Tuesday, December 13, 2011

Naniniwala ka ba kay Santa Claus?



Isa si Santa Claus (o San Nicholas) sa mga pinakasikat na characters tuwing sasapit ang Kapaskuhan. Ang mataba, pulang-pula at balbasaradong mama na ito na ayon sa marami ay naninirahan sa North Pole ay paboritong paborito lalo na ng mga bata dahil sa pamimigay niya ng iba’t ibang regalo, pagkain, laruan, damit, at iba pa. Sulatan mo lang siya tungkol sa gusto mong hilingin at ibibigay niya sa iyo sa Pasko, basta’t magpakabait ka lang. Sabi nga sa isang popular na awitin, “He’s making a list and checking it twice. Gonna find out who’s naughty or nice. ~Seniklos~ is coming to tooown…”.

"Seniklos is comin' to town..."
Kung pagbabasehan natin ang ating mga nakikita, maaaring may Santa Claus nga sa mundong ito. Pero ang magpunta si Santa Claus sa isang lugar na tulad ng Pilipinas, naniniwala ba kayo? Kami ng utol ko, naniniwala dati. Pinalaki kasi kami ng aming mga magulang na pinapaniwala sa aming meron ngang Santa Claus na namimigay ng mga regalo sa Pasko. Kaya naman noong bata pa kami ay Pasko ang pinakamasayang araw na aming inaabangan sa pagtatapos ng bawat taon. Oktubre pa lamang ay nagkakabit na kami ng Christmas Tree sa bahay at pagsapit pa lang ng buwan ng Nobyembre ay gumagawa na kami ng liham upang sa pagdating ni Santa Claus sa bahay namin (Oo, sa bahay mismo namin!) sa bisperas ng Pasko ay makita niya ito at ibigay ang aming mga mumunting kahilingan.

Hindi naman kami binibigo ni Santa Claus. Ilan sa mga binigay niya sa akin sa mga nagdaang Pasko ay notebook na may Walt Disney design, NASA rocketship, higanteng flying helicopter, magic coloring book, 64 pieces ng Crayola crayons, hard bound book na pop-up (‘yung kapag binuksan mo ay parang 2D ‘yung image na nagpa-pop-up, basta hehe), Matchbox toys na nakalagay sa asul na mala-maletang bag na yari sa tela (hindi ko makalimutan ito), Tagalized Mickey Mouse comics na colored (naaalala ko ito, may nabibiling ganito dati. Ngayon wala na), at ang makapangyarihang Power Penz na isa sa pinakapaborito kong bagay na ibinigay sa akin ni Santa Claus. Ang huli kong natanggap na regalo mula kay Santa Claus noong dose anyos ako (Opo, grade 6 na ako ay naniniwala pa rin kami ng utol ko kay Santa Claus) ay ang bisikletang may dalawang maliliit na gulong sa gilid panggabay sa mga hindi pa marunong magbisikleta ng dalawahan ang gulong at personalized face towel na may burda ng pangalan ko.
Ang inyong lingkod habang nagbubukas ng regalong bigay ni "Santa Claus"

Isa rin sa mga pinaniwalaan namin noon ay ang pagiging mahilig ni Santa Claus sa Coca-Cola. May commercial kasi dati sa TV na umiinom ng Coke si Santa Claus na binigay ng batang lalake at bilang ganti ay tinupad niya ang wishlist ng batang ito sa araw ng Pasko. Kaya naman bago kami matulog sa bisperas ng Pasko ay naglalagay na rin kami ng ilang Coke in can sa ilalim ng Christmas Tree kasama ng aming liham bilang paghahanda sa pagdating ng isang bisitang mula pa sa North Pole na ini-expect namin na pumapasok ng bahay namin taun-taon.

Tanong ninyo siguro kung paano nakakapasok si Santa Claus sa bahay namin. May duplicate key kasi siya. ‘De, biro lang. Pinaniwala kami ng aming mga magulang na may magic na taglay si Santa Claus at mula sa langit ay sa bubong ito dumadaan papasok ng bahay namin na saktong saktong sa Christmas Tree pa mismo luma-landing. (‘Di kaya akyat-bahay gang ‘yun? Joke.)

Pero minsan ay dumating ang pagkakataong natuklasan namin ng utol ko ang katotohanan sa likod ng misteryong ito. Nalaman naming sina itay at inay lang pala ‘yung Santa Claus na namimigay sa amin ng regalo sa Pasko. Sila mismo kasi ay umamin sa amin nang minsang tanungin namin sila kung meron ba talagang Santa Claus na nagpupunta sa bahay. Hindi man sila sumagot ay halata sa kanilang mga bungisngis ang pagsasabi ng katotohanan at realidad ng tungkol sa Kapaskuhan. Sabi pa nila, ganito raw ang dapat naming gawin sa magiging anak namin at kapag nagkaroon na ng tamang pag-iisip ay sabihin na ang katotohanan tungkol kay Santa Claus.

(Makikita sa ikalawang larawan ang regalong NASA rocketship na kasalukuyang binubuksan ng isang cute na cute na batang nagngangalang Alden (LOLJK). Sa gawing kanan ko ay ‘yung giant flying helicopter at sa kaliwa ko naman ay ang napakaganda kong si inay. Nasa background naman ang Christmas Tree namin. At pagmasdan ninyo, may bentilador sa likod! ‘Yan ‘yung Rota Aire na bentilador. Hehe.)

Friday, December 2, 2011

Nagbabasa ka ba noon ng "mainit-init" na Pupung?


Sa tuwing dumarating ang rasyon ng Manila Bulletin ng lola ko sa bahay nila noong bata pa ako, bukod sa Liwayway Magazine at Funny Komiks na laging kasama ng diyaryo tuwing Martes at Biyernes, dalawa o tatlong pahina lang nito ang binubuksan ko — ang TV guide at movie guide (kahit hindi pa ako mahilig manood ng sine noon), at ang comics section. Hindi ko naman binabasa lahat ng comics doon. Nilalaktawan ko ‘yung iba lalo na ‘yung mga ingles dahil hindi ko pa naiintindihan. Pero sa dinami-dami ng comics doon, tanging ang Pupung comic strip lamang ang talagang nagustuhan ko. Enjoy na enjoy ako sa kababasa nito sa diyaryo araw-araw at nangarap ako na sana eh magkaroon ng isang libro na naglalaman ng compilations ng lahat ng Pupung comic strips na ito.

Isang ordinaryong oras ng recess o breaktime ng pagiging estudyante ko bilang grade three noon nang meron akong mapansin na pinagkakaguluhan ng mga kaklase ko sa may ‘di kalayuan. Meron pala silang binabasang libro na pag-aari ng isa naming classmate na matalino at tinutukso naming “kuwago” dahil malaki ang mata. Naisipan kong maki-usyoso sa kanila. Pagtingin ko, nasabi ko na lang sa sarili ko na mukhang pamilyar sa akin ‘yung binabasa nila. Sinilip ko ‘yung cover. May malalaking letra na kulay pula: P-U-P-U-N-G, kasunod ang kasing laking numero na “2”“The Best Of Pupung 2”Pupung! Wow! Tuwang tuwa ako noon! Parang natupad ang pinaka-aasam asam ko na magkaroon ng compilation ng Pupung. Nagpabili agad ako nito sa nanay ko pagkauwi. At simula nga noon ay naging masugid na tagasubaybay na ako ng Pupung comic strip compilation.

Ang dakilang Pupung collection ng inyong lingkod
(At d’yan nagwawakas ang aking kuwento. ‘De, biro lang. Hindi pa nga ako nagsisimula eh. Matulog ka muna ulit.)

Ang Pupung ay isang comic strip na nilikha ng kartunistang si Tonton Young. Nagsimula bilang “My Little Pupung”, ito ay regular na lumalabas sa tabloid naTempo noong 1983. Matapos patalsikin si dating pangulong Ferdinand Marcosnoong 1986, lumipat si Tonton Young sa Manila Bulletin kasama ang kanyang comic strip na tinawag nang “Pupung”.

