Sunday, March 27, 2011

Pakita mo mukha mo: Isang larong nakakatuwa

Sa totoo lang, inimbento ko ngayon lang ang pangalan ng larong ito. At actually, hindi naman talaga siya isang laro kundi isang nakakaaliw na activity gamit ang papel, panulat, at mga kabarkadang saksakan ng kekengkoy. Isa ito sa mga paborito naming pampalipas oras ng mga kaklase ko noong grade two o grade three kami.

Paano nga ba ito ginagawa? Para magsimula, kailangang gumuhit ng limang (o kahit ilan dahil mas marami ay mas masaya) iba’t ibang hugis o anyo ng mukha, buhok, mata, tenga, ilong at bibig. Ihilera ang mga ito na katulad ng nasa larawan (makikita ang limang mukha sa unang row, limang buhok sa pangalawa, limang mata sa pangatlo, limang tenga sa pang-apat, limang ilong sa pang-lima, at limang bibig sa pang-anim na row). Sa aktibidad na ito ay may isang taya at may isang taga-guhit. Ang objective nito ay ang mabigyan ng kanais-nais na pagmumukha ang taya, na nakatalikod upang hindi makita ang bago n’yang mukha na iguguhit ng taga-guhit (para suspense daw). Kapag sinabi ng taya ang “start” ay igagalaw ng taga-guhit ang panulat n’ya mula sa unang column hanggang sa ikalimang column nang mabilis at paulit-ulit at kapag sinabi nang “stop” ay ititigil na sa paggalaw ang panulat. Kung saang parte ng mukha matapat ang panulat, ‘yun ang parte ng mukha na iguguhit. (Una muna ‘yung mukha, then ‘yung buhok, then you know the drill.) Makikita sa ilalim na parte ng larawan ang isang halimbawa ng finished product nito (mukha #1, buhok #4, mata #2, tenga #4, bibig #2). Pogi ko ‘no? K.

Walang panalo o talo sa aktibidad na ito. Lahat kasi ay mabibigyan ng kasiyahan dahil sa nakakatuwang resulta ng mga mukha. Kaya mas kengkoy ang mga parteng iginuhit, mas nakakatuwa. Sabi nga ni Spongebob: “Use your imaginaaation!”. Pati ang magiting naming guro noon ay nakisali rin sa aktibidad na ito.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...