Monday, July 25, 2011

Napasigaw ka din ba ng “4:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!” tuwing hapon ng dekada nobenta?

Kapag tinanong mo ang isang batang paslit sa kung ano ang gusto nitong maging paglaki, hindi maaaring walang magsasabi na gusto nitong maging artista. Isa sa pinakasimpleng pangarap ang pag-aartista. Maliban sa pagiging doktor, teacher, at pulis, ang pag-aartista na siguro ang masasabing tipikal na mamumutawing pangarap sa mapaglaro at murang isipan ng mga kabataan.

Ang pag-abot sa pangarap ng mga bata na maging artista ay mas pinadali dahil sa pag-usbong ng iba’t ibang programang nagpapakita ng kanilang potensiyal bilang isang bigating artista sa mga darating na panahon. Isa sa mga halimbawa ng programang ito ay ang “Goin’ Bulilit” na napapanood ngayon sa ABS CBN tuwing Linggo ng gabi. Ito ay kinabibilangan ng mga batang artista ng ABS CBN Star Magic na sa kabila ng murang edad ay kinakakitaan na ng talento sa pag-arte at pagpapatawa.

4:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!
Subalit bago pa makilala ang programang ‘yan, nauna nang sumikat noong dekada nobenta ang isang programang pinangungunahan ng mga cute na cute na bata na nagpapatawa at umaarte. Ito ay ang Ang TV, isang gag-variety show pinalabas sa ABS CBN tuwing hapon magmula taong 1992 hanggang 1996. Ang Ang TV ay nasa direksyon ni Johnny Manahan na kilala din sa palayaw na “Mr. M”. Ang format ng Ang TV ay hango sa pambatang progrmang “Kaluskos Musmos” (pinalabas sa RPN 9 noong dekada sitenta), at“The Mickey Mouse Club” ng mga taga US. May kaunting sipa din ito ng popular na “That’s Entertainment!” ni Kuya Germs.

Ang Ang TV ay kinabibilangan ng mga talentadong kabataan noon sa ABS CBN Talent Center (Star Magic na ngayon) na ngayon ay kilala pa rin sa iba’t ibang larangan. Ilan sa mga kabataang bumubuo sa tinatawag na “Ang TV Kids” ay sina Camille PratsVandolphPatrick GarciaPaolo ContisAngelica Panganiban,John PratsJanus Del PradoMaybelyn Dela CruzKatya SantosCheska Garcia, at iba pa. Sina Claudine BarrettoAngelu De LeonJolina MagdangalGio Alvarez,Lindsay CustodioRoselle NavaKaye AbadVictor NeriChristopher Roxas, atLailani Navarro naman ay ilan lamang na kabilang sa mga “Ang TV Teens”. Pero s’yempre bukod sa mga kabataan ay meron ding special participation ang ilang mga artista tulad nina Winnie CorderoJoji IslaJoy Viado, at Gisselle Sanchez.

At dahil isang gag show, hindi mawawala ang mga patawang “tatak-Ang TV”. Isa sa pinaka-kilalang Ang TV Joke ay ‘yung tinatawag na “Pedring Jokes”. Ito ‘yung gumaganap na “boy” o alalay si Paolo Contis ng amo n’yang si <*hindi ko kilala kung sino*> na laging nakasuot ng daster at nakatira sa isang barung-barong.

Amo na hindi ko kilala kung sino: Pedriiiiiiiing!!!!
Paolo Contis AKA Pedring: Yis, atiiii?
(kasunod na ang punchline na magsisilbing ‘cream of the crop’ ika nga) 


Isa naman sa pinaka-popular na portion ng programang ito ay ang joke time na tinatawag na “Esmyuskee!”. Sa umpisa ng joke ay umaawit ang mga bibong bata ng theme song: “Esmyuskee, esmyuskee, puwede ba kaming dumaan? La-la-la… (Pasens’ya na at hindi ko na alam ang kasunod. Basta, siguro eh pamilyar na kayo sa awiting ‘yan.)”. Minsan ay pinapalitan nila ang lyrics ng“Esmyus-Krismas, Esmyuskee!” kapag Christmas season. Kapag narinig na ang awiting ‘yan, ibig sabihin eh oras na para sa isang sabaw joke.

