Wednesday, January 26, 2011

Tinuruan ba kayong manahi sa eskwela noon?

Isa na siguro sa pinaka-hassle sa eskwela ay ‘yung pag-aaral ng mga bagay na hindi ka na nga interesado, kailangan mo pa ring pag-aralan. Katulad na lamang ng pananahi. Madalas na tinuturo ito sa Home Economics na subject. Kung iisipin natin, sino nga ba sa klase ang may pangarap maging modista o sastre balang araw? Siguro merong ilan sa mga kaklase natin, pero hindi din. Ikaw, natuto ka ba talagang manahi noong bata sa subject na ito o katulad mo akong sa lola at nanay ko pinagawa ang nakakainis na proyektong ito?

Unang una sa listahan ng pag-aaral manahi ay ang pagkakaroon ng kaalaman sa iba’t ibang uri ng tahi o ‘yung tinatawag na “different kinds of stitches”. Elementary ako noon nang matuto akong gumawa sa kapirasong retaso ng running stitch, back stitch, chain stitch, Lilo and stitch, at kung anu-ano pa. Sa palagay ko, ito lang ‘yung pananahi na ginawa kong mag-isa. Kahit sali-saliwa ang tahi ko ay naipasa ko pa rin naman ng maayos sa butihin naming guro.

Tumuntong ako ng high school. Nag-level up din ang pananahi sa eskwela. Sunod na ginawa namin ‘yung punda ng unan o pillow case. Naaalala ko noon, kulay mint green ang ginamit kong tela. Dito na rin kami nagsimulang gumamit ng sewing machine. Akala ko mapapabilis na ang pananahi ko pero hindi pala. Lalo lang bumagal dahil sobrang hirap gamitin ng sewing machine. Ang resulta, pinagawa ko ang project kong ito sa kapatid ng lola ko (Ano nga ba ang tawag sa kapatid ng lola?) na may sewing machine sa bahay nila. Medyo mababa ang grado ko dito dahil hapit na ako nang ipagawa ko ito. Ang ganda pa naman ng tela ko, kumpleto pa ako ng gamit sa pananahi tapos nakakaiyak lang ‘yung naging grado ko. Ang design nga pala ng punda ko ay may pangalan lang na “Alden” sa gitna with matching dalawang flowers. Punda para sa mga lalake.

Sumunod naman ‘yung paggawa namin ng short. Oo, short as in salawal. Isa pa itong bangungot sa akin. Noong una ay hindi ko alam na salawal pala ang gagawin namin. Ang nipis ng dinala kong tela nooon. May design na <*hindi ko alam ang tawag sa esign na ‘yun, basta ‘yung design na madalas makita sa mga panyo*>. Kinalaunan, natapos ko naman ang pananahi ng salawal. Hindi ko nga lang maisuot dahil walang garter at wow sa nipis. Madali pang mawarak dahil tahing kamay lang at hindi kasi pwedeng gamitan ng makina. Kaya ginawa na lang naming basahan dito sa bahay.

And last but not the least, tinuruan din kami kung paano mag-gantsilyo! Eto na ang pinaka-grabeng bangungot sa lahat. As usual, kumpleto ako ng dinalang gamit pagpasok. Dalawa pa nga ‘yung kulay ng yarn na dinala ko, isang blue at isang green. Pero as usual ulit, pinagawa ko sa nanay ko ang project na ito. Pasensiya na at wala akong maikukwento tungkol dito dahil wala talaga akong natutunan sa pag-gantsilyo. Gusto ko na rin siyang kalimutan kasama ng lahat ng paksang sumasakop sa pananahi.

Naisip ko lang, sino kaya sa mga kaklase ko noon ang naging modista o sastre at nai-apply ang kanyang mga natutunan sa pananahi?

Saturday, January 22, 2011

Dirty ice cream: Isa sa pinaka-paboritong pagkaing kalye

Maraming klase ng street foods o mga pagkaing kadalasang inilalako sa kalye. Fishballs, ice scrambles, manggang hilaw, at iba pa. Ilan lamang iyan sa mga halimbawa. Pero isa na siguro sa pinaka-popular ang dirty ice cream. Sigurado ako, kahit sino ang tanungin mo ay nakakain na ng ice cream na inilalako sa kalye.