Umiikot ang istorya ng Pupung kay Pupung, isang batang may kulot na buhok (pero hindi salot dahil mabait siya, pakialamero lang). Kasama rin sa kanilang mga tauhan sina Lolo Dom na kahit matanda na’y mahilig pa rin sa chicks, si Lelong na tatay niLolo Dom at mas mahilig sa chicks, si Inday o Day na helper ng pamilya at mahilig sa pagkain, si Jordan na unanong houseboy sa lugawan at matalinong cook na laging inaasar si Day sa kanyang katabaan at katangahan, si Dad na tatay niPupung at anak ni Lolo Dom (“Dad” talaga ang pangalan), at si Larry Bird na isang madaldal at alaskador na parrot.

Siguro kung natupad ‘yung pangarap ko dati na magkaroon ng Pupung The Movie o kaya Pupung TV Series, bagay na bagay sina Zaijan “Santino” Zaranilla bilang siPupungRuby Rodriguez bilang si DayDagul (o kaya si Noel “Ungga” Ayala para old fashioned) bilang si Jordan, at ang namayapang si Babalu bilang si Lolo Dom. Pero hindi na importante ‘yun dahil hindi naman natuloy. Tsaka opinyon ko lang naman ‘yun dahil fan talaga ako ng Pupung noon at gusto kong makapanood sa sinehan ng Pupung The Movie. Kung ‘yung Pugad Baboy nga eh nagkaroon ng TV Series noong mid 90s, dapat nagkaroon din pati ang Pupung.

Karaniwang istorya ng Pupung ay mga simpleng asaran at tipikal na paglalaro-laro ng iba’t ibang mga salita o “wordplay”. Pero ang pinakasikat ay ‘yung may halong paghahalintulad sa isang tao, hayop, o bagay. Sa huling frame ng isang comic strip ng Pupung ay karaniwang mababasa ang mga pangungusap na “Nagmukhang <pangalan ng artista> si Lolo Dom!”, o kaya “Ngek! Nagparang <pangalan ng bagay o hayop> si Day!”.

Simple, malinis at pambata. ‘Yan ang estilo ng pagpapatawa (brand of humor) niTonton Young at ng Pupung pero nakakapagbigay ng saya lalo na kung mababaw ang kaligayahan mo. Kaya masasabi din na ang Pupung ay isang comic strip na ginawa para sa lahat, pero mas naaangkop ito sa mga bata (at isip bata).

Naglabas ang Pupung Company ng sampung (10) compilation ng Pupung comic strips at makikita ito sa larawan. Nang mag-migrate si Tonton Young sa US of A ay medyo natigil na rin ako sa pagbabasa nito dahil hindi na rin ako gaanong nagandahan sa Pupung at medyo paulit-ulit na ang humor. Pero dahil naging koleksiyon ko ito, kinumpleto ko pa rin ito hanggang sa huling Pupung compilation na “Pupung 0”, na lumabas nitong 2008.

Halos magkasabay lang na naglabas ng comic strip compilation ang Pupung at angPugad Baboy. 1991 nang ilabas ang kauna-unahang compilation ng kumpare ni Tonton na si Pol Medina Jr., ang “Pugad Baboy One”. Nang sumunod na taon ay gumaya si Tonton Young at nilabas ang “The Best Of Pupung”. Ginawa pang colored ang comic strip ng Pupung simula noong taong 2000 upang mas makahakot ng maraming mambabasa. Pero sa tingin ko eh ito na ‘yung simula ng pagkaka-ungos ng Pugad Baboy. Naging bago kasi sa panlasa ang atake at estilo ng pagpapatawa ni Pol Medina Jr. sa Pugad Baboy kaya naman mas nagustuhan ito ng mamamayan (naks tunog makabayan).

Kung inaakala n’yong sa comic strip lang ‘yung lugawan nina Pupung eh nagkakamali kayo dahil meron talagang Pupung’s Lugawan sa may Vito Cruz na pagmamay-ari ni (teka, hindi ko pa nga pala alam kung sino ang may-ari ng lugawan na ‘yon. Si Tonton Young siguro). Ewan ko lang kung buhay pa ‘yung lugawan na ‘yon dahil hindi pa ako nagagawi ng Vito Cruz. Dati gusto kong subukan na kumain doon. Inaaya ko ang mga magulang ko pero malayo daw sa amin ‘yun. Kaya nagtiis na lang ako sa lugawan na malapit sa simbahan dito sa aming lugar, ang Nena’s Lugawan. Masarap din naman at eat-all-you-can pa minsan. At tulad ni Pupung at ng Pupung’s Lugawan ay institusyon nang maituturing ang Nena’s Lugawan dito sa lugar namin.

Tuwing uwian naman noong grade four ako eh kami ng isa kong kabarkada ang laging nahuhuling umuwi sa buong klase namin. Tumatambay pa kasi kami sa may gilid ng simbahan para magbasa ng Pupung na dala-dala ko. Kapag dumilim na eh hinihiram na lang n’ya ito at sa bahay na lang nila ipinagpapatuloy ang pagbabasa. Ewan ko ba kung bakit hindi s’ya nagpabili ng Pupung noon. Ang sabi n’ya kasi eh magpapabili rin s’ya. Okay, hindi na importante ito.

Lumalabas pa rin ang Pupung sa Manila Bulletin hanggang ngayon pero minsan ay puro replay na lang (parang programa sa telebisyon). Kamusta na kaya si Mr. Tonton Young? Gumagawa pa rin kaya s’ya ng Pupung comic strips o nagtitinda na lang ng lugaw sa Amerika? Tsaka kamusta na kaya ‘yung barkada kong nanghihiram ng Pupung sa akin sa gilid ng simbahan? Nakabili na kaya s’ya ng sariling kopya ng Pupung? Eh ‘yung kaklase kong kuwago, kamusta na rin kaya? Balita ko eh may crush daw sa akin ‘yun eh (Nakita ko kasi sa autograph/slumbook noon nakalagay “Who is your crush? <pangalan ng basketball player> and Alden”. Okay, nasabi ko lang, bihira lang ‘yun eh. Naks, ang haba ng tutsang ko).

Kamusta na rin kaya si Pupung? Siguro kung tunay na tao man siya eh malamang binata na s’ya at malagong malago na na parang bulbol ang lugawan business n’ya.

Friday, November 25, 2011

Nakatikim ba kayo ng classic ice cream ng Magnolia Flavor Of The Month?