Patrick Garcia: Esmyuskee, Camille!
Camille Prats: You’re esmyused, Patrtick!
Patrick Garcia: Ano ang tawag sa hayop na nauuntog?
Camille Prats: Ano?
Patrick Garcia: Eh ‘di, DOg!
Ang TV Kids: Ngeeee!!

Ang TV Kids and Teens


Pambansang expression sa Ang TV kung ituring ang “ngeeee!!”. Lagi itong sinasabi sa pagtatapos ng sabaw jokes. May kasama pa ‘yan na kagat ng daliri at kaunting maniobra ng katawan pagilid para mas cute panoorin ang mga bata.

Hindi lang puro sabaw jokes, tawanan at comedy skits (na pinakaayaw kong portion ng Ang TV noon) ang mapapanood sa Ang TV. Araw-araw ay merong live performance ang Ang TV Teens lalo na sina Jolina Magdangal at Roselle Nava. Laging inaabangan ng “favorite auntie” ko ang kakantahin nina Jolina at Roselle, pati ang outfit ni Angelu De Leon noon! Kaya nang minsang makita ko si tita na may suot na bestida na kahawig ng sinuot ni Angelu sa Ang TVnoong isang araw ay napagkatuwaan kong tawagin s’yang “Angelu” o “Tita Angelu”. Kapag napapanood ko naman ang teen star na si Lindsay Custodio ay pumapasok sa isip ko ang puno namin ng talisay dati, siguro eh dahil magkatunog ang ‘Lindsay’ at ang ‘talisay’. (Para sa mga hindi nakakaalam ng punong ito, pindutin mo ito. Go!)

Sigurado naman akong katulad ko ay halos mabingi ang tenga (s’yempre alangan namang ilong ang mabingi) ng mga batang mahilig manood ng Ang TVnoon dahil sa matining na boses ni Paolo Contis sa pagsisimula ng show na ito. Maririnig mo ang walang kakupas-kupas n’yang sigaw ng “4:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!” na s’yang hudyat para ipagpaliban ng mga bata ang kanilang paglalaro at tumutok muna sa kani-kanilang mga telebisyon. Nang malipat sa ibang timeslot ang Ang TV ay parang social networking site na ginawang updated pati ang sigaw na ito ni Paolo Contis“2:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!”

Gustong gusto ko ang estilo sa opening ng programang ito. Sa simula, pinapakita ang iba’t ibang channel sa cable tulad ng CNNBBCMTV, at iba pa, mistulang may kung sinong naglilipat ng channel sa iyong telebisyon. At pagbungad ng logo ng Ang TV, biglang maririnig ang classic na awiting “Doo Wah Diddy Diddy” ni Manfred Mann na theme song ng programa:

“There she was right a-walkin’ down the street, singing doo wah diddy diddy dum diddy doo. Snappin’ her fingers and shufflin’ her feet, singin’ doo wah diddy diddy dum diddy doo. She looked good, looked good. She looked fine, looked fine. She looked good, she looked fine, and I nearly lost my mind…”

Gusto ko rin ‘yung paraan ng pagpapakilala sa mga cast ng show. ‘Yun bang tulad ng nasa larawan, todo posing at smile ang mga batang artista habang animated na pinapakita ang mga palayaw nila. Noong bata pa ako, lagi kong nai-imagine na kasama ako sa cast ng Ang TV. Todo pacute ako sa camera habang umaandar ang “ALD3N” sa harapan ko. Pero wala akong balak maging artista noon, trip ko lang talaga ‘yung malupit at classic na intro nila.

Meron pa akong nagustuhan noon sa intro ng Ang TV at ewan ko lang kung may nakakaalam nito (palagay ko’y wala, dahil isa akong mapagmatyag na manonood). Kapag nag-uumpisa ang Ang TV, matapos ipakilala ang lahat ng cast, bago mag-commercial break ay ipapakita ulit ang logo pero this time ay may isang random word o para bang isang expression sa gilid ng logo. Parang ganito:


Ang TV expression of the week: "sabaaaw!"

Makikita ang expression na “sabaaaw!” sa logo nila. ‘Yan ang magiging expression nila for one week na makikita sa logo ng Ang TV tuwing commercial breaks. Natatandaan kong nililista ko pa lahat ng expressions nila. Meron akong naaalalang expression o taglines. May “100% pure”“homogenic”,“sterilized”“no entry”“no pets allowed”“4:30 na!”, at iba pa. Random talaga kung random. Ewan ko ba, ibang klase kasi ang takbo ng utak ko at gustong gusto ko ‘yung estilo nilang ‘yon. Okay, nag-edit din nga pala ako sa Photoshopdahil gusto ko lang mag-edit at magpakita ng Photoshop skills ko. Joke lang.

