Tuesday, March 20, 2012

Naglalaro ba kayo ng Pogs noong bata?

Babad sa init ng araw. Kanya-kanyang dala ng laruan. Merong mura, merong mahal. Hihiramin ng isang bata ang laruan ng isa pang bata dahil naiinggit s’ya at wala s’yang ganoong kagandang laruan. Naging panata na ng bata ang pagiging maramot kaya bukod sa hindi n’ya papahiramin ng laruan ang kalaro, mang-iinggit pa ito lalo. Iiyak ang hindi nakahiram ng laruan. Sumbong sa nanay. Wala muna kunyaring pansinan. Matapos ang ilang segundo ng pakiusap, bati na ulit ang dalawa. Parang nasapian ng ligaw na kaluluwa ang madamot na bata dahil bigla itong bumait sa kalaro, at ang aping bata naman eh sisinghap-singhap pa rin habang nakikilaro sa batang biglang sinapian ng kabaitan. And they live happily ever after kunyari.

Bumabaha ng Pogs!!!
Normal na ang ganyang pangyayari sa mga bata lalo na kapag mga kagamitan o mga laruan ang pag-uusapan. At kapag sinabing laruan, naglipana ‘yan sa paligid. Iba’t ibang uri. May malaki, may maliit, may marami, may kaunti. Merong gawa sa kahoy, sa plastik, sa karton, sa bakal, sa bato. At normal na rin ang pagkakaroon ng isang laruan na mauuso hindi lang sa mahirap kundi pati na rin sa may kaya. Tulad na lang nitong tinatawag na Pogs. Kung merong nausong Teks at Super Trump, aba eh hindi rin nagpatalo ang Pogs na sumikat noong dekada nobenta hindi lang sa mga soyal at pa-sosyal, kundi pati na rin sa ordinaryong tao saan mang sulok ng mundo (naks). Isa itong pabilog at matigas na karton, mga sinlaki ng biscuit na tulad ng BingoCream-O (basta alam n’yo na kung gaano kalaki ‘yung mga ganoong klase ng biscuit), katamtaman ang kapal, at may makukulay na disenyo.

Ang term na “Pog” ay isang abbreviation na nanggaling sa isang brand ng juice na gawa sa mga prutas na tulad ng passionfruit (na hindi ko alam sa Tagalog), orange at guava (na bayabas sa Tagalog at kung saan pinaglihi ni inay si utol noong pinagbubuntis pa s’ya) o POG. Ang paglalaro ng Pogs ay nagmula sa Hawaii noon pang 1930s. Bumalik lamang ang popularidad nito nang muling ipakilala ng World POG Federation at Canada Games Company ang “card game” na ito sa publiko nito ngang dekada nobenta. Pero huwag mo muna akong hahangaan sa kuwento ko dahil ang lahat ng impormasyong ‘yan ay napulot ko lang sa Wikipedia kaya bigyan natin ng parangal ang website na ‘yun (OA).

Paano nga ba nilalaro ang Pogs? Sa pinaka-simpleng paraan, ang bawat manlalaro ay may pantay na bilang ng Pogs at pagpapatung-patungin nila ito nang nakataob. Salit-salitan ang mga manlalarong tumira gamit ang pamato o tinatawag na “slammer” (astig ka nito kapag meron kang slammer dahil nakakapagpataob ito ng maraming bilang ng Pogs), patatamain nila ito sa magkakapatong na Pogs para kumalat at ang lahat ng tumaob na Pogs ay pag-aari na ng manlalarong ‘yun. Ganyan lang ang sistema. Patong, tira, kuha. Patong, tira, kuha (hindi ito bastos). Kung sino man ang may pinakamaraming Pogs na nakolekta sa katapusan ng laro ay s’yang idedeklarang panalo at magbubunyi kasama ng mga lamang lupa na sumasayaw with flying unicorns and confetti.

