Thursday, December 23, 2010

“Tengkyu, tengkyu, ambabait ninyo, tengkyu!”

“Sa may bahay ang aming bati, Meri Krismas wawawalhati!”

Malamang ay pamilyar kayo sa linyang ito. Ito kasi ang madalas na inaawit ng mga bata sa tuwing mangangaroling sila sa mga bahay-bahay tuwing nalalapit ang pagsapit ng Pasko. Isa sa mga nakaugaliang tradisyon dito sa Pilipinas ay ang pangangaroling ng mga bata. Hindi na baleng sintunado kang kumanta o mali-mali ang linya, ang mahalaga ay maabutan ka kahit piso o maski beintesingko sentimos lang noon ang ibigay mo ay ayos na. Ikaw, naranasan mo bang mangaroling kasama ng mga kalaro mo noon?

Pansin n’yo ba? Ganito madalas ‘yung buong lyrics ng medley na kinakanta ng mga bata:

(Bibilang muna ng one, two, three!)… “Sa may bahay ang aming bati. Meri Krismas wawawalhati (na maluwalhati). Ang pag-ibig ‘pag s’yang naghari. Araw-araw ay magiging Pasko lagi. Ang sanhi po ng pamparito (pagparito), hihingi po ng aginaldo. Kung sakaling kami’y perwisyo, pasens’ya na kayo kami’y namamasko (wala nang bwelo-bwelo o hinga-hinga pa, sunod kaagad ‘yung ikalawang kanta!) we wish you a Meri Krismas, we wish you a Meri Krismas (dalawang “we wish you” lang talaga ang madalas na kinakanta imbis na tatlo) and a Happy New Year. (bwelo nang kaunti, inhale-exhale muna) Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kay saya. Nagluto ang ate ng manok na tinola. Sa bahay ng kuya ay merong litsunan pa. Ang bawat tahanan may handang iba’t iba. Tayo na giliw, magsalo na tayo. Meron na tayong tinapay at keso. ‘Di ba Noche Buena sa gabing ito at bukas ay araw ng Pasko. (aawit ng isa pa kapag wala pa ring nag-aabot)
At kapag naabutan na ay ihihirit ang universal song na “tengkyu, tengkyu, ambabait ninyo, tengkyu!”.

Pagdating naman sa mga instrumento, hindi problema ‘yan. Maaari ka kasing maghalungkat ng mga kagamitan sa mga basurahan. Tansan at alambreng kinakalawang, lumang lata ng gatas na iniipis pa, plastik, goma o lubid at stick na medyo mahaba para pwedeng gawing drumstick. Ilan lang ‘yan sa mga maaaring gawing instrumento. Yupiin at butasan lang ang mga tansan at isaksak paikot ang alambre para magmukhang tambourine. Alisin naman ang takip ng lata at ilagay ang binanat o in-istretch na plastik para magmukhang tambol. Presto! Pwede ka nang mambulahaw sa mga bahay-bahay!

Minsan na rin kaming nangaroling ng mga pinsan ko noon pero hindi kami nagpakalayu-layo. Sa mga kalapit-bahay lang nila kami nangaroling dahil hindi kami pinapayagang lumayo at baka daw lamunin kami ng ipu-ipo (Oo, ipu-ipo ang panakot sa aming magpipinsan noon.). At nagkataon namang kamag-anak namin ‘yung mga kalapit-bahay nila kaya lagi kaming merong piso! Ayos, ‘di ba? Parang trip-trip lang ‘yung ginawa namin, masabi lang na nangaroling at naabutan ng piso. Pero okay na rin ‘yun, at least hindi “Patatawarin!” ang sagot na matatanggap namin at wala silang maririnig na “Ambabarat ninyo tengkyu!” mula sa amin.

Friday, December 17, 2010

Luto-lutuan: Paboritong laro ni Nene noon

Isa na siguro ang luto-lutuan sa pinaka-popular na laro ng mga batang babae noon bukod pa sa manika. Simple lang ang kailangan sa larong ito. Kung may pera kayo ay maaaring makabili ng cooking toy set sa mga palengke at malls. Makabibili ng mga laruang kagamitan sa pagluluto na yari sa plastik tulad ng kutsilyo, pinggan, kaldero, kalan, at iba pa. Meron pang plastik na sunny side up na itlog, plastik na hotdog, iba’t ibang uri ng plastik na gulay at kung anu-ano pang plastik na pagkain. Pero maaari ding makapaglaro nito gamit ang ilang plastik na lalagyan na mapupulot sa tabi-tabi tulad ng plastik containers at kung anu-ano pa. Para naman sa sahog o sangkap ng lulutuin “kuno” ay maaaring makakuha ng mga dahon sa tanim na bulaklak ni nanay, basta’t huwag lamang papahuli sa kanya at iligpit lamang ang mga kalat n’yo pagkatapos maglaro.

