Tuesday, February 21, 2012

Nagluto din ba kayo noon ng iba't ibang putahe sa Home Economics class?


Masarap magluto. Mas masarap kumain. Pinakamasarap kung marunong kang magluto ng gusto mong kainin. May mga taong nasasarapan sa sarili n’yang luto. May mga taong kuntento nang pinagsisilbihan ang mga mahal n’ya sa buhay ng kanyang pinagpagurang putahe. May masarap kumain. May masarap kasabay habang kumakain. Meron ding nagluluto sa loob o labas ng bahay, sa garden, sa parke, sa mall, at syempre, sa eskwelahan. Isa kasi sa requirements lalo na sa Home Economics o Technology And Livelihood Education (TLE) class ay ang pagluluto ng isang putahe base sa iniutos ng guro o kung ano man ang paksa sa subject na ito. Hindi mahalaga kung sanay kang magluto o hindi, kailangan mo lang gampanan ang tungkulin ng isang mabuting estudyante at pag-aralan ang mga bagay na kahit labag sa kalooban mo eh dapat pag-aralan.
Ikaw ang nagluto, iba ang kumain! Naranasan n'yo ba ito
minsan sa Home Economics class? (Obviously, walang
kinalaman ang litrato sa caption na ito.)

Una kong naranasan ang pagluluto sa eskwela noong ako ay nasa mga huling taon na sa elementarya, grade five o six. As usual, ginrupo kami ng aming guro, halu-halo ang mga lalake at babae. Kinakailangang magluto ang bawat grupo ng ulam na Pinoy katulad ng menudo, tinola, at iba pa. Hindi ko matandaan kung kami ang mag-iisip ng lulutuin naming putahe o kung magkakaroon ng palabunutan ng putahe. Pero malamang eh palabunutan dahil kung sa amin manggagaling ang kailangang lutuin eh nagprito na lang kami ng galunggong o ng bangus (o ‘di ba Pinoy na Pinoy ang ulam na ‘yan) imbis na sinigang na baboy. Tama ang dinig mo, sinigang na baboy! Elementary pa lang kami at unang beses pa lamang namin na sumabak sa giyera ng kusina pero sinigang na baboy na ang pinaluto sa amin. Pero sabagay, sa tingin ko naman eh madali lang lutuin ang sinigang, sadyang mahirap lang sa mga “virgin” sa pagluluto na tulad namin. At s’yempre toka-toka kami ng mga dadalhing sangkap at kagamitan sa pagluluto. Dahil sa memory gap eh hindi ko na matandaan kung sibuyas ba o chopping board ang dinala ko noon. (At minsan eh hindi ko mapigilang maalala na nagdala ako ng patatas noon kahit alam ko naman dati pa na hindi nilalagyan ng patatas ang sinigang na baboy, ayon sa pagkakaalam ko. Pero s’yempre depende na rin sa panlasa mo kung gusto mong may sahog na patatas ang sinigang na baboy, katulad din ng pagkakaroon ng kalayaang lagyan ng kangkong ang menudo at ng carrots ang tinolang manok.) Nga pala, dito ko rin nalaman na ito palang sinigang ang pinaka-paboritong ulam ng matalik kong kaibigan. Pero s’yempre, wala s’yang kinalaman sa kuwento ko.

Nang makatungtong naman ako ng first year high school, pinagluto naman kami ng mga paboritong panghimagas o desserts. Isang masarap at nakaka-tulo ng laway na Crema de Fruta ang niluto ng grupo namin. Sarap! Pero kung tutuusin eh ito ang pinaka-nakakapagod na putaheng niluto namin sa eskwela. Shortened period kasi kami noon at saktong naabutan na ng uwian ang pagluluto namin kaya sabi ng butihing guro eh ipagpabukas na lang namin ‘yun kaya umuwi na rin kami. Ayos lang naman sa akin ‘yun dahil hindi naman talaga ako ang nagluluto mismo. Pero ‘yung matalinong leader ng grupo namin eh nagpumilit na noong araw rin na ‘yun tapusin ang pagluluto tutal matatapos na daw (kahit hindi pa talaga) kaya naman pinabalik kami sa eskwela. Alam mo ‘yung nasa bahay ka na eh pababalikin ka pa para lang mapa-tsekan sa guro ang niluluto namin? Putik, ang sarap-sarap na ng pagkakaupo ko sa bahay noon habang naglalaro ng Nintendo tapos biglang punta ulit kami ng eskwelahan? Pagkatapos naging mas masaklap pa dahil isang kutsaritang Crema De Fruta lang ang natikman ko! Hindi makatarungan! Pagod na, ampeyr pa!