Nakakatuwang isipin na ang lahat ng Ang TV Kids at Teens ay lumaki na ngayon, nagkaroon na ng asawa at pamilya. Minsan ay nai-imagine ko na ganyan din ang mangyayari sa Goin’ Bulilit Kids. Ang cute imagine-in na may anak na at mga binata’t dalaga na sina Bugoy CariñoChacha (bulilit, bulilit, sanay sa masikip!), Aaron Junatas, at Carl Camo, ‘di ba?

Nai-imagine ko lang (ulit), ano kaya kung magkaroon ulit ng reunion ang lahat ng Ang TV Kids? Pagkatapos ay pakakantahin ulit silang lahat ng“Esmyuskee!”. Pasisigawin din si Paolo Contis ng “4:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!”(na magmumukhang katawa-tawa dahil malaki na ang boses ni Paolo Contis ngayon. Nai-imagine mo ‘yon, para bang halimaw na sumisigaw ng “4:30 na!!”). Gawin din sana ng Goin’ Bulilit Kids ito kapag sila naman ang nagka-anak at nagka-asawa sa mga darating na panahon. Sisigaw din sina Bugoy at Chacha ng “7:30 na!! Goin’ Bulilit naaaaaa!!!!” sabay kanta ng “Goin’ bulilit, goin’ bulilit, kuwela, cute at makulit!”. How cute!

At least, maaaring nakatulong ang programang ito para malaman natin kung anong oras na. Sana pala ay ginawa nilang pang-umaga ang Ang TV noon para may instant alarm clock ang bawat pamilya. “Alas singko na!! Gising na!! Ang TV naaaaaa!!!!” Okay, ang korni ko na talaga kaya titigil na ako.

Samantala, bilang pangwakas ay inirerekomenda ko sa inyo na panoorin sa link na ito ang opening theme noon ng Ang TV. Makikita n’yong may gatas pa sa labi ang mga artistang tinitingala natin sa ngayon! Mapapansin din sa ending ng video ‘yung “expression of the day” na nabanggit ko kani-kanina lang. Medyo mahina nga lang ang audio ng video na ‘yan.

Isang salita lang ang makakapagpaliwanag sa video na ‘yan: Classic!

Wednesday, July 20, 2011

Kilala mo ba ang pinaka-sikat na robot sa balat ng Funny Komiks?

Nakuha ko sa deviantART ang larawang ito.
Isa na siguro ang robot sa pinaka-paborito kong laruan noong bata bukod pa sa laruang tren (o mas kilala sa tawag na tren-trenan para sa mga bata). Sigurado akong walang batang lalake ang hindi nagpabili ng laruang robot sa kanilang nanay noon, s’yempre liban na lang kung isinilang kang may pintig ng pagkababae. Tuwang-tuwa ako kapag nireregaluhan ako ng robot noon. Pakiramdam ko, ang robot ko ang pinakamagandang robot sa buong mundo. Naaalala ko pa noong minsang regaluhan ako ng auntie ko ng isang malaking robot na battery operated noong araw ng Pasko. Naglalakad mag-isa, umiilaw ang mata, bumubukas ang dibdib na parang may maliit na refrigerator, at umiikot ang ulo ng 360 degrees na parang sinapian ng masamang espiritu. Kung tutuusin, alam ko nang robot ang ireregalo nila sa akin noong Paskong ‘yon. Panakaw kasi akong sumisilip sa mga panregalo na pinamili nila sa SM na nakalagay sa ilalim ng hagdanan ng kanilang bahay.

Bukod pa sa laruang robot, hindi mawawala sa isang batang tulad ko na mahilig mag-drawing ng kung anu-ano dati ang ano pa nga ba, kundi ang mag-drawing nang mag-drawing ng robot. Meron akong maliit na notebook noon na naglalaman ng drawing ng mga robot gamit ang iba’t ibang kulay ng ballpen. Merong mga robot na hango sa mga palabas sa telebisyon tulad ng MaskmanTransformersVoltronMegazord (Power Rangers) at Challenge Of The Go-Bots. Merong mga robot na kathang-isip ko lang ang anyo at inimbento ko lang ang pangalan. Meron namang robot na nakikita ko sa mga babasahin, tulad nitong Combatron na nilikha ni Berlin Manalaysay.

