Thursday, August 30, 2012

Na-“hook” ka rin ba sa Meteor Garden noon?



Isang ordinaryong araw ng bakasyon noon ng taong 2003. Pinapalipas namin ng kapatid ko ang mainit na hapon na ‘yon sa pamamagitan ng panonood ng telebisyon. Lipat dito, lipat doon, lipat kahit saang channel. Makalipas ang ilang oras, bigla na lamang namin naalala na ngayong araw pala na ‘yon ang simula ng isang drama series sa ABS CBN na nagmula pa sa Taiwan, ang Meteor Garden. Aba, bago ‘yon ah! Noong mga panahon kasing ‘yon, puro mexicanovelas at walang kamatayang teleseryes ang naghahari sa telebisyon ng bawat Pilipino. Kaya maituturing na nagpabago ng TV viewing habit ng mga Pinoy ang “Taiwanovela” na ito (may ganito bang salita?).

Sabi ko pa sa sarili ko, mukhang bagong pauso na naman ito ng ABS CBN, at malamang hindi magpapatalo ang GMA 7. Kaya makalipas ang ilang linggo, pinalabas naman sa Kapuso Network ang “My MVP Valentine” na kinatatampukan naman ng Asian group na 5566. Pero wala silang kinalaman sa kuwento ko.

“Masilip nga ang programang ito nang makita ko kung ano ang itsura ng ganitong klaseng drama series,” ang sabi ko sa sarili ko. Pero anak ng bulalakaw, makalipas ang isang linggo ay nakita na lamang namin ni utol ang mga sarili namin na aliw na aliw at sumusubaybay sa bawat episode ng programang ‘yan! Marahil tama nga yata ‘yung teaser ng ABS CBN na “mahu-hooked ka sa Meteor Garden. Ayun at kami ni utol ang na-hooked sa mga Taiwanese na ‘yan. Hanep!

Nagsimula bilang isang Japanese manga series na “Boys Over Flowers” na sinulat ni Yoko Kamio ang Meteor Garden na dinub sa wikang Filipino at sinimulang ipalabas sa ABS CBN noong May 5, 2003. Umiikot ang istorya nito sa isang dalagang estudyante na salat sa kahirapan ng buhay na si Shan Cai (Barbie Xu). Kabilang din sa cast siyempre pa, ang F4 o Flower Four na tinaguriang “Mga Hari ng Ying De University” na pinangungunahan nina Dao Ming Si (Jerry Yan), Hua Ze Lei (Vic Chou), Xi Men (Ken Chu), at Mei Zuo (Vanness Wu). Alam kong kilala mo ‘yang mga ‘yan kaya hindi ko na kailangan pang ipaliwanag kung sinu-sino sila. Unless, hindi ka nakapanood noon ng Meteor Garden.

Sino dito sa inyo ang katulad namin na na-“hooked” at sumubaybay sa pakikipagsapalaran ni Shan Cai at ng F4? Aaminin ko, wala akong pinalampas na episode noon ng Meteor Garden. Magmula sa part one hanggang sa part two, pati na rin ‘yung special episode nila na “Meteor Rain” kung saan tinalakay doon ang life story ng F4 maliban kay Hua Ze Lei, maski ‘yung bloopers nila na parang engot lang dahil pati ‘yun eh isinalin ng ABS CBN sa wikang Filipino, lahat ‘yan napanood ko. Hindi halatang Meteor Garden fanatic ako, ‘di ba? Pero sa totoo lang, hindi talaga ako ganoon ka-fanatic. 50-50, ika nga. (50-50 nga ba?)

Noon pa man ay mahilig na akong mag-drawing o mag-sketch ng iba’t ibang klase ng mga logo ng isang programa o produkto. Kaya naman ilang beses kong ini-sketch at nile-lettering sa notebook ko ang sulat-intsik (o kung ano man ang tawag sa ganyang sulat) na ‘yan ng Meteor Garden kahit sa simula pa lang ay hindi ko alam kung ano ang totoong ibig sabihin niyan. Hanep na ‘yan, para lang akong nag-aaral mag-mandarin dahil puro sulat-intsik ‘yung likod na bahagi ng notebook ko!

Sa dinami-dami naman ng mga tauhan sa programang ito, isang karakter lang ang tumatak sa isip (at puso) ko, at ito ay ang bidang babae na si Shan Cai. Grabe, gandang ganda ako sa babaeng ‘yan kahit na lampayatot, at kahit sa teaser pa lang eh naging crush ko na siya. Na-crush at first sight nga yata ako sa kanya. Ang puti-puti niya. Ang haba ng buhok niya. Ang bibilog ng mga mata niya. Ang tangos ng ilong niya. Ang tamis ng mga ngiti niya. Ang kinis ng kutis niya (oo nahawakan ko na siya eh. K). In short, perpekto siyang babae.