Ice cream na siguro ang isa sa mga pinakakilalang panghimagas saan mang sulok ng mundo na walang pinipiling panahon. Sino nga bang mag-aakala na ang isang simpleng pagkain na gawa sa iba’t-ibang pinatigas at pinalamig na mga sangkap ay magiging paborito ng mga bata at matanda, may ngipin o wala, tag-init man o tag-lamig? Dito sa Pilipinas ay madalas nilalako ang pagkaing ito. Ang pagkuliling ng ice cream cart ni Mamang Sorbetero habang naglalakad sa maalikabok at mausok na lansangan habang bilad sa init ng araw sa buong maghapon ay naging dahilan kung bakit nakasanayang tawagin ang nilalakong pagkain na ito bilang dirty ice cream. Kung mga tatak ng ice cream naman ang pag-uusapan, kilala d’yan ang SelectaNestleBen & Jerry’sConey Island (naaalala ko ‘to, wala nang ganito ngayon), at Magnolia.
Sa ngayon, tatlong kompanya ng ice cream ang sikat sa ating bansa: SelectaNestle, at ang Magnolia. Tinatag noon pang taong 1925, ang Magnolia Dairy Ice Cream ay nakilala noon sa mga hindi pangkaraniwang flavor ng ice cream na malimit ay iba’t-ibang prutas tulad ng avocado, macapuno, buko salad, buko pandan, at fruit salad (lahat na ng prutas!). 
Sumikat ang Magnolia dahil sa kanilang Flavor Of The Month, isang special edition ice cream na inilalabas sa bawat buwan (kaya nga tinawag na Flavor Of The Month). Buwan-buwan ay naglalabas ang kompanya ng isang hindi pangkaraniwang flavor ng ice cream na s’yang pumapatok sa panlasa ng mga Pilipino. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit buwan-buwan ay bumibili tayo ng galun-galong ice cream. Kung sabagay, sa estado ng mga presyo ng bilihin ngayon eh malamang abot-kaya pa sa bulsa ang isang galon ng ice cream at hindi ka pa mamumulubi kahit ilang galon pa ang bilhin mo.
Noong unang panahon ay bihira pa lang dito sa Pilipinas ang ice cream flavors na tulad ng Banana SplitCoffee CrumbleCookies And CreamDouble DutchSweet Corn, at iba pa. Pangkaraniwang flavor ng ice cream noon ang chocolate, vanilla, strawberry, ube at ang mga tipikal na Pinoy favorites tulad ng keso, mango, at ang mga nabanggit ko kanina sa ikalawang talata (sana nabasa mo ‘yun dahil hindi ko na uulitin. Belat. Biro lang).
Magnolia's Golden Nangka Fiesta: Mag-aamoy langka
ang iyong hininga!
Bilang halimbawa, makikita sa larawan sa kanan ang isang May edition ng Flavor Of The Month ng Magnolia, at ito ay binansagan nilang Golden Nangka Fiesta. Okay, hindi ko alam ang nilalaman ng ice cream na ito at kung ano ang lasa nito dahil Flavor Of The Month ito noon pang May 1980. At noong mga panahong ‘yon, hindi pa ako tao at nasa “ligawan” stage kuno pa lamang ang aking mga magulang. Pero kung pagbabasehan ang nasa larawan, mukha s’yang fruit salad na puro langka lang siguro ang sangkap. Kung ganito man nga ‘yun, malamang ay maumay ka nang lubusan lalo na kung hindi ka mahilig sa langka dahil mukhang magkakaroon ng isang masayang fiesta ng mga langka sa iyong lalamunan.

Sa ikalawang larawan naman ay makikita ang isa pang hindi pangkaraniwang edisyon ng Flavor Of The Month ng Magnolia. Oo, tama ang tingin mo, Chico nga ‘yan. Marahil pangkaraniwan na sa atin ngayon ang ganitong formula, ‘yun bang ginagawang ice cream ang isang prutas. Pero ibahin mo ang chico flavored ice cream na ito dahil special edition ito noon pang 1954 – ang panahong isang napakasosyal at mala-ginto kung ituring ang presyo ng isang kilalang brand ng ice cream. At noon ding mga panahong ‘yan ay binubuo pa lamang ng aking mga lolo’t lola ang aking mga magulang.
"Amoy chico na ako... *hic*!"
Hindi na bago ang ganitong flavor ng ice cream ngayon. Kung napanood mo noong nakaraang summer vacation ang isang episode ng programang Kapuso Mo Jessica Soho sa GMA 7, tinalakay doon ang mga bagong klase ng ice cream o sorbetes na gawa sa mga katutubong prutas at gulay ng Pilipinas tulad ng kaimito, chesa, gabi, kalamansi, at kalabasa.
Paminsan-minsan ay may mga pagkakataong binabagay ng Magnolia ang Flavor Of The Month sa kung ano ang napapanahon. Halimbawa, kung panahon ngayon ng saging eh banana flavor o kaya may kaunting sipa ng saging ang gagawin nilang Flavor Of The Month. Minsan naman ay may kinalaman sa okasyon ang Flavor Of The Month. Halimbawa, ano ang mga popular na pagkain tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan? Ilan sa mga ito ang fruitcake, queso de bola, fruit salad, kastanyas, at iba pa, kaya ang pangkaraniwang Flavor Of The Month tuwing sasapit ang Disyembre ay cheese flavor, fruit salad, o chestnut flavor. (Hanep. Bakit ba ako nagpapaliwanag?)
Ang isa pang maganda sa Magnolia ay ‘yung lalagyan o containers nila ng ice cream. Gawa ito sa plastic pero masasabi kong “easy to open” ang kanilang mga sisidlan. Hindi mo na kailangan pang mag-exert ng effort sa pagbubukas sa takip ng Magnolia ice cream, hindi tulad ngayon na kinakailangan pang masugatan ang daliri para lamang mabuksan ang kalahating galon ng ice cream na merong nakalagay na “pull” sa gilid ng mga takip nito (karaniwan itong makikita ngayon sa mga galon hindi lang ng Magnolia kundi pati na rin ng Selecta. Dali, tingnan n’yo. Hehe). At maganda ring i-recycle ang container nito dati dahil bilog na bilog, maluwang at wala pang lubak ang ilalim na bahagi.
Nagtataka lang ako kung bakit inalis na ng Magnolia ang kanilang Flavor Of The Month. Masarap pa namang mag-eksperimento paminsan-minsan at maglabas ng iba’t-ibang uri ng ‘di pangkaraniwang flavor ng sorbetes. Hindi ba sila masaya kapag buwan-buwan ay inaabangan ng mga tao ang kanilang Flavor Of The Month? O kung meron pa nito, bakit hindi ko na sila nakikita sa merkado? O baka wala na s’ya talaga dahil hindi na sapat ang mga sangkap na kagulat-gulat? O baka hindi na nila ito masyadong pinagtutuunan ng pansin dahil hindi na kagulat-gulat ang mga klase ngayon ng sorbetes? Gaya na lang sa ibang bansa, ginagawa nang ice cream ang tinta ng pusit, spaghetti, bacon, beer, caviar – pati viagra eh hindi pinatawad! Demontres na ‘yan. Siguro eh hindi na ako magugulat kung minsan isang araw eh bigla na lang umusbong sa mga suki nating tindahan ang condom flavor na ice cream. O baka mamaya pati ang mga gamot at energy drinks ay gawin na ring ice cream. Humanda na kayo saBiogesic ice cream (si Pareng John Lloyd ang endorser s’yempre), Solmux ice cream, Immodium ice cream, Alaxan “if-ar” ice cream (dagdag na naman sa katakut-takot na endorsements ni Manny Pacquaio), at Cobra o Sting ice cream. (Ganito pala ang pakiramdam ng isang linggong hindi nakakakain ng ice cream, nagiging sabaw sa kuwento.)

Thursday, November 10, 2011

Naaalala mo pa ba ang World Youth Day 1995?


“For God so loved the world, He gave us His only Son. Jesus Christ our Savior, His most precious one. He has sent us His message of love and sends those who hear to bring the message to everyone in a voice loud and clear. Let us tell the world of His love. The greatest love the world has known. Search the world for those who have walked astray and lead them home. Fill the world’s darkest corners with His light from up above. Walk every step, every mile, every road, and tell the world, tell the world of His love.”


Ang nabasa mo ay lyrics ng kantang “Tell The World Of His Love” na sinulat ni Trina Belamide at opisyal na inawit nina Jeff Arcilla at Raquel Mangaliag. Lagi naming kinakanta ‘yan sa eskwelahan noon pagkatapos ng aming recess—with matching action pa! Bale volunteer lang naman kung sino ang gustong kumanta sa harapan ng klase, at walang problema kung solo ka, duet kayo, trio o kaya naman eh buong klase ang sabay-sabay aawit sa harapan nang sintunado at hindi sabay-sabay ang action na parang mga batang kindergarten na nag-iintermission sa stage. Wala namang premyo o hindi naman nagbibigay ng karagdagang grado ang guro namin pero hindi ko alam kung anong hiwaga meron ang kantang ito at lahat kami ay napapa-volunteer. Automatic ‘yun, walang mintis! Minsan naman eh ni-record namin sa VHS tape ‘yung pag-awit namin ni utol ng kantang ‘yan. Bibo kasi kami noong bata at makapal pa ang mukha kong umawit sa harap ng maraming tao.


