Thursday, January 13, 2011

Grocery pushcarts: Sumasakay ka ba dito noong bata?

Maaaring isa sa pinakamasarap na dahilan ng pagiging bata noon ay ang pagsasama sa atin ng ating mga magulang o nakatatanda kung saan man sila magpunta. Kapag magsisimba, lagi nila tayong isasama (kahit hindi natin naiintindihan ang purpose ng pagsisimba noon). Kapag pupunta sa mall, lagi nila tayong isasama (kahit alam nilang magtuturo tayo nang magtuturo ng kung anu-anong laruan). Kahit sa grocery, lagi nila tayong sinasama. Madalas nila tayong inilalagay sa loob ng pushcart habang naggo-grocery. Pero minsan kahit kakaunti lang ang bibilhin ay pushcart pa rin ang kukunin imbis na isang maliit na basket lang, maisakay lang tayo sa pushcart. Ikaw? Nasubukan mo na ba ang ibang klaseng road trip na dulot ng pagsakay sa pushcart?

May naiisip akong maaaring dahilan kung bakit tayo inilalagay sa loob ng pushcart at unang una na d’yan ay para hindi tayo maglikot habang namimili sila. Kung hindi man tayo inilalagay sa pushcart ay tinatakot tayo na kapag nakabasag ng mga paninda ay tayo mismo ang gagawing pambayad at iiwan tayo doon sa Supermarket habambuhay! (Putik dito ako takot na takot noon kaya napakabait kong bata kapag nasa grocery ako, lalo na kapag nasa babasaging section.) Maaari ding para maiwasan ‘yung pag-akay sa atin sa loob ng grocery kaya tayo inilalagay sa loob. At iba pa.

Pero noong bata ako, hindi ko nakaugaliang sumakay sa loob mismo ng pushcart. Sinakay ako dito isang beses pero hindi na naulit. Takot ako at baka biglang masira ang pushcart, pagbayarin pa kami ng mahal. Biro lang, basta takot lang ako dun. Mas gusto ko pang sumasakay sa ilalim nito. Oo, sa ilalim mismo ng pushcart, kasya ako dun. Minsan naman ay ako ang taga-tulak (tunog adik) ng pushcart at taga-kuha ng kailangang bilhin. Paminsan-minsan din ay sa unahan ako sumasabit imbis na sa ilalim na para bang lalakeng sumasabit sa jeepney.

Sa ngayon, hindi na ako nakakasama sa pag-grocery. At kung mag-grocery man, ako na lang mag-isa. At syempre, hindi na ako sumasakay sa pushcart.

2 comments:

  1. Hello po,

    Nong bata ako? Naku, hindi mahilig si mama sa mga push cart... Iyong plastic basket lang ang gamit niya...To be honest...college na ako nakasakay niyan kapag naggo-grocery kami nang mga roomates and boardmates ko... Nakalaya rin ako sa basket ni mama.. heheh..

    ReplyDelete
  2. ako naman, dun ako sa ilalim sumasakay.... ahaha... di ako kasya dun sa taas nung bata ako. ^^

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...