Pero dahil 2003 na noon at medyo mulat na ako sa kung anu-anong “kamunduhan”, iba ang pumapasok sa utak ko. Minsan ay nasasabi ko na lang sa sarili ko, “Ang ganda talaga ni Shan Cai! Ano kaya ang amoy ng puke niya?” (Didiretsuhin ko na tutal pare-pareho naman nating alam na bahagi ng katawan ang puke. Maliwanag ba?) Pero dahil wala pang kamuwang-muwang sa mga ganoong bagay ang utol ko noon, iniiba ko ang ilang salita. Minsan ay tinatawag ko siya para sabihing Meteor Garden na! Nood na tayo ng ek-eks ni Shan Cai!”. (Iniba ko pa ‘yung salita pero parang ganoon din eh ‘no?)

Kasabay naman ang popularidad ng Asianovela na ito ay ang pagkakaroon din ng interes ng mga tao sa mga awitin ng boyband na F4. Kung matatandaan, naging ganap na grupo ng mang-aawit ang mga singkit na ‘yan kasabay ng paglaganap ng Meteor Garden phenomena sa buong mundo. Kahit hindi ninyo aminin ay alam kong minsan kayong napasabay sa pag-awit ng ilan sa mga pinakasikat nilang kanta tulad ng mga sumusunod:
  • Can’t Lose You (“Oh baby baby baby, my baby baby, wo jue bo neng shi chi ni…”)
  • Season Of Fireworks (“Qian ni de shou qu gan jue yan huo zui mi ren de ji jie…”)
  • Meteor Rain (“Pei ni qu kan liu xing yu luo zai zhe di qiu shang…”)
  • Sarili nilang version ng “Can’t Help Fallin’ (In Love)”
  • Meteor Garden Theme Song na “Qing Fei De Yi” (“Zhi pa wo zi ji hui ai shang ni, bu gan rang zi ji kao de tai jin…”) na inawit ni Harlem Yu
  • Mga pinasikat na awitin ng kani-kanilang solo career gaya ng “I Truly Love You” ni Jerry Yan“Make A Wish” ni Vic Chou“Here We Are” ni Ken Chu,“Looking For Juliet” ni Vanness Wu, at “Tingeul-Tingeul” ng U-Kiss. ‘De, biro lang.
Kung hindi ka naging tagasubaybay ng Meteor Garden at ng F4 eh magmumukhang alien ka lang sa kababasa ng mga linyang ‘yan, sinasabi ko sa ‘yo.

Madalas ay nire-reuqest pa ang mga kantang ‘yan sa mga radyo noon lalo na sa WRR 101.9 (For Liiife!). Nagpabili naman sa nanay ko ng cassette tape ng F4 ang kapatid ko, bagamat mas naging tipo niya ang nabili n’ya sa bangketa kinalaunan na pirated CD na naglalaman ng lahat ng mga sikat na kanta ng F4. Dahil usong uso ito noon, wala kang maririnig sa buong bahay namin kundi mga kantang masarap sabayan pero hindi alam kung ano ang ibig sabihin. Taiwaninang 'yan!

Dahil na rin sa sobrang pagkahumaling namin ng kapatid ko sa Meteor Garden noon, meron kaming kanya-kanyang inaabangan na character, siyempre bukod pa doon sa puke ni Shan Cai. Aliw na aliw kami sa pagmumukha ni Vanness Wu noon. Para kasi s’yang bading sa paningin namin. Ang ganda ng buhok, mukha pang ngiti na tinubuan ng mukha, ang puti-puti at ang sabi-sabi pa ng ilan eh inaahit daw o wina-wax ng F4 ang mga kili-kili nila. Ewan ko lang kung totoo ‘yon. Pero kung totoo man, isa lang ang masasabi ko — kayo na ang may makinis na kili-kili!

At dahil na rin sa ligayang dinulot sa amin ng Vanness Wu na ‘yan, minsan kong napagtripan na isulat sa likod ng aking lumang notebook ang ilan sa memorable lines ni Mei Zuo (Vanness Wu) sa Meteor Garden. Narito ang ilan sa mga sinulat ko:
  • Nag-joke si Mei Zuo habang nakangisi: “Ano ito?… Nagpu-push up na gagamba sa ibabaw ng salamin.”
  • Nagwika ng matalinhaga si Mei Zuo“Masyadong tahimik ‘yang si Lei, ‘no? Pero agresibo din pala siya pagdating sa pag-ibig.”
  • Masayang nagsalita si Mei Zuo“Si Shan Cai nawawala!” na parang nanggugulat at nakangisi pa.
  • Nang magbati-bati ang F4 matapos magkatampuhan, nagsalita si Mei Zuo“Buo na ulit ang F4… Tara na, may klase pa tayo.” serious mode pero nakangisi naman.
  • Naglalasing sina Mei ZuoXi Men, at Hua Ze Lei sa bahay ni Dao Ming Si. Biglang dumating si Dao Ming Si. Sabi sa kanya ni Mei Zuo“Oh baby baby baby baby baby… Hey, Asi! Come on!” at siyempre nakangisi ulit.
Marami-rami pa akong naisulat na sabaw moments ni Mei Zuo pero hindi ko na ilalagay pa lahat dahil bukod sa walang makaka-relate at wala namang kuwenta eh 100% sabaw goodness lang talaga ang mga ‘yon. Pero kapansin-pansin na ang “killer smile” ni Vanness Wu ang kanyang naging puhunan upang sumikat sa Meteor Garden at sa kanyang career.