Sa mga hindi nakakaalam, ang awiting ito ay official theme song ng World Youth Day na ginanap dito sa ating bansa noong taong 1995. Natanong mo siguro kung ano ang World Youth Day. O kung hindi man eh ipagpalagay na nating natanong mo nga kaya sasagutin ko. Ehem. Ang World Youth Day ay isang pagdiriwang ng Simbahang Katoliko na dinaluhan ng ilang mga kabataan mula sa iba’t ibang bansa sa pamumuno ng yumaong Santo Papa, si Pope John Paul II. Nagsasama-sama ang “pilgrims” sa iba’t ibang panig ng mundo upang makibahagi sa mga kultura ng iba’t ibang bansa bilang Katoliko. Kadalasan ay may ginaganap na misa sa lahat ng Simbahang Katoliko sa buong Pilipinas mula Enero 10 hanggang 15, at ang finale ng World Youth Day ay isang misa sa Luneta na dinaluhan naman ng mahigit limang milyon (Hindi limandaan, hindi limang libo, li-mang-mil-yon! Sa pagkakaalam ko eh televised ang misang ‘yun. Putik, ang daming bumbunan sa telebisyon nun!) katao. Ito ang naging pinakamalaking pagtitipon kasama ng Santo Papa o “Papal gathering” sa kasaysayan ng Romano Katoliko. Sabi ng ilan, mas madami pa ito kesa mga dumalo noong EDSA People Power 1.

Ang World Youth Day noong 1995 ay ang pangalawang pagkakataon na bumisita si Pope John Paul II dito sa Pilipinas. Una s’yang nagtungo dito noong taong 1981. Ang pagbisita ng Santo Papa sa ating bansa noon ay naging malaking balita hindi lang dito kundi pati na rin sa buong mundo. Nakakatuwang panoorin ang Santo Papa habang magiliw na ini-entertain ang mga kabataan. Nag-eexhibition pa s’ya noon gamit ang kanyang baston! Pinapaikut-ikot n’ya ito sabay hiyaw ng mga tao ng “John Paul II, we love you!”. Hindi ko makalimutan ang chant na ‘to. Sa katunayan, nagparang LSS na sa akin ‘yun. Ang sarap pakinggan ng pagkakaisa ng buong mundo habang sinisigaw ang mga katagang ‘yan. “John-Paul-II! <*drum beats*> We-love-you! <*drum beats*> John-Paul-II! <*drum beats*> We-love-you! <*drum beats*>”. Paulit-ulit. Minsan din s’yang gumamit ng lenggwahe natin sa misa kaya naman napamahal sa atin ang Santo papa.

Televised ang World Youth Day noong 1995 at ang Kapuso Network GMA 7 (na Rainbow Satellite pa ang monicker noon) ang official TV network nito. Hindi man ako nakapunta sa Luneta noon pera ang saya-saya ko noong World Youth Day! Bakit? Paano kasi, isang linggong walang pasok noon! Isang malaking yehey! Kaya maghapon ako doon sa bahay ng paborito kong tita. Pagkatapos nilang manood ng coverage nito, kasunod na ang paglalaro ko ng Family Computer nang wantusawa! Elementary pa lang ako noon pero hindi ko na sasabihin kung anong grade ako nun dahil ayoko lang. Hehe.
Kapag nababanggit ang World Youth Day, lagi kong naaalala ‘yung laruang bilyar namin dati. Alam n’yo ‘yung laruang ‘yun? Ito ‘yung maliit na version ng billiards na yari sa plastik at halos mas malaki lang ng kaunti sa chopping board, may spring ‘yung pinaka-tako n’ya, sinliit lang ng holen ang mga bola at madalas ay nabibili sa palengke. Ang tawag kasi ng kapatid ko (na musmos pa lang noong mga panahong ‘yon) sa cue ball doon ay “Pote” (pronounced as “Powt”, parang “Pope” John Paul). Kulay puti kasi ang cue ball at napapanood n’ya sa live coverage ng World Youth Day na laging naka-kulay puti si Pope John Paul II. Kapag naglalaro kami ng mini billiards na ‘yun at biglang pumasok sa butas ‘yung cue ball, sasabihin sa akin ni utol, “Ay, kuya pumasok sa butas si Pote!” at kapag nakailang beses na kami ng tira pero wala pa ring pumapasok na bola eh sasabihin n’ya, “Masakit na ang pwet ni Pote!”. At dahil ako ay isang taong 29,000 ft. below sea level ang kaligayahan eh madalas bumenta sa akin ang statement na ito ni utol.
Walong taon ang nakalipas matapos ang makasaysayang World Youth Day dito sa ating bansa, plano sana muling bumisita ni Pope John Paul II sa ikatlong pagkakataon dito para sa “World Meeting of Families” noong taong 2003. Subalit dahil sa kanyang problema sa kalusugan, pinayuhan s’yang huwag na lamang ituloy ang pagbiyahe. Namatay si Pope John Paul II noong Abril 2, 2005 sa edad na 84.
At muli ko na namang narinig sa aking isip ang theme song ng World Youth Day. <*magkakahawak-kamay habang itinataas unti-unti*> “Tell the wooooorld… Of His loooove…!” <*dahan-dahang ibababa ang kamay sabay bitaw at pahid sa damit dahil pasmado ang kamay ng naka-holding hands!*>

Tuesday, October 25, 2011

Naglalaro din ba kayo ng bolang gawa sa tulo ng mga kandila?


Ngayong nalalapit na naman ang Undas, marami na naman sa atin ang magpupunta ng sementeryo upang dalawin ang mga namayapa nating mahal sa buhay. Kasama na sa ating pagdalaw ang pagdadala ng mga bulaklak, panlinis ng nitso, at kung anu-ano pa, at s’yempre hindi mawawala ang kandilang ititirik natin dito.

"Ipunin ang tulo ng kandila..."
Naaalala mo ba noong bata ka pa, pilit kang isinasama ng nanay mo sa sementeryo para lang dumalaw sa namatay mong lolo/lola o ibang kamag-anak? At sa sobra nating pagkainip ay nagkaroon tayo ng ideyang ipunin ang bawat tulong pumapatak sa mga nakasinding kandila sa buong sementeryo upang gawin o imoldeng hugis bola. At ang bolang ito ang paglalaruan nating mga bata sa sementeryo bilang pampalipas oras. Minsan ay maaari ring ibenta ang mga tulo ng kandila at kung minsan naman ay ginagawa itong pangkintab ng sahig o floor wax.

"...para sa 'Great Balls of Fire'!!!"
Madalas kaming gumagawa ng bolang yari sa tulo ng kandila noong bata pa ako. Kasama ng mga pinsan ko sa side ng nanay ko, palagi kaming sumasama sa sementeryo dito sa lugar namin kung saan nakalibing ang tita ko. Kinukuha namin ang lahat ng tulo ng mga kandilang makikita namin sa buong sementeryo. Kahit pa ang kandilang nakatirik sa ibang puntod ay inaarbor din namin ang tulo. Makailang beses rin akong napaso ng mga tulo ng kandila dahil sa kagustuhang makagawa kaagad ng mas malaking bola kesa sa mga pinsan ko.

Napag-uusapan na rin lang ang Undas at ang paglalaro ng bolang yari sa tulo ng kandila, hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang isang pangyayari noong bata pa ako…

Undas kasi noon (malamang). As usual, nasa sementeryo kami. Kasama ng mga magulang at ibang kamag-anak ay dinalaw namin ang puntod ng yumao kong lolo (sa side ng tatay ko). At tulad ng pangkaraniwan, tambay-tambay lang kaming magkakamag-anak sa tabi ng puntod ng lolo ko at wala silang ginagawa kundi maghuntahan. Hindi ko kasama ang mga pinsan ko dahil noong panahong ‘yon eh wala pa sila sa mundong ibabaw (ako kasi ang pinakamatanda sa aming magpipinsan sa side ng tatay ko). Dahil dito, wala akong kalaro sa loob ng sementeryo. Awkward naman kung iistorbohin ko ang mga kaluluwa doon para lang makahanap ng makakalaro. Kaya ang ginawa ko, inipon ko na lang ‘yung mga tulo ng kandila para gawing bola, na natutunan ko sa mga pinsan ko sa side naman ng nanay ko.