Mula noon hanggang ngayon eh wala akong partikular na alam na kompanyang gumagawa ng Pogs. Pero sa palagay ko, sumikat ang Pogs dito sa ating bansa nang minsang magkaroon ang Coca-Cola ng libreng Pogs na makukuha sa pamamagitan ng pagpapalit ng tansan sa mga suking tindahan. Alam ko ito dahil nakiuso din kami ng mga kalaro ko noon dito. Iniipon namin ang mga tansan ng CokeSprite at Royal Tru-Orange para magkaroon kami ng Pogs na sa totoo lang ay kinokolekta lang namin at hindi pinanlalaban. Mas maraming tansan, mas maraming Pogs. Nagkaroon din ng raffle promo ito na tinawag na “Coke Pog Panalo!” na sumikat sa isang noontime show, hindi ko lang sigurado kung sa Eat Bulaga ba o sa ‘Sang Linggo nAPO Sila, pero hindi sa Lunch Date at Magandang Tanghali Bayan. Hindi ko alam ang tunay na pangalan ng character sa Pog ng Coke pero tinawag na lang namin itong si “Pog”. Nakarami kami ng Pogs noon pati ang utol ko pero hindi pa rin nito na-beat ang record ng napakaraming teks ko ng Street FighterDragonballGhost Fighter at Flame Of Recca, na nakalagay sa isang lumang shoulder bag ni inay na ngayon ay inanod na ng baha.

Matapos pasikatin ng isang kompanya ng softdrinks, lalong nakilala ang Pogs dito sa Pinas. Nagkaroon tuloy ng tindang Pogs sa mga toy store o kahit sa mga palengke ay meron din. Nagpabili pa kami ni utol sa nanay ko ng ibang klase ng Pog, ‘yun bang meron pang parang maliit na uka sa gilid at pwedeng pagkabit-kabitin para maabuo ng isang obra o kaya ay abstract figure na gawa sa ilang piraso ng Pogs.

Meron pa naman akong nakikitang Pogs sa merkado pero katulad ng ilang mga laruan, nalipasan na rin ito ng panahon. Pero kasama nito ay hindi pa rin mawawala ang mga batang paslit na naglalaro, nag-iinggitan ng kani-kanilang mga laruan, nagdadamutan, nag-iiyakan at nagsusumbungan sa kani-kanilang mga nanay.

Monday, March 5, 2012

Nakapanood ba kayo dati ng mga ganitong klaseng comedy shows sa ABC 5?

Nakilala tayong mga Pilipino bilang isang masayahing bansa sa kabila ng mga suliranin natin sa buhay. At kapag sinabing masayahin, masaya talaga! Dito rin pumapasok ang ating pagkamalikhain pagdating sa pagpapatawa. At isa sa pinakamabisang paraan natin sa pagbibigay ng kasiyahan ay ang pagkakaroon ng mga programa sa telebisyon. Halimbawa na lang d’yan ay ‘yung mga sitcoms at gag shows mula noon hanggang ngayon. Kung ito lang ang pag-uusapan, noong dekada nobenta ay naglipana ang mga programang nagpapatawa sa madlang people. Sa ABC 5 pa lang na ngayon ay kilala na bilang TV 5, sandamakmak na ang mga programang talagang magpapagulong sa ‘yo sa katatawa, bagamat masasabi nating medyo corny ‘yung iba, pero sapat na dahilan na parang makalimutan natin pansamantala ang mga problemang ating kinakaharap. Kaya nga walang kaduda-dudang isa ang Pilipinas sa maituturing na pinakamasayang bansa sa kabila ng mga problema ng ating lipunan (teka, inulit ko lang yata ‘yung sinabi ko kanina).

Narito nga pala ‘yung ilan sa mga gag shows at sitcoms na sumikat sa ABC 5 noong dekada nobenta. Naaalala mo pa ba ang mga ito? Nakapanood ka ba nito? Na-miss mo na rin bang manood ng mga ‘to tulad ko? At bakit tanong ako nang tanong?