Ano nga ba ang pagkakaiba ng dirty ice cream sa normal na ice cream? Bukod sa may kalakip na alikabok ng lansangan at mapagpala at pinagpapawisang kamay ni Manong Sorbetero, mabibili mo ang dirty ice cream sa mura at kayang-kayang halaga. Naaalala ko noon, sa halagang dalawang piso ay meron ka nang dirty ice cream na nakalagay sa isang maliit na apa. Pinagbabawalan pa kaming kainin ‘yung dulo ng apa dahil marumi daw ‘yun at hinawakan kasi ni Manong. Meron ding dirty ice cream na nakalagay sa isang plastic cup (na kadalasan ay kulay berde o dilaw) at may kasama pang wooden scoop kaya kung ikaw ang tipo nung kumakain na ninanamnam pati ang pangsubo ay malalasahan mo talaga ang kahoy na ito. At meron ding dirty ice cream na sa malaking apa naman nakalagay at nagkakahalaga lamang ng limang piso. Oo, five pesos lang ang pinakamahal na dirty ice cream noon. Halos magkapareho lang ng minimum fare noon. Isipin mo, sa halagang sampung piso pala eh makakabyahe ka na, makakapagmeryenda ka pa ng ice cream. ‘Yun nga lang, wala nang uwian kasi wala ka nang pamasahe pauwi. Atsaka hindi ka naman siguro babyahe para lang kumain ng dirty ice cream.

Anu-ano ang kadalasang flavors ng sorbetes? Normal na sa mga ito ang flavors na tulad ng cheese, ube, at syempre, ang kakaibang sipa ng chocolate, Chok-Nut style. Napatanong ako, bakit kaya hindi sila gumawa ng dirty ice cream na tulad ng cookies and cream, coffee crumble, at iba pa? Sa tingin ko, mukhang kaya naman eh.

Naaalala ko noong bata pa ako, minsan pagkatapos ng eskwela ay diretso na kami sa labasan para bumili ng sorbetes kay manong. Nasabi kong minsan lang, kasi madalas namang dumadaan ang karo ng sorbetes ni manong sa lugar namin noon. Kapag narinig na namin ang kalembang ng karo ni Manong ay lalabas na kami para bumili ng “Pag-Asa Ice Cream” (Ito ‘yung nakalagay sa harapan ng karo ni Manong na ang basa naming magpipinsan dati ay “Palasan Ice Cream”, hango sa lugar na Palasan kung saan gawa ang ice cream na ito.)

Masarap talagang kumain ng ice cream ng Selecta, Magnolia at Arce Dairy. Pero minsan ay hahanap-hanapin ng panlasa mo ang ice cream na nabibili sa kalye, ang ice cream na may kasamang usok ng sasakyan, ang ice cream na sariling atin.

Thursday, January 13, 2011

Grocery pushcarts: Sumasakay ka ba dito noong bata?

Maaaring isa sa pinakamasarap na dahilan ng pagiging bata noon ay ang pagsasama sa atin ng ating mga magulang o nakatatanda kung saan man sila magpunta. Kapag magsisimba, lagi nila tayong isasama (kahit hindi natin naiintindihan ang purpose ng pagsisimba noon). Kapag pupunta sa mall, lagi nila tayong isasama (kahit alam nilang magtuturo tayo nang magtuturo ng kung anu-anong laruan). Kahit sa grocery, lagi nila tayong sinasama. Madalas nila tayong inilalagay sa loob ng pushcart habang naggo-grocery. Pero minsan kahit kakaunti lang ang bibilhin ay pushcart pa rin ang kukunin imbis na isang maliit na basket lang, maisakay lang tayo sa pushcart. Ikaw? Nasubukan mo na ba ang ibang klaseng road trip na dulot ng pagsakay sa pushcart?

May naiisip akong maaaring dahilan kung bakit tayo inilalagay sa loob ng pushcart at unang una na d’yan ay para hindi tayo maglikot habang namimili sila. Kung hindi man tayo inilalagay sa pushcart ay tinatakot tayo na kapag nakabasag ng mga paninda ay tayo mismo ang gagawing pambayad at iiwan tayo doon sa Supermarket habambuhay! (Putik dito ako takot na takot noon kaya napakabait kong bata kapag nasa grocery ako, lalo na kapag nasa babasaging section.) Maaari ding para maiwasan ‘yung pag-akay sa atin sa loob ng grocery kaya tayo inilalagay sa loob. At iba pa.