Habang palaki na ng palaki ang bola ko (ang pangit pakinggan), naisip kong kuhanin ang tulo ng kandila na nasa gitna ng puntod ng lolo ko. Pagkakuha ko dito, minolde ko na ulit ‘yung bola ko. Habang minomolde ko ‘yung bola ko, nakatitig lang ako doon sa lapida ng lolo ko. Maya-maya pa, meron akong narinig na isang mahinang tinig ng lalake na parang umuungol — “Unnggh. Unnggh.” (huwag kang bastos). Putik! Takot na takot ako sa mga oras na ‘yon. At para bang biglang napaso ang kamay ko sa bolang hawak ko. Ewan ko ba kung ano ang narinig ko, marahil paramdam lang sa akin ‘yon ng lolo ko. Malapit kasi ako sa lolo kong ‘yon. Lagi n’ya akong sinasama sa maySangandaan noon sakay ng kotse n’yang kulay asul na walang aircon tuwing alas-syete ng umaga para lang panoorin namin ang pagdaan ng tren ng PNR. Lagi rin s’yang nagbabasa ng Funny Komiks tulad ko, at nakakatawa ang pagbigkas n’ya ng sound effect ng pagtawa na “hi-hi-hi” - “hay-hay-hay”. Pero magmula noon, hindi ko na yata nagawang maglaro pa ng bolang yari sa tulo ng kandila. Huhu!

Nang kami ay lumaki ng mga pinsan ko, hindi na kami nakakadalaw sa sementeryo dito sa amin. Bagkus, ang sementeryo sa may Palasan (isang lugar sa Valenzuela) ang madalas kong pinupuntahan kasama ng aking mga tito, tita, pamilya at mga kaibigan. Hindi na rin kami gumagawa sa ngayon ng mga bolang yari sa mga tulo ng kandila. Pero sa tuwing makakakita ako ng mga nakatirik na kandila, naaalala ko ang aking kamusmusan.

Tuesday, September 20, 2011

Nagkaroon din ba kayo ng hanep sa bangong Play-Doh?

Lahat tayo ay nagdaan sa pagkabata. At kapag sinabing bata, isa lang ang maaaring unang pumasok sa isip natin: Laro. ‘Yan ang laging aktibidades ng mga bata. Ang kani-kanilang laruan ang laging kaagapay sa mundo ng paglalaro. Ang daming magagandang laruang pambata noon. Iba’t iba ang yari, kulay, laki at anyo. May gawa sa kahoy, sa plastik, sa bakal, sa kung anu-ano pang materyales. May laruang nagpapatalas ng kaalaman ng mga kabataan, meron namang pangkatuwaan lang. Meron pa nga, laruang ipinagbabawal dahil sa nakalalasong kemikal na nasa laruang ‘yun, ito madalas ‘yung mga laruang pinare-recall lalo na ‘yung mga made in China. Pero para sa akin, pinaka-kakaiba at pinakamasarap laruin ang clay. Isipin mo na lang kung anu-anong pigura ang magagawa mo gamit ang isang tumpok lang ng clay. Makakabuo ka na ng isang bagay gamit lamang ang “imaginaaation”, sabi nga ni Spongebob. Maaari ka pang makapag-lakbay sa ibang dimensyon nang hindi umaalis sa kinaroroonan mo gamit ang makukulay, malalambot at malalagkit na clay, basta’t pairalin lamang ang iyong angking pagkamalikhain. At kapansin-pansin na ang pinaka-common na nabubuong pigura sa clay ay ahas. Madali lang kasi, ipagulong-gulong lang ang clay sa isang patag na surface hanggang sa humaba ito ayon sa nais mo at voila! Meron ka nang ahas-ahasan na pwede mong ipang-ahas sa mga kalaro mong mukhang ahas.
Amoy pa lamang, mukhang masarap na!

Kapag pinag-uusapan ang clay, unang papasok sa isip natin ang isang brand nito — ang Play-Doh. (S’yempre pangalawa na marahil ‘yung locally made na clay na mukhang baretang sabon na panlaba na madalas mabili sa palengke, pero walang kinalaman ang baretang ‘yan sa istorya ko) Ang Play-Doh ay isang popular na brand ng clay na nagmula pa sa bansang Amerika. Pero eto ang matindi: Alam n’yo bang ang Play-Doh ay unang nakilala bilang panlinis ng wolpeyper? (Okay, humingi ako ng tulong sa Google Translator para sa Tagalog ng wallpaper at ‘yan ang lumabas. Ewan ko na naman kung ito ba talaga ang Tagalog ng wallpaper o sadyang kalbo lang ang translator na ‘yun dahil mahilig magpatawa. Basta wallpaper, wolpeyper, display sa pader. Imposible namang wallpaper sa computer dahil hindi pa uso noon ‘yun. At ang dami kong sinabi.) Nagsimula lamang maging isang uri ng gamit pang-molde ang Play-Doh nang ibenta ito sa isang eskwelahan sa Cincinnati noong taong 1950. Napag-alamang maaaring gawing modelling compound ang panlinis na ‘to kaya naman noong taong 1956 ay itinatag ang Rainbow Crafts Company para gumawa at magbenta ng modelling clay na Play-Doh. At sa puntong ito ay pinapayuhan kitang bumisita na lang sa Wikipedia kung gusto mong magkaroon ng mas marami pang impormasyon tungkol sa pinagmulan at humble beginnings ek-ek ng Play-Doh dahil alam kong inaantok ka na kakabasa ng kuwento ko at isa pa, tinatamad na akong isulat pa ang buong detalye (oo, tinatamad pa ako sa lagay na ‘to).

Ano nga ba ang kaibahan ng Play-Doh sa normal na clay? Para sa akin, malaki ang pagkakaiba. Sa amoy pa lang, kita mo na agad ang diperensiya. At medyo matigas ang clay na nabibili sa bangketa kumpara sa Play-Doh. Kung may clay ka na katulad ng Play-Doh, mayaman ka. Kung de-bareta ang clay mo, mahirap ka pa sa daga. Pero s’yempre imbento ko lang ‘yon. Kaya kapag may proyekto sa eskwela na kinakailangan ng clay, ‘yung lokal na clay na mukhang bareta ang kadalasang binibili kasi sayang nga naman ang Play-Doh, ang mahal-mahal tapos gaganunin lang.

Masasabi kong “late-bloomer” kami ng utol ko (na Clay-Doh ang tawag sa Play-Dohnoon dahil bata pa) pagdating sa Play-Doh. Bihira lang kasi kaming makalaro nito noong bata. Lagi naming napapanood ang commercial nito sa mga Tagalized cartoons ng ABS CBN tuwing umaga at minsan tuwing weekends (kabilang sa patalastas na ‘to ‘yung popular na dialogue lagi sa dulo na “each sold seperately,”para bang pinapaalalahanan ang mga batang laging bumili ng pagkamahal-mahal na clay na ‘to). Gustung-gusto naming magkaroon nito noon pero hindi kami nakabili. Buti na lang eh nagkaroon ng Happy Meal nito ang McDo. Isang kulay ng Play-Dohplus isang laruan na pang-molde. Kaso walang kwenta rin dahil hindi ganoon kaganda ‘yung mga pang-molde ‘di tulad nung mga nasa commercial.

Napag-uusapan na rin lang ang clay, meron kaming isang practical joke ng kabarkada ko noon sa school at s’ya ang nakaisip. Bale maglalagay ka lang ng tubig sa loob ng clay na minolde na parang maliit na paso (o kung ano pa mang pigura basta siguraduhing malalagyan ng tubig) at s’yempre tatakpan din gamit mismo ang isang putol ng clay. Ibigay ito sa kaklse mong mahilig lumapirot at lumamas (hindi ako bastos) ng clay. Magugulat na lang s’ya sa oras na pinsil n’ya ang clay na ‘to dahil bigla na lang tutulo o titilamsik ang tubig. Presto! Nakapag-perform ka na ng walang kakwenta-kwentang practical joke sa kaaway mo. Pero kung gusto mo ‘yung mas hardcore, gawing ihi imbis na tubig ang ilagay. Maging listo ka nga lang dapat kasi hindi ka sigurado o baka mamaya ‘yung jino-joke mo eh alam din ang ganoong istilo at bigla n’yang pisilin sa harap ng mukha mo ‘yung clay, tulad ng nangyari sa isa kong kaklase.