Pero pinakamasarap na niluto namin eh noong third year high school. Brownies at siopao! Putik ang sarap talaga! Sa totoo lang, ‘yung brownies eh niluto ng kagrupo ng matalik kong kaibigan pero dahil ang dami nilang ginawa na para bang balak nilang pakainin ang buong high school department eh namigay sila sa buong klase. Ang saya ng tanghalian namin noon, may dessert pang brownies! Nang sumunod na araw eh kami naman ang nagluto. Siopao na masarap! Magmula sa dough o tinapay hanggang sa filling o palaman nito, wala kang itatapon sa siopao na ‘to. Kung tutuusin, mas masarap pa nga ‘yung dough kesa dun sa palaman. Dinamihan na din namin ang gawa kaya tiba-tiba kami sa siopao. Putaragis, siopao party kami noon sa tanghaling tapat, ang saya-saya! Pasalamat silang lahat sa notebook ko dahil ako lang ang bukod-tanging nakakuha ng kopya sa recipe ng siopao. (Pabida kunyari.)

Kung noong third year eh pinakamasarap na putahe ang niluto namin, pinaka-masayang pagluluto naman namin siguro eh noong fourth year high school. Bukod kasi sa masarap na homemade pizza (‘yung pizza na gawa lang sa tasty o sa hinating tinapay) ang niluto namin eh masaya pa dahil halos buong hapon kaming nagluto nang sabay-sabay. Alam n’yo naman kapag fourth year eh petiks mode na dahil panay practice na ng graduation, ‘di ba? Bale pizza ang niluto ng grupo namin, ang iba naman eh natoka sa pagluluto ng kwek-kwek, banana cue, at iba pang meriendang Pinoy (teka, hindi naman ata meriendang Pinoy ang pizza, ‘di ba?). Nasabi kong masaya at sabay-sabay kaming nagluto dahil bukod nga sa petiks mode eh doon kami nagluto sa mismong classroom namin. Ang classroom kasi namin noong fourth year eh bale dalawang malaking silid na pinag-isa kaya naman malaki talaga. Kung tutuusin eh dating principal’s office ang room na ‘yun pero ginawa na ring classroom matapos mamatay ‘yung isa sa mga principal doon at nailipat ang opisina ng principal sa kabilang building ng eskwelahan. Bagamat nakakatakot doon (dahil nga may namatay na doon at minsan eh hindi namin maiwasang makaranas ng pagpaparamdam “kuno” bunsod ng aming malilikot na isipan) eh talagang masaya pa rin dahil aakalain mong nasa isang bahay ka talaga. Isipin mo, meron kaming sariling kusina, sariling CR (actually eh pang-lalake lang ang CR na ‘yun kaya kawawa ang mga babae dahil kinakailangan pang pumunta ng kabilang building para umihi), may sarili pang garden at malawak na playground na pinagdadausan ng PE class namin, at meron pang tambayan sa isang malaking bintana with matching libreng panonood sa mga naglalaro ng tennis! (Katabi kasi ng building na ‘yun ang Polo Tennis Club, isang sikat na tennis court sa Polo, Valenzuela. At napapalayo na ako sa paksa kaya ititigil ko na ang kuwento ko tungkol dito.)

Pero kahit gaano man kasarap o kasaya ang pagluluto sa eskwela eh hindi pa rin talaga maiiwasan ang mga hindi inaasahang pangyayari. Nakakapanghinayang kapag hindi mo natikman ang sarili n’yong luto (gaya ng nangyari sa akin noong magluto kami ng sinigang na baboy. Kahit ata sabaw nun eh hindi dumampi sa dila ko. Buti pa ‘yung crema de fruta eh natikman ko kahit isang kutsarita lang).

Dahil sa ganitong suliranin eh kailangan talagang damihan ang pagluluto. Bukod kasi sa hindi ka makakatikim ng sarili n’yong luto eh kinakailangan mo pang pakainin o patikimin bukod sa teacher mo sa subject na ‘yun ang kanyang mga co-teachers/amiga, ang principal, ang mga kaklase at schoolmates mo kahit hindi mo sila kilala, si manong guard, si kuyang janitor, at kung sinu-sino pang bigla na lang lumilitaw na parang palitaw kapag nakakasagap ng balita na may mga estudyanteng nagluluto.

