Bago lumabas ng bahay, magbabad sa nakakapasong sikat ng araw sa buong maghapon at makipaglaro sa kanyang mga kumpareng manlalaro ang isang bata, katakut-takot na hygiene preparations ang ginagawa ng kanilang nanay para mapanatiling malinis at mabango si anak. Unang una na d’yan ang pagpapaligo sa bata. Isama mo pa ang pagbibihis ng malinis na damit at shorts, at karaniwan noong 90s eh sando pa na fit ang para sa mga batang lalake. S’yempre kailangan din ang pagsusuklay ng buhok ng mga bata para kahit ilang beses itong mangudngod sa kalsada eh at least plantsado pa rin ang buhok nito pag-uwi. At para manatiling mabango at fresh ang mga bata, pinapaliguan sila ni nanay ng pulbos hanggang sa magmukha silang espasol sa dami ng nakasingit na pulbos sa kanilang leeg, braso, batok, at kili-kili, na kinalaunan ay magiging libag din naman. At kumbaga sa isang nilalakong pagkain, kailangan ay merong katakam-takam at kahali-halinang amoy ang espasol. Kaya naman hindi kumpleto ang hygiene preparation kung walang Angel’s Breath na iwiwisik sa mga bata bago maglaro.
Amoy anghit ka ba? Mag-Angel's Breath na! |
Nauso ang cologne na nakilala sa pangalang Angel’s Breath noong dekada nobenta. Ibang klase ang taglay na amoy nito. Hindi s’ya masakit sa ilong. Bagay na bagay talaga sa mga nagdadalaga at nagbibinata, pero mas nababagay para sa mga sanggol at mga bata. Karaniwang nasa isang babasaging container ito na gaya ng nasa larawan, may maliit at malaki. Alam kong natatandaan n’yo pa ang napakabangong amoy ng cologne na ito. Kumbaga sa isang kanta eh nakaka-LSS ang amoy nito, ‘di ba? At alam ko rin na gumamit ka nito noon para mag-amoy tao ka kahit na tinutukso ka ng mga kalaro mo na “bakulaw,” “unggoy,” “kambing,” at iba pang mababahong tukso na maisipan ng mga kalaro mo.
Kung nag-artista lang ang pinsan ko dati, masasabi kong Angel’s Breath ang official sponsor n’ya pagdating sa cologne. Ito kasi ang nilalagay ng nanay n’ya (tita ko) sa kanya. Minsan nga naaamoy ko pa rin ang Angel’s Breath kahit hindi pa s’ya naliligo. At matapos naman paliguan gamit ang Angel’s Breath Soap (oo, merong sabon ang Angel’s Breath, kahalintulad din ng amoy ng cologne nito), nilalagyan s’ya ulit ng Angel’s Breath Cologne at minsan ay meron pang Angel’s Breath Powder (meron ding pulbos nito at tama ang hula mo, amoy Angel’s Breath Cologne din) para magpatuloy ang halimuyak ni pinsan kahit hindi naman s’ya lumalabas ng bahay nila dati. Hanep, ewan ko na lang kung may nabahuan pa kay pinsan noon. Malamang pati utot n’ya eh amoy Angel’s Breath.
Nakakagamit lang ako nitong Angel’s Breath kapag nasa bahay ako ng pinsan ko. Wala kasi akong sariling ganito at kahit kailan ay hindi ako nagkaroon ng cologne na ‘to. Hindi dahil sa walang pambili o mahal ang ganitong cologne (sa totoo lang eh hindi ko alam ang presyo nito). Hindi ko lang talaga nakasanayang magpabili nito o kahit na anong cologne. Kung sabagay, hindi naman kasi importante sa mga bata noon lalo na sa mga batang lalake kung ano ang amoy mo, ang mahalaga eh makapaglaro ka sa labas. Liban na lang kung madalas kang tuksuhin na “mabaho” ng mga kalaro mo kahit sa totoo lang eh mas mabantot sila kesa sa iyo at mas kinakailangan nilang paliguan ng sandamakmak na Angel’s Breath!
