Monday, July 25, 2011

Napasigaw ka din ba ng “4:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!” tuwing hapon ng dekada nobenta?

Kapag tinanong mo ang isang batang paslit sa kung ano ang gusto nitong maging paglaki, hindi maaaring walang magsasabi na gusto nitong maging artista. Isa sa pinakasimpleng pangarap ang pag-aartista. Maliban sa pagiging doktor, teacher, at pulis, ang pag-aartista na siguro ang masasabing tipikal na mamumutawing pangarap sa mapaglaro at murang isipan ng mga kabataan.

Ang pag-abot sa pangarap ng mga bata na maging artista ay mas pinadali dahil sa pag-usbong ng iba’t ibang programang nagpapakita ng kanilang potensiyal bilang isang bigating artista sa mga darating na panahon. Isa sa mga halimbawa ng programang ito ay ang “Goin’ Bulilit” na napapanood ngayon sa ABS CBN tuwing Linggo ng gabi. Ito ay kinabibilangan ng mga batang artista ng ABS CBN Star Magic na sa kabila ng murang edad ay kinakakitaan na ng talento sa pag-arte at pagpapatawa.

4:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!
Subalit bago pa makilala ang programang ‘yan, nauna nang sumikat noong dekada nobenta ang isang programang pinangungunahan ng mga cute na cute na bata na nagpapatawa at umaarte. Ito ay ang Ang TV, isang gag-variety show pinalabas sa ABS CBN tuwing hapon magmula taong 1992 hanggang 1996. Ang Ang TV ay nasa direksyon ni Johnny Manahan na kilala din sa palayaw na “Mr. M”. Ang format ng Ang TV ay hango sa pambatang progrmang “Kaluskos Musmos” (pinalabas sa RPN 9 noong dekada sitenta), at“The Mickey Mouse Club” ng mga taga US. May kaunting sipa din ito ng popular na “That’s Entertainment!” ni Kuya Germs.

Ang Ang TV ay kinabibilangan ng mga talentadong kabataan noon sa ABS CBN Talent Center (Star Magic na ngayon) na ngayon ay kilala pa rin sa iba’t ibang larangan. Ilan sa mga kabataang bumubuo sa tinatawag na “Ang TV Kids” ay sina Camille PratsVandolphPatrick GarciaPaolo ContisAngelica Panganiban,John PratsJanus Del PradoMaybelyn Dela CruzKatya SantosCheska Garcia, at iba pa. Sina Claudine BarrettoAngelu De LeonJolina MagdangalGio Alvarez,Lindsay CustodioRoselle NavaKaye AbadVictor NeriChristopher Roxas, atLailani Navarro naman ay ilan lamang na kabilang sa mga “Ang TV Teens”. Pero s’yempre bukod sa mga kabataan ay meron ding special participation ang ilang mga artista tulad nina Winnie CorderoJoji IslaJoy Viado, at Gisselle Sanchez.

At dahil isang gag show, hindi mawawala ang mga patawang “tatak-Ang TV”. Isa sa pinaka-kilalang Ang TV Joke ay ‘yung tinatawag na “Pedring Jokes”. Ito ‘yung gumaganap na “boy” o alalay si Paolo Contis ng amo n’yang si <*hindi ko kilala kung sino*> na laging nakasuot ng daster at nakatira sa isang barung-barong.

Amo na hindi ko kilala kung sino: Pedriiiiiiiing!!!!
Paolo Contis AKA Pedring: Yis, atiiii?
(kasunod na ang punchline na magsisilbing ‘cream of the crop’ ika nga) 


Isa naman sa pinaka-popular na portion ng programang ito ay ang joke time na tinatawag na “Esmyuskee!”. Sa umpisa ng joke ay umaawit ang mga bibong bata ng theme song: “Esmyuskee, esmyuskee, puwede ba kaming dumaan? La-la-la… (Pasens’ya na at hindi ko na alam ang kasunod. Basta, siguro eh pamilyar na kayo sa awiting ‘yan.)”. Minsan ay pinapalitan nila ang lyrics ng“Esmyus-Krismas, Esmyuskee!” kapag Christmas season. Kapag narinig na ang awiting ‘yan, ibig sabihin eh oras na para sa isang sabaw joke.

Patrick Garcia: Esmyuskee, Camille!
Camille Prats: You’re esmyused, Patrtick!
Patrick Garcia: Ano ang tawag sa hayop na nauuntog?
Camille Prats: Ano?
Patrick Garcia: Eh ‘di, DOg!
Ang TV Kids: Ngeeee!!

Ang TV Kids and Teens


Pambansang expression sa Ang TV kung ituring ang “ngeeee!!”. Lagi itong sinasabi sa pagtatapos ng sabaw jokes. May kasama pa ‘yan na kagat ng daliri at kaunting maniobra ng katawan pagilid para mas cute panoorin ang mga bata.

Hindi lang puro sabaw jokes, tawanan at comedy skits (na pinakaayaw kong portion ng Ang TV noon) ang mapapanood sa Ang TV. Araw-araw ay merong live performance ang Ang TV Teens lalo na sina Jolina Magdangal at Roselle Nava. Laging inaabangan ng “favorite auntie” ko ang kakantahin nina Jolina at Roselle, pati ang outfit ni Angelu De Leon noon! Kaya nang minsang makita ko si tita na may suot na bestida na kahawig ng sinuot ni Angelu sa Ang TVnoong isang araw ay napagkatuwaan kong tawagin s’yang “Angelu” o “Tita Angelu”. Kapag napapanood ko naman ang teen star na si Lindsay Custodio ay pumapasok sa isip ko ang puno namin ng talisay dati, siguro eh dahil magkatunog ang ‘Lindsay’ at ang ‘talisay’. (Para sa mga hindi nakakaalam ng punong ito, pindutin mo ito. Go!)