Minsan ang sarap isipin na nakakapagluto ka sa eskwela kahit hindi ka naman talaga nagluluto sa tunay na buhay. Sa pagluluto kasing ito, at least eh natututo kang sumubok ng ibang bagay at dito nakikita ang pagsisikap nating mga estudyante at ang pakikiisa sa iyong mga kagrupo/kamag-aral. At s’yempre, bukod sa nakakabusog na kainan eh nagkakaroon din ng bonding moments at kung anu-anong kwento ang nabubuo at napag-uusapan habang nagluluto.

Tama nga ang sabi nila. Masarap magluto. Mas masarap kumain. At Pinakamasarap kung marunong kang magluto ng gusto mong kainin. Hindi katulad ko na sa buong buhay ko eh iisa lang ang maipagmamalaki kong putahe sa inyo: Ang aking specialty… <*tunog ng tambol*> Plain rice — with ginupit-gupit na dahon ng pandan!

Kainan na!

(Dito ko nga pala nakuha ang larawan.)

Tuesday, February 14, 2012

Naging parte ka ba noon ng malawakang halikan sa Lovapalooza?


Huwag mong sabihing hindi mo naaalala ‘to dahil kailan lang ito nangyari. Matatanggap ko pa kung isa kang apat na taong gulang pa lamang na nilalang dahil hindi mo talaga maaabutan ‘to, o kung naabutan mo man eh marahil hindi pa hinog ang pag-iisip mo tungkol sa mga ganitong klase ng pagpapahayag ng nararamdaman.

"Happy Balentayms! Mwah mwah tsup tsup!"
Lovapalooza ang tawag dito. Isa itong pagdiriwang kung saan nagkakaroon ng pagkakataon ang mga magsing-irog, magkakapareha, magkakaibigan, nagliligawan, mag-asawa, at kung sinu-sino pa, na magpahayag ng damdamin sa pamamagitan ng paglapat ng kani-kanilang mga labi na tumatagal ng ilang segundo hanggang sa maramdaman mo na lang na kayo na lang ng kapareha mo ang tao sa lugar na ‘yon at wala nang iba, habang tila umaangat ang inyong mga paa sa sobrang “magical” oink oink ng moment na ito (okay ang drama ko). Karaniwang ginaganap ang Lovapalooza tuwing sasapit ang Araw ng mga Puso at ito ay sponsored ng Close-Up, isang kilalang brand ng toothpaste. Sa pagdiriwang ding ito masasaksihan ang pag-attempt ng Pilipinas na ma-break ang Guiness world record bilang pinakamaraming magkakaparehang naghahalikan nang sabay-sabay, na dati ay record na hawak ng bansang Chile. O, ‘di ba? Nakahalik ka na, magiging parte ka pa ng kasaysayan. Hanep!

Kung ako ang tinatanong ng titulo ng post na ito, ang sagot ko ay hindi. Hindi ako naging parte ng Lovapalooza noon bagamat ilang beses naming pinlano ng magiting kong previous ex-girlfriend ang pagpunta dito, at habambuhay na naging plano ang lahat ng ‘yon.

Taong 2004 nang magsimula ang paanyaya ng Close-Up para sa Lovapalooza. Noong taong din na ‘yon ay single (and ready to mingle) pa kami, tipong nasa “getting to know each other” chuchu pa kami ng ex ko. Sa madaling salita, “strangers” pa ang mga puso naming noon.

Taong 2005 naman nang maganap ang pagdiriwang ng Lovapalooza hindi lang sa buong Kamaynilaan kundi sa buong bansa na pinagtibay ng magkakasabay na halikan o “kissfest” sa mga lugar tulad ng Maynila, Angeles City, Cebu, at Davao. Nitong taon namang ‘to bagamat kami na ay hindi pa rin natuloy dahil nagpasama ang tito n’ya noon (Ang uncle n’ya ang nag-aalaga sa kanya dahil hiwalay ang kanyang mga magulang, na pinalala pa ng pagpanaw ng kanyang nanay), nakalimutan ko lang kung saan sila nagpunta pero parang sa Laguna ata. Pasens’ya na, memory gap.