Alam kong iilan lang sa inyo dito ang nakakaalam ng Combatron. Sumikat kasi s’ya sa Funny Komiks, isang popular na pambatang babasahin noong dekada nobenta, ang dekada kung saan komiks ang nangungunang libangan ng mga kabataan at ang Family Computer ay ang paboritong video game.

Nagsimula ang istorya ng Combatron kay Empoy, isang batang ulila sa magulang. May isang bumagsak na spaceship na malapit sa puntod ng kanyang mga magulang nang minsang dalawin ito ni Empoy. Dito n’ya nakilala ang orihinal na Combatron at ang asong robot na si Askal. Sila ay nagmula pa sa planetang Omnicron. Ayon kay Combatron, hinahabol sila ng mga kalaban n’yang robot (o cyborg) sa kanilang planeta at maaaring masundan s’ya dito sa daigdig ni Empoy. Dahil naghihingalo na noong oras na ‘yon at nakikita n’yang busilak ang puso ni Empoy, minarapat ng original Combatron na isalin ang kanyang kapangyarihan at armor nito kay Empoy kasama ang kanyang kanang-kamay na si Askal. Magmula noon, naging tagapagtanggol na ng planet earth si Empoy alyas Combatron. Sa madaling salita, mukhang napagdiskitahan lang ang nananahimik na si Empoy noong mga oras na ‘yun.

Astig din ang weapons ni Combatron noon. Meron s’yang Combatron Foot BladesCombatron Hip DiscsTeleported PunchOmega LaserSpace Thunder,Nuclear Eye BeamsGalactic Space Sword, at ang pinakamalakas sa lahat, ang Galactic Phoenix. Meron din s’yang Super Dimensional Sword pero kung pamilyar ka sa palabas noon na Fiveman, malalaman mong ginogoyo lang kita sa puntong ito.

Isa ang Combatron sa mga pinaka-inaabangan kong kuwento sa Funny Komiks noon. Kung katulad mo akong laking Funny Komiks, malamang sasang-ayon ka kapag sinabi kong karamihan sa mga batang lalakeng nagbabasa nito ay inaabangan ang kuwento ng Combatron. Madalas akong mag-drawing ng mga Combatron characters noon. Ilang beses din akong nagpadala ng aking mga drawing na Combatron sa This Is Your Page, isang pitak sa Funny Komiks na nagtatampok sa mga drawing ng mga batang nagpapadala nito sa naturang komiks. Ilang beses rin itong na-reject, katulad ng makailang beses na pagkaka-reject sa isang thesis paper. Minsan, sinaniban ako ng ligaw na kaluluwa at naisipan kong iguhit si Pitit (isang kuwento sa Funny Komiks tungkol sa isang batang pilya) at ‘yun ang pinadala ko sa This Is Your Page. Akalain mong ‘yun pa ang napaskil sa pitak na ‘yun? Putik, nagmukha tuloy babae ang gumuhit ng drawing na ‘yun. Umiyak pa nga ako noon dahil tinukso akong bakla ng kaklase ko noong elementary matapos kong ipakita ang napakaganda kong drawing ni Pitit sa Funny Komiks.

Marami akong dahilan kung bakit ko nagustuhan ang Combatron. Isa na dito ay ang mga kakaiba at astig na pangalan ng mga robot. Kung nakakabasa ka ng Combatron, marahil pamilyar ka sa kahit isa sa bidang robot tulad nina AxelMetalika at Dobbernaut (upgraded version ni Askal), at kinamuhian mo rin ang mga robot na tulad nina AbodawnAlchitranDiacondaQuitusHelveticaBracagonGenocideCentauricusEvolaArmorgeddonCerebellusRoboCop (biro lang), at iba pa. O, ‘di ba parang pangalan lang ng Pokemon? Hindi ko alam kung bakit pero pinakapaborito kong iguhit noon na kalabang robot ay si Galigun, isang alipores ni Death Metal na may missile na nakakabit sa mga balikat. Nagparang idolo ko na rin ito sa mga kalabang robot dahil madalas akong gumagawa ng improvised missile gamit ang mga lumang cartolina at ididikit ko mismo sa aking mga balikat.