Kadalasan ay magkaugnay ang larong ito sa isa pang laro, ang bahay-bayahan. Kung may bahay, s’yempre may pamilya (malimit ay tatay-tatayan, nanay-nanayan at anak-anakan ang drama sa laro), at kung may pamilya, s’yempre may kain-kainan at luto-lutuan.

Sa totoo lang ay nakakapaglaro din ako ng luto-lutuan noong bata, lalo na kapag ang kalaro ko ay ‘yung pinsan kong babae na maganda. Madalas kasi ako sa bahay nila noon dahil doon ako iniiwan ng aking mga magulang kapag nagtatrabaho sila (Alangan namang yayain ko s’yang maglaro ng robot-robotan, ‘di ba?). Minsan ay sumasali rin ang iba ko pang mga kalaro at pinsang lalake sa amin. Kalimitan naming sangkap sa luto-lutuan ay mga dahon ng santan, damo sa tabi-tabi, mga bato, lupa, at ‘yung halaman na hindi ko matandaan ang pangalan (Kapag hinila mo ay matitira ‘yung parang tangkay nito at lalabas ‘yung maliliit na butil na kulay green. Ito ang nagsisilbing kanin namin sa laro. Basta. Hehe.) Sinubukan din naming magluto-lutuan to the next level noon. Nagpapakulo kami ng tubig na nakalagay sa lumang lata ng ice cream gamit ang totoong apoy at kunyari ay nilalaga namin ang mga dahon at iba pang sangkap. Bihira lang kaming mag-to the next level dahil pinapagalitan kami kapag naglalaro ng apoy (literally ha, hindi ‘yung paglalaro ng apoy na naiisip n’yo. LOL.)

Tuesday, December 14, 2010

Aratilis: Nakatikim ka na ba nito?

Aratilis. Aratiles. Alatiris. Mansanitas. Scientific name: Muntingia calabura. (Muntanga lang. LOL.) Ano pa man ang tawag sa kanya, isa lang ang sigurado: Isa ito sa mga naging paboritong meryenda ng mga batang mahilig magsiakyat sa mga punongkahoy. Ang aratilis ay kahawig ng isang cherry ngunit mas maliit pa dito. Ang ubod ng pulang aratilis ay madalas na naglalaman ng malaput-lapot at matamis na buto, at ang hilaw naman na aratilis ay kulay berde at mapakla.

May iba’t ibang paraan sa pagkain ng aratilis. Maaari itong ibabad sa yelo at kainin nang malamig. May mga nagsasabing masarap daw ito kung paisa-isa ang kain dahil kung maramihan ay nakakaumay. ‘Yung pinsan ko nga, hinahalo ang aratilis sa ice candy na Milo.

Gaano man karami ang paraan sa pagkain nito, sa totoo lang, hindi pa ako nakatikim nito. Marami akong napupuntahang lugar noon na may puno ng aratilis (tulad ng sa bakuran ng lola ko at sa may kumbento ng simbahan ng Polo sa Valenzuela) pero hindi ako nag-attempt na tikman ito, at hindi rin kasi ako marunong umakyat ng puno noon.

Ikaw, nakatikim ka na ba ng aratilis? Ano ang lasa?

Saturday, December 11, 2010

Pinapatulog ka ba tuwing hapon noong bata ka?


Normal na sa mga bata ang maglaro nang maglaro nang walang tigil sa buong araw at hindi inaalala ang mga problema sa buhay. Kaya naman isa na siguro sa pinaka-ayaw na gawain ng isang aktibong bata noon ang matulog sa hapon. Sa gitna ba naman ng masarap na paglalaro mo ay bigla kang patutulugin ng iyong nanay o mas nakatatanda. At ang pinaka-popular na dahilan kung bakit tayo pinatutulog ay para daw tayo tumangkad. Naniniwala ka ba dito?


