Nasa Kindergarten ako noon nang una kong maranasang gumamit ng “jumbo pencil” o ‘yung matabang lapis na kulay dark blue ang katawan. Ito ang gamit ko nang matuto akong magsulat ng ABC at 123. Pagtungtong ko ng grade one, pinagamit na kami ng aming guro ng lapis na Mongol. Pinaniniwalaan pa namin noon na ang pinakamagandang Mongol ay ‘yung may nakalagay na “1”, pinakamalabo ‘yung “2” at ang pinakapanget naman ay ‘yung “3”. Pagdating ko ng grade three, tinuruan na kaming magsulat ng dikit-dikit gamit pa rin ang mahiwagang Mongol. At noong grade four naman ay pinayagan na kaming gumamit ng isa sa pinakamahalagang instrumento ng buhay estudyante, ang ballpen. Simula noon, naging kaagapay ko na ang ballpen sa mga impormasyong nais kong malaman sa eskwela at sa mga nais kong ipahayag kasama ng isang papel.
Napakahalagang papel ang ginagampanan ng panulat sa ating buhay estudyante. Isa ito sa pangunahing kagamitan sa eskwela. Ito ang nagsisilbing sandata ng ating kaalaman. Meron pang sikat na kasabihan kapag wala kang dalang ballpen sa oras ng exam. “Nagpunta ka sa giyera nang walang dalang sandata.” Noong elementary, sikat ka, mayaman, at titingalain kapag marami kang dalang ballpen. Good shot pa sa magiting na teacher kung lagi s’yang nanghihiram sa ‘yo ng red ballpen na pang-check. Taliwas naman ito pagdating mo sa high school o sa kolehiyo dahil kahit ballpen lang ang dala mo, maaari ka nang mag-survive. Minsan nga, kahit wala kang dalang gamit, maaari ka nang pumasa, basta’t maabilidad ka lang.
Marami na rin akong nasubukang iba’t ibang klase ng panulat sa paglipas ng panahon. Una akong nakaranas gumamit ng kulay gold at silver na panulat noong elementary. Dahil sobra akong naastigan, gumawa pa ako ng isang maliit na directory na kulay itim na naglalaman ng mga contacts ng aking mga kaeskwela kahit hindi ko naman sila tinatawagan talaga, masabi lang na meron akong number ni ganito, ni ganyan. At dahil nga kulay itim ito, nagkaroon ako ng dahilan para gamitin dito ang kulay silver kong panulat. Elementary din ako nang makagamit ako ng isang naiibang klase ng Magic Pencil. Ang naturang lapis na ito ay hindi lang kulay gray ang sulat (tulad ng pangkaraniwang lapis na kulay gray ang lead). Merong kulay pink, yellow, green at blue — sa isang sulatan lang! Nagkaroon din ako ng ballpen na may kasamang isang maliit na papel na naglalaman ng multiplication table sa loob, pwedeng pwede sa pangongodigo basta’t huwag ka lang papahuli nang buhay sa nanlilisik na mata ng butihing guro. At nagkaroon din ako ngMulticolored Ballpen na alam kong katulad ko ay meron ding nakagamit sa inyo ng ganitong ballpen.
Grade four ako noon nang una kong madiskubre ang Multicolored Ballpenmula sa kaklase kong mayaman pero hambog at pandak (ang sama kong maglarawan). Isa itong uri ng ballpen na merong iba’t ibang kulay sa iisang katawan, hindi tulad ng pangkaraniwang ballpen na iisa lamang ang kulay. Karaniwang kulay ng ballpen na ito ang black, red, blue, pink, green, orange, yellow, at violet. Subalit hindi lang sa makulay na tinta nakilala ang ballpen na ito dahil meron ding taglay na halimuyak ang tinta nito. Pakiramdam mo ay merong mahika sa bawat pagkumpas ng iyong kamay sa pagdausdos ng ballpen na ito sa papel, at ang tinta nito ay merong built-in na perfume dahil sa sobrang nakakaadik ng amoy.