Meron naman akong nabasa sa isang libro (joke book) na tungkol sa mga senyales na ikaw ay isang die hard Meteor Garden fan. Hindi ko na matandaan lahat ‘yon sa sobrang dami (mga 30+ yata) pero ikukuwento ko ‘yung iba (at walang makaka-relate dito panigurado):
  • Binagsak ka ng prof mo nang minsang magsiga-sigaan ka na ala-Dao Ming Si sa harapan niya matapos niyang maapakan nang ‘di sinasadya ang sapatos mo.
  • Napapadalas ang pagse-senti mo sa rooftop na parang si Hua Ze Lei.
  • Pilit mong pinapagaya sa nanay mo ang cute na hairstyle ng nanay ni Shan Cai.
  • Ang encyclopedia ninyo na dati ay inaalikabok sa estante, ngayon ay nakatupi sa mga pahina na tungkol sa Taiwan o sa Asia.
  • Nagpapabitin ka nang patiwarik kapag malapit ka nang maiyak para umurong ang luha, tulad ng style ni Hua Ze Lei.
  • Umaga pa lang ay nakatutok ka na sa telebisyon (partikular na sa “Alas Singko Y Medya”, isang lumang morning show ng ABS CBN) dahil baka meron kang ma-miss na update tungkol sa Meteor Garden at sa F4.
  • Bigla mo na lang kinainisan sina Paolo Bediones at Miriam Quiambao!
  • Lagi kang gumagamit ng chopsticks at mangkok sa pagkain.
  • Naglalagay ka ng red tag o kaya naman eh love letter sa locker room ng crush mo.
  • Namakyaw ka ng mga paputok sa Bulacan at sinindihan ito pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi para “mapansin ka ng mga anghel sa langit”.
  • Higit sa lahat (at ang pinaka-korni sa lahat), frustrated ka dahil kailanman eh hinding hindi magkakaroon ng meteor sa hardin ninyo!
Bagamat ilang beses pang naulit ang pagpapalabas ng Meteor Garden sa mga sumunod na taon, nagkaroon pa ng Anime series nito na “Hana Yori Dango”, at nalipat pa ng ibang istasyon (GMA 7 at QTV 11), hindi ko na ulit pinanood pa ito noon pagkatapos ng part two sa ABS CBN. Ewan ko lang, sadya sigurong wala talaga ang puso ko sa mga ganitong uri ng palabas. Tama na nga siguro ‘yung hindi ako bumitiw magmula sa umpisa hanggang sa huling kabanata ng kuwento, at hindi na dumating sa puntong naging ultraelectromagnetic die hard fan ako ng F4 at nanoood ng kanilang concert nang minsang magtungo sila dito sa Pilipinas.

Ngunit ano’t ano pa man, sadyang nakakaaliw ang programang ito. Pasalamat tayo (lalo na ang mga K-Pop fanatic) sa ABS CBN dahil kumbaga ay sila ang nagsimula ng “bandwagon” na ito. Siguro kung hindi nila pinalabas ang Meteor Garden eh malamang iilan lang sa atin ang may alam sa mga programang tulad ng “City Hunter”, “My Girlfriend Is A Gumiho”, “Moon Embracing The Sun”, at kung anu-ano pang teledramas at singkitseryes na pinagbibidahan ng mga singkit nating kapatid sa Asya.

At aminin mo, minsan ay pinilit mong gayahin ang walang kamatayang hairstyle at fashion ng F4. Putaragis na ‘yan, hindi ko magawa sa buhok ko ‘yung fly-away hairstyle ni Hua Ze Lei, hinahangin lang at nagiging parang nakuryente ang dating ng buhok ko! Buti pa sa tatay ko umubra nang hindi sinasadya eh. Bwisit talagang suklay ‘yan!


Friday, August 24, 2012

Naki-"Uno, dos, tres... Vamos!" ka rin ba sa Pinoy Fear Factor?


Paunawa: Bago ka magpatuloy sa pagbabasa, siguraduhin lamang na tapos ka nang kumain ng hapunan o kaya naman eh hindi ka madidirihin. Basta. Hehe. Maliwanag ba?