Marami mang kalabang robot, wala na sigurong mas sisikat pa sa pinaka-pangunahing kontrabida sa buhay ni Combatron: Si Mega Death. Naaalala ko pa noong unang lumabas si Mega Death sa istorya, sakop nito ang isang buong pahina ng komiks kaya kinailangang magdagdag pa ng isang pahina ang Combatron para maging four (4) pages ito imbis na tatlo lamang. Wais kasi ‘yung gumuhit ng Combatron, marahil alam n’yang popular na ang Combatron noong mga panahong ‘yon kaya’t para sa ikasasaya kuno ng mga bata ay ginawa itong apat na pahina. At magmula nga noon, naging four pages na ang Combatron kahit wala sa eksena si Mega Death.

Paborito rin ng mga kalaro ko noon si Combatron. Lagi silang nagpapabili ng Funny Komiks at madalas kaming naglalaro ng tinatawag na “Combatron-Combatronan” (at halatang pauso lang namin ang larong ito). ‘Yung pinsan ko pang utal-utal magsalita noon, “Bobarton” ang tawag imbis na “Combatron”. Tuwang-tuwa pa kami nang minsang i-feature si Combatron bilang maskara sa likod na pahina ng Funny Komiks. Sa tulong ni inay ay ginupit n’ya ang maskarang Combatron at binigay sa akin. Instant Combatron ako! Problema nga lang dahil lahat kaming magkakalaro ay idol si Combatron kaya lahat kami ay naging instant Combatron.

Hindi ko na matandaan kung kailan ako natigil sa pagbabasa ng Funny Komiks kaya hindi ko na nasubaybayan ang istorya ng Combatron. Balita ko, pumanget na daw ang Combatron sa mga huling issue nito dahil hindi na si Berlin Manalaysay ang gumagawa. Balita ko rin, namatay dito si Combatron. Meron bang nakakaalam dito sa inyo ng ending ng Combatron? Kung meron, i-text lang ang COMBATRON_REACT at i-send sa… biro lang.

Matindi talaga ang impact ni Combatron sa mga kabataang mahilig magbasa noon ng Funny Komiks. Sigurado akong magpa-hanggang ngayon ay meron pa ring tulad ko na nakakaalala at nakaka-miss sa kanya. Sigurado rin akong may ilan pa rin (lalo na sina lolo at lola) ang napapagkamalang gamot laban sa mga bulate sa tiyan ang pinaka-sikat na robot sa Funny Komiks!

Lola: Apo, pakidala mo nga dine ang aking gamot na Combatron.
Apo: Combantrin po ‘yung gamot n’yo, ‘La.
Lolo: Aba apo, ere ba ‘yung sinasabi mong magaling na robot na si Combantrin?
Apo: Grrr… Combatron po, ‘Lo! Galactic Space Sword!!!!! <*tugish! takish!*>


May suggestion lang ako. Bakit kaya hindi na lang ito ang gawing teleserye ng mga higanteng networks ngayon? Imbis na magpatalbugan sila sa paggawa ng mga revivals ng mga ek-ek serye na nalimot na ng panahon at Pinoy adaptation ng kung anu-anong foreign drama series, Combatron na lang ang ipalabas nila, hindi ba? Pinoy na Pinoy pa! At isa pa, hindi na sila mamomroblema sa casting. Ako na mismo ang magbibigay sa kanila ng mga pangunahing magsisiganap (dahil kunyari ay ka-close ko ang big bosses ngABS CBNGMA 7 at TV 5).
  • Nash Aguas/Maliksi Morales/Bugoy Cariño/Zijian Jaranilla as Empoy/Combatron
  • Nash Aguas/Maliksi Morales/Bugoy Cariño/Zijian Jaranilla as Axel
  • Sharlene San Pedro/Xyrel Manabat as Metalika
  • Garry Lim as Askal’s/Dobberanaut’s voice-over
  • Jake Cuenca/Coco Martin as Death Metal
  • Benjie Paras/Bonnel Balingit (in his very promising role) as Mega Death
Halatang "Kapamilya" ako. O kaya kung kulang sa budget, pwede rin sina:
  • Dagul as Empoy/Combatron
  • Mura as Axel
  • Mahal as Metalika
  • isang-talent-na-marunong-mag-iba-iba-ng-boses as Askal’s/Dobbernaut’s voice-over
  • Bentong as Death Metal
  • Owen (sidekick ni Willie Revillame sa walang kamatayang Wil Time Bigtime) as Mega Death
Okay, titigil na ako dahil OA na.