Masarap isipin na may nakaimbento ng simple at makulay na laruan na ito. Ang taglay na bango ng Play-Doh ay mas nakapag-papaengganyo sa mga kabataang malilikot ang kaisipan at sa mga taong “mas” malilikot ang kaisipan. At sigurado akong meron dito sa inyong tulad ko na kapag nakakakita ng Play-Doh ay parang gusto kong kainin dahil ang bango at parang napakasarap kagatin. Pero ewan ko lang kung meron nang nakatikim ng Play-Doh dito noong bata! Lasang panlinis ba ng wolpeyper?

Wednesday, September 7, 2011

Kilala mo ba ang “bombshell” noong dekada nobenta na si Anjanette Abayari?


Gandang kaakit-akit. Mapulang labi na tila nagpapahiwatig ng isang matamis na halik. Mga matang nakakatunaw ang tingin. Kahali-halinang pangangatawan. At uhmm… Sige na nga, isang ubod ng liwanag na hinaharap. ‘Yan ang ilan lamang sa mga katangian ng itinuturing na isa sa pinaka-popular na artistang Pilipino na gumanap sa papel na isa sa pinaka-popular na Pinoy superhero. Siya ay walang iba kundi si Anjanette Palencia Abayari, mas kilala bilang si Anjanette Abayari o AJ noong dekada nobenta. Sino nga ba ang hindi nakakakilala sa 90s bombshell na ito? Kung hindi ka pamilyar sa kanya, malamang alinman sa dalawa: Isa kang batang 2000, o kaya naman eh sampung taon kang nanirahan sa Jupiter.

"Darnaaah!!!"
Sumikat si Anjanette Abayari nang makoronahan s’ya bilang Binibining Pilipinas-Universe dalawampung taon na ang nakakaraan (1991). Naging kontrobersiyal s’ya makaraang bawiin ang kanyang korona dahil napag-alamang isa s’yang American citizen. Alam naman natin ang patakaran sa isang beauty contest, kailangan eh at least 50% natural born citizen ka ng bansang nire-represent mo. (Pero hindi ako sigurado kung ito ba talaga ‘yung mismong patakaran, imbento ko lang ‘yan. Hanapin n’yo na lang sa internet ‘yung totoo at kung hindi n’yo mahanap, magreklamo tayong lahat sa barangay.) At dahil dito, pinalitan siya ng noo’y Binibining Pilipinas-Maja International, isang titulo na walang kinalaman sa artistang si Maja Salvador at sa kakanin na maja blanca, na si Alou Gonzales bilang representative ng Pilipinas sa Miss Universe Pageant na ginanap sa Las Vegas, Nevada.

Kahanga-hanga ang katatagan ng babaeng ito dahil imbis na mawalan ng pag-asa at magmaktol dahil sa kinasangkutang kontrobersiya, naging daan pa ito upang lalo siyang magsumikap sa buhay, na naging dahilan ng biglaang pagpasok n’ya sa magulong mundo ng showbiz na buong puso namang tinanggap ng sambayanan. Naging isa siyang tinitingaang sex goddess at nakatambal sa pelikula ang ilan sa mga mga pinaka-sikat na leading men ng showbiz tulad nina Fernando Poe JrBong Revilla JrAndrew ERaymart SantiagoAlden Francisco (biro lang), at marami pang iba. Lalo pa s’yang sumikat nang gampanan n’ya ang papel na Narda/Darna sa pelikulang Darna: Ang Pagbabalik, sa direksiyon ni Peque Gallaga, kahanay ng ilang bigating mga artista tulad nina Nanette MedvedAngel Locsin at Vilma Santos na nagsipag-ganap din bilang isa sa pinaka-paboritong Pinay superhero. Kung napanood o nakita n’yo ang pelikulang ‘yon, malamang eh mapapa-“tugs-tugs” ang mga mata lalo na naming mga kalalakihan habang tumatakbo si Darna sa ilang eksena dahil merong nakabitin sa kanya na umaalug-alog habang hinahabul-habol kunyari ng mga masasamang loob o ng mga kalaban. Hindi ko na ie-eksplika pa ito dahil alam kong alam n’yo na ang “malaking bagay” na tinutukoy ko.

Pero kung tutuusin, sumikat din si Anjanette Abayari dahil sa ubod ng laki n’yang hinaharap. Marahil karamihan ng mga lalake noon ay pinagpapantasyahan ang artistang ito. May isang patawang kalbo pa nga tungkol dito:


Dalawang magkumpare ang nag-uusap.
Pare 1: Pare ang ganda ng panaginip ko kagabi! Dinidilaan ko daw ang boobs ni Anjanette Abayari!
Pare 2: Putaragis! Kaya pala basa ang pwet ko!
<*Bad-dum… Tsss!*>


Subalit sabi nga ng iba, ang punong hitik sa bunga ay pinupukol, at ang buhay ay parang gulong na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasa ilalim o nasa ibabaw ka, at ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay may stiff neck. Nang manamlay ang career ni Anjanette Abayari, nagdesisyon itong manirahan na lamang sa Guam. Pero dahil mapagbiro ang pasaway na tadhana, siya ay nabilanggo sa bansang ‘yon dahil sa isyu ng ipinagbabawal na gamot. Tama ang iniisip mo, ibang “bato” ang nailunok ni Darna kaya naman nagkanda-gulo gulo ang buhay n’ya. Sa ngayon, malaya at tahimik na s’yang naninirahan kasama ng kanyang asawa at mga anak sa US.

Kung isa ka ring Pugad Baboy reader na gaya ko, malalaman mong isa si Anjanette Abayari sa mga pinagpapantasyahan ng bidang asong si Polgas at ng kanyang amo na si Adagulfo “Dagul” Sungcal Jr. May eksena pa doon kung saan nagkanda-trapik trapik na sa kalsada dahil sa kakapanood ng mga usisero’t usisera (kabilang sina Dagul atPolgas na nakasakay sa kotse) sa shooting ni Anjanette Abayari. Hindi ako sigurado kung sa book 6 o book 7 ba ito mababasa. Paki-check na lang.

At maniniwala ba kayong isa si Anjanette Abayari sa pinaka-unang showbiz crush ng kapatid ko noon? Hanep! Mantakin n’yo, apat na taong gulang pa lamang si utol noon eh marunong nang pumili ng ka-crush-in. Oks ang taste! At bakit ko naikwento ang mga ‘to? Wala lang, naisingit lang dahil napag-uusapan na rin lang si Anjanette.

Sa aking paglilibot sa internet, nalaman kong may ilang nagsasabing kahawig ni Anjanette Abayari ang artistang si Erich Gonzales sa larawan. Mukha nga, ‘di ba? Kayo, nakikita n’yo ba ang resemblance nilang dalawa? Subalit marami mang kahawig o nag-iisa lang si Anjanette Abayari at kahit anong role pa ang ginampanan n’ya sa pelikula, mananatili pa rin ang katotohanang isa s’ya sa mga maipagmamalaki ng industriyang ito at hindi maitatangging isa s’ya sa pinakamagandang babae sa balat ng lupa.

Isang katanungan lang ang gumugulo sa aking isipan. Isang katanungang nais hanapan ng tamang kasagutan. Isang katanungan mula sa isang taong nahihiwagaan at nagugulumihanan lamang. Isang katanungang marahil karamihan sa inyo ay nais ring malaman ang mahiwagang sagot.

Ano nga kaya ang cup size ni Anjanette Abayari<*ngisi!*>

Monday, August 22, 2011

Anu-ano ang iba pang mga pagkain na naging parte ng ating pagkabata?