Alam n’yo ba kung ano ang pinaka-ayokong nilalang? Palaka? Hindi. Buwaya? Hindi rin. Ipis? Nope. Daga? Na-ah (arte). Walang iba kundi ang uod. Oo, tama ang dinig mo. Uod, as in worm! Ewan ko ba kung ano ang istorya sa likod ng pagkakasuklam ko sa mga uod at kung bakit diring-diri ako sa mga nilalang na ‘yan. Kapag nakakakita ako ng uod kahit sa litrato lang eh kinikilabutan talaga ako. Sa totoo lang, kahit anong nilalang na gumagapang eh ayoko. Ahas, bulate, higad, and the likes — lahat sila ay isang malaking YUCK sa buhay ko! Putaragis, sino ang mag-aakalang sa laki kong ito, kakapiranggot na nilalang ang magpapaatras sa akin?

Kung sabagay, lahat naman tayo ay may kanya-kanyang takot. Ang nakakatakot para sa ‘yo ay maaaring hindi nakakatakot para sa iba, at vice-versa. Kahit ‘yung siga sa kanto eh may kinatatakutan din. Maaaring hindi hayop kundi isang bagay ang o kaya naman ay pangyayari ang nagpapakilabot sa kanya. Maaari din na hindi pa niya nadidiskubre ang kanyang takot. Kaya huwag kang maniniwala kapag may taong magsasabi sa ‘yo na wala s’yang kinatatakutan. Walang taong walang kinatatakutan, maniwala ka. (Okay, imbento ko lang naman ‘yan.)

Lahat tayo ay meron din kanya-kanyang paraan para mapagtagumpayan ang takot. Meron ding nagtatapang-tapangan lang at baka sakaling mawala ang kanilang takot at kahit tigas na sa pagtanggi ang utak mo ay sige pa rin. Nakakabilib naman na merong mga taong matapang talaga at nilalabanan ang kanilang takot. Sila ‘yung mga tao na handang magsakripisyo at humaharap sa iba’t ibang hamon ng buhay. Nagkaroon pa nga ng isang reality show na susubok sa tapang ng bawat isa, ang Fear Factor.

Ang Fear Factor ay isang reality game show na sumusubok sa tapang ng mga manlalaro sa pakikipaglaban nila sa kani-kanilang mga takot (parang paulit-ulit na lang ako ah?). Pinalabas dito sa Pilipinas ang ating bersiyon ng Fear Factor na pinamagatang Pinoy Fear Factor (Argentina, South America) sa ABS CBN noong November 10, 2008, hosted by Ryan “Mr. Swish” Agoncillo. Ito ay nilikha ng Endemol, na nagmamay-ari din ng franchise shows na tulad ng Big Brother (Pinoy Big Brother sa atin) at Operation Triumph (Pinoy Dream Academy sa atin). Alam kong tulad ko ay meron din sa inyong sumubaybay sa programang ito. Paborito ko itong panoorin kahit madalas eh nakakadiri ang kanilang stunts.

Kung maituturing man na educational ang programang ito, malamang isa sa pinakaunang leksiyon na matututunan dito ay ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga salitang banyaga, lalo na ng Spanish. Nagkaroon ako ng kaalaman sa iba’t ibang salitang Espanyol dahil ito ang gamit na lengguwahe ng bansa kung saan ginanap ang programang ito. Hindi mo na kailangan pang gumamit ng translator para lang malaman mo kung ano ang ibig sabihin ng “ronda de eliminacion”, “campo”, “participantes”, “una, segunda, tersera, cuarta, etc.”, at iba pa. Tama nga siguro ang sabi ng kabarkada ko dati, madali lang matutunan ang pagsasalita ng Spanish.
"Vamos!"
Ang daming mga hindi malilimutang eksena sa Pinoy Fear Factor noon. Aabutin tayo ng siyam-siyam kung ikukuwento ko lahat ‘yon, pero paabutin na rin natin ng sampu-sampu dahil gusto kong ikuwento ‘yung mga natatandaan ko.

Isa sa mga aksidente ng show na ito ay noong nakagat ng ahas ang contestant na si Jose Sarasola sa “Tanque con Serpientes” (Tank with Snakes). Bukod sa nangyaring ito kay Jose ay nakaapekto pa ang sobrang lamig na klima noon sa Argentina kaya ‘yung iba eh umatras sa hamon na ito, tulad ni Phoemela Barranda. Kung gusto ninyong sariwain (naks) ang kagatan moments ng mga ahas kay Jose, pindutin lamang ang link na ito. Putaragis, kitang kita sa video na solid na solid ‘yung sakmal ng ahas sa may tagiliran at sa likod ni Jose!