Uunahin ko munang ikwento sa inyo ‘yung programang nasa kanan, ang Tropang Trumpo. Bakit? Bukod sa gusto ko lang itong unahin, sa palagay ko eh ang Tropang Trumpo na yata ang pinakasumikat na gag show sa balat ng ABC 5. Sino ba ang mag-aakalang ang punggok na si Ogie Alcasid at ang tisoy na si Bitoy aka Michael V eh makikilala sa larangan ng pagpapatawa, hahakot ng mga parangal at magiging dalawa sa pinakamagagaling na komedyante ngayon? Bukod pa sa pagpapatawa, may talento rin sila sa pag-awit. Marahil masaya ka tuwing Biyernes ng gabi dahil nakikita mo ang kanilang husay sa pagpapatawa sa Bubble Gang sa GMA 7. Pero una silang sumikat sa programang Tropang Trumpo na nagsimulang umere sa ABC 5 noong taong 1994. Bukod pa kina Ogie Alcasid at Bitoy, kasama rin sa original cast sina Gelli De BelenManny CastanedaCarmina VillaroelEarl Ignacio at Noni Buencamino.

Kapag binanggit ang Tropang Trumpo, isa lang ang tagline na papasok sa isip ng mga nakapanood nito: “Chicken!” Ewan ko kung sino ang nagpauso sa kanila ng tagline na ito, kung ano ang buong istorya sa likod ng pamosong linya na ‘to, at kung ilang manok ang nakain ng promotor nito bago n’ya maisip ang salitang ito pero para sa akin, nakakabilib dahil tumatak ito sa madla. Para sa kapakanan ng mga kabataan (at mga isip-bata) na hindi inabot ang Tropang Trumpo, kadalasan ay isinisigaw ng cast ang salitang “chicken!” with matching aksyon pa ng kamay na para bang sinasabing “chicka lang”, sa dulo ng isang nakatutuwang sayaw o coreograph na kanilang ginagawa pagkatapos nilang magkaroon ng isang comedy skit o joke. Pero bukod sa kawawang manok, isa pang naaalala kong salita kapag nabanggit ang programang ito ay ang “ikabupini”. Sa palagay ko eh mas madaling ma-gets kung ano ang “chicken” pero ito, uhm… weird talaga. Nagsimula naman ang salitang ito nang minsang i-spoof nila sa pamamagitan ng isang coreograph ang commercial jingle ng isang tatak ng nail polish, ang Caronia:

“Caaa-rooo-nia… Caronia… Ikabupini, manigura… Punta ka’ng Makati, manigura… Caronia, Caronia. Confucious says… It’s Caronia!”

Matapos sumikat ang salitang “ikabupini” sa kantang “Caronia”, naisipan nilang maging parte ito ng kanilang props. Minsan eh may nakalagay na “Ikabupini General Hospital” o kaya “Pamilihang Bayan ng Ikabupini” sa kanilang background, patunay lamang na tulad ng salitang “chicken”, tinanggap rin ng masa ang “ikabupini”. At tulad rin ng “chicken”, hindi ko rin alam kung ano ang buong istorya sa likod ng salitang “ikabupini”. Pero patunay lamang ‘yan ng pagiging makapangyarihan ng salita. Maaaring noong hindi pa pinapanganak ang show na ito, normal lang at walang nakakaintindi sa mga salitang “chicken” at “ikabupini” subalit matapos pasikatin ito ng “tropa”, naging synonymous na ang “chicken” at “ikabupini” sa napakasayang gag show na ‘to (at kanina pa talaga ako paulit-ulit).

Bukod sa palamuti sa kuko, napakarami pang patalastas at mga awitin ang inispoof ng Tropang Trumpo. Para bang isang buong endorsement noon ang kanilang dance portion. Merong spoof tungkol sa patis, underwear, kay Mikee Cojuangco, at iba pa.