Pero noong bata ako, hindi ko nakaugaliang sumakay sa loob mismo ng pushcart. Sinakay ako dito isang beses pero hindi na naulit. Takot ako at baka biglang masira ang pushcart, pagbayarin pa kami ng mahal. Biro lang, basta takot lang ako dun. Mas gusto ko pang sumasakay sa ilalim nito. Oo, sa ilalim mismo ng pushcart, kasya ako dun. Minsan naman ay ako ang taga-tulak (tunog adik) ng pushcart at taga-kuha ng kailangang bilhin. Paminsan-minsan din ay sa unahan ako sumasabit imbis na sa ilalim na para bang lalakeng sumasabit sa jeepney.

Sa ngayon, hindi na ako nakakasama sa pag-grocery. At kung mag-grocery man, ako na lang mag-isa. At syempre, hindi na ako sumasakay sa pushcart.

Sunday, January 9, 2011

Magandang Tanghali Bayan: Minsan nating naging kasalo sa pananghalian

“Naughty at kalog, sexy at bilog. Pilyo at pasok, kontra sa antok. Hayop sa papremyo, apaw sa gulo. Puro makulit, todo ang kilig. Dito sa MTB, magkita-kits tayo. Dito sa MTB, isang barkada tayo. Dito sa MTB, sakyan mo lang pare ko. Dito sa MTB, pamilya lahat tayo!”

“Huwag kang kukurap, bogchi’y kay sarap. Tawang ‘di bitin, laging in na in. Tanghaling tapat, game na game lahat. Pag pumapalpak, lublob ang katapat. Dito sa MTB, magkita-kits tayo. Dito sa MTB, isang barkada tayo. Dito sa MTB, sakyan mo lang pare ko. Dito sa MTB, pamilya lahat tayo!”


Pamilyar ka ba sa mga linyang nabasa mo? Meron pa nga ‘yang isang malakas at makabasag-pinggang tili ng “Magandang Tanghali Bayaaaaaaaan!!!!!” ni Garry Lim sa bandang huli. Ang mga ito ay ang dalawang version ng theme song ng Magandang Tanghali Bayan o MTB.

Ang Magandang Tanghali Bayan ay isang sikat na noontime show sa ABS CBN hosted by Randy Santiago, John Estrada at ang bilyonaryo na ngayong si Willie Revillame, kasama pa ang ibang hosts at naging parte ng show na sina Roderick Paulate, Amy Perez, Christine Jacob, Vanessa del Bianco, Edu Manzano, Ai-Ai De Las Alas, Bayani Agbayani, Bentong, at marami pang iba. Tumagal ang pang-tanghaling programa na ito sa dos ng anim na taon, magmula 1998 hanggang 2004. Nakilala ang noontime show na ito dahil sa tatlong beses nitong pagre-reformat, magmula Magandang Tanghali Bayan, hanggang Masayang Tanghali Bayan, hanggang sa MTB: Ang Saya Saya, hanggang sa maging MTB: Ang Lungkot Lungkot (dahil doon na sa puntong ‘yon nag-take over ang phenomenal at kontrobersyal na Wowowee).

Minsan ding sumikat ang Magandang Tanghali Bayan dahil sa kanilang mga palaro. Sino nga ba ang hindi makakalimot sa Ano Ka, Hilo? kung saan paiikutin ang contestant hanggang sa mahilo at patatawirin sa isang makitid na tawiran papunta sa pinaglalagyan ng jackpot money nang hindi bumabagsak? Isa pang pa-contest ay ‘yung Sa Pula, Sa Puti, Tanggal Ang Mali kung saan kinakailangan lang pumili ng mga manlalaro kung sa pula ba sila o sa puti at pa-swertihan kung saang kulay matatapat ang mahiwagang roleta. Ang Winner Take All na parang isang quiz show hosted by the unbeatable tandem (naks) of Kuya Dick at Amy Perez. Ang MTBGO na sabi ng ilan ay ginaya sa game show ng GMA 7 na Gobingo. Ang Munting Miss U at Japorms na photocopy ng Little Miss Philippines at That’s My Boy! ng Eat Bulaga. Ang Wansa Funny Taym na isang nakatutuwang weekly skit ng MTB barkada. At syempre, nariyan din ang Hulabira na paunahang makahula ng mystery word at kapag hindi nahulaan ay may “pieshot” on the face na matatanggap ang talunang team (hango naman ito sa Bulagaan segment ng EB). At marami pang iba.

Bagamat marami nang nagdaang pa-contest at segments sa show na ito, wala pa rin sigurong makakatalo pa sa segment nila na Pera O Bayong. Sa sobrang popular nito, naisapelikula pa ito noon. At kahit matagal nang wala sa ere ang MTB ay nagpatuloy pa rin ang Pera O Bayong sa pumalit na noontime show na Wowowee. Naging mas kontrobersyal pa nga ang “Pera O Bayong Wowowee edition” dahil sa dayaan issue diumano! (Bagamat naging usap-usapan rin noon na ang segment na ito ay ginaya sa classic na programa ni Pepe Pimentel na Family Kuarta O Kahon.)