“Super Manuel”. ‘Yan naman ang naging bansag kay Manuel Chua dahil sa husay n’ya sa halos lahat ng stunts sa Pinoy Fear Factor. Makailang beses rin s’yang nakagawa ng record sa programang ito. Kaya naman madalas na maririnig sa kapwa niya participante na si Jommy (na tinanghal na “El Ultimo Participante”) ang mga pang-aasar niya na “Manuel, you’re going down!”. Dahil nararamdaman na rin ng mga kapwa niya manlalaro ang tindi ni Super Manuel ay parang naging ito na rin ang kanilang battlecry sa tuwing nagpe-perform siya ng stunts, panggulo sa kanya kumbaga. Marami kasing naniniwala na dahil sa mga ipinapakita ni Manuel ay hindi malayong siya ang hiranging “El Ultimo Participante”.

Pero ‘yon ang akala nila. Nasubukan ang tibay ni Super Manuel sa stunt na “Enterado Vivo” (Buried Alive) nang ma-trap ang binti nito sa buhangin, dahilan para magrehistro siya ng may pinakamatagal na oras ng pag-ahon mula sa pagkakabaon. Umiyak pa siya noon pagkatapos ng stunt na ‘yon. Pero may mga nagsabing dinaya daw si Manuel. (Para sa karagdagang impormasyon, pindutin lang ito at basahin ang comments sa ilalim ng video.)

Isa naman sa mga nakakatuwang isyu sa Pinoy Fear Factor ay ‘yung pagkuwestiyon sa kasarian ni Marion Dela Cruz. Ewan ko ba kung bading ba talaga ‘yung taong ‘yon o hindi. Siguro ay dahil lang sa lambot ng kanyang pananalita kaya siya napagkakamalang miyembro ng federasyon. Pero dahil sa loveteam kuno nila ni Janna Dominguez ay nagkaroon ng kaunting linaw ang lahat. O ‘di kaya isa lamang itong uri ng publicity para matigil na ang ispekulasyon hinggil sa kanyang kasarian? (Punyemas, para akong writer ng tabloid.)

Sigurado naman ako na ang lahat ng avid viewers ng Pinoy Fear Factor na tulad ko ay may kanya-kanyang pambato at mga hinahangaan. Inaamin ko na ang crush ko sa kanilang lahat ay ang kauna-unahang natanggal sa programa na si Gail Nicolas. Pero ang saklap lang dahil naging crush ko lang siya noong ma-eliminate na siya. Naging crush ko din noong una si Janna. Pero nagsawa na rin ako kinalaunan at bigla na akong nakornihan sa kanyang trademark na “power!”. Ewan ko ba kung kili-kili power, knowledge power, o kung ano pa mang klase ng mahika meron ang power niya na ‘yon. Pero kung tutuusin, masuwerte siya at nakaabot siya hanggang sa huling laban dahil sa kung anong “power!” na ‘yan.

Kung paboritong episode naman ang pag-uusapan, pinakagusto ko na siguro ‘yung finale nila. Bagamat walang kuwenta ang naging stunt (pagta-tamblingin lang ‘yung kotse), okay naman ‘yung naging celebration nina Ryan Agoncillo at ng “El Ultimo Participante” na si Jommy. Naaalala ko, may hawak pa siyang champaigne ata ‘yun habang nilalasap n’ya ang winning moment n’ya sa hood ng kotse, habang patuloy sa pagpulandit ang fireworks sa buong kalawakan. Ayos!

Kapag nanonood naman nito si inay eh isa lang ‘yung inaabangan n’ya, at ‘yon ay ‘yung mga kili-kili nina LJ Moreno at Savannah Lamsen. Ang iitim daw kasi. Nakakatawa talaga si inay kapag nakakakita ng maitim na kili-kili. Ang dami pa n’yang term sa ganoong klase ng kili-kili — bitak-bitak, tiklup-tiklop, tupi-tupi, nilulumot, may buhok, batik-batik, uling. Putaragis, laugh trip talaga!

Bukod sa mismong programa, nagustuhan ko rin ang theme song ng Pinoy Fear Factor na may pamagat na “Tagumpay”, na inawit ng isa sa mga scholar ng Pinoy Dream Academy Season 1 na si Chivas Malunda. Ma-download nga ‘yon mamaya:
“‘Di umuurong. Sa hamon, ‘di sumusuko. ‘Di aatras, ‘di kakalas. Ipapakita ang lakas. Ang tapang ko’y ilalabas. Kakayanin ang lahat. Nasa aking mga kamay ang pag-abot sa tagumpay.”
Nga pala, napag-uusapan na rin lang ang takot, nasa link na ito ang iba’t ibang klase ng phobia. Dahil dito ay nalaman kong ako pala ay merong scoleciphobia. Ikaw, ano ang phobia mo?

Pagkatapos ng Pinoy Fear Factor ay umasa ako na meron pa itong kasunod. Subalit hanggang ngayon ay wala pa rin itong pagpaparamdam ng ikalawang season mula sa ABS CBN. Sayang, sa lahat ng reality shows nila eh ito pa naman ang pinaka-paborito ko. 

