Wednesday, March 16, 2011

“Cut-out and paste in your notebook”: Isang popular na takdang aralin

Normal na sa isang klase sa eskwelahan ang pagbibigay ng mahal nating guro ng ilang assignments, homework, kasunduan o mga takdang aralin. May homeworks na nangangailangan ng ibayong pananaliksik (tulad ng kung sino ang nakadiskubre sa Pilipinas) at may homeworks din na sabi nga ng ilan ay “maning-mani” lang na para bang inutusan lang kayo ng guro na mag-practice sa tamang pagsusulat (tulad ng pagsusulat ng buod ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo). At syempre, may homework na nagiging schoolwork. Ito ‘yung pinaka-madalas sa lahat, lalo na sa high school at college students. Cramming to the extreme, ika nga.

Pero walang kinalaman ang college students sa post na ito kaya babalik tayo sa pagiging preschool students. At kapag sinabing preschool students (o kaya grade one or two) ang madalas na pinapa-assignment sa kanila ay ‘yung tipong madadali lang at hindi na kailangan pa ng matinding pagsusunog ng kilay. Isa na sa halimbawa ay ang “cut-out and paste in your notebook” na tinatawag. Ewan ko lang kung naranasan n’yo ito. Noong preschool kasi ako, ganito lagi ‘yung pinapa-assignment sa amin. Ito ‘yung homework kung saan papahanapin ng butihing guro ang mga estudyante ng mga larawan na ayon sa hinihingi ng paksa.

Malabo pa rin? Ilan sa mga halimbawa ng takdang araling ito na isinusulat ng guro sa pisara ay narito:

  • Cut out five things that starts with the letter <*given letter*> and paste it in your notebook.
  • Cut out five living and five non living things and paste it in your notebook.
  • Cut out five “go” foods, five “grow” foods and five “glow” foods and paste it in your notebooks.
  • Gumupit ng limang larawan ng anyong lupa at limang larawan ng anyong tubig at idikit sa inyong mga pwet (‘de biro lang, sa kwaderno, saan pa nga ba). 
Ewan ko lang kung meron pang nagpapa-assignment ng ganito sa preschool students. Kung meron man, importante talagang tinatago ang inyong mga babasahin sa bahay tulad ng magazines (FHM, Uno Magazine), newspapers (Tiktik, X-Files, Bosero), at kung anu-ano pang libro. Dito kasi madalas makakakita ng mga bagay na hinihingi ng demanding na guro. At resulta ng notebooks? Sobrang kapal na dahil puro nakadikit na “cut-outs” ang nasa bawat pahina nito.

Naaalala ko pa noong grade one ako, kapag wala kaming mahanap ng tatay ko sa magazines ng larawang hinihingi sa assignment, gumuguhit na lang s’ya sa bond paper gamit ang itim na panulat atsaka ko gugupitin at ididikit sa aking notebook. Hindi naman nahahalata ng guro at kung makahalata man, malamang na binabalewala na rin dahil baka “daw” magsumbong ang bata. Kaso itinigil din namin kaagad ang gawaing ‘yun dahil pakiramdam namin ay naglolokohan lang kami. Kaya ang ginawa namin, bumili kami ng pambatang libro na mumurahin lang para may source ako ng pwedeng gupitin sa tuwing may ganitong homework sa eskwela.

Pero kung iisipin, hindi rin maganda ‘to. Una, bata pa lang ay marunong ka nang sumira ng babasahin. Pangalawa, bakit nga ba hindi na lang ipaguhit sa mga bata ang assignment na ‘to? Mas madali na, hindi pa nangangailangan ng gunting at pandikit, simpleng lapis lang, oks na.

At kung merong “cut-out and paste” na takdang aralin, ngayon ay mas uso na ang “copy paste” homeworks. At imbis na larawan, isang maikli o mahabang article o paragraph ang kina-copy paste at syempre, hindi na ito kinakailangan ng manu-manong gupitan dahil ang computer na ang bahalang gumupit ng article na ‘yun, mahaba man o maikli. Pwede mo ring i-edit ang article na ‘yun, ‘di tulad ng cut-out na larawan na hindi mo na pwedeng i-edit ang iyong nagupit.

Pero sa totoo lang, mas maswerte ang mga preschool students ngayon dahil may internet at printer na, na pwedeng gawing source ng homeworks. At hindi na kinakailangan ng matinding gupitan at ibayong dikitan sa kumakapal nang notebook. Isang “copy paste” lang, solve na ang assignment mo! (Huwag lang kalilimutang i-edit nang hindi makahalata ang guro.)

Takdang Aralin:
  1. Isulat ang buod ng kwentong ito.
  2. Gumupit ng sampung larawan na may kinalaman sa tamang paggupit ng magazines.
  3. Sa inyong opinyon, ano ang mas makabuluhang babasahin: FHM o Uno Magazine? Tiktik o Tumbok? Isulat sa pamamagitan ng paggupit ng mga letra at idikit sa isang buong manila paper.
  4. Ano ang mabisang gamot sa sakit ng ulo at sipon? Idikit ang resulta sa inyong talampakan.
  5. Napansin n’yo bang trying hard akong magpatawa at gaya-gaya ako? Kung napansin n’yo, kalimutan n’yo na lang na binasa ninyo ang post na ito.

2 comments:

  1. natutuwa ako sa blog mo. madalas na akong tatambay dito. :)

    ReplyDelete
  2. @Mang Poldo uy! Maraming salamat po sa pagtambay sa blog ko :))

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...