Kadalasang sinasabi ng matatanda, maswerte daw ang mga bata dahil kahit ano ay pwede nilang kainin. Kahit walang sustansiya, kain pa rin. Hindi sila magkakaroon ng kung anu-anong sakit sa pagkain ng chichiryang lasang asin sa sobrang alat at candy na halos langgamin ka na dahil sa sobrang tamis. Pinakamatindi na sigurong kalaban ng mga bata ay ‘yung sakit ng ngipin. Normal na ‘to, lalo na kapag kina-aadikan mo ang matatamis na pagkain. At normal rin na pakainin ang mga bata ng kung anu-ano habang maaga, kesa naman kung kailan uugud-ugod na ay tsaka pa kinailangang kumain ng chichirya at candy.


Napag-uusapan na rin lang ang mga pagkain, ilan sa mga hindi makakalimutang laman-tiyan para sa mga bata noon ay Iced Gem BiscuitsOrange SwitsPritos RingHaw Flakes, at Pee Wee, bagamat ewan ko lang kung may sustansiyang nakukuha sa ibang pagkain tulad ng BazookaTarzanWhite Rabbit at Tootsie Roll. (Basahin ang link na ito para sa iba pang detalye. Naks!)

Kung tutuusin, marami pang kulang sa link na ‘yan ng mga paboritong pagkain noon ng mga bata. Kung ako ang tatanungin, narito ang ilan pa sa mga pagkaing masasabi kong naging parte ng aking kamusmusan:


MikMik


Sino nga bang bata ang hindi nakakaalam sa pagkaing ito? Dahil siguro sa hilig nating magpapak ng gatas kaya nagkaroon ng MikMik. Isa itong sweetened powdered milk na nasa foil. May kasama itong straw na kulay berde. (Halos green lagi ang kulay ng straw nito. Siguro may pabrika silang gumagawa ng berdeng straw.) Ano ang silbi ng straw? Ito ang gagamitin mo sa paghigop ng MikMik kapag itinimpla na. ‘De, biro lang. Hindi tinitimpla ang MikMik. Kung kinain mo ang powdered milk na ito nang walang straw, para ka lang nagpapak ng isang kutsara ng Nido na may halong asukal. Kaya naman hindi kumpleto ang “MikMik experience”mo kung walang straw. Pero s’yempre, dapat ay lagi ka ring handa sa anumang pagsubok sa pag-hitit ng gatas na ito dahil may pagkakataong mauubo ka kung sobrang gigil sa higop. Minsan pa nga pumapasok pa sa ilong ‘yung gatas!

Pero kung ikaw ‘yung tipo ng batang kinasusuklaman ang gatas, merong mabibiling chocolate flavored MikMik sa suking tindahan. Hindi ako sigurado pero parang lasang Sustagen ‘yun. Nakakasuya talaga! Kaya mas naging popular ang original flavored na MikMik.

Kapag kumakain kami ng MikMik ng mga kalaro ko noon, minsan ay ginagawa namin itong yosi. Naglalagay kami ng small amount sa bandang dulo ng straw sabay ibubuga na parang usok ng yosi, sabay banat ng “Pareee… Kamusta na?”, siga-sigaan habang naka-akbay sa balikat ng mabantot na kalaro!

Naglalaro noon ang presyo ng isang piraso ng MikMik sa singkwenta sentimos hanggang dalawang piso. Matagal na akong hindi nakakabili nito kaya’t hindi ko na alam kung magkano na ngayon ‘to.


Marie Biscuits

Sigurado akong meron sa inyong nakakaalam ng bilog na biscuit na ‘to. Marie Biscuits. Isang biscuit, literally. Walang palaman, walang kaartehan. Sa murang halaga ay may instant meal na ang mga bata noon, bagamat hindi mo iisiping naging childhood favortie ang Marie Biscuits dahil wala itong palaman. Kumbaga sa panahon ngayon, Sky Flakes noon ang Marie. May imported na Marie, pero nakagawa rin noon ng Marie ang Rebisco.

Aaminin ko, hindi ko gaanong paborito ang Marie noon, pero isa ito sa mga pagkaing hindi ko malilimutan. Meron kasi akong kaklase noong elementary na magmula grade one ay laging ito ang baon tuwing recess. Hindi ko babanggitin ang kanyang pangalan, sa halip ay tatawagin natin s’yang “Damulag”, dahil malaking bulas ang taong ‘yun, parang smaller version ni Jimmy Santos. Walang mintis ‘yun, araw-araw laging Marie ang baon! At noong mga unang araw namin bilang grade six, habang isa-isa kaming nagpapakilala sa harapan ng klase gamit ang“name/age/location/tell-me-something-about-yourself/signature” na pattern, nang oras na ni “Damulag” para magpakilala, nagwika s’ya: “I’m Damulag, <age> years old, from <location>, may hobby is… (nag-iisip pa ng hobby)”. Ewan ko kung ano ang pumasok sa utak ko pero bigla kong nasabing “My hobby is eating Marie”. Narinig ng mga kaklase ko ‘yun at nagtawanan sila. Ang sama ko daw, alaskador daw ako. Pumalakpak naman ang tenga ko dahil bihira lang akong humirit at mang-alaska sa klase, at natuwa naman ako dahil kahit paano ay bumenta sa kanila ‘yung hirit ko. Ewan ko lang kung narinig ni Damulag ‘yung sinabi ko. Malamang hindi.

Hanggang ngayon ay natatawa pa rin ako kapag naaalala ko si Damulag. Ang mas nakakatawa pa, laging isang piraso lang ng Marie ang baon n’ya, Marie Singles! Iispin mo talagang nagdi-dyeta s’ya. Tapos pagkaliit-liit pa ng baunan n’ya kaya’t tampulan s’ya lagi ng tukso sa klase. Ang laki-laking tao tapos ang baon, isang maliit na Marie na nasa maliit na baunan? Laughtrip talaga!
Ri-Chee

Kapag sinabing pagkaing parte ng pagkabata, hindi mawawala sa listahan ang chichirya. At bilang bata, naging paborito kong chichirya ang Ri-Chee. Isang milk flavor na chichirya ang Ri-Chee na gawa ng Nutri Snack, ang kompanyang gumawa rin ng ilang masasarap na chichiryang tulad ng Nutri-Star (barbeque flavored snack na korteng bituin) at Moby (chocolate flavored snack). Noong bata pa ako, bihira lang ang chichiryang gatas ang flavor kaya naman numero uno ito sa lagi kong binibili sa tindahan na malapit sa amin.

Pero masasabi kong pinaka-adik sa Ri-Chee ay ‘yung kapatid ko. Nagbabaon pa kasi s’ya noon nito sa klase, ‘di tulad ko na ang baon ay laging walang kamatayang Chicken Nuggets at Jack ‘N Jill Chocolate Pretzels na may cut-out toys sa likod ng kahon!

Isa rin ang Ri-Chee sa mga naunang pinagkalooban ng Department Of Health ngSangkap Pinoy Seal. Ibig sabihin, garantisadong may bitaminang makukuha sa chichiryang ito. Kaya hindi basta-basta ang Ri-Chee, masustansiya ‘to!

Mighty Mouse
Sa palagay ko’y may ilan sa inyong pamilyar sa cartoon character na si Mighty Mouse na may pamosong tagline na “Here I come to save the daaay!”. Pero meron bang nakakaalam o nakakaalala sa inyo ng Mighty Mouse Candies? Isa itong maliliit na piraso ng candy na may iba’t ibang flavor at nakalagay sa makukulay na foil. Alam n’yo ‘yung Ovaltinees? Paliitin mo lang at medyo palambutin mo ng kaunti, ganoon ang itsura ng Mighty Mouse Candies na ‘to. Para rin itong sinlaki ngFlinstone Vitamins. Kadalasang flavor nito ay chocolate, milk, strawberry, at ang paborito kong cola flavor. Bukod pa rito, nakakaaliw rin ang mga hugis ng candies nito. May hugis ice cream na nasa apa, bilug-bilog, mukha ni Mighty Mouse, bulaklak, at iba pa. Isa ito sa pinakapaborito kong candy noon. Nagkaroon din ng ganitong klaseng candy ang iba pang cartoon character na sina Mickey Mouse atDonald Duck pero mas nakilala si Mighty Mouse. Iba na ang orig, ika nga.