Ibang iba ang Pinoy Fear Factor kesa sa Fear Factor sa ibang bansa. Nakapanood ako ng original nito dati sa AXN at wala silang pakiyeme-kiyeme. Isandaang porsiyentong puro stunt lang talaga sa loob ng trenta minutos. Dito sa atin, nagmukhang teleserye ang Pinoy Fear Factor. May love team, may kunyari eh namumuong tensiyon, may mga iyakan at kung anu-ano pang kaartehan. Aabutin pa ng isang linggo para matapos lang ang isang stunt samantalang sa ibang bansa, tatlong stunt ang natatapos nila sa isang episode lang.

Pero patunay lang siguro ang show na ito na ang Pinoy ay nagtataglay ng malakas na imahinasyon, mahilig maki-usyoso sa mga drama ng buhay, at higit sa lahat ay mahilig sa soap operas. Pero ganoon pa man, patunay din ito na tayong mga Pilipino ay likas na matatapang, hindi sumusuko sa mga hamon ng buhay, at “La Raza Valiente” na maipagmamalaki sa buong mundo. Vamos, Filipinas! Y hablo de Español! (Pagmasdan ninyo, umi-Espanyol ako! Yikes.)

Friday, August 3, 2012

Naki-awit at naki-bilang ka din ba sa Batibot at ATBP?


Si itay ang kauna-unahan kong guro. Siya ang nagturo sa akin kung paano bumilang, sumulat, at bumasa noong bata pa ako. Marami din siyang aral na naituro sa akin na naging gabay ko habang ako ay lumalaki. Dalawa sa lessons na hindi ko makalimutan ay ‘yung tungkol sa kung paano magbilang ng pera (may lesson naman talagang ganito, ‘di ba?) at kung paano tumingin ng oras. Hirap na hirap akong bumilang o magkuwenta ng pera noon. Lagi kong nakakalimutan na kapag pinagsama ang dalawang singkuwenta sentimos ay magiging piso, imbis na isandaang sentimos. Maski ang oras ay hirap na hirap kong malaman noon. Dahil dito, tinuruan ako ni itay na bumilang ng lima-lima — 5, 10, 15, 20, 25… At ang oras na 5:05 ay hindi ko makalimutan dahil ito ang unang beses na tumama ako noon sa pagtingin ng oras. Wala lang, sinabi ko lang.

Isa ang pagbibilang sa mga importanteng malaman ng lahat ng tao sa mundo. Kung tutuusin, kung hindi ka marunong bumilang o bumasa ay hindi mo matututunan kung paano magkuwenta ng pera at tumingin ng oras. Ang simpleng kaalaman hindi lang sa pagbibilang kundi pati na rin sa pagbabasa at pagsusulat ay isang daan patungo sa tagumpay. Paano mo pipirmahan ang mga naglalakihang kontrata kung hindi ka marunong sumulat at bumasa? Paano mo malalaman kung gaano ka na kayaman (o kahirap) kung hindi mo kayang bilangin ang iyong salapi?

Ang panonood ng mga programang pang-edukasyon o educational programs sa telebisyon ay nakakatulong para pagyamanin ang isipan ng mga bata kahit sila ay wala sa paaralan. Ilang episode nga ba ang pinalabas ng ganyang klaseng mga programa na nagbibilang halimbawa ng mga kabibe sa beach o ng mga kuto sa buhok, nagbabasa at kumakanta ng alphabet song, at kung anik-anik?



Tara na't mag-Batibot tayong lahat! <*ngisi!*>
“Pagmulat ng mata, langit nakatawa sa Batibot, sa Batibot. Tayo nang magpunta. Tuklasin sa Batibot ang tuwa, ang saya. Doon sa Batibot, tayo na, tayo na. Mga bata sa Batibot, maliksi, masigla!”

Maituturing na isa sa pinakamatagumpay na educational program ang Batibot na nagsimulang mapanood sa ere noong May 14, 1984 sa RPN 9. Ito ay nilikha ng Philippine Children’s Television Foundation (PCTF) sa pakikipagtulungan ng Children’s Television Workshop (CTW) na siya ring lumikha sa US children’s program na Sesame Street.

Isa ka bang “Batang Batibot”? Marahil kung kilala mo sina Pong PagongKiko MatsingIrma DaldalManang BolaNingning at GinggingKapitan BasaKoko Kwik Kwak, at iba pa, isa kang certified “Batang Batibot”. Hindi rin mawawala diyan ang mga tunay na tao sa mundo ng Batibot tulad nina Kuya Bodjie (Bodjie Pascua)Ate Isay (Isay Alvarez)Ate Sienna (Sienna Olaso)Kuya Ching (Ching Arellano na sumakabilang buhay na), at marami pang iba.

