kaya tiba-tiba kami sa siopao. Putaragis, siopao party kami noon sa tanghaling tapat, ang saya-saya! Pasalamat silang lahat sa notebook ko dahil ako lang ang bukod-tanging nakakuha ng kopya sa recipe ng siopao. (Pabida kunyari.)
Kung noong third year eh pinakamasarap na putahe ang niluto namin, pinaka-masayang pagluluto naman namin siguro eh noong fourth year high school. Bukod kasi sa masarap na homemade pizza (‘yung pizza na gawa lang sa tasty o sa hinating tinapay) ang niluto namin eh masaya pa dahil halos buong hapon kaming nagluto nang sabay-sabay. Alam n’yo naman kapag fourth year eh petiks mode na dahil panay practice na ng graduation, ‘di ba? Bale pizza ang niluto ng grupo namin, ang iba naman eh natoka sa pagluluto ng kwek-kwek, banana cue, at iba pang meriendang Pinoy (teka, hindi naman ata meriendang Pinoy ang pizza, ‘di ba?). Nasabi kong masaya at sabay-sabay kaming nagluto dahil bukod nga sa petiks mode eh doon kami nagluto sa mismong classroom namin. Ang classroom kasi namin noong fourth year eh bale dalawang malaking silid na pinag-isa kaya naman malaki talaga. Kung tutuusin eh dating principal’s office ang room na ‘yun pero ginawa na ring classroom matapos mamatay ‘yung isa sa mga principal doon at nailipat ang opisina ng principal sa kabilang building ng eskwelahan. Bagamat nakakatakot doon (dahil nga may namatay na doon at minsan eh hindi namin maiwasang makaranas ng pagpaparamdam “kuno” bunsod ng aming malilikot na isipan) eh talagang masaya pa rin dahil aakalain mong nasa isang bahay ka talaga. Isipin mo, meron kaming sariling kusina, sariling CR (actually eh pang-lalake lang ang CR na ‘yun kaya kawawa ang mga babae dahil kinakailangan pang pumunta ng kabilang building para umihi), may sarili pang garden at malawak na playground na pinagdadausan ng PE class namin, at meron pang tambayan sa isang malaking bintana with matching libreng panonood sa mga naglalaro ng tennis! (Katabi kasi ng building na ‘yun ang Polo Tennis Club, isang sikat na tennis court sa Polo, Valenzuela. At napapalayo na ako sa paksa kaya ititigil ko na ang kuwento ko tungkol dito.)
Pero kahit gaano man kasarap o kasaya ang pagluluto sa eskwela eh hindi pa rin talaga maiiwasan ang mga hindi inaasahang pangyayari. Nakakapanghinayang kapag hindi mo natikman ang sarili n’yong luto (gaya ng nangyari sa akin noong magluto kami ng sinigang na baboy. Kahit ata sabaw nun eh hindi dumampi sa dila ko. Buti pa ‘yung crema de fruta eh natikman ko kahit isang kutsarita lang).
Dahil sa ganitong suliranin eh kailangan talagang damihan ang pagluluto. Bukod kasi sa hindi ka makakatikim ng sarili n’yong luto eh kinakailangan mo pang pakainin o patikimin bukod sa teacher mo sa subject na ‘yun ang kanyang mga co-teachers/amiga, ang principal, ang mga kaklase at schoolmates mo kahit hindi mo sila kilala, si manong guard, si kuyang janitor, at kung sinu-sino pang bigla na lang lumilitaw na parang palitaw kapag nakakasagap ng balita na may mga estudyanteng nagluluto.
Minsan ang sarap isipin na nakakapagluto ka sa eskwela kahit hindi ka naman talaga nagluluto sa tunay na buhay. Sa pagluluto kasing ito, at least eh natututo kang sumubok ng ibang bagay at dito nakikita ang pagsisikap nating mga estudyante at ang pakikiisa sa iyong mga kagrupo/kamag-aral. At s’yempre, bukod sa nakakabusog na kainan eh nagkakaroon din ng bonding moments at kung anu-anong kwento ang nabubuo at napag-uusapan habang nagluluto.
Tama nga ang sabi nila. Masarap magluto. Mas masarap kumain. At Pinakamasarap kung marunong kang magluto ng gusto mong kainin. Hindi katulad ko na sa buong buhay ko eh iisa lang ang maipagmamalaki kong putahe sa inyo: Ang aking specialty… <*tunog ng tambol*> Plain rice — with ginupit-gupit na dahon ng pandan!
Kainan na!
(Dito ko nga pala nakuha ang larawan.)
No comments:
Post a Comment