Sigurado naman akong katulad ko ay halos mabingi ang tenga (s’yempre alangan namang ilong ang mabingi) ng mga batang mahilig manood ng Ang TVnoon dahil sa matining na boses ni Paolo Contis sa pagsisimula ng show na ito. Maririnig mo ang walang kakupas-kupas n’yang sigaw ng “4:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!” na s’yang hudyat para ipagpaliban ng mga bata ang kanilang paglalaro at tumutok muna sa kani-kanilang mga telebisyon. Nang malipat sa ibang timeslot ang Ang TV ay parang social networking site na ginawang updated pati ang sigaw na ito ni Paolo Contis“2:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!”

Gustong gusto ko ang estilo sa opening ng programang ito. Sa simula, pinapakita ang iba’t ibang channel sa cable tulad ng CNNBBCMTV, at iba pa, mistulang may kung sinong naglilipat ng channel sa iyong telebisyon. At pagbungad ng logo ng Ang TV, biglang maririnig ang classic na awiting “Doo Wah Diddy Diddy” ni Manfred Mann na theme song ng programa:

“There she was right a-walkin’ down the street, singing doo wah diddy diddy dum diddy doo. Snappin’ her fingers and shufflin’ her feet, singin’ doo wah diddy diddy dum diddy doo. She looked good, looked good. She looked fine, looked fine. She looked good, she looked fine, and I nearly lost my mind…”

Gusto ko rin ‘yung paraan ng pagpapakilala sa mga cast ng show. ‘Yun bang tulad ng nasa larawan, todo posing at smile ang mga batang artista habang animated na pinapakita ang mga palayaw nila. Noong bata pa ako, lagi kong nai-imagine na kasama ako sa cast ng Ang TV. Todo pacute ako sa camera habang umaandar ang “ALD3N” sa harapan ko. Pero wala akong balak maging artista noon, trip ko lang talaga ‘yung malupit at classic na intro nila.

Meron pa akong nagustuhan noon sa intro ng Ang TV at ewan ko lang kung may nakakaalam nito (palagay ko’y wala, dahil isa akong mapagmatyag na manonood). Kapag nag-uumpisa ang Ang TV, matapos ipakilala ang lahat ng cast, bago mag-commercial break ay ipapakita ulit ang logo pero this time ay may isang random word o para bang isang expression sa gilid ng logo. Parang ganito:


Ang TV expression of the week: "sabaaaw!"

Makikita ang expression na “sabaaaw!” sa logo nila. ‘Yan ang magiging expression nila for one week na makikita sa logo ng Ang TV tuwing commercial breaks. Natatandaan kong nililista ko pa lahat ng expressions nila. Meron akong naaalalang expression o taglines. May “100% pure”“homogenic”,“sterilized”“no entry”“no pets allowed”“4:30 na!”, at iba pa. Random talaga kung random. Ewan ko ba, ibang klase kasi ang takbo ng utak ko at gustong gusto ko ‘yung estilo nilang ‘yon. Okay, nag-edit din nga pala ako sa Photoshopdahil gusto ko lang mag-edit at magpakita ng Photoshop skills ko. Joke lang.

Nakakatuwang isipin na ang lahat ng Ang TV Kids at Teens ay lumaki na ngayon, nagkaroon na ng asawa at pamilya. Minsan ay nai-imagine ko na ganyan din ang mangyayari sa Goin’ Bulilit Kids. Ang cute imagine-in na may anak na at mga binata’t dalaga na sina Bugoy CariñoChacha (bulilit, bulilit, sanay sa masikip!), Aaron Junatas, at Carl Camo, ‘di ba?

Nai-imagine ko lang (ulit), ano kaya kung magkaroon ulit ng reunion ang lahat ng Ang TV Kids? Pagkatapos ay pakakantahin ulit silang lahat ng“Esmyuskee!”. Pasisigawin din si Paolo Contis ng “4:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!”(na magmumukhang katawa-tawa dahil malaki na ang boses ni Paolo Contis ngayon. Nai-imagine mo ‘yon, para bang halimaw na sumisigaw ng “4:30 na!!”). Gawin din sana ng Goin’ Bulilit Kids ito kapag sila naman ang nagka-anak at nagka-asawa sa mga darating na panahon. Sisigaw din sina Bugoy at Chacha ng “7:30 na!! Goin’ Bulilit naaaaaa!!!!” sabay kanta ng “Goin’ bulilit, goin’ bulilit, kuwela, cute at makulit!”. How cute!

At least, maaaring nakatulong ang programang ito para malaman natin kung anong oras na. Sana pala ay ginawa nilang pang-umaga ang Ang TV noon para may instant alarm clock ang bawat pamilya. “Alas singko na!! Gising na!! Ang TV naaaaaa!!!!” Okay, ang korni ko na talaga kaya titigil na ako.

Samantala, bilang pangwakas ay inirerekomenda ko sa inyo na panoorin sa link na ito ang opening theme noon ng Ang TV. Makikita n’yong may gatas pa sa labi ang mga artistang tinitingala natin sa ngayon! Mapapansin din sa ending ng video ‘yung “expression of the day” na nabanggit ko kani-kanina lang. Medyo mahina nga lang ang audio ng video na ‘yan.

Isang salita lang ang makakapagpaliwanag sa video na ‘yan: Classic!

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...