Taong 2006 naman nang maganap ang “Lovapalooza 3” kung saan bukod sa “halikan party”, nagkaroon pa ng mini concert na kinatampukan ng mga bigating mang-aawit at mga banda. Nagkaroon din ng nakakakilig na proposal of love oink oink sa pagitan ng ilang magkakapareha na nasaksihan ng buong bayan on national television. As usual, hindi ulit natuloy ang balak naming maging parte ng kasaysayan. May duty kasi s’ya noon. Better luck next time ulit ang drama namin. Kung may next time pa.

Eh nagkaroon nga ng next time. Pagpatak ng taong 2007, nakuha muli ng Pilipinas ang Guiness world record na ito na dinaluhan ng mahigit anim na libong magsing-irog sa Lovapalooza Year 4. Pero alam n’yo na siguro kung natuloy ba o hindi ang plano naming ito. Busy na naman kami noon. May duty (o retreat/recollection?) siya noon sa Batangas na tumagal ng ilang araw. Okay, tsaka na lang ulit.

Taong 2008. Ang Lovapalooza ay nakilala na sa tawag na “Lovapalooza Frost Fest” kung saan bukod sa usual na halikan ay namudmod pa ang Close-Up ng diyamanteng kuwintas na tinatawag na “Crystal Frost” sa isandaang masusuwerteng magsyota. Hindi namin habol ang kuwintas na ‘yun, bagkus ang romantic experience na makasama ang isa’t isa habang nagiging parte kami ng kasaysayan. Pero ang taong ito ang pinaka-masaklap na Lovapalooza para sa akin dahil hiwalay na kami noon bagamat parang kami pa rin. Alam n’yo siguro ‘yung pakiramdam na hindi na kayo pero hindi n’yo pa rin matiis ang isa’t isa kaya lumalabas, nagkikita, at nagmamahalan na parang kayo pa rin. Ah basta. Hanep! Landi.

Bukod sa nakasanayang pakikipag-halikan, nagustuhan ko rin ang isang commercial ng Close-Up para sa Lovapalooza noon. Ang eksena: May isang babae at lalake na nakasakay sa tren sa isang malamig na gabi habang sa background naman ay tumutugtog ang awiting “What The World Needs Now Is Love” (What the world, needs now, is love, sweet love, it’s the only thing, that there’s just, too little of…) na orihinal na inawit ng The Carpenters (hindi ko alam kung sino ang babaeng kumanta sa patalastas na ‘yun). Ewan ko ba pero kapag naririnig ko ang awitin na ‘to, original man o revived, eh naiinggit ako at naaalala ko lang ‘yung maka-ilang beses naming pag-attempt na maki-Lovapalooza na nauuwi sa napakaganda at tumataginting na drawing ang lahat.

Bagamat makasaysayan ay naging kontrobersiyal din ang pagdiriwang na ito lalo na sa simbahang katoliko. Hindi daw kasi boto sa ganitong uri ng pagdiriwang si dating Archbishop Teodoro Bacani.

Sa ngayon, wala nang Lovapalooza. Wala nang mapapanood na makasaysayang laplapan ng mga uhaw sa halik. Pero ang pagdiriwang na ito ay nagpapatunay lamang na minsan ay nagkaisa tayo para sa isang hangarin na magpakita ng pagmamahal sa ating kapareha.
Sa kabilang banda, nagpunta ba kayo noon ditto? Baka nasa litrato kayo, hanapin n’yo ang sarili n’yo. Ang daming snails!

Sa kabilang banda (ulit), sino ang uhaw sa halik dito na tulad ko? Pa-kiss naman, tutal Balentaymis naman ngayon. Hihihi. <*nguso!*>

Tuesday, February 7, 2012

Nagkaroon ka rin ba ng ganitong ka-astig na Game Boy?


Paminsan-minsan ay nasisiyahan ako kapag Physical Education (PE) namin lalo na noong nasa mga unang baitang ako sa elementarya. Hindi ito dahil gusto kong magpakapagod sa kakatakbo at magpatagaktak ng pawis sa paglalaro ng basketball at volleyball. Minsan kasi, pinagdadala ng butihing guro ang mga estudyante ng kanya-kanyang laruan. Marahil naranasan n’yo na rin ‘to noon. Ang saya lang, ‘di ba? At ‘yon ang gusto ko! Hindi kasi ako masyadong aktibo sa mga pisikal na laro noon. Kuntento na ako sa mga “boring” na aktibidades sa oras ng PE. Mas pipiliin ko pang umupo sa isang tabi at panoorin ang mga kaklase ko habang naglalaro ng habulan sa playground, magbasa ng Funny Komiks at magsagot ng puzzles, at makinood at makilaro ng Game Boy sa mga kaklase ko.