Pinoy version ng Sesame Street. ‘Yan ang turing ng karamihan sa Batibot. Ang original title pa nito noon ay “Sesame!” na katulad ng Sesame Street ay nasa wikang Ingles. Ngunit nang maglaon, tinagalog ito at naging Batibot. Marami ding pagkakahalintulad ang mga tauhan ng Batibot at ng Sesame Street. Parehong mukhang higanteng bakla sina Pong Pagong at Big Bird dahil parehong pa-cute ang mga mata nila. Parehong mukhang gusgusin sina Kiko Matsing at Oscar The Grouch, mahilig pang kumain itong si Kiko Matsing ng saging na ang balat ay karaniwang tinatapon sa basurahan na tirahan naman ni Oscar The Grouch. Magkapatid sina Ningning at Gingging, gayundin sina Ernie at Bert. Hanep, ‘di ba?

Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang “batibot”? Noon, kapag sinabing “batibot”, ito ay tumutukoy sa batang maliit pero malakas at masigasig. Pero pagkalipas ng maraming panahon, nagkaroon ng panibagong kahulugan ang salitang ito dahil na rin sa mapaglarong isipan nating mga Pilipino. Kapag nagsabi ka dati ng “Tara, mag-batibot tayo!”, ibig sabihin ay manonood kayo ng programang Batibot sa telebisyon. Subalit kung ngayon mo sinabi ‘yan, may kakaibang kulay na ‘yan lalo na sa mga kalalakihan dahil diumano, ang “batibot” ay hango sa root word na “bati” o pagja-jakol (o kung hindi mo alam ‘yan eh ‘di pagma-masturbate, pagpa-fap o pagja-jakol). Ibang klase talaga tayong mag-isip, ano?

Bukod sa theme song ng Batibot (na mababasa ang ilang linya sa lyrics pagkatapos ng larawan sa taas) na sinulat ni Rene Villanueva na hindi ko kilala kung sino, ilan pang mga awitin na tatak-Batibot ang ating sinabayan sa pagpapayaman ng ating kaalaman. Kinakanta sa programa ang “Alin, alin, alin ang naiba? Isipin kung alin ang naiba?…” at ang “Pagsama-samahin ang pare-pareho. Ang pare-pareho, pagsamahin natin…” na susubok sa talas ng pag-iisip at pakiramdam ng isang bata sa mga bagay-bagay sa kanyang paligid.

Ang paglabas ng mga aklat ng Batibot sa merkado na nilikha rin ng PCTF ay nakatulong din sa wastong pagbabasa ng mga bata. Sa sobrang fanatic ko noon sa Batibot ay nagpabili rin ako ng mga “Aklat ng Batibot” na tulad ng “Sina Elephas At Estegodon Noong Unang Panahon”“Ang Pamilya Ismid”“Si Inggolok At Ang Planeta Pakaskas”“Ang Alamat Ng Araw At Gabi”, at “Sina Linggit Laban Kay Barakuda”, lahat ‘yan ay nakalimutan ko na ang mga istorya. Minsan ay kinukuwento ni Kuya Bodjie ang istorya nito noon sa Batibot.

Napakaraming hindi malilimutang mga eksena sa bawat episode ng Batibot. Sa sobrang dami at tagal na ng show na ito ay wala na akong maalala, maliban sa iilan. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang eksena kung saan gumawa sina Kuya Bodjie at ang mga bata, kasama si Kiko Matsing, ng bola na yari sa papel, origami kumbaga. Matapos tiklop-tiklupin ay nakabuo sila ng bola, maliban kay Kiko Matsing na hindi sanay gumawa. Kaya ang ginawa niya, nilamukos na lang niya ang papel, at ta-daaah! Instant bolang papel in three seconds. Ewan ko ba kung bakit napaka-unforgettable ng eksenang ‘yon para sa akin.