Kung tutuusin, parang ganito ‘yung nabibiling candy na may kasamang teks noon,Mr. Fruit ang pangalan. Pero napakalaki ng pagkakaiba nila sa lasa. Lasang gamot ang Mr. Fruit at matigas pa, ‘di tulad ng Mighty Mouse Candies na bukod sa masarap na, may iba’t iba pang flavor at kayang kaya pang nguyain.

Wala nga pala akong nahanap na litrato ng Mighty Mouse Candies kaya pagtiyagaan n’yo na lang ang larawang ‘yan ng cute na cute na si Mighty Mouse.

Alam kong napakarami pang pagkain na wala sa mga nabanggit na listahan. Sa ngayon, ilan lang sila sa mga pumasok sa isip ko. Susubukan kong i-update ang mga ito kapag meron na ulit akong naisip, o kaya naman pagkatapos kong humitit ngMikMik at ngumuya ng Mighty Mouse Candy sa aking panaginip!

Saturday, August 13, 2011

Gumamit ba kayo noon ng mala-anghel sa bangong Angel’s Breath?

Bago lumabas ng bahay, magbabad sa nakakapasong sikat ng araw sa buong maghapon at makipaglaro sa kanyang mga kumpareng manlalaro ang isang bata, katakut-takot na hygiene preparations ang ginagawa ng kanilang nanay para mapanatiling malinis at mabango si anak. Unang una na d’yan ang pagpapaligo sa bata. Isama mo pa ang pagbibihis ng malinis na damit at shorts, at karaniwan noong 90s eh sando pa na fit ang para sa mga batang lalake. S’yempre kailangan din ang pagsusuklay ng buhok ng mga bata para kahit ilang beses itong mangudngod sa kalsada eh at least plantsado pa rin ang buhok nito pag-uwi. At para manatiling mabango at fresh ang mga bata, pinapaliguan sila ni nanay ng pulbos hanggang sa magmukha silang espasol sa dami ng nakasingit na pulbos sa kanilang leeg, braso, batok, at kili-kili, na kinalaunan ay magiging libag din naman. At kumbaga sa isang nilalakong pagkain, kailangan ay merong katakam-takam at kahali-halinang amoy ang espasol. Kaya naman hindi kumpleto ang hygiene preparation kung walang Angel’s Breath na iwiwisik sa mga bata bago maglaro.

Amoy anghit ka ba? Mag-Angel's Breath na!
Nauso ang cologne na nakilala sa pangalang Angel’s Breath noong dekada nobenta. Ibang klase ang taglay na amoy nito. Hindi s’ya masakit sa ilong. Bagay na bagay talaga sa mga nagdadalaga at nagbibinata, pero mas nababagay para sa mga sanggol at mga bata. Karaniwang nasa isang babasaging container ito na gaya ng nasa larawan, may maliit at malaki. Alam kong natatandaan n’yo pa ang napakabangong amoy ng cologne na ito. Kumbaga sa isang kanta eh nakaka-LSS ang amoy nito, ‘di ba? At alam ko rin na gumamit ka nito noon para mag-amoy tao ka kahit na tinutukso ka ng mga kalaro mo na “bakulaw,” “unggoy,” “kambing,” at iba pang mababahong tukso na maisipan ng mga kalaro mo.

Kung nag-artista lang ang pinsan ko dati, masasabi kong Angel’s Breath ang official sponsor n’ya pagdating sa cologne. Ito kasi ang nilalagay ng nanay n’ya (tita ko) sa kanya. Minsan nga naaamoy ko pa rin ang Angel’s Breath kahit hindi pa s’ya naliligo. At matapos naman paliguan gamit ang Angel’s Breath Soap (oo, merong sabon ang Angel’s Breath, kahalintulad din ng amoy ng cologne nito), nilalagyan s’ya ulit ng Angel’s Breath Cologne at minsan ay meron pang Angel’s Breath Powder (meron ding pulbos nito at tama ang hula mo, amoy Angel’s Breath Cologne din) para magpatuloy ang halimuyak ni pinsan kahit hindi naman s’ya lumalabas ng bahay nila dati. Hanep, ewan ko na lang kung may nabahuan pa kay pinsan noon. Malamang pati utot n’ya eh amoy Angel’s Breath.

Nakakagamit lang ako nitong Angel’s Breath kapag nasa bahay ako ng pinsan ko. Wala kasi akong sariling ganito at kahit kailan ay hindi ako nagkaroon ng cologne na ‘to. Hindi dahil sa walang pambili o mahal ang ganitong cologne (sa totoo lang eh hindi ko alam ang presyo nito). Hindi ko lang talaga nakasanayang magpabili nito o kahit na anong cologne. Kung sabagay, hindi naman kasi importante sa mga bata noon lalo na sa mga batang lalake kung ano ang amoy mo, ang mahalaga eh makapaglaro ka sa labas. Liban na lang kung madalas kang tuksuhin na “mabaho” ng mga kalaro mo kahit sa totoo lang eh mas mabantot sila kesa sa iyo at mas kinakailangan nilang paliguan ng sandamakmak na Angel’s Breath!

Gusto ko sanang hanapin sa Google  ang history at humble beginnings ek-ek ng cologne na ito subalit puro forums ang bumubungad kapag tina-type ko ang “angel’s breath cologne”. O sige, kasama na rin ‘yung tinatamad akong mag-research mabuti. Pero dahil sa paglalakbay ko sa internet, napadpad ako sa isang forum at nabasa ko dito na noong 90s eh sosyal ka pala kapag ang gamit mong cologne o pabango ay Angel’s Breath o kaya Nenuco. Okay, hindi ako pamilyar sa Nenuco na ‘yon, malamang eh amoy menudo ang cologne na ‘yon. Nenuco. Tunog-menudo kasi (pilit na pilit ang pagpapatawa, nagpaliwanag pa ang loko). Naisip ko tuloy, siguro napakamahal ng presyo ng Angel’s Breath dati kaya tinawag itong sosyal na pabango.

Ayon pa sa forum na ‘yon, meron din palang Angel’s Breath For Men. Ewan ko lang kung totoo o kunya-kunyarian lang ‘yon, o baka naudlot na plano lang ‘yon ng kompanyang gumagawa ng Angel’s Breath. Pero para sa akin, medyo hindi yata maganda ang dating ng pangalan nun. Panget pakinggan ang “Angel’s Breath For Men”. Karaniwan kasing matapang, ma-elemento at may pagka-solido ang pangalan ng mga cologne na para sa mga lalake. Sana tinawag na lang nila itong “Devil’s Halitosis”. O kaya naman eh “Demon’s Fragrance”. O ‘di ba astig? Pangalan pa lang, tunay na lalake na! Tapos ‘yung kahon eh kulay itim, imbis na kulay asul. Para kasing bading ‘yung “Angel’s Breath For Men”. Hanep, umandar na naman ang imahinasyon ko.

Hindi ko lang alam kung meron pang nabibili nito sa mga piling tindahan. Matagal na ring hindi dumadampi sa mga butas ng ilong ko ang halimuyak nito. Kung tutuusin, siguro eh noon pang late 90s ang huli kong amoy sa cologne na ‘to, ito ‘yung noong mga panahon na nakikitira pa lang ang tita ko sa bahay ng kanyang nanay (na lola ko). At inaamin kong nami-miss ko ang amoy ng Angel’s Breath. Simple ang taglay na halimuyak na ibinibigay sa sinumang magwisik nito sa kanyang katawan, at malamang ay naitatago rin ang mala-demonyong bantot na amoy ng bawat makagamit ng mala-anghel sa bangong cologne na ‘to!
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...