Mas matabang Game Boy, mas astig! (para sa akin)
Game Boy. Sino nga bang kabataan ang hindi nahumaling sa video game device na ito? Matapos sumikat ang ilang entertainment system ng Nintendo tulad ng Family Computer at Game And Watch, biglang pumasok sa kukote ni Gunpei Yokoi na bumuo ng panibagong handheld video game device, at ito ay pinangalanan n’yang Nintendo Game Boy. At katulad ng sinaunang handheld video game device na Game And Watch, tinangkilik din ng masa ang Game Boy lalo na ng mga video game addicts. Sa katunayan, nakabenta ang Nintendo ng 118.69 milyong units ng Game Boy sa buong mundo. Ang dami! Ilang daliri kaya ang napudpod sa kapipindot ng mahigit isang milyong piraso ng Game Boy na ‘yon?

Merong iba’t ibang kulay ng Nintendo Game Boy bukod pa sa normal na kulay gray o puti na tulad ng nasa larawan. Kulay itim ‘yung Game Boy ko dati, bagamat mas gusto ko ‘yung transparent, ‘yun bang kita ang pinaka-loob, para bang skeletal type na Game Boy. Kulay itim kasi ‘yung niregalo sa akin ni itay nang minsang mag-birthday ako. Hindi naman ito cellphone na pwedeng palitan ng housing kahit ilang beses mong gustuhin kaya, ayos na rin. At least meron na akong Game Boy na dati ko lang nakikita sa mga kaklase ko. Pero hindi lang ito ang mga kulay ng Game Boy noon. Meron ding neon, silver, gold, maroon, ROYGBIV – lahat na! Kaya ang saya ng merong Game Boy!

Matapos kong magpakalulong sa Family Computer noon, sunod na pinagdiskitahan ng nanggigigil kong mga daliri ang Game Boy. Ang dami kong bala noon, pero ang kauna-unahan kong bala na kasama ng nabiling Game Boy ng tatay ko eh ‘yung Pinocchio’s Adventure. Para s’yang style Super Mario, bagamat iba pa rin ang kamandag ni Mario. Ang laro nito ay base sa mismong cartoons kung saan napunta sa isang carnival si Pinocchio (sa isang level ay sasakay sa roller coaster si Pinnochio), at nang kainin si Lolo Geppetto ng isang higanteng balyena (sa isang level naman ay kailangang hanapin ni Pinocchio ang gasera para masunog ang bituka ng balyena nang makalabas sila mula sa bunganga nito). Kung hindi mo napanood ang animated film na Pinocchio at kung hindi mo alam ang istorya nito eh hindi mo talaga maiintindihan ang sinasabi ko.

Bukod sa Pinocchio, meron din akong bala ng Looney TunesStreet FighterDr. Mario, at iba pa. Pero karamihan sa mga bala ko ay ‘yung pang-maramihan, ‘yun bang tipong “17,257,494-in-1” na tinatawag. At sa bawat bala kong ‘to, hindi mawawala ang all-time favorite game ko, ang Super Mario. Meron akong isang bala, magsasawa ka sa dami ng Super Mario, iba’t ibang version, may Super Mario 64Super Mario’s Six Golden CoinsSuper Mario LandSuper Mario And FriendsSuper Mario To The InfinitySuper Mario Oink Oink, at iba pa. Ito siguro ang pinakapaborito kong bala noon.