Umabot ang kasikatan ng MTB hanggang sa aming klase. Merong tatlong magkakaibigan sa section namin noon na binansagang BBG o short for Bayani (Agbayani), Bentong at Garry (Lim) dahil sa pagiging kengkoy at islapstik (putek islapstik daw oh) nito sa oras ng biruan. Meron pang magkakaibigan sa amin na tinawag namang Randy, John at Willie dahil sa pagiging malibog ng mga ito. Matatandaang isa sa “memorable moments” ng show na ito ay ang ilang beses na pagkakasuspinde ng tatlo lalo na ni Willie dahil sa mga pilyong jokes na may double meaning. Naalala ko tuloy ‘yung kanta ni Willie dati na “Ang Cute ng Pokemon”. Minsan ring umiyak at nagdrama si Willie sa harap ng camera nang suspindihin silang tatlo dahil sa pambabastos daw nila diumano kay Mahal. Live pang nangyari ito at hindi taped! Pansamantala rin noong pinalitan ang MTB ng Esep-Esep, hango sa popular na bukambibig ni Amy Perez sa segment na Pera O Bayong. Hindi na nag-Esep-Esep pa ang staff, matapos ang ilang araw na pagkakasuspinde ng MTB ay ibinalik sila kaagad sa ere. Hindi kinagat ng mga manonood ang kanilang pag-e-Esep-Esep.

Taliwas sa mahinang suportang natanggap mula sa taumbayan ng kanilang sinundang noontime show na ‘Sang Linggo nAPO Sila, kinagat ng madla ang MTB. Sa katunayan, ilang beses silang naghari sa noontime slot. Marami tuloy noon ang nagsabi na ito na ang katapusan ng karibal nilang programa na Eat Bulaga. Pero sabi nga ni Joey de Leon sa isang Star Awards for TV noong kasikatan ng segment na Ano Ka, Hilo?: “Pwede ninyong gayahin ang mga palaro ng Eat Bulaga. Pero ‘yung papalitan ninyo ang isang institusyon na tulad ng Eat Bulaga… Ano kayo, hilo?!” <*sabay applause at hiyaw ng audience*>

Thursday, January 6, 2011

Artista Notebook at Cattleya: Kaagapay ng mga estudyante noon

Ang notebook ay isa sa mga pinaka-importanteng kagamitan ng mga estudyante sa eskwela lalo na sa elementarya. Dito kasi natin isinusulat ang lahat na itinuturo ng magiting nating guro. Dalawa siguro sa pinaka-popular na kwaderno ng isang estudyante noon ay ang artista notebook na kung saan may larawan ng sikat at jologs na artista ang cover nito na tulad nina Jolina at Marvin, Judy Ann Santos, Angel Locsin at kung sinu-sino pa, at ang Cattleya notebook kung saan naging popular ito dahil sa kanilang spiral notebook na meron nang plastic cover kapag binili. S’yempre hindi rin mawawala sa listahan ang mga Class Mate Composition Notebooks na may pambatang design at cartoon characters sa harap at ang papel nito ay may matatabang space sa bawat linya.

Noong elementary ako, pinababalutan sa amin ng aming guro ng art paper ang bawat isang notebook na ito, depende sa subject. Sa madaling salita, meron kaming color coding sa bawat asignatura. Ilan lamang sa mga ito ay ang mga sumusunod:
  • yellow for Language/English
  • orange for Filipino
  • green for Reading 
  • red for Mathematics
  • sky blue for Science
  • brown for Sibika/Hekasi
  • white for Religion/Christian Living
  • black for Spelling
  • violet for Writing
  • pink for MAPEH
  • yellow gold for Hele/Home Economics
  • gift wrapper for Computer
  • dark blue for Assignment (meron kaming assignment notebook noong elementary)
O ‘di ba, ang arte ng school namin noon? Ganito rin ba kayo? At noong grade 1 ako ay madalas kong sinisira ang art paper na cover nito para lang makita ko o masilip kung sino ang artista o cartoon character na nasa original cover ng notebook kong ito. Kaya lagi akong napapagalitan ni inay dahil gusgusin ang notebook ko noong grade 1. Nagpakahirap nga naman si inay na balutan ang notebook pagkatapos sisirain ko lang, ‘di ba?
 
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...