Hindi ko rin makakalimutan ang Christmas episode ng Batibot noon. Napaiyak kasi ako nito. Oo, tama ang dinig mo, lumuha ako sa isang pambatang programa noon! Kung gusto mong malaman ang istorya, basahin ang ilang excerpt sa blog post ko tatlong taon na ang nakakaraan. Nagsisimula pa lang akong magseryoso sa pagba-blog noong mga panahong 'yan kaya pasensiya na (ano daw?).
Ahaha. Isang episode lang naman ito. Naalala ko noong kainitan pa ng children’s show na Batibot. Alam naman natin na ang Batibot ay isang educational show para sa mga bata. Tinuturuan nila ang mga batang bumilang, bumasa at kung anu-ano pang kagandahang asal. Pero hindi ko matandaan na tinuruan nila ang mga bata kung paano umiyak. Haha. Christmas special ata ng Batibot ang napanood ko noon. Tinuturo ni Kuya Bodjie sa mga bata ang ibig sabihin ng “X” sa X-mas. Noong una ay wala akong nararamdamang lungkot noon. Pero nang matapos ang Batibot at nagtanong ang nanay ko sa akin, doon ako naiyak. Tinanong niya ako kung matutulog na ako. Syempre sabi ko oo. Gabi na kasi noon. (Gabi nga pala ipinalabas ang Batibot na ito dahil isa itong Christmas special, medyo mahaba ang airtime.) Pero hindi ko napansin na tumutulo na pala ang luha ko noon. Tinanong ako ng nanay ko kung bakit ako umiiyak. Hindi ko matandaan kung ano ang response ko noon sa kanya. Hanggang ngayon hindi ko pa din lubos maisip kung bakit ako umiyak noong time na ‘yon. Hindi naman nakakaiyak ang tanong sa akin ng nanay ko. Ahaha. Hindi kaya siguro dahil sa ganda ng mensaheng ipinaabot ng Christmas special na ‘yon ng Batibot? Hindi naman nakakaiyak ang mga itsura nina Pong Pagong, Kiko Matsing at Manang Bola hindi ba?
Muling nagbabalik ang Batibot ngayon sa telebisyon at ito ay kasalukuyang napapanood sa TV 5. Pero sabi nga nila, iba na ang original. Hindi ko ma-feel ang bagong Batibot ngayon. Pero kung sabagay, malamang eh hindi ko na talaga mae-enjoy ang panonood ng ganitong klaseng mga pambatang programa dahil dumaan na ako sa stage of learning things, ika nga (ba’t napa-Ingles ako?).

Masasabing second coming naman ng Batibot ang ATBP. Nang pansamantalang mawala sa ere (o hindi man nawala kundi para bang nalaos), pumalit ang programang Awit, Titik, At Bilang Na Pambata. Mas kilala sa pangalang ATBP. o At Iba Pa, ito ay pinalabas sa ABS CBN mula taong 1994 hanggang 1998, bago mag-tanghalian.

"Awit-titik-bilang-at iba pa... At iba paaa!!!"


Tulad ng Batibot ay marami din tayong nakilalang kaibigan dito. Sino ang nakakaalala kay Ate Remy (o si Isay Alvarez na dating nasa Batibot) na mukhang guro ng isang art class dahil sa pagtuturo niya ng iba’t ibang art projects tuwing Biyernes? Uumpisahan ang programa sa pamamagitan ng pag-awit ng “Kumusta na, mga bata? Kumusta na, mga bata? May natutunan ba kayo?…” (sabay pabirong sigaw namin ng mga kalaro ko ng “wa-la!”) Kung pamilyar naman kayo sa mga news program ng TV 5 ay merong reporter doon na Trish Roque ang pangalan. Siya si Patricia Ann Roque sa ATBP., ang batang laging kasama ng matabang si Carl. Nabasa ko rin sa Wikipedia na kasama pala sa cast ng ATBP. si Piolo Pascual. Ewan ko lang kung ‘yung Piolo Pascual na kilala natin ngayon ang Piolo Pascual na ‘yon.

Kung merong Pong Pagong at Kiko Matsing ang Batibot, siyempre meron namang Pipo (isang aso) at Tingting (isang pusa) ang ATBP., at kung may superhero sa Batibot na nagtuturo kung paano bumasa sa katauhan ni Kapitan Basa, ang ATBP. naman ay may superhero na nagtuturo kung paano bumilang — si Kapitan Sulat. ‘De, biro lang, si Kapitan Bilang, sino pa nga ba.

Sumikat ang ATBP. dahil sa mga nakakaaliw na awitin nito na tumatak sa isipan ng mga batang manonood. Paborito naming kantahin ni utol noon ang “Isa… Dalawa tatlo… Apat lima… Anim pito walo… (hanggang dalawampu) Magbilang mula sa umpisa… Sige na, ulit-ulitin pa!” Ewan ko ba kung bakit hanggang dalawampu lang ang naituro ng programang ‘yon. Mga daliri lang siguro sa kamay at paa ang kanilang tanging gabay. At siyempre, huwag nating kalimutan ang makabagong bersiyon nila ng “Alphabet Song” — “AB… CD… EFG… HI… JK… LMNÑ…” Dahil sa mga kantang ito, minsan ay naiisip ko na mas naging permanente ang naituro ng ATBP. sa mga bata kesa sa Batibot.

Sa simpleng paliwanag, siguro ay mas nakilala ang Batibot dahil sa kanilang mga tauhan na tumatak sa mga bata, at naging popular naman ang ATBP. dahil sa mga awiting nakaka-LSS para sa mga bata. Subalit hindi tamang pagkumparahin ang dalawang programa dahil kahit magkaiba sila ng atake, pareho naman sila ng layunin — ang turuan ang mga bata ng tamang pagbilang, pagsulat, pagbasa, at ng mga kagandahang asal.

Ang haba ng kuwento ko. Makapag-batibot nga muna sandali. Biro lang.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...