Pamilyar ka ba sa mga left, right, up, down, A, B, turbo A, turbo B, select at start button? Eh sa mga larong Donkey Kong, Pac Man, Super Mario, Space Invaders at sa game cartridges na sinlaki ng cassette tapes at hinihipan bago isaksak upang gumana? Kung hindi ka pamilyar sa mga nabanggit, malamang hindi mo pa naranasang gumamit ng Family Computer noong kabataan mo at mas lumaki ka sa mundo ng Game Boy, PlayStation, at online games. Pero kung alam mo ang mga ito, appear tayo dahil malamang katulad mo rin akong adik sa paglalaro ng console na ito na may pixelated images at characters.
Inilunsad ng Nintendo Entertainment System (NES) ang Family Computer oFamiCom noong taong 1983 sa iba’t ibang panig ng mundo katulad ng North America, Europe, Australia, at dito sa Asya. Sa bansang South Korea, tinawag itong Hyundai Comboy. Ginawan din ito ng iba’t ibang version o clone sa ilang bansa tulad ng Dendy sa Russia, Little Master at Wiz Kid sa India, at Pegasus sa Poland. (Ang galing ko ‘no? Nabasa ko lang sa Wikipedia ang mga ‘yan.) Dalawa lang ang controller o joystick ng FamiCom, hindi gaya ng consoles ngayon tulad ng PlayStation na may ikinakabit na multitap para makapaglaro ang tatlo hanggang sa walong manlalaro nang sabay-sabay. At lugi pa kung sino ‘yung magiging “Player 2” dahil ang joystick n’ya ay walang select, start, turbo A at turbo B buttons, ‘di gaya ng joystick ng “Player 1”.
Noong bata pa ako, wala akong ibang kakilalang merong Family Computer maliban doon sa favorite auntie ko. Kaya naman araw-araw kapag bakasyon ay lagi akong nasa bahay nila at nakikipaglaro ng Family Computer sa kanya. (Hindi pa kasi marunong maglaro ng FamiCom ‘yung anak n’ya noon na pinsan ko dahil sanggol pa lang.) Problema nga lang ‘yung ginagamit nilang 14-inch TV kapag naglalaro. Hindi kilala ang brand nito at may kalumaan na kaya naman kailangan mo munang orasyunan bago magamit. Sa paggamit ng TV na ito, importanteng huwag kang gagalaw para mabuksan ang power hanggang sa makapaglaro ka nang maayos. Once kasi na natagtag ang TV ay mamamatay ito at tapos na ang maliligayang araw mo sa paglalaro. Naaalala ko noon, ipinagdarasal ko pa na sana ay maging maayos ang pagbukas ng TV para makapaglaro na ako ng Super Mario. Minsan nga ay nagkaroon ng aksidente dahil nahulog ang pinsan ko sa kuna habang naglalaro ako ng FamiCom. Sa akin inihabilin ni auntie at hindi ko natupad ito dahil busy ako sa paglalaro. Mabuti na lamang at hindi nagalit sa akin si auntie.
Napag-uusapan na rin lang ang Super Mario, tama at dito ko rin nakilala ang Super Mario, ang larong mula noon hanggang ngayon ay kinahuhumalingan ko pa rin. Bagamat nag-iisa lang ang game cartridge o ‘yung bala ng FamiCom ni auntie (82-in-1 ‘yun, naaalala ko pa ang cartridge na ‘yun at kulay asul s’ya), marami pa rin itong laro. Pero sa totoo lang, mas nauubos ko ang oras ko sa paglalaro ng Super Mario. Iniisip ko rin kung paanong ginagawa ni auntie na makapaglaro agad sa level 8 nito, at huli na nung malaman kong pwede palang mag-level select doon. Laking tuwa ko naman nang masubukan kong maglaro sa ibang level. “Gabi na kina Super Mario!,” Sabi ko kapag madilim ‘yung level na nilalaro ko. Bwisit na bwisit naman ako kapag nasa level 8 ako dahil merong kalaban doon si Super Mario na mukhang uwang na parang helmet at hindi namamatay kapag tinatalunan. Masasabi kong si auntie ang naging guide ko sa paglalaro ng Mario kaya’t sa tulong n’ya ay natapos ko rin ito nang makailang beses. (At malaking achievement ang makatapos noon ng isang buong laro!)
Kung tutuusin, sa sobrang dalas kong maglaro ng 82-in-1 na ‘yun sa FamiCom ay kabisado ko pa rin hanggang ngayon kung alin ang games na madalas kong nilalaro noon. Nariyan na ‘yung shooting games na tulad ng Battle City,Gradius, Galaga, Space Invaders, B-Wings, Pooyan at Balloon Fight; Mga adventures na tulad ng Super Mario, Islanders, Popeye, Pac Man, Pipeline,Mappy, Bomber Man, Circus Charlie, Donkey Kong, Ice Climber at Nuts And Mlik; Mga sports-related games na tulad ng Road Fighter, F1 Race, Spartan X, Kung-Fu, Tennis, Boxing, Excite Bite, Lunar Ball at Pinball (teka, sa sugal ata kabilang ang isang ito!); At mga larong bagamat hindi ko maintindihan kung paano ay pilit ko pa ring nilalaro sa sobrang pagka-adik ko sa FamiCom na tulad ng Tetris, City Connection, Lode Runner, at ang walang kakupas-kupas naHogan’s Alley (Isang shooting game na hanggang sa lumaki ako ay hindi ko pa rin ma-gets kung paano nilalaro at hindi pa rin makapag-putok ng baril ‘yung ginagamit kong character. Bwisit na bwisit ako dito!). Sa sobrang paglalaro ko nito, ako pa mismo ang nakasira ng nag-iisang cartridge na ito ni auntie.
Nang magkaroon ng malay ang kapatid ko ay ibinili kami ng tatay ko ng sariling Family Computer. Tuwang-tuwa kami noon, lalo na ako! Pinilit kong ipahanap ang 82-in-1 na nakaugalian kong laruin subalit wala kaming nahanap. Patingi-tingi tuloy na games ang aming nabili, isang cartridge bawat laro gaya ng Pipeline, Pooyan, Tetris, Bomber Man, Donkey Kong at Nuts and Mlik. Walang Super Mario! ‘Yun pa naman ang inaabangan ko, pero nabigo kaming makahanap. Wala na ring kwenta noong magkaroon kami ng sariling FamiCom kaya’t mabilis din akong nagsawa dito.
Marami na ring umusbong na game consoles sa mundo at sadya ngang nalipasan na ng panahon ang Family Computer. Subalit hindi maipagkakailang ang joystick, game cartridges, at pixelated characters ng Family Computer ay minsan kong naging kasa-kasama tuwing bakasyon, wala mang Super Mario at topakin man ang telebisyong gamit ko.