Noong bata pa ako, palaging may kapalit ang pagtulog naming magpipinsan tuwing hapon. Ang sino mang matulog sa hapon ay isasama ng aming auntie sa pamamasyal sa Tawiran (Nakalimutan ko na kung saan banda ito, sa Bulacan ata.). Sa panahong wala pang internet at kung anu-ano pang sikat na game consoles, sino ba naman ang ayaw sumama sa pamamasyal, ‘di ba? Kaya ang ginagawa namin kapag hindi kami nakatulog ng hapon ay gugusutin namin ang aming mga buhok at babasahin ng kaunti ang mata kapag dumating si auntie para kunyari ay kagigising lang namin. Minsan naman ‘yung isa kong pinsan ay kukuha ng kulangot sa ilong n’ya at ilalagay sa gilid ng mata para kunyari ito ay muta. Kung hindi naman gumagala ay nagmemeryenda kami ng Rebisco sandwich at nakaplastik na Sarsi o Pop Cola sa tindahan nina auntie pagkagising.

Dahil sa dami ngayon ng pagkaka-abalahan ng isang bata (OL games, internet, etc.) ewan ko na lang kung may bata pang mangangahas na matulog sa hapon.

Monday, December 6, 2010

Family Kwarta O Kahon: Naaalala mo pa ba ang game show na ito?

Sino nga ba ang hindi makakalimot sa show na Family Kwarta O Kahon na ineere ng RPN 9 ng live tuwing ika-alas dose ng tanghali ng Linggo? Kung trip mo pa silang mapanood ng live, maaari kang pumunta sa may foodcourt ng SM North Edsa noon dahil doon sila mismo nagtatanghal. Ang show na ito ay pinangungunahan ng batikang host noon na si Pepe Pimentel kasama ang anak niyang si Lito Pimentel at sina Pinky Marquez, Encar Benedicto at Marissa Sanchez.

Nakilala ang show na ito dahil sa mga nakakaaliw na pa-contest nila. Isa na rito ang popular na Roleta Ng Kapalaran na sponsored ng Yakult (At sa tuwing umiinom ako ng Yakult ay lagi kong naaalala ang palabas na ito.). Isa pang palaro nila ay ‘yung Kwarta O Kahon mismo kung saan ito ang larong naging basehan ng mga sumunod na noontime shows sa kanila tulad ng Magandang Tanghali Bayan at Eat Bulaga sa paggawa ng kanilang mga segment noon na tulad ng Pera O Bayong at Laban O Bawi, ayon sa pagkakasunod.

At sino nga ba ang hindi makakalimot sa mga popular nilang sponsors noon? Bukod sa inuming Yakult at SM City, nariyan din ang sapatos na Advan, ang Unipak at Orocan na laging pinasasalamatan ng mga hosts sa kalagitnaan ng show.

At ayon sa aking pagsasaliksik, umabot pala ng tatlumpu’t walong taon (38 years) ang show na ito, mula 1962 hanggang 2000.

Thursday, December 2, 2010

Pinangarap mo bang magkaroon ng ganitong pencil case?

Bago sumapit ang pasukan, maraming bata na ang laman ng mga tindahan ng school supplies upang bumili ng kanilang mga gamit sa eskwela. Usong uso pa sa atin ang last minute shopping kaya naman dagsa ang mga batang bumibili ng kanilang mga bagong gamit pang-eskwela na ipagmamayabang nila sa kanilang mga kaklase sa unang araw ng pasukan. Bag, ballpen, gunting, pandikit, notebook, at kung anu-ano pa. Bibilhin ang lahat ng pwedeng bilhin maski hindi naman talaga kailangan sa eskwela. Pero isa sa pinakasikat na gamit pang-eskwela ay ang pencil case. Kadalasan ay mga elementary students ang bumibili ng ganitong klaseng pencil case na may makukulay na designs pa.

Maraming klase ng pencil case ang maaaring mabili. Pero isa sa pinakagusto ng mga bata ang pencil case na maraming compartments o ‘yung maraming pwedeng paglagyan ng kung anu-anong bagay. Bukod sa lapis at panulat, ang “hi-tech” pencil case na ito ay merong built-in sharpener sa gilid, may mini calendar na nakadikit sa pintuan ng case, may mini-maze game at kung anu-ano pang maisip na compartment. Meron pa ngang magnifying glass at thermometer ang iba nito.

Una kong nakita ang ganitong pencil case sa mayaman kong classmate noong grade 2. Nainggit ako sa ganda ng kanyang “Honey & Amy” Pencil Case (tatak ng pencil case) dahil bukod sa marami itong compartments ay meron pang mala-kutson na pintuan ito. (Malambot kasi s’ya. Hehe.) Dahil dito ay nagpabili rin ako ng napakagandang pencil case na ito sa nanay ko, at binilhan naman n’ya ako. ‘Yun nga lang, sa buong grade 2 ko lang ito napakinabangan dahil nasira kaagad ito at isa pa, nagsawa na ako dahil sa bigat ng pencil case na ito. (Eh kasi, bata. LOL.)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...