Thursday, January 6, 2011

Artista Notebook at Cattleya: Kaagapay ng mga estudyante noon

Ang notebook ay isa sa mga pinaka-importanteng kagamitan ng mga estudyante sa eskwela lalo na sa elementarya. Dito kasi natin isinusulat ang lahat na itinuturo ng magiting nating guro. Dalawa siguro sa pinaka-popular na kwaderno ng isang estudyante noon ay ang artista notebook na kung saan may larawan ng sikat at jologs na artista ang cover nito na tulad nina Jolina at Marvin, Judy Ann Santos, Angel Locsin at kung sinu-sino pa, at ang Cattleya notebook kung saan naging popular ito dahil sa kanilang spiral notebook na meron nang plastic cover kapag binili. S’yempre hindi rin mawawala sa listahan ang mga Class Mate Composition Notebooks na may pambatang design at cartoon characters sa harap at ang papel nito ay may matatabang space sa bawat linya.

Noong elementary ako, pinababalutan sa amin ng aming guro ng art paper ang bawat isang notebook na ito, depende sa subject. Sa madaling salita, meron kaming color coding sa bawat asignatura. Ilan lamang sa mga ito ay ang mga sumusunod:
  • yellow for Language/English
  • orange for Filipino
  • green for Reading 
  • red for Mathematics
  • sky blue for Science
  • brown for Sibika/Hekasi
  • white for Religion/Christian Living
  • black for Spelling
  • violet for Writing
  • pink for MAPEH
  • yellow gold for Hele/Home Economics
  • gift wrapper for Computer
  • dark blue for Assignment (meron kaming assignment notebook noong elementary)
O ‘di ba, ang arte ng school namin noon? Ganito rin ba kayo? At noong grade 1 ako ay madalas kong sinisira ang art paper na cover nito para lang makita ko o masilip kung sino ang artista o cartoon character na nasa original cover ng notebook kong ito. Kaya lagi akong napapagalitan ni inay dahil gusgusin ang notebook ko noong grade 1. Nagpakahirap nga naman si inay na balutan ang notebook pagkatapos sisirain ko lang, ‘di ba?
 

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...