“Rufinaaa… (haaaa) Rufina Patiiis!”

“Wash your bikini briefs… Wash your bikini briefs!”

“(to the tune of Chiquitita by ABBA) Chiquitita kinabayo… kinabayo ni Mikee Coajuangco… A-raaaay ko, sabi ni Chiquititaaa… Chi… Chi… Chi… Chi (until fade)” 

Meron ding spoof ang Tropang Trumpo ng isang pang-tanghaling soap opera noon na Valiente, ang title: “Bahaw: Kaning lamig”, starring Smokey Maka-loto (Smokey Manaloto), Pwitney Tyson (Whitney Tyson) as Clara, ang babaeng mapanga, at ‘yung iba pang cast ay hindi ko na matandaan ang mga alyas.

“Bahaaaw. Kaning lamig ay huwag itapooon. Sa almusal, pwedeng ihaiiin…”

Bukod pa d’yan, sumikat din ang Tropang Trumpo dahil sa segment nilang “Battle Of The Brainless”, isang parody ng quiz show noon na Battle Of The Brains hosted byDavid Celdran sa RPN 9. Ang Battle Of The Brainless ay isang quiz show kung saan laging walang nakaka-score sa magkalaban “kunong” eskwelahan, liban na lamang sa isang episode kung saan naka-score for the first time ang eskwelahan nina Gelli De Belen subalit binawi rin kinalaunan kaya ang resulta, wala pa ring naka-score pagkatapos ng episode.
Host: Kumpletuhin ang isang Nursery rhyme: “Old McDonald had a ___”. Nagsisimula sa letter F.

Gelli De Belen: Farm?
Host: Correct! Ladies and gentlemen, for the first time ay may naka-score din sa ating programang Battle Of The Brainless! (nagbunyi ang buong tropa. Pagkatapos…) Sige iha, spell “farm”?
Gelli De Belen: Uhm… E-I-E-I-O!
Nang kunin ng GMA 7 sina Ogie Alcasid at Michael V para sa Bubble Gang noong 1995, pinalitan sila nina Smokey ManalotoEarl Ignacio, at ng basketbolistang hindi nakatungtong ng PBA na si Maui Roca. Sa paglipas ng mga taon ay nadagdagan pa ng nadagdagan ang mga ka-tropa tulad nina Mickey FerriolsCaloy AldeRufa Mae Quinto,Onemig BondocCheska Garcia, at iba pa. Masaya pa rin naman ang bagong cast ng tropa, pero sabi nga nila sa ingles, nothing beats the original. Kaya naman noong March 13, 1999 ay nasaksihan ng mga manonood ang huling ikot ng pinaka-sikat na trumpo sa balat ng telebisyon.

Samantala, wala akong masyadong matandaan sa sitcom na Tondominium, bukod sa cast nito na kinabibilangan nina Anjo YllanaRichard GomezVandolph at marami pang iba (pakibasa na lang ‘yung nasa larawan), at ang setting nila ay sa mismong studio lang ng ABC 5. Kinuwento ko na rin dahil kawawa naman kung iisnabin natin.