Samantala, tulad ko ay maaari ninyong bisitahin ang website na ito para sa mga lumang episodes ng Combatron. Natapos ko nang basahin lahat  'yan at nag-enjoy ako sa pagbabasa. Pakiramdam ko eh bumabalik ako sa dekada nobenta!

Thursday, July 7, 2011

Gumamit ka ba ng multicolored ballpen noong bata?

Nasa Kindergarten ako noon nang una kong maranasang gumamit ng “jumbo pencil” o ‘yung matabang lapis na kulay dark blue ang katawan. Ito ang gamit ko nang matuto akong magsulat ng ABC at 123. Pagtungtong ko ng grade one, pinagamit na kami ng aming guro ng lapis na Mongol. Pinaniniwalaan pa namin noon na ang pinakamagandang Mongol ay ‘yung may nakalagay na “1”, pinakamalabo ‘yung “2” at ang pinakapanget naman ay ‘yung “3”. Pagdating ko ng grade three, tinuruan na kaming magsulat ng dikit-dikit gamit pa rin ang mahiwagang Mongol. At noong grade four naman ay pinayagan na kaming gumamit ng isa sa pinakamahalagang instrumento ng buhay estudyante, ang ballpen. Simula noon, naging kaagapay ko na ang ballpen sa mga impormasyong nais kong malaman sa eskwela at sa mga nais kong ipahayag kasama ng isang papel.

Napakahalagang papel ang ginagampanan ng panulat sa ating buhay estudyante. Isa ito sa pangunahing kagamitan sa eskwela. Ito ang nagsisilbing sandata ng ating kaalaman. Meron pang sikat na kasabihan kapag wala kang dalang ballpen sa oras ng exam. “Nagpunta ka sa giyera nang walang dalang sandata.” Noong elementary, sikat ka, mayaman, at titingalain kapag marami kang dalang ballpen. Good shot pa sa magiting na teacher kung lagi s’yang nanghihiram sa ‘yo ng red ballpen na pang-check. Taliwas naman ito pagdating mo sa high school o sa kolehiyo dahil kahit ballpen lang ang dala mo, maaari ka nang mag-survive. Minsan nga, kahit wala kang dalang gamit, maaari ka nang pumasa, basta’t maabilidad ka lang.

Marami na rin akong nasubukang iba’t ibang klase ng panulat sa paglipas ng panahon. Una akong nakaranas gumamit ng kulay gold at silver na panulat noong elementary. Dahil sobra akong naastigan, gumawa pa ako ng isang maliit na directory na kulay itim na naglalaman ng mga contacts ng aking mga kaeskwela kahit hindi ko naman sila tinatawagan talaga, masabi lang na meron akong number ni ganito, ni ganyan. At dahil nga kulay itim ito, nagkaroon ako ng dahilan para gamitin dito ang kulay silver kong panulat. Elementary din ako nang makagamit ako ng isang naiibang klase ng Magic Pencil. Ang naturang lapis na ito ay hindi lang kulay gray ang sulat (tulad ng pangkaraniwang lapis na kulay gray ang lead). Merong kulay pink, yellow, green at blue — sa isang sulatan lang! Nagkaroon din ako ng ballpen na may kasamang isang maliit na papel na naglalaman ng multiplication table sa loob, pwedeng pwede sa pangongodigo basta’t huwag ka lang papahuli nang buhay sa nanlilisik na mata ng butihing guro. At nagkaroon din ako ngMulticolored Ballpen na alam kong katulad ko ay meron ding nakagamit sa inyo ng ganitong ballpen.

Grade four ako noon nang una kong madiskubre ang Multicolored Ballpenmula sa kaklase kong mayaman pero hambog at pandak (ang sama kong maglarawan). Isa itong uri ng ballpen na merong iba’t ibang kulay sa iisang katawan, hindi tulad ng pangkaraniwang ballpen na iisa lamang ang kulay. Karaniwang kulay ng ballpen na ito ang black, red, blue, pink, green, orange, yellow, at violet. Subalit hindi lang sa makulay na tinta nakilala ang ballpen na ito dahil meron ding taglay na halimuyak ang tinta nito. Pakiramdam mo ay merong mahika sa bawat pagkumpas ng iyong kamay sa pagdausdos ng ballpen na ito sa papel, at ang tinta nito ay merong built-in na perfume dahil sa sobrang nakakaadik ng amoy.