Gusto ko sanang hanapin sa Google ang history at humble beginnings ek-ek ng cologne na ito subalit puro forums ang bumubungad kapag tina-type ko ang “angel’s breath cologne”. O sige, kasama na rin ‘yung tinatamad akong mag-research mabuti. Pero dahil sa paglalakbay ko sa internet, napadpad ako sa isang forum at nabasa ko dito na noong 90s eh sosyal ka pala kapag ang gamit mong cologne o pabango ay Angel’s Breath o kaya Nenuco. Okay, hindi ako pamilyar sa Nenuco na ‘yon, malamang eh amoy menudo ang cologne na ‘yon. Nenuco. Tunog-menudo kasi (pilit na pilit ang pagpapatawa, nagpaliwanag pa ang loko). Naisip ko tuloy, siguro napakamahal ng presyo ng Angel’s Breath dati kaya tinawag itong sosyal na pabango.
Ayon pa sa forum na ‘yon, meron din palang Angel’s Breath For Men. Ewan ko lang kung totoo o kunya-kunyarian lang ‘yon, o baka naudlot na plano lang ‘yon ng kompanyang gumagawa ng Angel’s Breath. Pero para sa akin, medyo hindi yata maganda ang dating ng pangalan nun. Panget pakinggan ang “Angel’s Breath For Men”. Karaniwan kasing matapang, ma-elemento at may pagka-solido ang pangalan ng mga cologne na para sa mga lalake. Sana tinawag na lang nila itong “Devil’s Halitosis”. O kaya naman eh “Demon’s Fragrance”. O ‘di ba astig? Pangalan pa lang, tunay na lalake na! Tapos ‘yung kahon eh kulay itim, imbis na kulay asul. Para kasing bading ‘yung “Angel’s Breath For Men”. Hanep, umandar na naman ang imahinasyon ko.
Hindi ko lang alam kung meron pang nabibili nito sa mga piling tindahan. Matagal na ring hindi dumadampi sa mga butas ng ilong ko ang halimuyak nito. Kung tutuusin, siguro eh noon pang late 90s ang huli kong amoy sa cologne na ‘to, ito ‘yung noong mga panahon na nakikitira pa lang ang tita ko sa bahay ng kanyang nanay (na lola ko). At inaamin kong nami-miss ko ang amoy ng Angel’s Breath. Simple ang taglay na halimuyak na ibinibigay sa sinumang magwisik nito sa kanyang katawan, at malamang ay naitatago rin ang mala-demonyong bantot na amoy ng bawat makagamit ng mala-anghel sa bangong cologne na ‘to!
astig ang entry na ito parekoy. biglng bumalik sa alaaala ko ang buhay namin noong highschool! medyo sosi nga ang angel's breath na nabibili sa gift gate. sa pagkakatanda ko, pambabae ang cologne na ito at gustung-gusto kon naaamoy ito sa mga klasmeyts na crush ko. nalalaglag ang brip ko kapag ang halimuyak nito ang naaamoy ko!
ReplyDeletedevil's halitosis. lol! tama, wala namang importante sa ating mga bata noon kundi ang maglaro. hindi rin ako mahilig sa pabango. dati. pero ngayon, kailangan ito para naman pangporma sa trabaho.
ang tnl, macho ang amoy!
nice post! \m/
Yessir! Astig ang amoy nito. Sarap pa sana gumamit nito ngayon kaso baka pagtawanan ka kapag sinabi mong Angel's Breath ang cologne mo XD
ReplyDeletemay kapatid pa yang angels breath...angels love...mabango din... at Oo nauso kasabay nyan ang nenuco.... nabibili hanggang ngayon sa dept stores...pero yung angels breath,mahirap na hanapin...
ReplyDeleteout of nowhere biglang nag pop up sa utak ko ang angels breath cologne. i reresearch ko sana kung saan nag originate tong cologne na 'to, at kung available din ba 'to d2 sa Abu Dhabi, and suddenly napunta ako d2 sa blog mo.. :) eto ang favorite cologne ko nong nag aaral ako ng college. actually may kamahalan din ang cologne na 'to kumpara sa presyo ng bench cologne spray. grave very refreshing ang amoy ng cologne na to! khit pawis na pawis ka na pero kung eto ang gamit mo naiiwan pa rin ang amoy kapag dumaan kah! oo totoo meron angels breath for men, color green ung bottle. lagi ko to nabibili sa SM north Edsa dept. store meron section don ng beauty and cosmetic products something like that.. doon mo lang cia makikita. i dunno kung availabe pa cia ngayon.. share ko lang.. :)
ReplyDeletemeron kami sa regalo atbp (fb page, profile picture is regalo image)
ReplyDeletepls purchase there.thank you