Ayon sa larawan ay nag-back to back premiere sila noon kasama ng Tropang Trumpo bagamat halos masapawan sila ng Tropang Trumpo at hindi masyadong pansinin ang Tondominium tuwing Biyernes. Masasabi kong mas napapanood ko ito nang mailipat silang dalawa tuwing Sabado, back to back pa rin, doon sa apartment ng paborito kong tita. Tuwing Sabado at Linggo lang kasi ako nakakagala sa kanilang apartment sa Obando dahil sa pasok ko sa eskwela.
Matapos ang matagumpay na pagsasaere ng Tropang Trumpo na tumagal ng halos apat na taon magmula 1994 hanggang 1998, kinuha ng GMA 7 sina Ogie Alcasid atMichael V at nabuhay naman ang Bubble Gang, isang gag show na halos kapareho ng format ng Tropang Trumpo at magpahanggang ngayon eh namamayagpag pa sa ere (bagamat hindi na ako nanonood nito ngayon dahil nakokornihan na ako). Noong panahon ding ‘yon ay isinilang sa ABC 5 ang Ispup, isang gag show na puro uhm… spoof. Bale panggagaya s’ya o parody ng lahat ng mga palabas sa telebisyon, mga nakakaaliw na patalastas, mga kilalang personalidad at kung anu-ano pang maaaring gayahin. Pinangungunahan ng mga kilalang komedyante at mga batikan sa “panggagaya” katulad nina Jon SantosWillie Nepomuceno, Candy PangilinanLeo MartinezCaloy AldeMarissa SanchezRufa Mae QuintoSelena SevillaRaffy Rodriguez, at mga “Ispupniks” na sina Mike “Pekto” NacuaAte ShawieAte Guy, atHyubs Azarcon, ang Ispup ay tumagal ng mahigit limang taon sa ere. Naaalala mo pa ba ang mga programang ini-spoof nila noon? (salamat nga pala sa Wikipedia)
  • Balitang Ka! (Balitang K)
  • The Cheapest Link (The Weakest Link)
  • Chugilita (Chabelita)
  • Gay KNB? (Game KNB?)
  • Intrigador (Imbestigador)
  • Kirira: Ano Ang Kulay Ng Pinipig? (Kirara: Ano Ang Kulay Ng Pag-ibig?)
  • Knowless Power (Knowledge Power)
  • Magpalakad-lakad Man (Magpakailanman)
  • Malala Na Kaya (Maalaala Mo Kaya)
  • No One Can Be A Millionaire (Who Wants To Be A Millionaire)
  • Palso: Action Balita (Pulso: Aksyon Balita)
  • The Priest Is Right (The Price Is Right)
  • Pulpol (Pipol)
  • Rosalinta (Rosalinda)
  • Taksil (Saksi)
  • Usapang Monkey Business (Usapang Business)
  • Wrong Page: Ulat Ni Mel Tiongke (Front Page: Ulat Ni Mel Tiangco)
  • ‘Di Bati Sina Mards At Pards (Debate Nina Mare At Pare)
Eh ‘yung mga impersonations kung saan nakilala at sumikat sina Willie Nepomucenoat Jon Santos (na bumigay na ngayon), naaalala n’yo pa?
  • Kurita Chances (Korina Sanchez)
  • Mike Enriquestas (Mike Enriquez)
  • Edu Mansanas (Edu Manzano)
  • Ches Melon (Ces Drilon)
  • Tita Cory Pepino (Cory Aquino)
  • Charing Todos Los Santos Conscious Na Conscious (Charo Santos-Concio)
  • David Semplang (David Celdran)
  • His Eminems Jaime Cardinal Sins (Jaime Cardinal Sin)
at ang walang kamatayang si…
  • Sherap Entrada (Erap Estrada)

Sa dinami-dami ng mga programang nakakaaliw, at sa dami ng gumagawa ng Erap Jokes, ayon sa pagkakaalam ko eh ang Ispup lang ang talagang nagsa-ere ng ganitong klase ng mga patawa, ito ay bagamat nakaupo pa noon bilang presidente ng Pilipinas si Erap. At sa dinami-dami ng Erap Jokes na nabasa at napanood ko sa Ispup, isa ang tumatak sa akin. Isang joke na kapag naririnig ko eh ang programang Ispup kaagad ang naiisip ko.

