Wednesday, November 17, 2010

Naliligo ka rin ba sa batya noong bata?


Naaalala mo pa ba ang mga panahon ng iyong kamusmusan kung saan pinapayagan tayo ng ating mga magulang na magbabad sa isang malaking batyang may tubig nang buong maghapon? Ang sarap ‘di ba? Hindi nila inaaalala ang dami ng naaaksaya nating tubig tuwing tayo ay masayang nagtatampisaw dito. Isa na siguro ito sa mga patok na gawain bilang bata noon, ang paliligo sa batya. Ang sarap nga namang magbabad nang maghapon sa isang batya na para bang ikaw ay nasa bath tub. Minsan ay may dala-dala ka pang props sa paliligo (laruang bangka at kung anu-ano pa) para mas exciting ang pagbabad sa batya. Kung pwede nga lang mag-backstroke sa batya ay paniguradong ginawa na natin ito sa sobrang tuwa natin sa paliligo.

Ako mismo noong bata ay madalas maligo at magbabad sa batya. Naaalala ko pa noon, sa may lumang garden namin nilalagay ang isang malaking batya at maghapon akong nagbababad doon hanggang sa mangulubot ang mga balat sa aking daliri dahil sa sobrang tagal ko sa pagkakababad sa tubig. Maski ang kapatid ko ay nakaranas maligo sa batya noong bata. Sa katunayan, meron pa kaming litrato habang kami ay nakahubo’t hubad na naliligo sa batya. (At hindi ko na ipapaskil dito. Ahehe :p) Grade four siguro ang huli kong paliligo sa batya. (Ang laki ko na nang huli akong maligo sa batya, ‘no?)

Friday, November 12, 2010

Nakapag-collect din ba kayo ng Colgate Alphabet Robots?


Isa siguro sa mga dahilan kung bakit nakaugaliang term na ng Pinoy ang “Colgate” imbis na “toothpaste” ay dahil sa sumikat nilang free robot toy na katulad ng nasa litrato. Ang Colgate Alphabet Robots ay isang plastik na laruang may disenyong mga letra at maaaring ma-transform na robot. Sumikat ito noong 90s pero I’m not sure kung matagal nang meron nito.

Napaka-henyo ng nakaimbento nito. Nagkaroon tuloy tayo ng dahilan upang magsipilyo araw-araw nang sa gayon ay mabilis makabili ng panibagong Colgate para makolekta ang lahat ng alphabet robots na kalakip nito. Pero sa totoo lang, sadyang napakahirap kolektahin lahat ng letra nito. Maraming rare na letra na hindi available sa tindahan. Sa pagkakatanda ko ay apat lang ‘yung nakolekta kong ganito at ‘yung dalawa ay galing pa sa lola ko. At kung meron mang naka-kumpleto ng koleksyon nito ay binabati ko s’ya dahil isa s’yang dakilang kolektor. (Amps. Wala lang.)

Sa kabilang banda, kaya n’yo bang hulaan kung ano ang letra nung nasa ikalawang litrato? Sa tingin ko ay letter “K” ‘yung isa at ‘yung nasa kaliwa naman ay “H” o “U”. (Wala lang. Kinausap ko lang ang sarili ko. Hehe.)

Wednesday, November 10, 2010

Mr. Cupido: Tinamaan ba nito ang puso mo tuwing hapon?

Natatandaan mo pa ba ang programang ito noong dekada nobenta? Ang Mr. Cupido ay isang daily romance/drama show sa ABS CBN na pinapalabas tuwing hapon, usually pagkatapos ng mga panghapong soap opera nila tulad ng Mara Clara at Valiente. Ang show na ito ay tumatalakay sa kwentong pag-ibig ng mga letter senders. Every week ay may featured romantic story narrated by Mr. Cupido himself, Buboy Garovillo (Isa sa mga member ng famous APO Hiking Society), na ginaganapan ng mga piling artista.
Dahil laking TV ako noong 90s, isa ang Mr. Cupido sa mga pinapanood namin ng tita ko tuwing hapon, bago ako makipaglaro sa mga pinsan ko sa labas. Kahit hindi ko maintindihan ang istorya ay nakatutok pa rin ako dito. Paborito ko lang siguro ang theme song nito na inawit ni Rachel Alejandro. (Mr. Cupido, ako nama’y tulungan mo… Huwag mo nang tagalan ang paghihirap ng puso kooo… K.) Pero sa dinami-dami ng mga artistang gumanap sa show na ito, tanging ang dating teen star na si Chucky Dreyfuss lang ang natandaan ko. Ewan ko ba kung bakit s’ya ang tumatak sa isip ko kapag nababanggit ang programang ito. Ni hindi ko naman s’ya paboritong artista.

Ikaw? Tinamaan ba ng pana ni Cupido ang nagsi-siyesta mong puso tuwing hapon?