Dahil dito, nagpabili ako kay inay ng ganitong klaseng ballpen at hindi naman n’ya ako binigo. Sa sobrang tuwa ko sa Multicolored Ballpen ay lagi ko itong ginamit sa lahat ng lecture namin sa klase noong elementary. Isipin mo na lang sa subject na Mathematics. Makikita ang unang pahina ng kuwaderno ko na naglalaman ng lecture tungkol sa “Four Basic Operations” o MDAS(multiplication, division, addition, subtraction) na ginamitan ko ng kulay berdeng panulat. Sa susunod na pahina naman ay makikita ang lecture tungkol sa “Place Value” na ginamitan ko ng kulay pink na panulat. Ang sumunod naman ay isang lecture tungkol sa pagkuha ng percentage gamit ang kulay violet na panulat. Maski ‘yung kulay dilaw ay ginamit ko sa lecture kaya siguro lumabo ang mata ko noon. Isang kulay lang ang hindi ko ginamit, ang kulay pula dahil ang pula ay pag-ibig. ‘De, biro lang. Ang pulang tinta ay alam naman nating nakalaan para sa pang-check ng butihing guro.

Tumigil lang ako sa kalokohan kong ito nang sitahin ako ng aming guro na isa sa itinuturing kong pinakamabagsik at kinatatakutang guro sa balat ng elementarya. Pinagalitan n’ya ako nang minsang makita n’ya ang lecture ko sa English (na kilala bilang “Language” na subject noong elementary) na ginamitan ng Multicolored Ballpen. Mangiyak-ngiyak ako nang pandilatan n’ya ako ng kanyang mabibilog at nanlilisik na mga mata kaya’t para sa ika-uunlad ng aking buhay estudyante at para na rin sa kapakanan ng kanyang mataas at matayog na high blood ay ginawa ko na kung ano ang tama, ang pagsusulat gamit ang isang kulay lamang ng ballpen, ang kulay itim.

Subalit hindi lamang sa pag-aaral ko naging kaagapay ang Multicolored Ballpen kundi pati na rin sa libangan. Ito ang ginagamit naming panulat sa paglalaro ng SOS. Mas maganda kasing tingnan kapag mapupuno n’yo na ang graphing paper o grid at iba-iba ang kulay ng mga titik S-O-S na iyong makikita dito. Ito rin ang ginagamit namin sa paglalaro ng Giyerahan sa Papel. Tatanggalin lang namin ito isa-isa dahil mahirap gamitin ang matabang ballpen sa ganitong klase ng laro. Pati sa larong Pakita Mo Mukha Mo ay gumagamit din kami ng Multicolored Ballpen. Asul sa mata, pula sa ilong, berde sa bibig, dilaw sa buhok, itim sa mukha, pink sa tenga. Para cute, colorful at magmukhang alien talaga ang drawing namin.

Kung nahihirapan kang gamitin ang ganitong klaseng ballpen dahil sa sobrang taba, meron pa ring nabibiling Multicolored Ballpen na apat ang kulay (green, red, blue, black), mataba pa rin ng kaunti pero hindi tulad ng maramihang kulay ng Multicolored Ballpen.

Kahit masakit sa kamay gumamit ng Multicolored Ballpen, nakakalibang pa rin itong ipansulat at nakaka-high pa ring langhapin ng tinta nito sa papel. Ito ay sumasalamin sa makulay na buhay ng isang batang mag-aaral na kahit gaano man kaganda o kapanget ang penmanship ng kanyang buhay na pinagdadaanan, importante pa rin na mag-iwan ng simpleng ngiti na magpapawi sa lahat ng mga problema at magkakaroon ng ibang klaseng halimuyak sa kanyang kamusmusan. Sabi nga sa isang kanta ng South Border,“There’s a rainbow always after the rain.” (Hindi ko maintindihan itong sinabi ko. Paki-connect na lang kung kaya n’yo. Biro lang.)

Samantala, hindi ako sigurado pero parang nakakita ako ng Multicolored Ballpen sa National Bookstore noong nakaraang Sabado. Ang sarap bilhin! Nakaka-miss kasing gamitin ito bilang panulat, lalo na ‘yung kulay pink at dilaw.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...