Habang nanonood si Sherap (Erap) ng comedy show sa TV, nilapitan s’ya ng asawa n’yang si Loi Ejercito

Loi: Darling, ano ‘yang ginagawa mo?
Sherap: Hindi mo ba nakikita? Ayan oh nanonood ako ng drama.
Loi: Aba, himala. Dati-rati eh hindi ka nanonood ng mga ganyang palabas. Tila nag-iba yata ang ihip ng hangin, darling?
Sherap: Kailangan eh para mabuksan ko ‘tong chichirya na ‘to.
Loi: Teka teka darling… Ano naman ang kinalaman ng chichiryang ‘yan sa dramang pinapanood mo?
Sherap: Ano ka ba naman Loi… Hindi ka ba marunong magbasa? Ayan o ang linaw ng nakalagay sa chichirya, “Tear Here”. Kaya ako nanonood ng drama!
Loi: (Hinimatay!)
Okay, ewan ko lang kung may naka-gets ng joke na ‘to. Pero para sa akin, ang patawang ito ang pinaka-classic na Erap Joke at ang simbolo ng programang Ispup. Bagamat hindi maitatangging mas sumikat nang husto ang Tropang Trumpo, tinanggap pa rin ng publiko ang makabagong pagpapatawa ng Ispup. At kamangha-manghang walang personalidad na napipikon sa kanilang panggagaya. Sa katunayan, kung matatandaan n’yo eh ang mga personalidad pa mismo ang nagsasabi ng “Walang pikunan, Ispup onli!”, bagay na hindi pa nagagawa ng ibang comedy shows sa Pilipinas.

Samantala, kung nais ninyong magpaka-nostalgic at marinig ang opening music ng Ispup, pindutin lamang ang link na ito. Trivia: Ito rin ang theme song sa pelikulang Austin Powers.

Kung merong matagumpay na programa sa ABC 5, nagkaroon din ng mga palabas na hindi gaanong naging popular at naging panandalian lamang ang buhay sa ere. Isa na sa halimbawa nito ay ang programang Ogag. Sino nga ba ang hindi makakalimot kay Mr. Ogag himself, Caloy Alde? Sa opening pa lang ng programang ito, makikita na ang suot na lampin ni Ogag, umaaktong isang sanggol.

Binigyan si Caloy Alde ng sariling show ng ABC 5 matapos n’yang sumikat sa Ispup. Hindi gaanong tumagal sa ere ang trying hard na Pinoy counterpart na ito ng Mr. Bean. Bagamat hindi tumagal, nakilala pa rin si Caloy Alde bilang si Ogag dahil sa programang ito na masasabing nag-launch sa kanya patungo sa stardom ek-ek kahit panandalian lamang.

Hindi ako nanonood nito noon kaya ngayon ko lang nalaman na kasama din pala sa cast nito si Mickey Ferriols. Ewan ko lang kung ano ang role n’ya sa show, kung love interest ba s’ya ni Ogag o baka saling pusa lang.

Nga pala, magkaiba ang programang ito sa Ogags na pinalabas sa TV 5 dalawang taon na (yata) ang nakakaraan. Sa totoo lang, mas gusto ko ang Ogags ng TV 5 kung saan mala-Jackass na may pagka-masokista ang ginagawa ng mga mukhang tambay na kilala bilang “Calamity Fu” sa programang "Wow! Meganon?!" na ‘di hamak na mas korni pa kesa sa Ogag at mas maganda pa noong solo ni Joey De Leon ang programang Wow Mali at wala pang Mr. Fu na isang himala na nga atang maituturing kapag hindi n’ya binanggit sa isang gabi ang walang kamatayan n’yang“meeeganon?!”.

Nakaka-miss talagang manood ng mga programang tulad ng Tropang Trumpo at Ispup sa ABC 5, hindi tulad ngayon na palaging Wiltime Bigtime at kung anu-ano pang anik-anik ang mapapanood mo sa Kapatid Network, bagay na kinaiinisan ko nang bahagya dahil wala nang ibang pinapanood si inay kundi ang mga programa sa TV 5, ito ay dahil lang sa paglipat ng iniidolo n’yang si Willie Revillame sa singko.

Sana minsan ay i-revive ito ng TV 5. O kaya mas maganda kung ibalik ulit nila sa ere ang mga comedy classics ng ABC 5.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...