Isa sa mga gawain bago magsimula ang klase sa elementary o high school ay ang pagtatalaga ng class officers o ‘yung mga opisyal ng section sa klase na kinabibilangan mo. Sila ‘yung mga katuwang ng butihing guro sa pagdidisiplina sa klase. (Minsan sila ‘yung mga mahilig sumipsip sa guro.)
Sa pagsisimula, magsasalita ang adviser sa harapan at babanggitin ang “The nomination for class <*position*> is now open.” Ito ang hudyat para magtaas ng kamay ang mga estudyante at pumili ng kanilang mga ino-nominate at iboboto. Karaniwan namang dialogue ng magno-nominate ang “I respectfully nominate <*name*> for class <*position*>”. Para magkaroon ng bisa ang nominasyon mo, kailangang may isang estudyante na sumang-ayon sa iyo sa pamamagitan ng pagsasabi ng “I second the motion”. (Minsan kapag walang sumang-ayon ay ‘yung nag-nominate mismo ang nagse-“second the motion”. Pero trip-trip lang ‘yun.)
Iba’t-iba ang pamantayan sa pagtatalaga o pagno-nominate ng class officers pero madalas ay hindi ito nasusunod. Madalas rin tayong pumipili base sa kanilang pisikal na anyo at performance o impact sa klase. Ang presidente at bise presidenteng nino-nominate ay ‘yung pinakamatalino at pangalawang pinakamatalino o kaya ‘yung pinakamagagaling manamit na kaklase imbis na ang piliin ay ‘yung may potensyal na maging leader. Ang treasurer na nino-nominate ay ‘yung pinaka-mayaman o ‘yung may kaya imbis na ang piliin ay ‘yung sanay mag-alaga ng pera at hindi malikot ang kamay, ganoon din sa pagpili ng auditor. Ang sarhento de armas o sargeant at arms na nino-nominate ay ‘yung pinaka-damulag o kaya pinaka-bobo sa klase. Ang PRO na nino-nominate ay ‘yung pinaka-makapal ang mukha at walang hiya pagdating sa kantahan, sayawan, o kung anu-ano pang talento. Ang secretary na nino-nominate ay ‘yung may pinaka-maganda ang penmanship sa klase dahil ito ‘yung madalas na uutusan ng guro kapag inatake siya ng katamaran magsulat ng mahabang lecture sa pisara. At syempre, hindi mawawala ang muse at escort na madalas ay kung hindi man ang pinakamaganda at pinakapogi sa klase ang pinipili ay ‘yung pinaka-panget o kaya naman eh ‘yung love team na madalas tampulan ng tukso sa klase.
Mabibilang lang sa daliri ang pagiging class officer ko noon. Sa katunayan, hindi na kailangang bilangin. Dalawang beses lang kasi akong naging class officer noon. First time kong naging class officer noong grade six at itinalaga nila ako bilang PRO. Hindi ko alam kung bakit ako ninominate bilang PRO nung best friend ko. Hindi naman makapal ang mukha ko at taliwas ako sa pagiging talentado sa klase. Palagay ko ay napag-tripan lang ako noon ng mga kabarkada ko. Okey lang kasi wala naman akong ginampanang mabigat na tungkulin sa klase kundi ‘yung paglilista lang ng maingay o “noisy” na madalas ay sargeant at arms o secretary ang dapat gumagawa. Mas mabigat pa nga ‘yung ginampanan ng muse at escort nun kasi sila ang ginawang pambato ng section namin sa beauty pageant sa school (Mr. & Ms. United Nations ata ‘yun. Nakalimutan ko na.)
Naging sargeant at arms din ako noong high school. Hindi ko lang matandaan kung anong year ‘yun. Hindi naman ako ang pinaka-bobo at lalung lalong hindi ako damulag sa klase noon. Sa katunayan, hindi ako matangkad at payat ako nung high school. Muli ay naging biktima ako ng mga kabarkada ko. Pero tulad ng dati ay wala akong mabigat na ginampanan sa klase kaya tuloy pa rin ang buhay ko bilang isang estudyante.
Naisip ko lang, isa ang botohang ito sa mga kakaibang eleksyon dahil ito lang ang botohang walang pangangampanya. Pwede rin kaya nating gawin ito sa bansa natin? Mukhang mahirap. Pero kung iisipin mo, hassle free. Hindi kasi maririndi ang tenga natin sa mga nakaka-LSS na campaign jingles at hindi nakaka-umay manood ng commercials sa TV kapag ganoon. (Okay. Kinausap ko ang sarili ko.)
No comments:
Post a Comment