Pero bukod sa sangkatutak na Super Mario, paborito ko rin ‘yung bala ko na may tatlong version ng Yu Yu Hakusho (Ghost Fighter) na laro. Ganda di ba? Kaya gustung-gusto ko ‘yung bala kong ‘yun. Kaso putik noong humiram ‘yung kabarkada ko eh. Nagtaka ako kung bakit mag-iisang buwan na eh hindi pa rin n’ya sinosoli gayong ang paalam n’ya sa akin eh two weeks lang n’ya hihiramin. ‘Yun pala naiwala na n’ya! Kung hindi pa kami pumunta sa bahay nila para gumawa ng isang project eh hindi pa n’ya sasabihin na nawawala. Ang cute pa naman noon kasi may maliit na reset button sa mismong bala ‘yun. Minsan eh naaninag ko ‘yung sampayan nila ng damit na may nakasampay na bala ng Yu Yu Hakusho, pero pinapatuyong rubber shoes lang pala. Ganyan ko minahal ang balang ‘yun, umabot pa sa puntong nag-hahalucinate ek-ek ako. Punyemas! Kainitan pa noon ng Ghost Fighter sa GMA 7 at ako lang ‘yung bukod tanging may ganoong bala sa klase namin kaya ang daming humihiram noon. Ako naman itong mabait na utu-uto at nagpapahiram sa kanila. Pati nga ‘yung scientific calculator ko eh pinahiram ko sa isang estudyante noong high school, at hindi na rin nakabalik sa akin. Sinabon tuloy ako ng tatay ko noon. (Napapalayo na ata ang kwento ko.)

Mahal na mahal ko ang Game Boy ko dati. Lagi ko itong dinadala kapag nagta-travel kami ng pamilya noon lalo na sa BaguioCorregidor at Sagada. Hinding hindi rin ito mawawala sa mga bagahe ko kapag Field Trip namin. (At sa puntong ito, bigla kong naalala ‘yung kaklase kong payatot noong elementary na pinsan ko rin. Damang dama n’ya kasi ang paglalaro ng Game Boy, umaangat angat pa ang kanyang matulis na pwet kung nakaupo na para bang nagmamaniobra ng sasakyan kapag pumipindot. Tawa kami nang tawa sa kanya!)

Nagpabili pa ako ng ilaw na ikinakabit sa tuktok ng Game Boy para maging maayos ang paglalaro nito kahit sa madilim na lugar (wala kasing backlights noon ang ganitong klase ng Game Boy). Inaaway ko pa ang kapatid ko noon kasi madamot ako at ayokong magpahiram nito noong bago pa lang. Nagpabili din tuloy s’ya ng Game Boy sa nanay ko, Colored pa!

Nagkaroon pa ng maraming version ang Nintendo Game Boy. May Nintendo Game Boy Color na ni-released noong 1995, Nintendo Game Boy Pocket noong 1996, Nintendo Game Boy Light noong 1998, at Nintendo Game Boy Advance SP noong 2003.

Bagamat sa palagay ko eh mas aksaya sa battery ang classic na Game Boy dahil hindi pa sikat ang rechargeable battery noon, wala pa ring papalit sa sinauna at classic kong Game Boy na kahit mahirap dalhin dahil sa sobrang bigat, masaya naman paglaruan dahil sa dami ng bala nito, kahit ‘yung iba eh paulit-ulit lang at sa pangalan lang nagkaiba. (Halimbawa: “Super Mario” na naging “Ultra Mario”“Street Fighter” na naging “Super Fighter”“Bomber Man’s Adventures” na naging “Bomber Boy’s Adventures”, at iba pang trademark ng pamimirata ng mga Hapon.)

At na-miss ko tuloy ang yumao kong Game Boy. <*sniff!*>

Wednesday, February 1, 2012

Meron ka bang Good Morning Towel, ang pambansang bimpo ng mga Pilipino?


Noong Araw ng Kalayaan ng taong 2010 ay naisipan kong magsulat sa isang blog ko, na batang bata pa noon, ng tungkol sa mga pambansang simbolo ng Pilipinas at ang ilan pang pwedeng idagdag na trip-trip lang para sa akin. (Naisip kong idagdag ang balut bilang pambansang street food, ang Juan dela Cruz bilang pambansang pangalan, kape bilang pambansang inumin, at kung anu-ano pa. Halatang trip-trip lang talaga, sa makatuwid.) Naisip ko ngayon na maaaring idagdag sa listahan na ‘yan ang Good Morning Towel bilang pambansang bimpo ng Pilipinas.