Friday, November 5, 2010

Nakatikim ka na ba ng Choyo Choyo chocolate?


Ang Choyo Choyo ay isang brand ng tsokolate na gawa sa Japan (sa pagkakaalam ko). Madalas itong mabibili noon sa mga palengke at ewan ko lang kung may ganito pa rin ngayon. Para sa mga hindi pamilyar dito, ito ‘yung tsokolateng nakalagay sa maliliit na lalagyang plastik na kahawig ng lalagyan ng Jellyace. May kasama itong sobrang liit na kutsarang plastik na para bang kutsara sa isang lutu-lutuan, na ginagamit upang makuha at makain ang kakarampot na tsokolate sa loob ng mala-Jellyace na cups. Ang ibang version ng Choyo Choyo ay nakalagay sa isang pahabang plastik. (Pasens’ya na at walang litrato. Use your imagination na lang. LOL.) At ngayon ay meron nang wafer stick ang Choyo Choyo na katulad ng nasa pangalawang larawan. Maaari mo itong mabili ng tingi-tingi o isang banig. Natatandaan mo ba ito?

Nauso ang Choyo Choyo sa amin noong elementary nang minsang magbenta ‘yung kaklase kong may maliit na tindahan ng mga pagkain sa palengke. Nang amin itong matikman ay hindi na namin tinigilan pa dahil sa sobrang sarap kahit na nakakabitin dahil sobrang konti ng laman sa bawat lalagyan.

Maaaring ipalaman ang Choyo Choyo sa tinapay (Nakita ko ito sa isang commercial. Hindi ko pa nasusubukang ipalaman ito dahil parang hindi bagay ipalaman ito para sa akin). Pero wala nang tatalo pa sa pagkain nito sa pinaka-simpleng paraan.

Tuesday, November 2, 2010

Labanan ng "Pop Icons"

Hindi ko alam kung may ganito rin sa klase ninyo noon. Sa amin kasi noong elementary/high school ay usong uso ang mga kanta nila. Sa bawat sulok ng aming silid ay makikita mong nagpapatugtog ang mga kaklase ko ng kanilang favorite pop music, mapa-lalake man o babae.

Pinaka-sikat sa amin ‘yung labanan ng Hanson fans at ng Moffatts fans. Apat sa mga kabarkada kong lalake ang mahilig sa Hanson. (Err, ang mga kanta ng Hanson ang tinutukoy ko.) Apat din naman sa mga kaklase kong babae ang Moffatts fans. At kung makaangkin sila sa bawat myembro ng Moffatts ay akala mong pag-aari talaga nila ang mga ‘yun. “Akin si Clint!”, “Akin si Papa Dave ha!”, “Basta walang aagaw kay Scott Moffatt ko!”. ‘Yan ang mga linyang maririnig mo sa kanila. Araw-araw pa silang bumibili ng songhits at kapag may Moffatts sa cover page nito ay kulang na lang ang ipalaminate ang buong songhits dahil sa sobrang pag-iingat nito. May time pang umiyak ang isa kong kaklase dahil nalukot ng kabarkada ko ang songhits na naglalaman ng feature tungkol sa Moffatts. Kung gaano nila kamahal ang Moffatts ay ganoon naman nilang ka-hate ang Hanson. Ayaw na ayaw nila sa mga kanta ng bandang ito. (Actually, ayaw din nila sa itsura ng Hanson na mukhang mga kabayo daw, ayon sa kanila.) Kaya’t kapag nagkasabay ng soundtrip ang Moffatts at Hanson fans sa aming klase ay asahan mo nang umaatikabong kantiyawan at pasikatan ng mga idolo nilang pop bands ang maririnig mo. (Sa totoo lang, mas gusto ko ang mga kanta noon ng Hanson kaya nga may cassette ako nila.)

Isa pang sikat na labanan sa aming klase ay ang pasikatan ng Britney Spears fans at ng Christina Aguilera fans. ‘Yung mga kabarkada kong lalake na mahilig sa Hanson ay mga Christina Aguilera fans din. (Sa totoo lang ay mga tunay na lalake po ang aking mga kabarkadang ito. Hehe.) May mga kabarkada din akong babae na mahilig naman sa Britney Spears songs. Sa palagay ko naman, itsura ang pinaglalabanan nila kina Britney at Christina dahil pareho namang maganda at nakaka-LSS ang kani-kanilang mga awitin. (Oo, inaamin kong paminsan-minsan ay nakikinig ako noon ng kanilang mga kanta. Sino ba naman ang hindi mae-LSS sa mga kanta nila, hindi ba? Lalo na sa All I Want Is You ni Christina. Amps. Hehe.)

Kung ikaw ang tatanungin, are you a Moffatts fan or a Hanson fan? Pro-Britney ka ba o Pro-Christina? :D
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...