Dahil dito, nagpabili ako kay inay ng ganitong klaseng ballpen at hindi naman n’ya ako binigo. Sa sobrang tuwa ko sa Multicolored Ballpen ay lagi ko itong ginamit sa lahat ng lecture namin sa klase noong elementary. Isipin mo na lang sa subject na Mathematics. Makikita ang unang pahina ng kuwaderno ko na naglalaman ng lecture tungkol sa “Four Basic Operations” o MDAS(multiplication, division, addition, subtraction) na ginamitan ko ng kulay berdeng panulat. Sa susunod na pahina naman ay makikita ang lecture tungkol sa “Place Value” na ginamitan ko ng kulay pink na panulat. Ang sumunod naman ay isang lecture tungkol sa pagkuha ng percentage gamit ang kulay violet na panulat. Maski ‘yung kulay dilaw ay ginamit ko sa lecture kaya siguro lumabo ang mata ko noon. Isang kulay lang ang hindi ko ginamit, ang kulay pula dahil ang pula ay pag-ibig. ‘De, biro lang. Ang pulang tinta ay alam naman nating nakalaan para sa pang-check ng butihing guro.
Tumigil lang ako sa kalokohan kong ito nang sitahin ako ng aming guro na isa sa itinuturing kong pinakamabagsik at kinatatakutang guro sa balat ng elementarya. Pinagalitan n’ya ako nang minsang makita n’ya ang lecture ko sa English (na kilala bilang “Language” na subject noong elementary) na ginamitan ng Multicolored Ballpen. Mangiyak-ngiyak ako nang pandilatan n’ya ako ng kanyang mabibilog at nanlilisik na mga mata kaya’t para sa ika-uunlad ng aking buhay estudyante at para na rin sa kapakanan ng kanyang mataas at matayog na high blood ay ginawa ko na kung ano ang tama, ang pagsusulat gamit ang isang kulay lamang ng ballpen, ang kulay itim.
Subalit hindi lamang sa pag-aaral ko naging kaagapay ang Multicolored Ballpen kundi pati na rin sa libangan. Ito ang ginagamit naming panulat sa paglalaro ng SOS. Mas maganda kasing tingnan kapag mapupuno n’yo na ang graphing paper o grid at iba-iba ang kulay ng mga titik S-O-S na iyong makikita dito. Ito rin ang ginagamit namin sa paglalaro ng Giyerahan sa Papel. Tatanggalin lang namin ito isa-isa dahil mahirap gamitin ang matabang ballpen sa ganitong klase ng laro. Pati sa larong Pakita Mo Mukha Mo ay gumagamit din kami ng Multicolored Ballpen. Asul sa mata, pula sa ilong, berde sa bibig, dilaw sa buhok, itim sa mukha, pink sa tenga. Para cute, colorful at magmukhang alien talaga ang drawing namin.
Kung nahihirapan kang gamitin ang ganitong klaseng ballpen dahil sa sobrang taba, meron pa ring nabibiling Multicolored Ballpen na apat ang kulay (green, red, blue, black), mataba pa rin ng kaunti pero hindi tulad ng maramihang kulay ng Multicolored Ballpen.
Kahit masakit sa kamay gumamit ng Multicolored Ballpen, nakakalibang pa rin itong ipansulat at nakaka-high pa ring langhapin ng tinta nito sa papel. Ito ay sumasalamin sa makulay na buhay ng isang batang mag-aaral na kahit gaano man kaganda o kapanget ang penmanship ng kanyang buhay na pinagdadaanan, importante pa rin na mag-iwan ng simpleng ngiti na magpapawi sa lahat ng mga problema at magkakaroon ng ibang klaseng halimuyak sa kanyang kamusmusan. Sabi nga sa isang kanta ng South Border,“There’s a rainbow always after the rain.” (Hindi ko maintindihan itong sinabi ko. Paki-connect na lang kung kaya n’yo. Biro lang.)
Samantala, hindi ako sigurado pero parang nakakita ako ng Multicolored Ballpen sa National Bookstore noong nakaraang Sabado. Ang sarap bilhin! Nakaka-miss kasing gamitin ito bilang panulat, lalo na ‘yung kulay pink at dilaw.
thanks for all information
ReplyDelete