Litrato ng pambansang bimpo ng mga Pilipino na nadampot
ng inyong lingkod habang naglalakbay sa Google Images
“Good morning”. Sa wikang Tagalog, “magandang umaga”. Pero taliwas sa kanyang pangalan, hindi lang sa umaga maaaring gamitin ang Good Morning Towel. Sa katunayan, kapag sinabing tatak o brand ng tuwalya, automatic nang papasok sa isip natin ang Good Morning Towel sa kahit anong panahon. Kahit sino ang makita mo ay may nakasukbit na Good Morning Towel sa kanyang balikat. Pagod na pagod si Manong sa paglalako ng kanyang taho kaya’t naisipan n’yang punasan ang kanyang tumatagaktak na pawis gamit ang Good Morning Towel. Merong nakapulupot na Good Morning Towel sa mga kamay ni Kuyang Construction Worker habang naghahalo ng semento para hindi ito magsugat habang gumagamit ng pala (sensitive ang magagandang kamay ni Kuya). Nginatngat ng daga ang pambugaw ng langaw ni “Manang Tindera sa palengke” na yari sa plastik pero buti na lang at dala n’ya ang mahiwagang Good Morning Towel kaya naman ito ang ginamit n’yang pambugaw ng langaw sa kanyang mga itinitinda. Pustahan tayo, meron din kayong ganitong klase ng bimpo sa bahay n’yo noon, o kahit ngayon eh meron pa rin kayong natatagong Good Morning Towel sa inyong inaanay na aparador.

Hindi ko alam kung anong kamandag may taglay ang ganitong klaseng bimbo at kung bakit popular ito sa ating mga Pilipino. Kung pagbabasehan ang towel na ‘to, kung tutuusin ay hindi naman talaga s’ya ganoon kaganda. Naghihimulmol pa kapag medyo naluluma na. Kapag pinampunas mo ito eh para kang nagpunas sa isang onion paper dahil sa nipis ng tela. ‘Yung ibang Good Morning Towel (o lahat?) eh nagkukupas na, siguro dahil sa kalumaan, katulad nung sa amin na aakalain mong plain white towel na may dalawang asul na linya na lang dahil wala na ‘yung pulang “Good Morning” at sulat Intsik na naka-print. At sa pagkakaalam ko, iisa lang ang available na kulay nito.

Ilang beses ko na ring nakikita ang Good Morning Towel bilang biktima sa exchange gifts tuwing sasapit ang masayang Christmas Party sa eskwelahan. Kung hindi man personalized mug, picture frame, notebook na artista ang nasa cover, lapis na Bensia, o pigurin ni Santa Claus at reindeers o ng elepante, ang bimpo na ‘to ang kadalasang laman ng mga regalo sa party. Mura kasi, at dahil sobrang mura, kinakailangan pang bumili ng ilang piraso ng tsokolate at kendi para lang umabot sa quota ng exchange gift fee. Mabuti na lamang at hindi ako nakaranas makatanggap ng ganito tuwing Christmas Party noon.

Ito pa ang isang pagtatapat: Ang buong akala ko, ang Good Morning Towel ay isang uri ng bimpo na may taglay na natural na bango. Paano ba naman kasi, lahat ng Good Morning Towel ng mga kaklase ko noong elementary sa PE eh mababango, ‘yun pala nilalagyan lang nila ng pabango ‘yun. Akala ko tuloy ganon ang lahat ng Good Morning Towel sa buong sansinukob. Isang Good Morning Towel lang ang sinumpa ko, ‘yung pagmamay-ari nung kaklase kong may putok! Kumapit sa bimpo n’ya ‘yung kamandag, hanep!


Kung sinuman ang nakaisip na gumawa ng ganitong klaseng bimpo eh hanga ako sa kanya. Biruin mo, sino ang mag-aakalang sisikat ang manipis na towel na ‘to sa Pilipinas? Bagamat meron pang mas matibay na bimpo na mabibili sa merkado, ang Good Morning Towel ay nariyan pa rin at nananatiling isa sa mga simbolo ng pagiging matiyaga ng mga Pilipino sa anumang trabaho.

Sa kabilang banda, meron bang nakakaalam kung ano ang basa sa sulat Intsik na nasa Good Morning Towel? At ano ang nais ipahiwatig ng numerong “96” sa gitna nito? Kung alam n’yo ang sagot, i-text lang ang GMT <space> ang inyong sagot <space> signature at i-send sa 23666 para sa pagkakataong manalo ng isang kahon ng kupas na Good Morning Towel. Brought to you by Good Morning Towel. Bimpo mo, bimpo ko, bimpo nating lahat! (Pilit na pilit ang pagpapatawa.)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...